1: The Letter

 

 

I know my knight is courageous and powerful.

He protects me no matter how hard it is, and he always prevails.

But something horrible has happened to him...

How did this happen?

 

-The Princess

 

Mga tahimik lang ang mga tao sa loob ng palasyo at tanging ulan lang ang naririnig na ingay sa kanilang lugar ngayon. Gustong-gusto nang bisitahin ng isang babaeng servant si Janella sa kwarto dahil kaninang-kanina pa siya nagkulong dito matapos niyang malaman ang masamang balita.

Hindi na siya nakatiis at pinuntahan na niya ang kwarto nito. Kumatok siya sa pinto. “Your Highness, a-ayos lang po ba kayo?” pag-aalalang tanong niya.

Hindi sumagot si Janella kaya muli siyang kumatok. “Your Highness?” napaisip siya na buksan na lang niya ang pinto. Inuwang niya ito ng kakaunti at sinilip niya ang loob.

Nakita niya ang prinsesa na nakaupo sa alpombra ng ilalim ng kanyang kama habang ang pagmumukha naman niya ay nakasubsob sa malambot niyang kama. Gusto niya itong lapitan dahil alam niya na siya ay umiiyak.

“My Lady…” malungkot ang kanyang pagkakatitig sa kanya. Tuluyan na niyang binuksan ang pinto at marahan siyang pumasok sa loob. Sinara niya ito ng tahimik at tumayo lang siya sa tapat ng pinto pagkatapos. Napapikit siya at napabuntong-hininga saglit. Dumilat na muli siya at marahan siyang lumapit sa prinsesang lumuluha. Lumuhod siya sa tabi nito at hinawakan ang kanyang balikat. Naramdaman niya ang bawat paghikbi nito.

“Tahan na po ‘yan…” hinimas niya ang likuran nito. Malungkot siyang napatingin sa ibaba. “Naiintindihan ko naman po ang iyong nararamdaman ngayon, Your Highness. Sobra nga kasing nakakalungkot... dahil nama--” hindi pa man siya tapos sa kanyang sasabihin nang bigla naman siyang sinigawan ni Janella.

“PWEDE BA?!!! HUWAG MO NA ‘YAN SABIHIN PA SA ‘KIN?!!! ALAM NAMAN NATING LAHAT DI BA?!!! MASAKIT NA NGA, INUULIT MO PA!!!” pasigaw na wika niya habang nakasubsob pa rin ang kanyang mukha sa kama at lalo tuloy siyang naiyak.

Napahinto tuloy ang servant sa paghimas ng kanyang likuran at narinig niya ang bawat malalakas na paghikbi ng prinsesa.

“Iwanan mo muna ako dito mag-isa kung sino ka man!” mataas na tonong sabi niya habang nakasubsob pa rin ang kanyang mukha sa kama.

Nasaktan ang servant sa sinabi ng prinsesa dahil naisip niya na wala naman pala siyang maitutulong sa kanya. “P-Pero… isa kitang kaibigan na dapat kong pasayahin.” napalunok siya at napayuko. Binaba na niya ang kanyang kamay na nakahawak sa likuran ni Janella.

Pagkatapos nitong magsalita ay nalaman ng prinsesa na kung sino ang kanyang kausap. “Huwag ka nang mag-alala sa ‘kin.” humihikbing wika niya. “Umalis ka na lang dito sa aking kwarto, Mitch… pwede ba?”

Lalo tuloy nakaramdam ng lungkot si Mitch. Malumanay siyang tumayo habang nakayuko.

May kumatok bigla sa pinto. “Your Highness, nandiyan po ba si Mitch?” mausisang tanong ng isang lalaking servant.

Hindi sumagot si Janella.

Tumalikod na si Mitch at tumungo na sa pintuan. Binuksan niya ito ng tahimik.

“Oh, Mitch!” ningitian niya ito kahit na napansin niya na malungkot ang kanyang pagmumukha. “Kumusta siya? Patulugin mo na siya.” bulong niya.

Lumabas na lang ng kwarto si Mitch. Nakayuko pa rin siya habang sinarado na niya ang pinto. Nilayasan niya ang binata.

“U-Uy!” mabilis siyang sumunod kay Mitch at tinabihan niya ito sa paglakad. “Hello Mitch! Masyado ka nang nag-aalala kay Princess Janella ah. Dahil pansin ko kanina, sobrang tahimik mong nagtatrabaho sa ikalawang palapag habang patingin-tingin ka sa hagdanan.” medyo nakangiti ito sa kanya habang ang kanyang mga braso ay nasa likuran pa ng kanyang ulo. Naglalakad lang silang dalawa sa ikatlong palapag ng koridor.

Napahinto si Mitch at masama niya itong tiningnan. “Siyempre naman Baron! Matagal na kaya ako sa palasyo na ‘to at bata pa lang kami ay magkakilala na kami! Matagal na rin kaming magkaibigan kaya marapat lang akong mag-alala sa kanya!” medyo mataas na tonong sabi niya.

Nagulat at nataranta si Baron sa malakas na boses ni Mitch. Pinuno kasi siya sa lahat ng mga servants at malalagot siya kapag may nagreklamo sa kaingayan nilang dalawa habang sila ay mga natutulog na. “Ssshhh!!! Huwag mo namang lakasan boses mo! Natutulog na ang karamihan dito sa palapag oh!” pabulong ngunit mataas na tonong sabi niya.

“Hmp!” humalukipkip at tinalikuran niya si Baron habang nakapikit.

Nanakot pa si Baron. “Sige ka! Kapag may nagreklamo dito! Ikaw ang sisisihin ko!”

“Eh’ di sabihin mo! Ako naman talaga di ba?!” pinandilatan niya pa ang katulong.

Nagulat siya. “A-Ayos lang ‘yun sa ‘yo? Lahat kasi ng mga kasalanan ninyo, sinasalo ko para ako lang ang mapapagalitan! Pinoprotekatahan ko kasi kayo!”

Hindi inintindi ni Mitch ang sinabi niya. “Hmp!” muli siyang naglakad. “Matalik kong kaibigan si Princess Janella! Tandaan mo ‘yan!” medyo napalakas na naman niya ang kanyang boses.

Bigla nilang narinig ang isang pinto mula sa kanilang likuran na bumukas.

Napalingon at napatingin si Baron sa pintong bumukas. Nakita niya ang isang anino na papalabas na sa pintuan. “Naku po!” kinagat niya ang kanyang mga daliri at nataranta.

“Hmp! Humanda ka na.” mahinang wika ni Mitch habang naglalakad.

“Dali!” madaling hinawakan ni Baron ang magkabilang balikat ni Mitch at tumakbo.

“U-Uy!!!” sigaw ni Mitch habang malakas siyang natutulak.

“Ssshhh!!! Huwag kang maingay~!” sa sobrang taranta ni Baron, pati ang kanyang sinasabi ay nalalagyan na niya ng tono.

“Ano ka ba Baron! Bitiwan mo na nga ako!” inis na wika ni Mitch. Halos magbuhol-buhol na ang kanyang mga binti. “ANO BA ‘YAN BARON!!!”

Narating na nila sa wakas ang hagdanan at nakahawak pa rin sa balikat ni Mitch itong si Baron habang tinutulak pa rin siya.

“Bitiwan mo na nga kasi ako!!! Mahuhulog ako sa hagdan!!!”

Binitiwan na niya si Mitch bago pa sila makababa ng hagdan. Mabilis na bumaba si Baron habang si Mitch naman ay nakatayo lang sa tapat ng hagdan.

Napahawak si Mitch sa kaliwa niyang balikat. “Tsk! Kainis ‘to!” sinusundan lang niya ng tingin si Baron na nagmamadaling bumaba.

Nasa ikalawang palapag na si Baron habang nasa tapat rin ng hagdan. Hinihingal pa siya habang sinesenyasan si Mitch na bumaba na.

“Hmp!” naiinis pa rin siya sa kanya at mabagal siyang bumaba.

“Ang bagal mo! Kapag ikaw nakita!” bulong ni Baron.

Hindi iniintindi ni Mitch si Baron basta mabagal lang siyang bumababa.

“Baron?” tawag ng isang lalaki sa ikatlong palapag. Narinig nila ang tunog ng sapatos sa bawat pag-apak niya.

“Uh-oh... Patay!” napasampal tuloy sa noo si Baron at lalo siyang kinabahan.

Ningisihan ni Mitch si Baron at sumenyas ng “lagot ka”.

Napalunok siya at inayos ang kanyang kasuotan. Tumayo siya ng tuwid at umakyat muli ng hagdan.

Nasa ikalawang palapag na si Mitch. Lumakad siya patungo sa sala at nakita niya ang sulat na nakalaglag sa alpombra. Kinuha niya ito at binasa. Muli siyang nalungkot.

Ilang minuto ang lumipas, bumaba na sa hagdan si Baron. Nagbalak pa siyang gulatin si Mitch hangga’t nakatalikod pa ito sa kanya. Pumunta siya ng tahimik sa kanyang likuran. “Yup! Ang sulat galing sa ama ni Ginoong Jasper!” pumeywang pa siya.

“E-Eh?!” nagulat si Mitch. Mabilis siyang lumingon at tiningnan si Baron. “Nakakagulat ka naman! Bakit ang bilis mo?!”

“Ssshhh! Boses natin! Tandaan, ingat-ingat tayo sa pagsasalita!” mahinang wika niya habang naka-silent pose pa.

“Hmp!” tiningnan muli ni Mitch ang sulat. Napabuntong-hininga siya at napailing. “Ginoong Jasper…”

“Kaibigan mo rin ba si Ginoong Jasper?” tanong ni Baron.

“Oo.” mahinang wika niya habang nakatingin pa rin sa sulat.

Tumango si Baron habang nakatingin din sa sulat. Hinimas niya ang kanyang baba.

“Hindi ka ba nalulungkot Baron?” binaba ni Mitch ang sulat at humarap sa kanya.

“Hm? Anong ibig mong sabihin? Siyempre, nalulungkot din ako ‘no?” ngumuso siya habang nakatingin sa kanya. “Ang bait-bait pa naman ng lalaking ‘yun.”

Malungkot na tumingin sa ibaba si Mitch. “Nawala na siya.” bigla niyang naramdaman na naiiyak na rin siya.

“Mhm.” tumango muli si Baron habang nakanguso. Napatingin siya sa malayo habang hinihimas pa rin ang kanyang baba. “Gwapo pa naman.”

Tumingin muli si Mitch sa kanya. Tinago na niya ang sulat sa kanyang bulsa.

Napatingin si Baron sa kanya. “Pero…” nagkibit siya ng balikat. “Mas gwapo pa rin ako di ba? Hahaha! Biro lang!” at nag-peace pose siya bigla at sabay ngiti.

Biglang sumimangot si Mitch dahil seryoso ang kanilang pinag-uusapan. “Huwag ka ngang magbiro ng ganyan! Hindi ako natutuwa sa ‘yo!” piningot niya si Baron sa tenga at naglakad.

“A-Aray ko naman!” sigaw ni Baron. “Ginawa ko lang naman ‘yun para matawa ka naman kahit kakaunti!”

“Ssshhh!!!! Ngayon! Ikaw naman ang maingay!” huminto si Mitch sa paglakad at masama niyang tiningnan si Baron.

“A-Aray! M-Masakit kaya!” pabulong ngunit mataas na tonong sabi ni Baron sa kanya. Hahawakan na niya sana ang kamay ni Mitch sa kanyang tenga para tanggalin.

Ngunit pinandilatan siya ni Mitch. “Sige! Subukan mong hawakan ang aking kamay!”

Muling ngumuso si Baron. “Maawa ka naman sa ‘kin Mitch... ang sakit na kaya!”

“HHMMM!!!!” lalo niyang piningot ang kanyang tenga at pinagpatuloy muli ang paglakad.

“ARAY KO!!!!”

“Ssshhh!!!!! Ang ingay mo!”

“Kasi naman! Ang sakit-sakit na!”

Hindi na lang pinansin ni Mitch si Baron. Bumaba muli sila ng hagdan.

Nasa ika-unang palapag na sila. Sa palapag na ito, dito kadalasang ginaganap ang mga partido. Kaya maluwang ang espasyo para sa mga upuan at sa mga lamesa. Dito rin ginaganap ang sayawan at kainan. Ngunit nandito rin sa palapag ang iisang kwarto ng mga servants.

Pumasok na sila Mitch sa loob ng kanilang kwarto. Mga nakapatay na ang mga kandila sa tabi ng kanilang mga kama. Napansin din nila na tulog na pala ang lahat.

“A-Ahh...” namamanhid na ang tenga ni Baron sa sobrang sakit.

“Sshh! Nandito na tayo! Tulog na silang lahat!” bulong ni Mitch habang naka-silent pose.

“Bitiwan mo na kaya tenga ko! Maawa ka na sa ‘kin! Pakiusap!” halos maiyak-iyak na siya sa sobrang sakit.

“O sige na!” napilitan si Mitch na pakawalan na ang tenga nito.

Hinawakan kaagad ni Baron ang kanyang tenga at muli siyang ngumuso. “Tenga ko… baka paggising ko, nasa lapag ka na duguan... Stay with me.”

Napatingin si Mitch sa kanya at nandiri. “Anong pinagsasabi mo diyan?! Tumigil ka nga! Ang dami mong alam! Good night! Matulog ka na!” pabulong ngunit mataas na tonong sabi ni Mitch sa kanya.

Nananatili lang na nakanguso si Baron habang hawak-hawak pa rin niya ang kanyang tenga. Malungkot siyang tumingin kay Mitch. “Ikaw rin… Good night rin sa ‘yo.” mabagal siyang pumunta sa kanyang kama. Umupo muna siya habang inaayos ng isa niyang kamay ang unan. Hanggang sa kanyang paghiga ay nananatili pa rin siyang nakahawak sa kanyang tenga.

Masama lang na nakatingin si Mitch sa kanya ngunit bigla na lang siyang naawa sa kanya. “Ang kulit-kulit mo kasi e! Nakakainis!” wika niya mula sa kanyang isip. Tumalikod na siya’t naglakad na para puntahan naman ang kanyang kama na nakapwesto sa pinakadulo ng kwarto. Inayos rin niya ang kanyang unan bago humiga.

Habang si Janella naman sa kwarto, nakapatay lang ang mga ilaw sa loob. Ang kurtina ng bintana ay mga nakabukas para makapasok sa loob ang liwanag ng buwan. Nakahiga na rin siya sa kanyang kama habang nakatulala sa kisame.

“Jas...per...” malungkot niyang wika at muling tumulo ang isa pa niyang luha sa kanyang pisngi. “Bakit ikaw pa?” tinakpan niya ang kanyang bibig at napailing habang sumunod-sunod na ang kanyang pagluha. “Nasira ang espesyal na araw ko na ‘to simula nung marinig ko ang masamang balita sa ‘yo…” humihikbi-hikbi na siya. “Miss na miss na kaya kita… dahil ilang araw na tayong hindi nagkikita. Nandito lang ako inaantay ang pagdating mo hanggang sa sumapit na nga ang aking kaarawan… tapos…” napapikit siya at napabuntong hininga.

“Patay ka na pala…” mahinang wika naman ni Mitch sa kama niya habang nakapatong ang kanyang kanang kamay sa dibdib kasama ang sulat. “Alam kong ginawa mo ‘to para…”

“Ipagtanggol ako…” wika muli ni Janella. Inalis niya ang kamay niyang nakatakip sa kanyang bibig at pinilit niyang tumigil sa pag-iyak. “Pero bakit hindi mo pinaalam sa amin ang lahat ng plano mo lalo na sa ‘kin? Bakit hindi mo sinabi sa ‘kin na makikipaglaban ka na pala sa ibang mundo?!” hinigpitan niya ang kanyang pagkakahawak sa kumot. “Pero hindi ko maintindihan kung bakit mo ginagawa ‘to. A-Ano bang meron? Gulong-gulo na ako! Hindi ko pa rin maintindihan ang lahat dahil limitado lang ang sinabi ng ama mo sa sulat! Ang alam ko lang ay nakipaglaban ka sa ibang mundo para ipagtanggol ako, pero bakit?” hindi muna siya nagsalita at huminga muna siya ng malalim para pawiin ang kalungkutan kahit kakaunti. “P-Pero... naniniwala pa rin ako na buhay ka pa rin. Nandiyan ka pa rin di ba? Nasa ibang mundo ka lang, baka… naligaw ka lang.”

“Ginoong Jasper…” mahinang wika naman ni Mitch habang nakatagilid at nakatingin sa nakabukas niyang kandila. Tumihaya muli siya’t tumingin sa kisame at pinatong ang kanang braso sa noo niya. Napabuntong hininga siya. “Kahit na ganu’n... hinding-hindi ka namin malilimutan. Palagi ka naming maaalala sa lahat ng oras at panahon.” napangiti siya at dahan-dahan na siyang pumikit.

“Nandito ka lang sa puso’t isip ko… Hinding-hindi ko rin malilimutan ang mga panahon na nasa tabi kita. Kung paano mo ako pinaligaya.” tumulo pa ang isang luha ni Janella. Napangiti rin siya ng kakaunti at napapikit na rin pagkatapos.

Kinabukasan ng umaga.

“Princess Janella.” tawag ni Baron habang siya ay nakaupo sa tabi ng kama nito.

Nagising ang prinsesa at dahan-dahan siyang dumilat. “B-Baron?” kinusot niya ang kanyang mga mata at umupo.

“Yes! This is Baron, looking at your beautiful face!” masayang wika niya habang tinataas-taas pa niya ang magkabila niyang kilay. Punong-puno pa ng mga imaginary roses ang kanyang likuran habang ito ay mga kumikinang pa at sobrang nakakaakit.

“Ahm, ahehehe!” natawa na lang siya ng kakaunti. “N-Nasaan si Mitch?”

“Oh.” nawala paisa-isa ang mga rosas na parang isang bula sa kanyang likuran at muli itong bumalik sa normal. “Ahm, natakot po yata siya sa ‘yo nung sigawan at palayasin mo daw siya sa kwarto kagabi.” wika niya habang nakatingin sa dalawang dulo ng kanyang hintuturo na pinagbabangga niya.

“Ah.” hinawakan ni Janella ang kanyang noo at pumikit. “Pasensya na… alam n’yo naman di ba na sobra ‘kong lungkot kagabi? Kahit pati naman ngayon.”

Napayuko si Baron. “Opo, kaya naiintindihan ka naman po siguro ni Mitch, Your Highness.”

“Sana nga.” dumilat na siya at inalis ang kamay niya sa kanyang noo.

Tumingin muli si Baron sa prinsesa. “Siya nga po pala, kumain na po kayo.” masayang wika niya.

Tumingin din sa kanya si Janella. “Ah, oo… sige bababa na ako.”

“O sige po.” tumayo siya at inabot ang kanan niyang kamay sa prinsesa para alalayang patayuin.

Napangiti siya. “Ayos na ako Baron… salamat na lang.”

“Ah, o sige po.” napangiti din siya. Binaba na niya ang kanyang kamay at yumuko para magbigay galang. “Lalabas na po ako.” pumunta na siya sa pintuan at lumabas.

Nakatingin lang si Janella sa kanya. Nakalabas na siya at tahimik niyang sinara ang pinto pagkatapos.

Tumingin na siya sa bintana at nakita ang malakas na sinag ng araw na pumapasok sa kanyang kwarto. “Jasper, sana ayos ka lang ngayon. Hindi naman ako naniniwala na patay ka na… Naniniwala ako na nasa malayong lugar ka lang. Basta mag-ingat ka lang palagi.” wika niya mula sa kanyang isip. Tinutop niya ang kanyang dibdib at pumikit. “Hahanapin rin kita kung maaari.”

“Your Highness?” inuwang ni Mitch ang pinto para silipin si Janella sa loob.

Dumilat siya at marahan siyang tumingin kay Mitch. Kinabahan siya at hindi niya alam kung paano siya hihingi ng paumanhin sa kanya. “M-Mitch, patawarin mo ako. Alam kong hindi na tama o maayos ang mga pinagsasabi ko sa ‘yo kagabi. Parang… nawala na lang ako sa sarili nang malaman ko ang balita. Kaya pasensya na talaga…” malungkot niyang wika.

Ngumiti siya ng kakaunti. Binuksan na niya ang pinto at pumasok sa loob para lapitan si Janella.

Malungkot lang na nakatingin si Janella sa kanya. “Pasensya na talaga Mitch.”

Umupo si Mitch sa kama nito at sabay yakap sa kanya. “Naiintindihan ko at kahit na anong mangyari, hinding-hindi masisira ang pagkakaibigan natin.”

Nanlaki ang mga mata ni Janella nang siya ay biglang yakapin. “Maraming salamat... pinagsisihan ko na lahat-lahat ng mga sinabi ko sa ‘yo.” niyakap rin niya ito.

Ngumiti muli siya at bumitaw na siya sa prinsesa. “Your Highness, pinatatawag ka nga po pala ng iyong nanay sa Dining Hall.” nakangiting wika niya. “Kumain na po kayo.” at tumayo.

“O sige.” tumango ang prinsesa at ngumiti rin sa kanya kahit kakaunti. “Salamat ulit sa ‘yo, dahil pinatawad mo ako kaagad.”

“Wala pong anuman.” inabot niya ang kanang kamay niya para sa tatayong prinsesa.

Ngumiti muli si Janella at hinawakan niya ang kamay nito.

Lumabas na silang pareho sa kwarto habang papunta na sila ng ikalawang palapag. Mga nasa sala lang ang mga servants at ang iilang bisita. Mga nag-aabang sila sa hagdanan dahil inaantay nilang bumaba si Janella. Nagsibulungan silang lahat nang makita na nila ang prinsesa na bumababa na.

Sabay-sabay na tumayo ang mga bisita.

“Si Princess Janella…” wika ng isang dalaga.

“Yumuko tayong lahat.” wika naman ng isa. Yumuko silang lahat para magbigay galang.

“Mga nag-aalala silang lahat sa ‘yo. Dahil sinabi ng nanay mo sa kanila ang lahat ng nangyari sa ‘yo kahapon.” bulong ni Mitch habang hawak-hawak niya ang kamay ni Janella na inaalalayan niyang bumaba.

Nakahawak lang sa palda si Janella habang nakatingin sa hagdan. “G-Ganu’n ba?”

“Hindi siya naging masaya kahapon, kawawa naman. Kaarawan pa naman niya kahapon.” bulong ng isang bisita sa kanyang kausap habang sila ay mga nakayuko.

Pagkatapos bumaba ni Janella, tumungo kaagad sila ni Mitch sa Dining Hall. Nadaanan niya ang mga servants at ang mga bisita. Tumingin paisa-isa sa kanya ang lahat at ngumiti. Napangiti din siya kahit kakaunti. Kumatok si Mitch sa pinto ng Dining Hall at binuksan ito ng isang servant na lalaki mula sa loob.

“Your Highness, magandang umaga po!” nakangiting bati ng binata.

Napangiti ng kakaunti si Janella habang siya ay nakatingin sa kanya. “Salamat Clayden.” pumasok na siya sa loob.

Inaalalayan lang siya ni Mitch. Tumungo na sila sa mahabang lamesa na punong-puno ng mga pagkain.

Tumayo at yumuko rin ang mga nakaupo para magbigay rin ng galang sa kanya. Inurong ni Mitch ang upuan para sa prinsesang uupo.

“Salamat Mitch.” umupo na si Janella. Tiningnan niya saglit ang kanyang nanay sa kabilang dulo ng lamesa.

Umupo na rin ang mga bisitang kumakain sa lamesa. Nakatayo lang sa gilid ang mga servants.

“Princess Janella.” mahinang tawag ng kabalyero ng kanyang ina mula sa kanang bahagi niya.

Napatingin si Janella sa kanya.

Ngumiti lang ito sa kanya.

“Kumain na tayong lahat.” seryosong wika ng nanay ni Janella at nagsimula na silang kumain.

Nakatingin lang si Janella sa pagkain niya. Hindi niya kaagad kinuha ang kutsara at tinidor.

“Janella?” nagtaka ang kanyang inang nakatingin sa kanya.

Madaling tumingin si Janella sa kanya. “P-Po?”

“Anong problema?”

“W-Wala po.” umiling lang siya at muli siyang tumingin sa pagkain. Kinuha na niya ang kutsara at tinidor at nagsimula na siyang kumain.

Pagkatapos ng ilang minuto…

Tapos nang kumain ang iba habang si Janella naman ay pinapapak na lang ang natira niyang ulam sa kanyang plato.

“Janella.” seryoso lang na nakatingin ang kanyang nanay sa kanya.

“Po?” hinihiwa lang niya ang karne.

“May pag-uusapan tayo.”

Napatigil si Janella sa paghiwa ng karne. Marahan niyang binaba sa lamesa ang panghiwa pagkatapos. Napabuntong-hininga siya at napatingin sa kanya. “Ano po ‘yun, ina?”

“Pumunta dito kanina ang ama ni Jasper habang tulog ka. Sinabi niya sa amin ang lahat. May pinakilala rin siya sa amin na pwedeng maglingkod sa ‘yo bilang isang kabalyero. Siya ay si Lucius Alexandre at siya ang pinakamagaling na piloto niya.”

Taas noong tumayo si Lucius at ningitian niya si Janella.

Tumingin si Janella sa kanya. Nagkatinginan ang dalawa.

“Si Lucius ay dalawampung taong gulang. Mas matanda siya kumpara kay Jasper.”

Kumunot ang noo ni Janella nang marinig niya na kinukumpara ng kanyang nanay si Jasper kay Lucius. Nakaramdam siya ng pagkainis habang nananatili pa ring nakatingin sa binata.

“May alam siya tungkol sa planetang Bhingelheim. Ang pla-” naputol ang kanyang sasabihin nang biglang sumagot si Janella.

“Bhingelheim? Anong planeta ‘yun?” mausisang tanong niya. “M-May problema ba tayo do’n?”

Nagtinginan sa isa’t-isa ang mga servants.

Bumuntong-hininga ang kanyang nanay. “Hindi pa ako tapos Janella. Makinig ka muna sa ‘kin.”

Bumuntong-hininga na lang siya at yumuko.

“Napakamisteryoso ng planetang Bhingelheim sapagkat wala pang sinuman ang nakakakita’t nakakapunta do’n, Janella.” napatingin siya kay Lucius. “Pero salamat kay Lucius Alexandre, dahil siya pa lang ang katangi-tanging nakapunta na at may alam sa mundong ‘yun.”

Proud na proud si Lucius sa kanyang sarili habang pinagmamasdan niya ang mga nakikinig.

“Ayon sa kanya, masyadong delikado ang planetang ‘yun para sa ating mga tao dahil mga misteryoso ang nakatira do’n. Ang mga nakatira sa planetang ‘yun ay ang mga La luna Spirits at Dia Spirits---” natigilan siya bigla sa pagsasalita nang maalala niya si Jasper. Bigla siyang nagalit. “Mga walang puso ang mga La luna! Namatay si Jasper dahil sa napakawalang puso nila! Sila ang pumatay sa ‘yong kabalyero!”

Nanlaki ang mga mata ni Janella sa sobrang pagkagulat. Napatingin siya sa kanyang nanay. “A-Ano?” biglang lumungkot ang kanyang pagmumukha.

“Yes, Your Highness. Ang mga La luna ang pumatay kay Jasper. Dahil sila ang may gustong sumakop sa mundo natin.” wika ni Lucius.

“Ha?!” napatingin ang prinsesa kay Lucius. Tinakpan niya ang kanyang bibig dahil hindi siya makapaniwala sa kanyang narinig. “A-Ano?! S-Sakupin nila ang mundo natin?!”

“Oo, gusto nila tayong sakupin at ikaw ang kanilang hinahanap. Pero huwag kang mag-alala Princess Janella, I’m now here for you. Handang-handa ako sa lahat. Mas mahigit ang aking kakayanan kaysa kay Jasper. Ako ‘yung taong malakas at handang-handang harapin ang anumang problemang dumating sa atin. Wala kang mababalitaan sa ‘kin na kahit anong masama. Ito pa, hindi ko na kailangan ng iba pang kasama para makipaglaban sa planetang Bhingelheim. Kahit ako lang mag-isa! Kayang-kaya ko naman silang lahat.” ngumisi siya.

Humanga ang lahat sa kanyang sinabi.

Hindi namangha si Janella. Tumayo siya at dinabog ang dalawa niyang kamay sa lamesa. “BAKIT?! SA TINGIN MO BA MAY KASAMA SI JASPER NUNG PUMUNTA SIYA SA PLANETANG ‘YUN?! DI BA WALA?! WALA AKONG PAKIALAM KUNG SINO KA LUCIUS!!! SINO KA BA PARA IKUMPARA ANG SARILI MO SA KANYA?!!!!” bigla siyang naluha at mabilis niya itong pinahid. “KAYA KO NA NG AKO LANG ‘TO!!!! AKO LANG!!!! HINDI KO NA KAILANGAN PA NG KABALYERO KAYA HINDI NA KITA KAILANGAN PA!!!!!”

“Ang isang prinsesa ay hindi ganyan kung magsalita, Janella!” medyo nainis ang kanyang nanay nang makita niya na sinigawan ng kanyang anak si Lucius. Tinitimpi lang niya ang kanyang inis dahil nakakahiya sa mga bisita kapag pinagalitan pa niya ito ng harap-harapan.

Tahimik lang ang mga nasa loob. Medyo nainis rin si Lucius sa sinabi ni Janella sa kanya. Seryoso lang siyang nakatingin sa prinsesa habang siya ay nananatili pa ring nakatayo.

“Bakit ginaganito n’yo na lang si Jasper?” pinupunasan pa rin ni Janella ang kanyang mga luha. “Dahil ba sinasabi n’yong patay na siya ganu’n ba?!” dinabog muli ng magkabila niyang kamay ang lamesa. “PARANG SINASABI MO NA MAHINA SIYA!!! WALA KANG RESPETO!!!”

“Ano ba Janella! Kailangan mo na ng panibagong kabalyero! Nanganga--”

“EWAN!!!” tinakpan niya ang magkabila niyang tenga. “Ewan! Ewan! EWAN! Ayoko na!” tumakbo siya at tumungo sa pintuan.

“Janella!” napatayo na ang kanyang nanay habang sinusundan lang niya ito ng tingin. “Oh, dear...” napapikit siya at biglang napaupo. Napahawak siya sa kanyang noo at mukhang hihimatayin pa sa ginawa ng kanyang anak.

“Queen Adelaide!” madaling lumapit ang mga katulong sa kanya.

Tumayo ang kabalyero ni Adelaide at mabilis na sinundan ang prinsesa.

Humarang si Clayden sa pintuan para harangan si Janella. “Your Highness!”

“Umalis ka diyan!!!” malakas niya itong tinulak.

“Ah!” natulak si Clayden at natumba siya sahig.

Madaling binuksan ni Janella ang pinto at lumabas.

“Princess Janella!” tawag ng kabalyero habang siya ay tumatakbo. Pinilit niyang abutin ang damit ng prinsesa.

Umiiyak lang si Janella habang hawak-hawak ang kanyang palda. Mas binilisan pa niya ang kanyang pagtakbo.

Nagulat ang mga bisita sa sala nang makita nila si Janella na tumatakbo. Napatayo silang lahat habang tinitingnan ang dalawa. Nag-alala silang lahat. “Anong nangyari?!” nagsibulungan muli sila.

Tumungo ang prinsesa sa terasa. Sinubsob niya ang kanyang mukha sa railing at do’n siya umiyak ng umiyak.

Huminto ang kabalyero sa pintuan. Malungkot lang siyang nakatingin kay Janella. “Your Highness...” malumanay siyang lumapit sa kanya. “Kailangan mong tanggapin si Lucius sapagkat may alam siya sa planetang Bhingelheim. May balak silang patayin ka para makuha ang mundong ito. Ikaw ang gusto nila sapagkat ikaw ang susunod na mamumuno dito sa ating mundo balang araw.”

Malumanay na tumingin si Janella sa kanya. Tumigil siya sa pagluha ngunit pahikbi-hikbi siya. “B-Bakit? Ano bang meron sa mundo natin Alexius?! Ano bang gusto nila dito?!”

“Hindi ko rin alam.” mahinahong wika ni Alexius at hinawakan niya ang kaliwang balikat ng prinsesa.

“La luna Spirits…” pagalit na bulong ni Janella. “Kainis kayo… hinding-hindi ko kayo malilimutan… ibalik n’yo si Jasper sakiiin!!!!!”

Malungkot lang na nakatingin si Alexius sa kanya. Hinimas niya ang likuran nito. “Oo nga, kung maibabalik lang nila si Jasper…”

“Maibabalik nila si Jasper! Hindi pa siya patay Alexius!”

Natahimik siya.

“JAAASSSPPPEEERRR!!!!!!” bigla niyang tinakpan ang kanyang mukha at napaluhod. Umiyak muli siya.

Lumuhod din si Alexius sa kanyang harapan habang hinihimas ang likuran ni Janella. “Alam mo ba, isa pa palang sinabi ni Lucius na binubuo daw ng dalawang pulo ang planetang ‘yun?”

Muling pinunasan ni Janella ang kanyang luha. Yumuko siya habang humihikbi. “A-Anu-anong pulo ‘yun?”

“Mharius at Ashbell Islands. Nakatira ang mga La luna sa Mharius at ang mga Dia naman ay sa Ashbell.”

“Kung ganu’n ang mga nasa Mharius pala ang...” nainis si Janella.

Marahang inangat ni Alexius ang kanyang baba. “Tama ka.”

Inalis ni Janella ang kanyang kamay sa kanyang baba. “Kainis sila... KAINIS SILA!!!!! Hindi ako maniniwalang patay na si Jasper dahil sa kanila! ISA SIYANG MALAKAS AT HINDI KAYANG TALUNIN NG SINO MAN!!!!!” sigaw niya.

Nauunawaan ni Alexius ang nararamdaman ni Janella. Alam niyang hindi niya pa rin tanggap ang pagkamatay ng kanyang kabalyero. Bumuntong-hininga siya. “Kaya tanggapin mo na si Lucius, Your Highness. Malay mo, makita niya pa si Jasper at buhay pa nga siya do’n.”

“Hindi pa nga patay si Jasper! Ilang beses ko pa bang dapat ulitin?!”

“Your Highness...” malungkot at mahinang wika ni Alexius.

“Ayoko na! Baka may kung ano din ang mangyari kay Lucius dahil sa ‘kin.” tumulo muli ang kanyang luha.

“Huwag kang mag-alala sa kanya. Naniniwala ako sa buong kakayahan niya.”

“Ayoko na nga sabi!”

Nag-alala si Alexius. “Pero hindi ka nga pwedeng mawalan ng kabalyero! Ang kabalyero ang magsisilbing magtatanggol at pipigil sa masamang plano nila sa ‘yo!”

“Kaya ko ‘to ng ako lang! Hinding-hindi ko papabayaan ang aking sarili kagaya ng ginagawa sa ‘kin palagi ni Jasper! Huwag na huwag n’yo na akong pilitin pa!” tumayo siya at umalis sa kanyang harapan. Pumasok muli siya sa loob.

“Your Highness!” sinundan ng tingin ni Alexius ang paalis na prinsesa.

Nakita muli ng mga bisita at ni Mitch si Janella na patungo sa hagdanan. Nakatayo at tahimik lang silang lahat habang pinagmamasdan si Janella na galit na umaakyat sa hagdan. Pumasok na siya sa kanyang kwarto at malakas niyang sinara ang pinto.

Nagulat ang lahat nang marinig nila ang malakas na pagsara ng pinto. Muli silang nag-alala.

Pumasok na rin sa loob si Alexius. “Nasaan na siya?” tanong niya habang siya ay mabilis na naglalakad.

“Umakyat po.” wika ng isang lalaking bisita. Nakatayo siya habang hawak-hawak ng kanang kamay niya ang basong iniinuman niya.

“Opo, kamahalan.” sumang-ayon si Mitch mula sa gilid ng hagdanan.

Tumingin si Alexius kay Mitch. “Salamat.” hinawakan niya ang railing ng hagdanan at madaling umakyat.

Sinusundan lang ng tingin ni Mitch si Alexius na umaakyat.

Nasa loob na ng kwarto si Adelaide. Nakahiga siya sa kanyang kama habang inaasikaso siya ng iilang servants na nasa loob rin ng kanyang kwarto. Muntikan na talaga siyang himatayin dahil sa nangyari kanina.

Animnapung taong gulang na siya. Alam ng lahat kung gaano siya kaistriktong magulang ni Janella dahil ang gusto lang naman niya ay maging ligtas ang sarili niyang anak sa lahat.

“Lumabas na muna kayo. Maraming salamat nga pala sa inyo.” mahinahong wika niya.

“O sige po.” yumuko ang mga servants para magbigay galang sa kanya at sabay-sabay silang lumabas pagkatapos. Sa kanilang paglabas, nag-aabang pala si Clayden sa pintuan.

“Harony!” tawag ni Clayden sa isang babaeng servant na lumabas ng kwarto.

Napalingon si Harony at napatingin siya sa kanya. “Hello! Bakit?” nilapitan niya ito.

“Ahm, kumusta siya?” ngumiti siya ng kakaunti at medyo nahihiya pa siyang kausapin ang dalaga.

“Ayos naman siya.” tumango siya habang nakangiti.

“Ahmm...” nag-iisip pa si Clayden ng pwedeng itanong. “Paano mo nasabi?”

Napadaan si Baron sa kanilang dalawa. Ngunit bumalik siya nang makita niya si Clayden na namumula. “Ay sus Clayden! pinapahaba pa ang usapan! Ligawan mo na kasi!” pumeywang siya.

Nagulat si Clayden sa kanyang narinig at masama niyang tiningnan si Baron. “Ano?! Anong pinagsasabi mo diyan?!” kumunot ang kanyang noo.

“Clayden ah! Ayiii!!!!!” nakatawa lang si Baron habang siya ay kinikilig. Umalis na siya.

Namula siya ng sobra-sobra. “Huwag ka ngang maingay Baron! Naiistorbo mo ang ating mahal na reyna sa kwarto!” hindi inaalis ni Clayden ang tingin niya kay Baron hangga’t nakikita niya pa siya.

“Nakaalis na siya.” mahinang wika ni Harony.

Tumingin muli siya sa kanya. “Huwag kang makinig sa mga pinagsasabi ng pangit na ‘yun.” humalukipkip siya.

“Ayos lang ‘yun.” ngumiti muli si Harony. “Oo nga pala, sasagutin ko na ang tanong mo. Dahil nakita ko sa kanyang kalagayan na maayos na siya hindi katulad kanina.”

“Ah…” napakamot sa ulo si Clayden. “Okay…” napayuko siya habang namumula pa rin.

Tumango na lang muli siya habang nakangiti.

Lalo siyang namula nang makita niya itong ngumiti. “Ahm, galing ba kay Princess Janella ‘yung narinig naming dabog ng pinto kanina? Papunta na kasi ako dito nung marinig ko ‘yun.”

“Ah ‘yun?” napaisip si Harony. “Oo nga e, narinig ko nga rin. Hindi ako sigurado kung siya nga ba ‘yun.”

Bumalik muli si Baron dahil bababa na siya ng hagdanan. May kinuha lang siya dahil inutusan siya ng isang bisita kaya siya umakyat. Nakita niya muli ang dalawa. “Clayden! Ano bang klaseng pag-uusap ‘yan? Ligawan mo na nga kasi! Pinapatagal mo pa e! Hahaha!”

Kumunot ang noo ni Clayden. Habang nasa likuran niya pa si Baron naglalakad, binatukan na niya ito kaagad bago pa ito nakaalis.

“Aray ko!” napahinto siya at napahawak sa tuktok ng kanyang ulo. Napatingin siya kay Clayden at ngumuso.

“Bakit ba kanina ka pa nagpapansin, ha?! Wala ka bang kausap mula kanina?! Huwag nga ako ang asarin mo dahil masasaktan talaga kita!” umaapoy ang mga mata ni Clayden habang siya ay nakaharap sa kanya.

“Ang sungit mo naman Clayden...” malungkot na wika ni Baron habang nakanguso. Lumabas mula sa kanyang likuran ang mga imaginary roses na kumikinang habang nagsisikintaban pa ang kanyang mga mata.

“SHUT UP!!!” inaperkat ni Clayden si Baron.

“UUUGGGGHHH!!!” tumalsik siya.

Madaling humarap si Clayden ng nakapikit kay Harony. Pinapagpag niya sa hangin ang dalawa niyang kamay. Bumagsak na sa kanyang likuran si Baron habang pangisay-ngisay pa ang kanyang mga paa.

Ganyan talaga ang dalawa. Matalik silang magkaibigan ngunit ibang klase ang pagkakaibigan nila. Palaging nagsusuntukan at nag-aaway.

Habang si Alexius naman ay kumakatok lang sa kwarto ni Janella. “Your Highness?” nakakailang katok na siya at hindi pa rin sumasagot ang prinsesa sa kanya.

Nasa tabi lang niya si Mitch at nakikiramdam din sa sagot ni Janella. “Kamahalan, ako na lang po ang bahala sa kanya. Tatawagin ko na lang po kayo kapag sumagot na po siya.”

Lumingon at tiningnan ni Alexius si Mitch. “Ayos lang ako dito Mitch. Ako na ang bahala. Salamat na lang sa ‘yo.” ngumiti siya ng kakaunti. “Asikasuhin mo na lang ang mga bisita natin sa ibaba.”

“O-O sige po.” yumuko siya para magbigay galang at bumaba na ng hagdan pagkatapos.