9: Stay
Sa Bhingelheim World, malapit na ring magdilim kaya gusto na ring umalis ni Janella. Ngunit gumugulo sa kanyang isipan ang mga sinabi sa kanya ni Zavier.
“… Until you can feel alive again.”
“Kahit na ganito ka sa ‘kin, kahit na pinapakita mo sa ‘kin na wala kang pakialam. Kahit na pakiramdam kong wala lang ako sa ‘yo at parang nabalewala lang ang lahat ng sinabi ko sa ‘yo, may pakialam pa rin ako sa ‘yo, princess. Hindi pa rin ako magbabago sa gusto ko at patuloy ko pa rin itong ipaglalaban sa ‘yo. Iisipin pa rin kita. Iisipin ko pa rin kung paano kita maliligtas... at kung paano ko rin maibabalik ang dating masayahing Princess Janella!”
Nakaupong-tingkayad sa buhanginan si Janella habang malungkot na tinitingnan ang ginuhit niya sa buhangin. “Ano ba talaga… Litong-lito na talaga ako…” napabuntong-hininga siya at tinago ang mukha sa pagitan ng dalawa niyang braso. “Ano ba talaga ang dapat kong gawin…?” tanong niya mula sa kanyang isip. “Kanino ba ako maniniwala? Kay Zavier o kay ina?”
Nasa tabing-dagat si Zavier habang nakatayo at malungkot na nakatingin sa dagat. “Pagkatiwalaan mo na ako princess…” wika rin niya sa kanyang isip. “Wala ka ngang dapat na ikatakot sa ‘kin… dahil isa mo nga akong tunay na kaibigan…”
Naalala muli ni Janella ang sinabi ng kanyang ina na delikado na nga daw siyang lumabas pa ng palasyo. Naluha muli siya.
“P-Paano ako mananatili sa palasyo ina? Kung itong si Zavier naman ang naglalabas sa ‘kin sa palasyo? Oo! Alam kong nagtangka pa akong tumakas! Pero napaisip din ako na mali din ‘yun para gawin ko!” pabulong ngunit mataas na tonong sabi ng prinsesa.
Sumulyap ang mga mata ni Zavier sa kanya.
Pasimpleng pinahid ni Janella ang kanyang mga luha. “Kainis naman e, nahihirapan na talaga ako!”
Narinig niya ang bawat hakbang ni Zavier mula sa buhanginan na papalapit sa kanya habang nananatili pa ring nakatago ang kanyang mukha.
Tumayo saglit si Zavier sa kanyang harapan at lumuhod pagkatapos. Napansin niya ang ginuhit ng prinsesa na hindi pa tapos. Nakita niya ang dalawang tao na magkatalikod sa isa’t-isa.
Sumulyap ang mga mata niya saglit sa prinsesa. Alam niyang siya ‘yun at si Janella. Bumalik muli ang tingin niya sa drawing.
Hindi nagkikkibuan ang dalawa. Hindi nag-uusap. Mga ingay lang ng alon at ang awitin ng mga ibon ang naririnig ngayon.
Marahang tumayo si Zavier at naglakad pabalik sa tabi ng dagat. Nakatayo lang siya habang pinagmamasdan ang papalubog na araw. Napapikit siya ng marahan matapos niyang maramdaman ang malamig na hangin na dumadampi sa kanyang balat.
Kinusot ni Janella ang kanyang mga mata at pinilit niyang tanggalin ang mga natitirang luha dito. Huminga siya ng malalim para pawiin ang kanyang nararamdaman. Binaba na niya ang dalawa niyang kamay ngunit nakapikit pa rin siya. Pagkatapos ng ilang segundo, marahan na siyang dumilat at kinuha na rin niya ang stick na kanyang binaba. Suminghot pa siya bago ituloy ang kanyang ginuhit sa buhanginan. Ngunit nagulat siya nang mapansin niya na nag-iba yata ang drawing.
Tubig ang ginamit na pampaguhit sa buhanginan. Medyo malabo na ito dahil natutuyo na ito ng hangin.
Kumunot ang noo niya at tiningnan niya ito ng maigi.
Nakita niya ang ginuhit niya na dalawang taong hindi pa tapos ngunit nang makita niya ulit ito. Biglang natapos na.
Tumingin siya kay Zavier ng nakasimangot at muli siyang tumingin sa drawing pagkatapos. Binaba niya muna ang stick sa pagitan ng kanyang paa.
Nakita niya ang dinagdag na drawing ni Zavier sa lalaki at sa babae. Nakahawak ang kamay ng lalaki sa babae habang na nakatalikod ang babae.
Tumagilid ang ulo ni Janella habang tinitingnan ito.
Nakita rin niya ang mga dinagdag na mata sa dalawang tao. Malayo ang tingin ng babae habang ang lalaki naman ay nakatingin sa kanya.
Natawa si Janella ngunit mabilis niyang tinakpan ang kanyang bibig.
Dumilat ng marahan si Zavier matapos niyang marinig na tumawa ang prinsesa. Hindi na siya nagtaka pa at alam niya ang pinagtatawanan nito.
“Nakakatawa naman ‘to. Magkatalikod ang ginawa ko e! Tapos ‘yung mga mata ng lalaki, nakatingin sa babae? Wow! Twisted ang ulo! Tapos ‘yung mga kamay pa! Ano ba ‘yan! Hindi lang pala ulo ang twisted! Katawan din!” natawa muli siya at napailing habang tinatakpan ang kanyang bibig. “Hay!”
Pinapakinggan lang siya ni Zavier.
Napailing muli ang prinsesa at guguhit na lang muli siya ng panibago. Tumingin siya sa pagitan ng kanyang paa para kunin ang stick. Ngunit napansin rin niya ang isa pang ginuhit ni Zavier na malapit sa kanyang mga paa.
Ginuhit niya pa pala ng mas malapit ang kamay ng lalaki na nakahawak sa kamay ng babae. Binilugan niya pa ito at may sinulat pa siya sa ilalim ng dalawang kamay.
“Stay…?” binasa niya ang nakasulat. Tumingin muli siya kay Zavier para tingnan ngunit wala na ang binata sa tabi ng dagat.
“Pakiusap princess…” mahinang wika niya mula sa kanyang likuran.
Nagulat si Janella. Mabilis siyang umusog at sabay tingin sa kanya. “A-Anong ginagawa mo sa likuran ko?!”
Nakaupo lang ang binata habang nakatingin sa kanya. “Please, stay with me.”
Kumunot ang noo ng prinsesa habang nananatiling nakatingin sa kanya.
“Alalahanin mo ang sinabi kong pangako sa ‘yo. Pagbigyan mo lang ako at mangyayari din ang gusto mong mangyari. Hindi mo na rin ako makikita pa kapag natapos na ang problemang hinaharap mo. Gusto lang talaga kitang tulungan at iligtas.”
Habang sa Destiny World naman, lahat na ng mga jets ay mga nakabalik na sa airbase ngunit masama ang kanilang balita.
Nakaupo lang sina Adelaide at Alexius habang nananatiling mga nakatayo pa rin ang mga servants.
“PAANONG NANGYARI ‘YUN?! BAKIT HINDI N’YO SIYA NAKITA?!” natatakot na si Adelaide. “Anong ibig sabihin nito?! Ibig sabihin… NAKUHA NA SIYA NG MGA LA LUNA?!” kinabahan na siya.
Nag-alala muli ang lahat. Nakatingin sila kay Damion habang nag-aantay ng sasabihin.
“Your Majesty! Huminahon lang kayo!” si Damion. “Nasabi naman namin sa mga nakatira na bantayan ang kani-kanilang siyudad na baka do’n nagpupunta si Princess Janella!”
Naiyak muli si Adelaide habang hawak-hawak ang kanyang noo. “Sugurin na talaga natin ang Bhingelheim!” mabilis siyang tumayo at lumakad patungo sa pintuan para lumabas.
“Your Majesty!” tumayo na rin si Alexius para pigilan si Adelaide.
Nagulat si Harony sa sinabi ni Adelaide. Natakot siya. “P-Paano natin magagawa ‘yun?”
“H-Hindi nga natin alam kung paano natin sila tatalunin.” si Julius.
“H-Hindi pwede!” humarang sa harapan ni Adelaide si Damion at mabilis niyang hinawakan ang magkabilang balikat nito.
“A-Ano na ba Damion?! Ano na ba ang dapat nating gawin? Nasaan na ba kasi si Lucius?! At dapat siya ang nagbabantay sa anak ko!”
Malungkot lang ang tingin ni Damion sa mga malulungkot din na mata ni Adelaide.
“KAINIIIIS!!!!” napaluhod na si Adelaide at muling umiyak.
Napabuntong-hininga si Harony habang pinagmamasdan ang reyna. Malungkot siyang nakatingin sa kanya. Marahan siyang lumapit. “Your Majesty…” marahan niyang minasahe ang likuran nito. “Tahan na po ‘yan…”
“Tsk! Dapat kasi sinasabi na sa atin ni Ginoong Lucius ang dapat na gawin natin! Dahil siya lang naman ang may nakakaalam sa mundo na ‘yun!” inis na wika ni Jonathan.
Tahimik lang si Christoph habang nag-aalala na rin. Natulala na siya sa isang tabi.
“Siguro naman alam din niya ang kahinaan nila! At kung anong klaseng nilalang sila!”
Hindi kumukurap ang mga mata ni Christoph.
“Tsk!” nagdabog at sabay talikod kay Christoph. “Dapat ako na lang ang naging Lucius e! Ako na lang sana ang naging kabalyero! Wala naman kasi siyang ginagawa!”
“Psst, huwag kang maingay!” pigil ni Christoph.
“Ha?!” lumingon siya para tingnan si Christoph sa kanyang likuran.
“Huwag kang ganyan Joth, kapag narinig ka ni Ginoong Damion… bahala ka.”
“Nagsasabi lang naman ako ng totoo ah! Bakit?! Nakikita mo ba na may ginagawa si Ginoong Lucius kay Princess Janella?! Di ba wala?! Kaya kita mo ngang pawala-wala na siya dito! Pati tayo nahihirapan!”
“Huwag kang maingay sabi!” at sinuntok ang braso nito.
“Aray ko!”
“Ang hirap ng kalagayan natin ngayon! Bakit pa kasi nangyari ‘to!” inis na wika ni Adelaide habang lumuluha.
“Your Majesty… uulit-ulitin ng aking mga piloto na umikot muli sa buong kontinente.”
Pinahid ni Adelaide ang kanyang mga luha at mabilis na tumingin kay Damion. “Oo nga! Paikot-ikot nga kayo sa himpapawid pero hindi naman natin alam na nando’n na pala si Janella sa mundong ‘yun! Sobra tayong naniniwala na nandito lang siya pero nando’n na pala talaga siya! Sinasayang lang natin ang oras! Sugurin na nga kasi natin sila bago pa mahuli ang lahat!”
“Oh, no…” kinabahan si Triny. Tumago siya sa likuran ni Julius.
Lumuhod si Damion sa harapan ni Adelaide habang sinusundan naman siya ng tingin ni Adelaide.
“Hindi nga pwede Your Majesty, tingin mo ba madali lang natin sila matatapos? Nang wala pa tayong sapat na sandata, pananggala at armas? Meron nga tayo pero mga pinaglumaan na.”
Kumunot ang noo ni Adelaide habang nakatingin sa mga mata ni Damion.
“At iba nga sila Your Majesty… mga misteryoso sila. Oo, alam natin na isa silang spirits. Pero anong klase? Wala talaga tayong alam sa kanila. Kaya kung susugod tayo, anong mangyayari sa atin?”
Napatingin sa ibaba si Adelaide. Naalala niya bigla ang sinabi niya kay Janella.
“Napakamisteryoso ng planetang Bhingelheim sapagkat wala pang sinuman ang nakakakita’t nakakapunta do’n, Janella. Pero salamat kay Lucius Alexandre, dahil siya pa lang ang katangi-tanging nakapunta na at may alam sa mundong ‘yun.”
“Ayon sa kanya, masyadong delikado ang planetang ‘yun para sa ating mga tao dahil mga misteryoso ang nakatira do’n.”
“Sana naiintidihan mo ako, Your Majesty.”
“Tsk!” muling kumunot ang noo ni Adelaide. “Lucius…”
“Matanong ko nga pala Zavier…” mahinahong wika ni Janella habang nakatingin pa rin sa sinulat ng binata sa buhanginan.
Lumingon si Zavier sa kanya.
Umikot si Janella para tingnan ang dagat. Umupo rin siya sa buhanginan at niyakap ang magkabila niyang binti. “Bakit… ako ang kailangan?” malungkot na tanong niya.
Hindi muna sumagot si Zavier pagkatapos niyang marinig ang kanyang tanong. Lumingon muli siya para tingnan rin ang dagat. “Dahil ikaw na ang susunod na mamamahala sa Destiny World balang-araw.”
Seryoso lang na nakatingin si Janella sa dagat. Napaisip siya na tama nga ang sinabi sa kanya ni Alexius.
“Kailangan mong tanggapin si Lucius sapagkat may alam siya sa planetang Bhingelheim. May balak silang patayin ka para makuha ang mundong ito. Ikaw ang gusto nila sapagkat ikaw ang susunod na mamumuno dito sa ating mundo balang- araw.”
“Nais na kasi nilang patigilin ang henerasyon n’yo princess. Dahil ang gusto nila, sa susunod na henerasyon ay pag-aari na nila ang mundo n’yo. Saka sa totoo lang, balak rin nilang patayin ang iyong nanay hanggang sa maubos kayong lahat. Pero ikaw ang uunahin nila bago sila.”
“Kainis! Pati rin pala si ina?! Akala ko ako lang!”
“Kaya kailangan mo talaga akong pagkatiwalaan. Nandito ako para sa inyo.”
Tinago muli ni Janella ang kanyang mukha sa kanyang mga tuhod. Napabuntong-hininga siya.
Napalingon muli si Zavier sa kanya. “Princess?”
Malumanay na lumingon si Janella sa kanya habang nakapatong sa dalawa niyang tuhod ang kanyang ulo. Walang kasigla-sigla ang kanyang pagmumukha at halatang pagod na siya sa sitwasyon niya ngayon.
Ngumiti na lang ng kakapiranggot si Zavier. “Balik na tayo sa Calumsia?”
Napapikit lang ng marahan ang prinsesa at tinago muli ang kanyang mukha sa kanyang tuhod.
Marahang tumayo si Zavier at nilapitan niya ito. “Halika na…” marahan niyang hinawakan ang balikat ni Janella.
“OO NA!” mabilis niyang inalis ang kamay ng binata sa kanyang balikat. Mabilis siyang tumayo at naglakad.
“Princess, hindi diyan ang daan natin. Dito tayo.” at lumakad ng kakapiranggot patungong gubat.
Napahinto si Janella at masama niyang tiningan si Zavier. “Tsk! Nakakabaliw na talaga! Nababaliw na ako!” mabagal ang kanyang pagkakalakad patungo kay Zavier habang nakatingin sa ibaba.
Nakatingin lang sa kanya ang binata habang inaantay na tumabi ang prinsesa sa kanya para sabay silang maglalakad patungo sa Calumsia.
Saglit lang at nagdilim na ang buong kagubatan. Tahimik lang ang dalawa habang naglalakad. Hanggang sa marating na nila ang Calumsia ay hindi man lang sila nag-usap kahit kakapiranggot lang.
Pagkarating nila sa dalapamsigang ito, diretso kaagad nagpunta si Janella sa mga batuhan at sabay upo. Habang si Zavier naman ay saglit lang na pumunta sa tabi ng dagat para tingnan lang ang buong paligid. Pagkatapos ay umupo na rin siya sa mga batuhan habang kaharap si Janella. Marahan niyang tinanggal ang kanyang mga gwantes sa magkabila niyang kamay at tinago sa kanyang bulsa ng kanyang pantalon.
Nakasubsob lang ang buong mukha ni Janella sa kanyang mga tuhod habang nakapikit.
“Princess…?” hindi na nakatimpi si Zavier. “A-Ayos ka lang ba?”
“Ano sa tingin mo?” mabilis na tanong niya habang nakasubsob pa rin ang kanyang buong mukha.
Nanahimik na lang siya.
“Nababaliw na ako! Ang sakit-sakit na ng ulo ko!”
“M-May pwede ba akong gawin? Para mapawi ko man lang ang sakit na nararamdaman mo?” tatayo na sana siya nang bigla namang nagsalita si Janella.
“Wala! Tigilan mo na ako para hindi puro ikaw ang nasa isip ko! Nakakabaliw ka! Hindi ko maintindihan kung ano at sino ka ba talaga!”
Natigilan siya saglit. “Sinabi ko na princess…” marahan niyang tinutop ang kanyang dibdib. “Isa n’yo nga akong kaibigan! Marapat na pagkatiwalaan!”
“Paulit-ulit na! Mahirap Zavier!”
“Pero---”
Mabilis na tumingin si Janella sa kanya. Masama ang pagkakatingin niya sa kanya habang nakasabog pa ang kanyang buhok sa kanyang mukha.
Nakatitig lang si Zavier sa kanya. “Malaki ang maitutulong ko sa inyo.”
“Gaano kalaki?! HA?!” mabilis siyang tumayo.
Nagulat si Zavier at napausog sa kinauupuan habang nakatingin pa rin ng diretso sa prinsesa. Napalunok siya sa kaba dahil baka saktan na naman siya nito.
“BAKIT HINDI KA SUMASAGOT?!”
“Dahil magiging ligtas ka talaga sa ‘kin! Sa plano ko!”
“Paano mo nasabing ligtas ako diyan?!”
“Princess! Maghahanap tayo ng lugar na kung saan ka talaga ligtas! Sinasabi ko na sa ‘yo, hindi ka pwedeng manatili sa palasyo!”
Biglang nanggigil si Janella at parang gusto muling manakit. “PWEDE BA KASI NA TUMIGIL NA KAYOOO!!!! KUNG HINDI DAHIL SA INYO, HINDI AKO MAHIHIRAPAN!!!! DAHIL SA INYO, MAPAPALAYO PA AKO SA MGA KAIBIGAN KO AT KAY INA!!!!” sinabunutan niya bigla si Zavier.
“A-Aray ko!”
“GUSTO NA TALAGA KITANG PATAYIN SA TOTOO LANG!!!!” at nilakasan pa ang pagkakasabunot sa kanya.
“Araaayyy!!!” nahulog na si Zavier sa bato na inuupuan niya.
“HINDI KAILANMAN NANGYARI SA ‘KIN NA NAGTIWALA SA ISANG KAAWAY!!!! DAHIL HABANG-BUHAY KO SILA KAAWAY!!!!”
Mabilis na naging tubig si Zavier at umalis sa kanya.
“?!” nagulat si Janella dahil nawala sa kanyang mga kamay ang buhok ni Zavier. Luminga-linga siya. “NASAAN KA HALIMAW?! BAKIT KA UMALIS?! ISA KA TALAGANG DUWAAAG!!!!”
Malakas siyang tinulak ni Zavier sa likuran.
“ARAY!” natumba si Janella.
Mabilis at mahigpit na hinawakan ni Zavier ang dalawang kamay ng prinsesa.
“UURGHH!!!! ITO KA NA NAMAN!!!!!” nagwawala siya. “BITIWAN MO AKO!!!!”
“Princess! Hindi ako titigil hangga’t hindi mo ako tatanggapin!”
“KAINIS KA!!!! KAINIS KA TALAGA!!!!”
“Nakikiusap na ako sa ‘yo! Nagmamakaawa na ako sa ‘yo!”
“HUWAG MO NA NGANG SAYANGIN PA ANG ORAS MO SA ‘KIN!!!! PWEDE BA?!!!! SAWANG-SAWA NA AKO SA PAGMUMUKHA MO!!!!”
Hindi na lang siya sumagot.
“BITIWAN MO AKO!!!!”
Mabilis na naging tubig si Zavier at umalis muli sa kanya.
Hiningal si Janella. Mabilis siyang umupo at luminga-linga. Tumayo siya.
Marahang naging tao si Zavier sa kanyang likuran.
Napalingon si Janella sa kanyang likuran at napaatras papalayo sa kanya. “ANO?! DO’N KA NA LANG KAYA KAY INA MAGPALIWANAG AT BAKA MAINTINDIHAN KA PA NIYA!!!! AT PARA MAKITA NA RIN NILA KUNG ANO BA ANG ITSURA NINYO!!!!”
Seryoso lang na nakatingin si Zavier sa kanya.
“ANO?! TUTAL BABALIK DIN NAMAN AKO SA MUNDO KO! HUWAG KA NANG BUMALIK DITO AT MAGPAKITA KA NA SA KANILA!!!!”
“Ayoko princess. Huwag kang magsalita ng ganyan.”
“Bakit?! Dahil ba takot na takot ka talagang makita do’n?! DUWAG! DUWAG!”
“Hindi ako duwag! Natatakot lang akong mawala!”
“Oo nga! Mapapatay ka talaga nila sigurado! Bakit ano ba ang akala mo?! Kakausapin ka lang do’n at tuturingan na parang isang kaibigan?!”
Nanggigigil na si Zavier sa inis. “Natatakot akong mangyari ‘yun habang ang mundo n’yo ay nasa ilalim pa rin ng masamang plano ng mga kasama ko princess! Gusto ko nga kayong iligtas! Ilang beses ko pa bang dapat na ulitin pa?!” mataas na tonong sabi niya.
Natigilan saglit si Janella. “Bakit ikaw na lang ba ang katangi-tanging magliligtas sa mundo namin?!”
Hindi muna siya sumagot. Huminga muna siya ng malalim at pinilit na maging mahinahon. “Yes, ako nga, princess. At sa tingin ko, tama ang sinabi mo na delikado nga ang mundong ito sa inyo. Ayoko na dumating pa ang panahon na susugod kayo dito. Gusto kong maging ligtas kayong lahat. Ayoko ng giyera!”
Narindi ang prinsesa bigla nang marinig niya ang salitang “giyera”. “KASALANAN N’YO KASI ‘TO!!!! KAINIS KAYOOO!!!!” tumakbo siya papalapit sa kanya at sabay suntok ngunit mabilis na nawala si Zavier sa kanyang harapan.
Muling lumabas si Zavier sa kanyang harapan at mabilis na hinawakan ang dalawa niyang kamay.
“?!” nagulat siya.
Seryoso lang si Zavier habang hawak-hawak niya ang magkabila niyang kamay. Mabilis siyang naglakad habang si Janella naman ay napapaatras.
“Ano ba?! Anong ginagawa mo sa ‘kin?!” napatingin siya sa kanyang hinahakbangan dahil baka matisod siya. Hindi niya kayang pigilan ang kanyang mga paa sa pag-atras.
Hindi sinasadyang mapapalakas ni Zavier ang pagkakasandal niya kay Janella sa puno. Siguro sa inis na rin niya kaya niya nagawa ito.
Takot na tumingin si Janella sa kanya. “Ano?! Papatayin mo na ba ako?!” bigla siyang napaluha.
“Gusto kong makipag-usap ng maayos princess! At hindi makipag-away!”
Napayuko si Janella habang umiiyak. “Pakiusap! Ayokong mamatay! Huwag mo akong papatayin!”
Muling huminga ng malalim si Zavier sapagkat nararamdaman niya kasi na naiinis na naman siya. Pinilit niya muling maging mahinahon.
Sobrang tahimik na ng buong paligid. Mga tulog na rin ang mga hayop sa gubat. Tanging ingay na lang ng mga alon ang naririnig.
Nakayuko pa rin si Janella habang umiiyak. Sobra na siyang kinakabahan at natatakot siyang tumingin sa mga mata ni Zavier.
Alam ni Zavier na natakot niya ang prinsesa sa kanyang ginawa. “Tumingin ka sa mga mata ko princess…” mahinahong wika niya. “Huwag kang matakot.”
Marahang tumingin sa mga mata niya si Janella. Humihikbi siya.
“Gusto ko na talagang pag-usapan natin ng maayos---”
Bigla siyang sumabat. “Huwag mo akong papatayin Zavier!” pinilit niyang ialis ang mga kamay niya sa kanya. “Bitiwan mo ako!”
“Sshhh… sshhh… sshhh...”
“Pakiusap Zavier, huwag mo akong papatayin...” mahina na may halong takot na sabi niya.
“Princess, wala akong balak na gawin ‘yun sa ‘yo. Kahit kailan.” binitiwan na niya ng malumanay ang magkabila niyang kamay.
Tahimik lang si Janella habang marahan siyang napapaupo.
“Dinadala pa kita dito para sabihin sa ‘yo ng maayos ang mga dapat mong gawin para hindi ka nila madakip. Uulitin ko, ako si Zavier, na walang binabalak na masama sa inyo princess… Buong-puso kong ginugustong iligtas ka. Iligtas rin ang mga kababayan mo.”
Nakikinig lang si Janella habang humikbi-hikbi.
Marahang lumuhod si Zavier sa kanyang harapan at pinahid ang luhang dumadaloy sa pisngi nito.
Napatingin sa ibaba si Janella. “Ang hirap sobra… Alam kong nagmumukha na akong baliw o kaya talagang baliw na talaga ako siguro ngayon!”
Hindi niya pinakinggan ang kanyang sinabi. “Alalahanin mo ang aking pinangako. Ngayon, just put your trust in me.”
“Tsk!” kumunot ang noo ni Janella at mukhang ayaw niya talagang pagkatiwalaan si Zavier. Pumikit siya saglit at muling dumilat.
“Ang pag-alis sa palasyo n’yo ang tanging solusyon, princess. Marapat tayong maghanap ng pwede mong matataguan na lugar na sobrang layo mula sa tinitirhan mo.”
Napatingin siya sa kanya. “Aalis ako sa palasyo para… hindi NINYO ako makuha?”
“Princess, hindi AKO kasama sa plano na ‘yun. Huwag mo akong isama.”
“Aalis ako para hindi NILA ako makuha, ganu’n?”
“Oo, kaya nga kita nakita at nadakip do’n di ba? Dahil alam nga namin na nando’n ka.”
Napaisip si Janella at tama nga naman ang sinabi ni Zavier. “Pero teka, ibig sabihin kapag hindi nila ako nakita sa palasyo… titigil na sila sa masamang balak nila sa ‘kin?”
Tumango si Zavier. “Mhm, pero hindi sila agad-agad titigil dahil hahanapin ka pa rin nila sigurado. Kaya para siguradong ligtas na ligtas ka. Dapat do’n ka sa lugar na hindi kailanman pwedeng puntahan namin.”
“Anong lugar naman kaya ‘yun?”
“Basta princess, maghahanap tayo. Pero sa ngayon, ibabalik muna kita sa palasyo para ihanda ang mga gamit na dapat mong dalhin pagkaalis mo dahil magtatagal ka do’n saglit.”
“Sa totoo nga lang, may mga nahanda na nga akong mga gamit… Pero nawala ‘yung hinanda kong bag. Nando’n na nga lahat ng kailangan ko. ‘Yun nga ‘yung dadalhin ko nung nagtangka akong tumakas sa palasyo! Kahit ‘yung mga damit ko sa aparador! Nawala na rin lahat! Hindi ko nga alam kung bakit nawala! May mga natira pa naman akong damit do’n, pero mga damit kong pampatulog ‘yun at ang iilan kong gowns.”
“O sige ganito na lang, magsisimula lang tayong maghanap ng refuge place ngayon. Para hangga’t wala pa silang pinagpaplanuhang araw na sakupin ang mundo n’yo, may matataguan ka na.”
Hindi muna sumagot si Janella. “O sige.” naramdaman niya na makatotohanan naman ang mga sinasabi ni Zavier sa kanya. Hindi isang kasinungalingan na pwede siyang mapahamak.
Tumayo na si Zavier at inabot ang kanan niyang kamay sa prinsesa. “Princess, sana magtulungan tayo. Para sa ‘yo at sa mga kababayan mo rin ‘to.”
Iniisip niya kung anong klaseng lugar kaya ang pagtataguan niya. “Refuge place…” mahinang wika niya.
Narinig ni Zavier ang kanyang sinabi. Tumango siya. “Mhm, refuge place.”
Napayuko si Janella at bumuntong-hininga. Medyo gumaan-gaan na ang kanyang pakiramdam. Hinawakan niya ang kamay ng binata at marahang tumayo. Binitiwan rin niya ito kaagad pagkatapos niyang tumayo. “Zavier?”
“Yes, princess?”
“Bakit ang lamig ng kamay mo? Para kang butiki. Alam mo ba ‘yung butiki?”
Napangiti siya. “Gawa lang kasi ako sa malamig na tubig. Hindi ako tao.”
Nanlaki ang mga mata ni Janella. “Kaya naman pala nagiging tubig ka!” hindi na siya nagtaka pa kung bakit walang dugo ang kanyang kutsilyo nung pinagsasaksak niya si Zavier sapagkat tubig nga lang siya. “Akala ko may kapangyarihan ka lang na kayang maging tubig!”
“Isang spirit princess.”
Napahawak sa noo si Janella at nawala na sa kanyang loob na isa nga pala itong spirit at hindi tao. “Oo nga pala. Isa kang LA LUNA SPIRIT. Teka, matanong ko lang… anong ibig sabihin ng La luna?”
“Buwan ang ibig sabihin nu’n dahil ang diyosa namin ay isang buwan.”
“Ah, okay.” tumango na lang siya.
“At saka masabi ko lang sa ‘yo princess, kami ay isang Veridian Orb sabi ng aking tiyo. Mga spirit orbs talaga kami, hindi naman talaga kami---” tiningnan niya ang kanyang sarili at muling tumingin sa prinsesa. “Ganitong katawang tao.” ngumiti siya. “Na kung saan maraming bagay na pwedeng gawin. Para kayong mga tao lang, nagagawa n’yo ang mga gusto n’yo.”
“Ah, ganu’n?” tiningnan ni Janella ang buong pangangatawan ni Zavier. “Bakit ngayon naging ganyan na ang itsura mo kung isa ka palang orb?”
“Ayon sa kwento ng aking tiyo nung panahon pa nila, isa silang mga Veridian Orb ngunit pinagbigyan sila ng aming diyosa na maging isang parang tao na katulad n’yo. Para magawa lang nila ang kanilang mga ninanais sa buhay. Binigyan rin daw sila ng isang kakayanan na kayang magbuo ng isang anyo na gawa sa tubig. Kaya... eto na ako. Siya rin ang nagbigay sa ‘kin ng itsura. Siya ang gumawa sa ‘kin.”
“Ah.” tumango na lang si Janella habang nakatingin sa kanya. “Bakit tiyo nga pala ang tawag mo sa kanya kung siya pala ang nagbuhay o gumawa sa ‘yo?”
“Mas gusto niyang tawagin ko siyang tiyo kaysa sa ama o tatay.”
“Ah, okay.”
Nanahimik muna saglit si Zavier at muli niyang pinagpatuloy ang pinag-uusapan nila pagkatapos. “Oo nga pala at nagsisilbi nga rin palang puso ang orb namin kapag ganito na ang itsura namin princess.”
“Ah, ibig sabihin mga wala talaga kayong puso?”
“Wala talaga, pakiramdaman mo.” hinawakan ni Zavier ang kamay ng prinsesa at pinahawak niya ito sa kanyang dibdib.
Nagulat si Janella sa ginawa nito. “Ahm, oo nga. Walang heartbeat.” binaba na niya ang kanyang kamay. “Teka maiba ko lang ang usapan, ibig sabihin ang mga hayop rin dito ay mga spirit orbs din?”
“Yes, princess. Kadalasan dito sa gubat, ako na ang gumawa ng mga itsura nila.”
“Hm?” tumagilid ang ulo niya. “Paano ka natutong gumawa ng ganu’n?”
“Tinuruan ako ni tiyo. Binabahagi naman nila ang mga kakayahan nila sa mga bagong spirits na katulad ko.” marahang naging isang tubig ang kanyang kamay habang paiba-iba pa ito ng iba’t-ibang hugis.
“Wo…w.” humanga si Janella nang makita niya ang paiba-ibang hugis na kamay ni Zavier. “Ang galing, pasahan ng kakayanan.”
Ngumiti lang si Zavier habang nakatingin lang sa kanyang kamay.
Nakita ng prinsesa na naging hugis nang ibon ang kamay ng binata. “Ang galing mo ah.”
Nananatili lang na nakangiti ang binata. “Salamat princess, hilig ko kasing magguhit. Kaya parang gumuguhit lang ako kapag ginagawa ko ‘to.”
Napangiti ng kakaunti si Janella habang pinapanood ang kanyang kamay.
Marahang tumingin si Zavier sa kanya habang nakangiti. Paunti-unti nang bumabalik ang totoong hugis ng kanyang kamay. Bumalik na rin ito sa dating kulay tao.
“Ang galing mo naman.” tumingin siya kay Zavier nang nakangiti. Luminga-linga siya pagkatapos habang pinagmamasdan ang buong kapaligiran.
“Marami pa nga rin akong mga Veridian Orbs na nakikita na palipad-lipad sa gubat.”
Tumigil sa kakalinga si Janella at muli siyang tumingin sa kanya. “Bakit hindi mo sila gawing hayop o tao?”
“Ayaw nila princess.”
“Ay ganu’n?” luminga-linga muli siya at naglakad. “Ibang-iba dito. Nasa ibang mundo na talaga ako.” nag-iisip pa siya na pwedeng itanong kay Zavier. “Oo nga pala.” huminto siya sa paglakad. “Kailan ko makikita ‘yung Veridian Orb sa inyo? Gusto ko kasing makita…”
Tinutop ni Zavier ang kanyang dibdib. “Nasa dibdib ko ‘yun. Makikita mo lang ito kapag ang isang katulad ko ay naging tubig.”
“Ah, okay.” tumango siya. “Nakakaintriga naman.”
“Nakita mo na ‘yun siguro. Halika na princess, oras na para bumalik.” ngumiti muli siya at naglakad patungo sa gubat.
“Ahmm...” mukhang may gusto pa siyang sabihin o itanong sa kanya.
Huminto at lumingon sa likuran si Zavier. Tumingin siya kay Janella. “Princess?”
Napatingin siya sa kanya. “Ahm, w-wala!” napakamot siya sa kanyang ulo at madaling sumunod sa kanya.
Hatinggabi na at saka pa lang nila narating ang kanilang pupuntahan. Nasa gitna sila ng tahimik at madilim na kagubatan. Nakaramdam na rin ng antok si Janella.
Tinatanggal naman ni Zavier ang mga malalaking dahon na natatakpan sa kanyang ship.
“Zavier, anong ginagawa mo diyan? Ano ba ‘yan?” sumisilip si Janella mula sa kanyang likuran.
“Isa itong ship princess, bawat isa sa amin ay meron nito.” mahinahong wika ni Zavier habang paisa-isa niyang tinatanggal ang mga malalaking dahon na nakatakip sa kanyang ship. “Saglit na lang princess...”
Hindi na niya maintindihan ang sinasabi ng binata. Papikit-pikit na siya at ang buong katawan niya ay parang babagsak na dahil sa sobrang antok. Umupo na lang siya sa damuhan at sinandal ang sarili sa isang puno para makapagpahinga.