12: Bad Day
Nagising si Janella dahil sa naramdaman niya ang sinag ng araw na tumatama sa kanyang mga mata. Sinasara pa lang ni Harony ang kurtina sa bintana na kanina niyang binuksan.
“M…mhm…” ungol ni Janella. Tumagilid siya at parang gusto pang matulog.
“Your Highness?” madaling lumingon si Harony para tingnan si Janella. Sinara na niya ang kurtina at pumunta sa kanya. “K-Kumusta na po kayo?” tiningnan niya ang mga sugat nito. “Napansin ko rin na tinanggal n’yo na po pala ang mga benda at band-aids. Sana mas maayos na po ang pakiramdam n’yo ngayon.”
Hirap pang dumilat si Janella dahil inaantok pa rin siya ngunit pinilit pa rin niya. Lumingon siya kay Harony. “H-Harony?” medyo malat pa ang boses niya. Malumanay siyang umupo.
“My Lady! Akala ko tulog ka pa! S-Saan po kayo pumunta? Masyado kaming nag-alala sa ‘yo!” biglang niyakap si Janella ng sobrang higpit.
Napapikit si Janella dahil naramdaman niya na masakit ang kanyang katawan. “Oo, a-ayos na ako Harony... s-salamat.”
“Saan po ba talaga kayo pumupunta?! M-Masyado mo talaga kaming pinag-aalala!”
“Ahmm...” tumingin siya sa ibaba. Nagdadalawang isip siya kung sasabihin na ba niya ang katotohanan. Pero pinili niyang magsinungaling. “N-Nasa ibang bahay lang ako.”
“Ha?!” nagulat siya. Tumingin siya sa mga mata ni Janella. “Sigurado po kayo?” tumagilid ang kanyang ulo.
“Oo...”
“Kahit nung kahapon? Bakit po?”
“W-Wala lang, gusto ko lang pumunta sa ibang bahay. Ahehehe!” pinagpawisan siya.
“Hm?” kumunot ang noo ni Harony.
Ayaw nang pag-usapan pa ni Janella ang tungkol dito. Pumikit siya at napabuntong-hininga. “Nagugutom na ako, Harony.”
“Ah, ganu’n po ba?” madali siyang tumayo. “O sige po, papadalhan na lang po kita dito sa kwarto.” lumabas na siya kaagad sa kwarto.
Napahawak sa noo si Janella. Naisip niya bigla ang huling sinabi ni Zavier sa kanyang panaginip.
“Look into my eyes and you will see, no one can save you but me. I will be the answer that you seek because I am willing to sacrifice my life for you… Buksan mo ang iyong puso at hayaan akong manatili sa ‘yo hanggang sa huli.”
Napabuntong-hininga muli siya. “Kung sa bagay, hindi naman minsan makatotohanan ang isang panaginip. Kaya kung ano man ang sinabi niya… hindi siguro ako maniniwala. Pero hanggang sa panaginip ko pa rin ba… siya pa rin ang nakikita’t nakakasama ko?”
Malumanay na binuksan ni Harony ang pinto. “Your Highness, kumain ka na lang daw po sa Dining Hall. Gusto ka daw pong kausapin ni Queen Adelaide.” wika niya habang siya ay nakasilip sa pinto.
Binaba ni Janella ang kanyang kamay sa kanyang noo. “O sige, bababa na ako… Antayin mo na lang ako sa ibaba Harony.”
“O sige po.” yumuko siya para magbigay galang at sinara na niya ang pinto ng malumanay.
Tumayo na si Janella. Tumungo siya sa kanyang aparador at binuksan. Wala pa rin ang kanyang mga damit, hindi pa rin naiibalik. “Tsk!” nainis siya.
Nasa Dining Hall lang ang lahat habang inaantay ang prinsesa. Tahimik lang na nakaupo si Damion dito.
Lumapit si Harony kay Adelaide at bumulong. “Sandali lang daw po.”
“O sige.” tumango siya.
“Opo.” yumuko si Harony para magbigay rin ng galang at pumunta na ng hagdanan para abangan ang prinsesa.
Maya-maya, lumabas na ang prinsesa sa kanyang kwarto. Napangiti si Harony nang makita niya siya. Nakayuko lang ang prinsesa at mukhang nahihiyang ipakita ang kanyang mukha sa lahat. Nakatingin sa kanya ang iilang katulong. Bumaba na siya sa hagdanan at inabot na ni Harony ang kanang kamay niya at hinayaan niyang humawak ang prinsesa dito. Tumungo silang dalawa sa Dining Hall. Binuksan ni Clayden ang pinto at pumasok ang dalawa sa loob. Nakayuko pa rin si Janella at bigla na siyang kinabahan. Inusog ni Harony ang upuan para sa uupong prinsesa. Umupo na siya at nakita niya ang punong-punong mga pagkain sa ibabaw ng lamesa. Tapos nang kumain si Adelaide pati na rin ang mga kasamahan niya sa lamesa.
Nakatingin si Adelaide kay Janella. “Janella.” tawag niya.
Nakayuko lang ang prinsesa.
“Humarap ka sa ‘kin anak.”
Tumingin ng paunti-unti si Janella sa kanya. Nakaramdam siya ng pagkatakot.
“Kumain ka na.”
Lahat sila ay tahimik lang habang nakatingin sa mag-ina.
Dahan-dahang kinuha ni Janella ang kutsara’t tinidor na nasa harapan niya. Kinakabahan pa rin siya.
“Anak...”
“Po?” kinabahan siya lalo. Marahang sumulyap ang kanyang mga mata sa kanyang nanay.
“Pakiusap, huwag na huwag mo nang uulitin pang umalis dito sa palasyo. Ilang beses ko pa bang dapat sabihin na napakadelikado nga sa ‘yo na lumabas pa? Naiintindihan mo ba ko Janella?!” medyo mataas na ang tono ng kanyang boses. “Inuulit ko… Isang malaking PAKIUSAP… huwag na huwag ka nang umalis dito!”
Tumingin muli si Janella sa kanyang plato at bumuntong-hininga. Sinimulan na niyang kumain.
“Pwede mo bang sabihin sa ‘kin ng harapan kung saan ka ba talaga nagpupunta?! Delikado na ngang lumabas, lumalabas ka pa!”
Tahimik lang na kumakain si Janella.
“Janella!”
Muling sumulyap ang kanyang mga mata sa kanya. “Nasa ibang bahay lang po ako ina…”
“Ibang bahay?! Bakit ayaw mo na ba dito?!”
“Gusto po…”
“May problema ka ba dito?”
Umiling siya.
“Bakit ka pa umaalis dito kung wala ka naman palang problema dito?!”
Nananatiling nakayuko si Janella.
“Baron!” malakas ang pagkakatawag ni Adelaide sa kanya.
Madaling lumapit si Baron sa kanya habang hawak-hawak ng magkabila niyang kamay ang bag ni Janella. Pumwesto siya sa bandang kanan ni Adelaide.
“Tingnan mo Janella, mukhang may nakalimutan ka pa.” ngumisi siya. “Mukhang sabik na sabik ka pang umalis at hindi mo na ito nadala!”
Napatingin si Janella sa bag. Nanlaki ang kanyang mga mata. “Naku po...” wika niya mula sa kanyang isip.
“At isa pa!” pagalit na wika ni Adelaide.
Lumapit naman si Clayden habang hawak-hawak niya ang marumi na may iilang punit na kasuotan ni Janella. Pumwesto naman siya sa bandang kaliwa niya.
“Ha!” nagulat si Janella. “Ito ‘yung damit ko nung isang araw! H-Hindi ko pala natago!” wika muli niya sa kanyang isip.
“Ano? Mukhang gulat na gulat ka anak. Nakita nila ito sa loob ng kwarto mo, pakalat-kalat!”
“Meron pa po!” madaling nagpunta si Harony sa tabi ni Adelaide at pinakita ang marumi na damit ni Janella na sinuot niya kahapon.
Napapikit si Janella at yumuko na lang. “Tsk!”
“Kita mo na?!” galit na kinuha ni Adealide ang damit ni Janella kay Harony at pinakita sa kanya. “At ano na naman ‘to?!”
Hindi na lang siya sumagot.
“Tapos sasabihin mong nasa ibang bahay ka lang? Grabe naman yata ang nangyari sa ‘yo bago ka nakarating sa bahay na ‘yun!” lumingon siya kay Clayden at hinawakan ang isa pang damit ni Janella. “Ano ‘tong mga ‘to?!” tumingin muli siya kay Janella. “Ano ‘to?! Makikipag-away ka ba muna bago ka makarating sa pupuntahan mo?!”
Nakapikit lang ang prinsesa. Naguguluhan na siya kung sasabihin na ba niya ang totoo o huwag. Pero kung sasabihin na niya ang totoo, hindi na niya magagawa na gumanti pa kay Zavier. Dahil ang balak niya ay patayin muna ito bago sabihin ang lahat-lahat sa kanyang nanay. Ngunit hindi na nga rin siya sigurado kung makakapaghiganti pa ba siya sa binata. Dahil pakiramdam niya ay bigla na lang lumaho ang masama niyang nararamdaman matapos niya itong mapanaginipan pati ang kanyang mga sinabi na nagpalambot sa kanyang puso.
“Janella! Umamin ka na! Sabihin mo na ang totoo sa amin!” nagagalit na si Adelaide. “Kung may problema ka dito, sabihin mo sa amin! Kung makalayas ka naman dito sa palasyo parang hindi ka na nag-iisip! Iniisip ko lang naman ang ikabubuti ng buhay mo!”
Naluha na si Janella dahil litong-lito na siya. “Sino ba talaga ang susundin ko? Naguguluhan na talaga ako! Sasabihin ko na ba ang totoo? O huwag?!” tanong niya mula sa kanyang isip.
Nakita ni Alexius ang bawat pagpatak ng luha ng prinsesa sa palda. “Your Highness...” hinimas na niya ang likuran nito.
Lalong naluha si Janella. Tinakpan na niya ang kanyang mukha.
Tumayo si Adelaide at lumapit sa tabi ng kanyang anak. “Ipaliwanag mo nga ‘to sa ‘kin Janella.” at pinakita ang marumi niyang damit.
Lumingon ng kakaunti si Janella at sinilip mula sa kanyang mga daliri ang kanyang damit mula sa kamay ng kanyang ina. Yumuko siya muli at napailing.
“Kapag ikaw nagkataong nakuha ng mga La luna. Sinasabi ko na sa ‘yo, alam mo naman ang mangyayari di ba?! Tandaan mo ‘tong mga sinasabi ko sa ‘yo.”
Naaawa na si Alexius at ang iba pang mga tao na nasa loob habang pinagmamasdan ang prinsesa.
“May tanong ako sa ‘yo anak, hindi ka ba natatakot?”
“Natatakot po...”
“Kung talagang natatakot ka, huwag ka lang basta-basta lumayas! Kahit ba magpaalam ka pa sa ‘kin, hinding-hindi ako papayag.”
Nakayuko lang si Janella.
“Bakit ba hindi mo masunod-sunod ang napakasimpleng pinag-uutos ko sa ‘yo?! Dito ka lang kasi magiging ligtas! Dito lang sa palasyo! Hindi mo pa rin ba naiisip ‘yun?!”
Patuloy lang sa pagluha si Janella.
Masamang tumingin si Adelaide kina Baron at Clayden. “Baron, Clayden sumunod kayo sa ‘kin.”
Tumango ang dalawa at sabay-sabay silang tatlo lumabas ng Dining Hall.
Tumayo si Damion at nilapitan na niya ang luhaang prinsesa. Hinimas rin niya ang likuran nito.
“Nahihirapan na talaga ako… hirap na hirap na!!!” wika ni Janella mula sa kanyang isip.
Habang sila Baron at Clayden naman ay nasa loob na ng kwarto ni Adelaide.
“Ano kaya ang pwedeng gawin? Para hinding-hindi na talaga makakaalis si Janella dito?” tanong ni Adelaide habang siya ay nakatingin sa malaking bintana.
Nakatayo lang ng tuwid ang dalawa.
Tumingin ang reyna sa kanilang dalawa. “Kaya n’yo bang hindi matulog ng buong gabi?”
“Ahmm...” napalunok si Baron.
“Hindi?” umiling na lang si Adelaide. “Iba na lang...” tumingin muli siya sa kanyang bintana. “Kawawa naman kasi kayo dahil sa umaga puro na nga kayo trabaho tapos sa gabi hindi pa kayo magpapahinga.”
“Your Majesty.” biglang sumagot si Clayden. “Kung kumuha na lang po kaya tayo ng ilang tao para magbantay sa hardin ng ating palasyo?”
Tumingin siya kay Clayden. “Hm, pwede rin. Magandang ideya ‘yan Clayden.” napangiti siya ng kakaunti.
Napangiti si Clayden.
“O sige, paano ang gagawin ninyo para makahanap na kayo ng mga magbabantay?”
“Kami na po ang bahala ni Baron!”
Tumingin si Adelaide kay Baron.
“Ah, o-opo!” mabilis na tumango si Baron.
“O sige maraming salamat sa inyo.”
“Wala pong anuman!” yumuko ang dalawa para magbigay galang at lumabas na ng kwarto pagkatapos.
Maya-maya ay tanghali na at may mga tao na sa hardin. Pinakakain at pinagpapahinga muna ni Adelaide sila dahil wala nang tulugan mamaya. Nasa loob ng kwarto si Janella habang nakatingin sa kanyang bintana’t pinagmamasdan ang mga taong magbabantay sa kanya.
Naiisip pa rin niya ang kanyang masamang balak na patayin si Zavier. Ngunit gumugulo naman sa kanyang isipan na mabait naman ang ito at marapat ngang pagkatiwalaan. Napabuntong-hininga siya.
“Tsk! Nalilito na ako, sino ba sa inyo ang susundin ko?” tanong niya mula sa kanyang isip. Nasa kanyang pagmumukha ang pagkalungkot. Bigla niyang naalala ang kanyang sinabi bago pa sila magkita ni Zavier.
“Jasper… hinding-hindi ko mapapatawad ang mga La luna. Papatayin ko talaga sila kapag nakita ko! Kaya humanda sila sa ‘kin!”
Kasalukuyan, bigla siyang napaisip na pagkakataon na niya ito. Nandiyan na ang mga nagbabantay at kapag bumalik si Zavier sa palasyo ay siguradong patay na siya. Ngunit sa kabila nu’n, gumugulo talaga sa kanyang isip ang kanyang panaginip.
Napapikit siya. “Tsk! Ano na ba talaga?!”
Nagulat si Janella nang kumatok si Damion sa pinto. “Your Highness?”
Marahan siyang lumapit sa pinto at binuksan. “B-Bakit po?”
“Pwede ba akong… pumasok?” ngumiti siya.
“O-Opo.” tumango siya at tumabi para bigyan siya ng daan.
“Maraming salamat.” pumasok na siya sa loob at siya na rin ang nagsara ng pinto. Tumungo siya sa bintana pagkatapos.
Pumunta rin si Janella sa bintana.
“Nakikita mo ba sila?” tanong ni Damion habang siya ay nakatingin sa mga tao na nasa hardin.
Tumango lang siya habang pinagmamasdan ang mga tao. “Opo.”
Lumingon si Damion at tiningnan niya ang prinsesa. “Nagtutulungan kaming lahat para sa ‘yo pati na rin sa nanay mo at sa mundo natin.”
Malungkot lang ang pagmumukha ni Janella.
“Sana sundan mo na ang iyong nanay. Huwag na huwag ka nang umalis pa dito. Alam kong mahilig kang mamasyal, lalo pa’t pangarap mong puntahan ang buong kontinente. Pero… ihinto mo muna ‘yan sa ngayon.” mahinahong wika ni Damion.
“Pero...” bigla na naman niyang naisip si Zavier dahil parang mas naniniwala siya sa binata. Sapagkat naipakita naman nito na makukuha siya dito sa palasyo dahil nakukuha nga siya mismo dito ni Zavier.
“Pero…?” nakatingin lang sa kanya si Damion at inaantay ang kadugtong.
“W-Wala po…” umiling na lang si Janella.
Ngumiti na lang si Damion at muli siyang tumingin sa hardin. “Pati ang mga tao sa buong siyudad ay pinagsasanay ko nang makipaglaban. Tinuturuan na sila ngayon ng mga magagaling nating mandirigma.”
“Your Highness!” tawag ng isang tao na nasa ibaba.
Hinanap kaagad ni Janella kung saan galing ang boses na ‘yun. Nakita niya ang nakangiting magbabantay mamaya habang kumakaway-kaway pa ito sa kanya.
“Isa itong sakripisyo para sa mundo!” nakangiti siya habang hawak-hawak ang plato at mukhang kakatapos lang kumain. “Kaligtasan mo lang naman ang gusto namin! Kaya gagawin namin ‘to!”
Malungkot lang na nakatingin si Janella sa kanya. Sinandal niya ang kanyang dalawang braso sa bintana at hinawakan ng dalawa niyang kamay ang kanyang noo. Bumuntong-hininga na lang siya.
Maya-maya ay gabi na, lahat na ng mga tao na magbabantay ay pumunta na sa iba’t ibang parte ng hardin. Mga nakasuot sila ng itim para hindi sila gaano kita. May mga hawak rin silang mga sandata para kung sakaling may pumasok, handa sila.
Tinitingnan ni Janella ang mga ginagawa nila sa hardin. Napabuntong hininga siya. “Zavier… huwag ka nang pumunta dito.” wika niya mula sa kanyang isip. Sinara niya ang bintana pati na rin ang kurtina. “Oo, sige na. Naniniwala na talaga ako sa ‘yo na hindi ako ligtas dito. Kaya kahit na hindi mo na ako tulungan at kahit wala ka na… kaya ko naman ‘to siguro… Ako na ang bahala sa refuge place.”
Maghahatinggabi na maya-maya, nakauwi na si Damion sa kanyang mansyon. Lahat ng mga nasa loob ng palasyo ay mga tulog na, kahit pati si Baron tulog na rin dahil nagawa na rin naman niya ang last assignment niya na tingnan muna ang buong palasyo kung maayos na bago matulog. Pero pwera nga lang kay Janella, nakahiga lang siya sa kanyang kama. Nakapikit pero hindi tulog, dahil hindi makatulog sa kakaisip. Nakapatay na ang lahat ng ilaw sa loob ng kanyang kwarto.
“Ano na bang klaseng buhay meron na ako ngayon…? A-Ang gulo na! Sobra! Ang hirap!” pabulong ngunit mataas na tonong sabi niya.
May bigla siyang narinig na tunog ng patak ng tubig mula sa kanyang bintana. Nagulat siya dahil imposible nang makarating si Zavier dito sapagkat may mga nagbabantay na nga sa labas. Madali siyang dumilat sabay bangon at pumunta sa bintana. Inobserbahan niya ang tubig na pumapasok dito. Tama nga ang kanyang hinala, siya ay dumating.
Mabilis na lumayo si Janella sa bintana.
Nakapasok na ang tubig sa loob ng kwarto at mabilis siyang naging itsurang tao. “Princess!” masayang wika niya at madaling lumapit sa kanya. Hindi na niya suot-suot ang kanyang cloak hood ngunit nakasuot na sa mga kamay niya ang gwantes niyang itim. Palagi na niya itong susuotin dahil baka tawagin muli siyang butiki.
“Zavier.” mahinang wika ni Janella. “Hindi na ako sasama sa ‘yo.” mahinahong wika niya.
Huminto sa paglakad si Zavier. Nagulat siya. “A-Ano?” lumungkot ang pagmumukha niya. “Akala ko ba---”
“Paano ka nga pala nakapunta dito?” nakakunot noong tanong ni Janella. “Hindi mo ba napansin na may mga nakabantay na sa hardin?”
Tahimik lang si Zavier habang nakatingin sa kanya ng malungkot. “Princess, b-bakit nagbago ang isip mo?”
Humalukipkip siya. “Dahil baka may masama ka nang binabalak sa ‘kin! Kung sa bagay, isa kang La luna at dapat lang na hindi ako sumama sa ‘yo.”
Napailing lang siya at napayuko pagkatapos.
“Umalis ka na Zavier. Wala na tayong dapat na pag-usapan.”
Muli siyang tumingin sa prinsesa. “Hinding-hindi ako aalis. Kahit anong mangyari, hindi ako susuko! Kailangan mo pa ring sumama sa ‘kin!”
“Hindi na nga Zavier! Ano ba?! Ang kulit mo talaga!”
“Sasama ka sa ‘kin!” madali siyang lumapit sa kanya at hinawakan ang kanang kamay nito. Lumakad siya papunta sa bintana.
“Tsk! Bitiwan mo ako!” pinilit niyang ialis ang kamay nito sa kanya.
Tahimik lang si Zavier habang naglalakad. Mahigpit lang niyang hinahawakan ang kanyang kamay.
“Huwag na nating alamin pa ang refuge place dahil dito lang ako! Bitiwan mo na nga ako sabi!”
Patuloy lang si Zavier sa paglakad hanggang sa marating na nila ang bintana.
“Zavier! Ano ba!” pinipilit pa ring ialis ni Janella ang kanyang kamay sa kanya. “Bitiwan mo nga ako! Iwanan mo na kasi ako!”
Seryoso siyang tumingin kay Janella. “Hindi ka pwede dito sa palasyo! Kailangan na nating maghanap ng refuge place dahil pagkatapos ng tatlong araw ay susugod na ang mga La luna dito!”
Nagulat si Janella at bigla siyang nag-alala.
“Sumama ka lang sa ‘kin at hinding-hindi masasaktan ang iyong mga kababayan mula sa kanila. Ang kailangan lang naman nila ay ikaw princess. Ikaw at ikaw ang hahanap-hanapin nila!”
May takot ang tingin ni Janella sa kanya.
“Ayokong makuha ka nila. Kaya pakiusap… kailangan mo na akong pagkatiwalaan ng buong puso!”
Nagbago muli ang isip niya. “O sige, sasama na ako sa ‘yo!” hinawakan din ng kanyang kamay ang kamay ni Zavier na nakahawak sa kanya. “Halika na!” hindi na niya naisipan pang magsuot ng tsinelas. Mabilis niyang binuksan ang bintana.
“Princess---” naputol ang importanteng sasabihin ni Zavier nang biglang binuksan na ni Janella ang bintana.
Muling kumunot ang noo ni Janella. “Hm? A-Anong amoy ‘yun?” nang maamoy niya ang sobrang bangong amoy na mula sa labas, bigla siyang nakatulog ngunit mabilis naman siyang sinalo ni Zavier.
Pumasok sa loob ang kulay gintong Sleepy Dust mula sa bintana at madali itong kumalat sa buong kwarto. Ito ay pampatulog na kadalasang ginagamit ng mga taga-Mharius. Mabilis kaagad na makakatulog ang mga nakakaamoy nito. Wala na rin silang maaalala sa mga nangyari pagkagising nila. Ngunit maaalala rin nila ang mga nangyari pagkalipas ng ilang taon o ilang araw. Pwera na nga lang kung may magpapaalala sa nangyari ngunit nakadepende pa rin ito sa katalasan ng memorya ng isang tao para maalala muli ang lahat ng mabilisan.
Lumabas na si Zavier sa bintana habang buhat-buhat muli si Janella. Pagkatapos nilang bumaba, madali na siyang pumunta sa gate ngunit napaisip siya kung paano niya mailalabas ang prinsesa dito dahil nakasara ito. Wala na siyang iba pang paraan kundi ihagis ito sa kabila. Ayaw man niya ito gawin ngunit wala siyang magagawa. Malakas na lang niyang hinagis si Janella patungo sa kabila. Ngunit mabilis naman siyang naging tubig at tumagos sa gate. Naging tao muli siya at sinalo ang prinsesa na bumagsak. Tumakbo na siya dahil medyo malayo ang ship mula sa palasyo. Hindi niya pinababa ang ship sa hardin sapagkat natuklasan nga niya na may mga nagbabantay dito. Nakapwesto ang Amadeyu Ship sa madilim na lugar at walang kabahay-bahay. Binuksan niya ang pinto at dahan-dahan niyang nilagay si Janella sa upuan. Naging tubig na muli siya at mabilis siyang pumasok sa loob ng ship para makaalis na sa mundo.