19: The Surprise Party
Nasa kwarto lang si Janella habang kasama si Lucius sa loob. Nakaupo lang si Lucius sa upuan na katabi ng kama ni Janella.
“Magsisimula na ang partido maya-maya.” nakangiting wika ni Lucius.
Nakatingin lang sa bintana si Janella habang pinapanood ang mga palakad-lakad na bisita sa hardin.
“Anong klaseng partido ba ‘to? Para alam ko kung anong susuotin ko.”
“Ito ang suotin mo.” at nilapag niya ang damit sa kama ni Janella.
Napatingin si Janella sa kanyang kama para tingnan ang damit. Nakita niya ang isang white gown. “Ahm, ‘yan?”
“Mhm.” tumango si Lucius.
Lumapit si Janella sa kanyang kama. Kinuha niya ang white gown at tiningnan sa kanyang katawan kung kasya ba ito sa kanya.
Napangiti si Lucius habang nakatingin sa kanya. “Maganda sa ‘yo!”
Umiling si Janella. “Ayoko nito.” at sabay tapon sa kanyang kama.
Nagulat siya at napatingin sa white gown na nasa kama.
Dumiretso ang prinsesa sa kanyang aparador. Binuksan niya ito at kinuha ang nightgown niyang puti. “Ito na lang ang susuotin ko.”
“P-Pero isa itong partido…”
Lumingon muli si Janella sa kanya. “Hindi kasi ako kumportable sa mga gown e. Ang sisikip! Nahihirapan akong huminga minsan!”
Nakatingin lang sa kanya si Lucius.
Tumingin na muli si Janella sa aparador at sinara ito ng marahan. Bumuntong hininga siya.
“O sige… masusunod kung ano man ang gusto mo, my princess.”
Tumalikod na si Janella sa aparador at lumakad papunta sa kanya. “Huwag mo nga akong tawaging ‘MY PRINCESS!’”
Nananatili lang nakatingin sa kanya si Lucius.
“Janella na lang! Maganda pang pakinggan!” at umupo sa kanyang kama.
Umiling si Lucius. “Ikaw kasi ang aking prinsesa.”
Kumunot ang noo ni Janella at bigla siyang sumimangot.
Natawa na lang si Lucius. “Oo nga pala, anong maganda kong suotin?”
“Ewan ko sa ‘yo! Bakit ako pa ang pipili para sa ‘yo?!”
“Oo.” pumalakpak ng isa si Lucius habang nakatingin sa kanya.
Biglang bumukas ang pinto at pumasok sina Jonathan at Eric sa loob ng kwarto habang dala-dala ang dalawang damit ni Lucius.
Napatingin si Janella sa dalawang servants. Nakita niya na iba na ang kanilang mga damit.
Tumabi ang dalawa kay Lucius.
“Alin ba sa dalawa ang maganda?” mahinahong tanong ni Lucius habang hinahaplos ang pareho niyang damit. “Ito ang pinakamaganda kong prince outfits na sinusuot ko palagi sa mga partido.”
Napatingin si Janella sa dalawang damit. “Hindi ko alam, parehas kasing maganda. Siguro ang paborito mong kulay ay puti ‘no? Puro ka kasi puti. Pati ba naman sa gown na pasusuotin mo sa ‘kin ay puti din.”
Natawa si Lucius at napatingin sa kanya. “Parang ganu’n na nga at paborito kong kulay ay puti para araw na ‘to.”
Sumulyap ang mga mata ni Janella kina Eric at Jonathan. Mga diretso lang ang kanilang tingin habang nakatayo sila ng tuwid.
“Ang maganda nga lang sa isang prince outfit ko, meron ‘tong sombrero.” at hinawakan ang damit na tinutukoy.
Napatingin muli si Janella sa dalawang damit. “Bakit? Kapag ba sinuot mo ‘yung isang prince outfit na walang sombrero ay hindi mo na ba pwedeng suotin ang sombrero ng isa mong prince outfit?”
Natawa muli si Lucius. “Hindi naman sa ganu’n, pero kapag sinuot ko ang sombrero habang iba naman ang aking suot. Ang pangit tingnan dahil sa hindi magkatugma ang itsura.”
“Okay.” tumango na lang si Janella. “Ikaw… bahala ka. Basta ako ito!” at pinakita ang nightgown sa kanya habang hawak-hawak ng magkabila niyang kamay. “Ang ganda kaya nito!” binabaliktad-baliktad niya pa ito kay Lucius.
Ngumiti na lang siya. “Sige, ang susuotin ko na lang ay ‘yung prince outfit ko na walang sombrero. Kasi hindi ka magsusombrero kaya hindi na rin ako.”
“Ah ganu’n?” at tiningnan ng seryosong tingin si Lucius. “Ano bang meron at parang gusto mong magkatugma tayo ng damit ngayon?”
“My Lady?” tawag ng babaeng katulong mula sa labas ng kwarto.
Natigilan si Janella. “Pasok.” sumulyap siya sa pintuan.
Napalingon sa likuran si Lucius para tingnan kung sino ang papasok sa loob.
Marahang binuksan ng katulong ang pinto para pumasok. Sinara din niya ito pagkatapos. “Mag-aayos ka na po ngayon ng iyong sarili para sa mamayang partido.” wika ni Harony.
Tiningnan niya si Harony. Nakita niya na iba na rin ang kanyang suot-suot na damit. “Ah, o sige.” tumango siya at tumayo.
“O sige, lalabas na ako.” ngumiti si Lucius. “See you later.”
Hindi na pinansin ni Janella si Lucius at dumiretso na siya sa banyo para maligo.
Napatingin si Lucius kay Jonathan na may hawak ng prince outfit na may sombrero. “Iwanan mo na ‘yan dito.” mahinang wika niya.
Napatingin sa kanya si Jonathan. “Opo.” yumuko siya para magbigay galang at nilapag niya sa kama ang damit ng malumanay.
Palubog na ang araw at dalawang oras na lang ay magsisimula na ang partido.
“Seryoso po kayo? I-Ito ang susuotin n’yo po sa partido?” pagtatakang tanong ni Harony kay Janella habang hawak-hawak niya ang nightgown na gustong suotin ng prinsesa.
“Oo.” wika ni Janella. Kakatapos pa lang niyang maligo kaya nakasuot pa siya ng bathrobe habang nakaupo sa upuan ng kanyang vanity table.
“Pero...” tiningnan ni Harony ang nightgown habang binabaliktad-baliktad. “Para po ito sa pampatulog at hindi para sa partido.” napatingin siya kay Janella.
“‘Yan ang gusto ko e!”
“May sayawan pa naman mamaya, My Lady. Tapos ganito ang suot mo.”
“Eh ‘di mamayang sayawan, magpapalit ako.”
Natahimik saglit si Harony at pinagbigyan na lang niya ang prinsesa. “O sige.” tumango siya at lumapit na kay Janella para bihisan.
Habang sa ibang servants naman, mga pakalat-kalat rin sila para asikasuhin ang mga bisita sa dalawang palapag at sa hardin. Mga iba na rin ang kanilang mga kasuotan.
Sina Baron at Clayden ay mga nakatayo lang sa hardin.
“Paano na ‘yung fireworks Baron?” mahinang tanong ni Clayden habang nakatingin ng diretso.
Napailing ng malumanay si Baron habang papikit-pikit ang kanyang mga mata. “H-Hindi ko alam.” nakatingin rin siya ng diretso.
Nag-uugat na ang mga mata ni Clayden habang nag-iisip ng paraan. “A-Ano bang pwede nating gawin?” sinulyapan niya si Baron.
“Hindi ako papayag na matatanggal si Tofena dito.” wika ni Baron.
“Hindi nga makakapaghanap si Tofena ngayon. Tulog nga siya sa kwarto natin.”
“Dapat tayo na ang kumilos.” tumingin na si Baron sa kanya.
Nakita rin ni Clayden na nag-uugat rin pala ang mga mata ni Baron. Natawa siya ng kakaunti.
“Bakit?”
“Wala lang.” umiling siya. “Ano na Baron? Maggagabi na! Putukan na ng fireworks maya-maya!”
“Hindi ko na alam kung ano na ang gagawin natin Clayden.” napailing siya ng marahan.
Habang si Gweine naman ay nasa ika-unang palapag hawak-hawak ng kanang kamay ang tray ng mga baso na maiinuman ng mga bisita.
“Hello sir!” masiglang bati ng isang babae na papalapit sa kanya.
“Anong sir ka diyan? Ma’am kaya!” wika niya mula sa kanyang isip. Sumimangot siya sa bisita.
Kumuha ng isang baso ang babae. “Thank you!” at umalis na sa kanyang harapan.
“Hay naku… I’m a woman! Do you know that?!” tumingin siya sa ibang pwesto ngunit hindi niya akalain na makikita na naman niya si Julius. “Ay! Ano ba ‘yan! Bakit ba pinagtatagpo talaga kami ng tadhana ngayon! Ano bang meron? Destiny na nga ba ‘to?” napangiti siya bigla habang nananatiling nakatingin sa kanya.
Hawak-hawak naman ni Julius sa kanyang kanang kamay ang tray na puno ng mga desserts. Mga bata ang mga nagpupuntahan sa kanya karamihan para humingi ng mga masasarap at matatamis na desserts.
“Sir! Sir! Sir!” tawag ng isang malusog na batang lalaki kay Julius mula sa kanyang likuran.
Narinig ni Julius ang tinig nito kaya umikot siya para tingnan ang bata. “Yes, sir?”
“Dessert please!”
Pipili na sana si Julius ng dessert para sa bata nang bigla naman siyang pinigilan nito.
“No! No! No! Ako po ang pipili sir!”
Napatingin si Julius sa kanya. Lumuhod siya para maabot at makapagpili ang bata ng desserts sa tray.
Nakatawa lang ang bata habang naglalaway-laway pa siyang nakatingin sa tray. Pinili niya ang mga kulay rosas na desserts.
Akala ni Julius ay tapos na siyang kumuha. Tatayo na sana siya nang biglang kumuha pa ng maraming desserts ang bata.
“Teka lang sir ah!” nakangiting wika niya habang pumipili pa.
Nakatingin lang si Julius sa bata at naalala niya bigla ang kanyang sarili. “Mukhang mahilig siya sa matatamis. Parang ako lang ah.”
“Thank you po sir!” ningitian niya muna si Julius bago siya tumalikod at umalis.
Napatingin si Julius sa pangangatawan ng bata na naglalakad. Ngumisi siya. “Ang cute naman niya. Ang lusog!” tatayo na sana siya nang biglang may tumawag na namang bata sa kanya.
“Sir! Sir! Sir!” tawag naman ng isang babaeng bata na tumatakbo papalapit sa kanya habang hawak-hawak pa niya ang kanyang mabulaklaking palda.
Napatingin si Julius sa malusog na bata dahil narinig niya mula do’n ang boses ng babae.
“Hello Jenny!” masiglang bati ng batang lalaki kay Jenny na papalapit sa kanya.
“Hello din sa ‘yo Henry!” diretso lang na tumatakbo si Jenny.
Hindi naman sinasadyang maaapakan ni Henry ang palda ni Jenny kaya nadulas siya at natumba. “Aaahhh!!!” sigaw niya at sumabog pa tuloy sa hangin ang mga desserts na dala-dala niya.
“?!” nagulat si Julius nang makita niyang natumba si Henry. Gusto niya sana itong lapitan ngunit si Jenny ay parating na sa kanya.
“Sir!” huminto si Jenny sa kanyang harapan habang hinihingal.
Napatingin siya sa batang babae pero napapatingin siya kay Henry.
Nakahiga pa rin si Henry. “Ouch! Ouch! Ouch!”
Tatayo na sana si Julius nang bigla naman niyang nakita si Gweine na papalapit kay Henry.
Tumatakbo lang si Gweine papalapit sa bata. “Naku naman~!” madali siyang lumuhod at nilapag niya muna sa ibaba ang tray. Tinulungan niyang tumayo si Henry pagkatapos.
“Gweine! Bigyan mo ako ng tubig! Ibibigay ko lang sa bata!” tinutukoy niya si Jenny.
Napalingon si Gweine kay Julius habang slow motion pang sumusunod ang kanyang mga buhok. “T-Tinatawag mo ba ako?” biglang nagkaroon pa ng imaginary bubbles ang kanyang likuran.
Napailing na lang si Julius at tumingin na lang muli siya kay Jenny.
Kumuha na ng dessert si Jenny sa tray ni Julius habang hinihingal pa siya ng kakaunti.
Tumayo na si Julius habang nananatiling nakatingin kay Jenny. “Halika, kumuha ka na rin ng maiinuman mo.”
Napatingala siya at napatingin sa kanya. Tumango siya. “O-Opo!”
“Halika.” nagsimula nang maglakad si Julius at tumingin na siya kay Gweine pagkatapos.
“Ayos ka lang ba bata~?” tanong ni Gweine kay Henry na may halong pag-aalala.
“Ang sakit ng likuran ko po!” ngumuso siya.
“Ay naku naman! Tsk! Tsk! Tsk!” at hinilot ni Gweine ang kanyang likuaran.
“Sir! Pahingi po ako ng drinks!” wika ni Jenny sa tabi ni Gweine.
Napatingin si Gweine sa kanya. “Ay! Nandito ka na pala! S-Sige lang! Kumuha ka na!” nakangiting wika niya.
Kumuha na si Jenny. “Salamat po sir!”
“Walang anuman!” ningitian lang niya si Jenny habang patuloy lang niyang hinihilot ang likuran ni Henry.
Tumingin muli si Jenny kay Julius. “Salamat rin po ulit sa ‘yo sir!”
“Mhm.” tumango siya. “Huwag ka nang tumakbo.”
“Ahehehe! Opo!” yumuko siya para magbigay galang sa kanya bago umalis.
Tumingin na si Julius kay Gweine nang umalis na si Jenny. Kinuha niya ang tray nito sa kanyang tabi.
“Hm~?” tumingala si Gweine para tingnan si Julius.
“Hanapin mo na lang ang mga magulang ni Henry. Ako na ang bahala dito.”
“Henry?” napatingin siya sa bata. “Henry pala ang pangalan mo ha?”
Kinukuha na ni Henry ang mga desserts na malapit sa kanya habang pilit naman niyang iabot ang mga desserts na malayo sa kanya.
“Gweine!”
“Ano~?” tumingin muli siya kay Julius.
“Hanapin mo na ang mga magulang niya!”
“Ano ka ba~?! Tayo na kaya ang nagsisilbing magulang niya ngayon~! Aheehee~!”
Maya-maya ay magsisimula na ang partido. Ilang minuto na lang ang natitira bago magalas-sais ng gabi. Nasa ika-unang palapag na ang mga bisita habang nakaupo na rin sila sa kani-kanilang mga upuan. Nasa harapan nila ang mga magtutugtog ng mga tugtugin para sa partidong ito habang nasa gilid lang sila ng hagdanan nakapuwesto.
Meron isang lamesa na may tatlong upuan na nasa sentro ng hall. Malapit lang ito sa hagdanan.
“Magandang gabi sa inyong lahat Ladies and Gentlemen! At ngayong gabi ay magsisimula na po ang ating partido!” masiglang wika ni Baron habang siya ay nasa sentro ng hall.
Nagpalakpalakan ang lahat habang nagsimula namang magtugtog ang mga orchestral.
Mga nasa likuran ng mga nakaupong bisita ang ibang servants. Nakatingin din sila kay Baron.
“Paano na ‘yan… gabi na! Paano na ang fireworks natin niyan?!” parinig na wika ni Christoph kay Serah na nasa kanyang tabi.
Patuloy lang na nagsasalita si Baron sa kanilang harapan habang mga nagpapalakpakan naman ang mga bisita.
Nakatayo lang si Serah at nagkunwari na walang narinig.
Tumingala si Nathy at tumingin kay Christoph. “Kuya?” hinila niya ang damit nito.
Napatingin sa ibaba si Christoph. “Ano ‘yun Nathy?”
“B-Bakit po? May problema po ba tayo sa fireworks?”
“Meron.” tumingin na muli si Christoph kay Baron at hinimas ang ulo ni Nathy.
Nakasimangot lang si Serah habang nakatingin kay Baron.
Biglang kumunot ang noo ni Eric at na-curious siya sa problema. Napatingin siya kay Christoph. “Anong problema?” mausisang tanong niya.
“Napaputok kasi ni Tofena ‘yung fireworks ni Ginoong Lucius. Yari nga siya kapag hindi niya ‘yun napalitan.”
“Patay! Yari talaga siya!” gulat na wika ni Jonathan mula sa tabi naman ni Eric.
Nagsitayuan ang mga bisita nang makita nila si Lucius na bumababa na ng hagdan.
Nakangiti lang ang binata habang tinitingnan ang bawat bisita. Kumaway siya ng maliit.
“Ang ganda ng kanyang damit!” wika ng mga dalaga. “Kumikinang-kinang pa!”
“Mukha na nga siyang prinsipe!” wika naman ng isang babae.
“Maraming salamat sa lahat ng dumalo ng aking partido!” nakangiting wika ni Lucius sa lahat ng mga bisita.
Mas lumakas ang palakpakan ng lahat.
“Magandang gabi po Ginoong Lucius!” yumuko si Baron para magbigay galang.
“Mhm.” ningitian lang ni Lucius si Baron at dumiretso sa lamesa na nasa sentro ng hall at umupo sa kanyang upuan.
Habang kina Janella at Harony naman sa loob ng kwarto.
Nakangiti lang si Harony mula sa tabi ni Janella. “Ang ganda mong tingnan My Lady kahit na naka-nightgown ka lang po ngayon.”
Nakatayo at pinagmamasdan lang ni Janella ang kanyang sarili sa salamin. Nakita niya ang kanyang pananamit na kahawig ng sinuot niyang damit sa hindi niya malilimutang panaginip. Hinawakan niya ang mabulaklaking korona sa kanyang ulo. “Zavier…”
Napatingin si Harony sa mataas na takong ng sandalyas ni Janella. Nakangiti lang siya.
“Uh-oh!” kinabahan si Gweine. “P-Paano na si T-Tofena~?!”
Nasa ibang pwesto naman ng hall sina Gweine at Julius. Malayo sila kina Christoph.
Seryoso lang na nakatingin si Julius kay Lucius. Nakita niya na masaya ang binata habang siya ay nakatayo’t kinakausap ang mga bisita na malapit sa kanyang lamesa.
“Hindi ko alam.”
“Uhuhuhu~!” nagkunwaring umiyak si Gweine. Kumapit siya sa kanyang braso at pinatong naman ang kanyang ulo sa balikat nito. “H-Hindi ako papayag~! Hindi ako papayag na matatanggal na siya dito~!”
“Tsk! Ano ba Gweine!” at madaling inalis ni Julius ang ulo nito sa kanyang balikat.
Nang maupo na si Lucius sa kanyang upuan. Nagsalita na muli si Baron sa harapan masaya lang na nakatingin ang mga bisita sa kanya.
Si Clayden naman ay madaling tumatakbo patungo kay Christoph. “Christoph!” tawag niya.
Napalingon si Christoph sa kanya. “Oh, Clayden!”
“‘Yung fireworks?! Ano na?!”
“H-Hindi ko nga rin alam e!”
“Alam ko na!” nakatawa si Jonathan at napaturo pa siya sa itaas.
Madaling nagsilingunan ang mga servants at napatingin sa kanya.
“Pasabugin na lang natin si Nathy sa kalangitan!”
Naniwala naman kaagad si Nathy. “Hala! B-Bakit po ako?!”
Pumeywang si Jonathan at tumingin sa kanya. “Bakit?! Sino pa ba ang gusto mo?!”
“Hoy!” sinampal ni Eric ang ulo ni Jonathan.
Biglang nagsipalakpakan muli ang mga bisita.
Napalingon ang mga servants at sabay-sabay silang napatingin sa harapan.
Bumababa na si Janella sa hagdan.
“Woah!” nabighani ang mga bisita. “P-Para siyang diwata!”
“A-Ang gandang dilag!”
“Princess Janella!”
Napayuko silang lahat para magbigay galang.
Hawak-hawak lang ni Harony si Janella sa kamay habang silang dalawa ay bumababa.
Napayuko rin ang mga servants. Ngunit nung makita ni Clayden si Harony na bumababa, napatingin siya dito.
Mabagal na bumababa si Janella. Nanginginig ang kanyang mga paa dahil sa suot-suot na sandalyas niya. “H-Hindi ko maintindihan kung anong klaseng partido ba talaga ‘to Harony. Alam mo ba?” nakatingin lang siya sa hagdan.
Alam ni Harony kung ano ang partidong ito. Ngunit hindi na lang siya nagsalita.
Sumulyap saglit ang mga mata ni Janella sa mga bisita para tingnan silang lahat.
Masaya lang na nakatingin ang mga bisita sa kanya habang patuloy pa rin sa pagtutugtog ang mga orchestral.
“Nasa ibaba na tayo My Lady…” wika ni Harony.
“Magandang gabi po sa inyo, Your Highness!” yumuko si Baron para magbigay galang sa kanya.
“S-Salamat.”
Dinala ni Harony si Janella sa lamesa na nasa sentro ng hall at pinaupo niya ito sa tabi ni Lucius. Saglit na kumunot ang noo ng prinsesa matapos siyang paupuin sa tabi ng binata.
“Magandang gabi sa ‘yo.” nakangiting bati ni Lucius. “Ang ganda-ganda mo ngayong gabi.”
Ngumiti lang siya ng kakapiranggot habang nakatingin sa ibaba. Tumingin na lang siya kay Harony.
“Sige po My Lady, iiwanan ko po muna kayo dito.” yumuko si Harony para magbigay galang at umalis na sa kanyang tabi.
Nagsipalakpakan muli ang mga bisita at muling nagsalita si Baron pagkatapos.
“Clayden!” tawag ni Harony habang nagmamadaling lumapit sa kanya.
“H-Harony?” napalingon si Clayden at nakita siya.
“Punta na tayo sa backyard natin! Kakaunting minuto na lang at papuputukin na natin ‘yung fireworks!”
Kinabahan si Clayden at napatingin siya kay Christoph.
“Harony! Wala nang fireworks!” wika ni Christoph.
“Meron! Si Nathy!” pang-asar na wika ni Jonathan.
Hindi pinansin ni Harony si Jonathan. “A-Ano?!” nagulat siya. Palipat-lipat ang kanyang tingin sa kanila. “P-Paano ‘yan?! Hindi pwedeng masira natin ang partidong ito!”
“Kaya nga e! Yari nga si Tofena!”
“Oh, bakit? A-Anong meron naman kay Tofena?!”
“Siya ang nagpaputok ng fireworks! Kapag nga daw hindi niya ‘yun napalitan ngayon, ipapatanggal daw siya dito!”
Nanlaki ang mga mata ni Harony. “Sinong may sabi?!”
“Si Ginoong Lucius!”
Nagsipalakpakan muli ang mga bisita at bumaba naman si Adelaide habang hawak-hawak naman ni Alexius ang kanyang kamay para alalayan.
Napatingin muli ang mga servants sa harapan at nakita si Adelaide na bumababa na ng hagdan. Yumuko muli sila para magbigay galang.
“Si Queen Adelaide!” wika ng mga bisita. Yumuko muli silang lahat para magbigay muli ng galang.
Nakangiti lang si Adelaide habang pinagmamasdan ang mga bisitang nakayuko sa kanya. Nang makaupo na siya sa kanyang upuan na kung saan nando’n sina Lucius at Janella, iniwan na siya ni Alexius dito. Pinagpatuloy muli ni Baron ang kanyang pagsasalita habang nakatingin muli ang lahat sa kanya. Ilang minuto na siyang nagsasalita sa kanilang harapan at napapatawa niya minsan ang mga bisitang masayang nakikinig sa kanya dahil sa mga sinasabi niyang katawa-tawa.
Naiwan ang iilang servants sa ika-unang palapag habang ang iba naman ay mga nasa backyard na.
“Paano ‘to?!” napatingin si Harony sa kalangitan. “Kakaunting minuto na lang!”
“Tsk! Pwedeng iba na lang? Magpasabog na lang tayo ng mga bulaklak sa hangin?” tarantang tanong ni Christoph kay Clayden.
“Hindi ko alam! Bakit ako ang tinatanong mo?!” si Clayden.
“Sungit mo naman!”
“Nathy! Ano pa ang inaantay mo?!” mataas na tonong tanong ni Jonathan.
Umiling-iling si Nathy habang nasa likuran ni Eric.
“Tumigil ka na nga diyan Jonathan!” inis na wika ni Eric.
“…Knight of Princess Janella Irish Doherty, please welcome Lucius Alexandre!” nakangiting wika ni Baron habang nakatingin kay Lucius.
Tumayo na si Lucius sa kanyang upuan at ningitian ang mga bisita na malakas pumapalakpak sa kanya.
Biglang kumunot ang noo ni Janella matapos niyang marinig ang sinabi ni Baron. Nakasimangot lang siyang nakatingin sa lamesa habang nakasandal sa kanyang upuan.
Ngumisi si Adelaide habang pumapalakpak. Tumingin siya kay Janella.
Sumulyap lang ang mga mata ni Janella sa kanyang nanay na nasa kanyang harapan.
“Magandang gabi sa inyong lahat Ladies and Gentlemen! Masaya ako’t naririto kayong lahat sa aking partido!” masayang wika ni Lucius habang siya ay nakatayo.
“Tama si Christoph! Ganu’n na lang ang gawin natin! Magpasabog na lang tayo ng mga bulaklak! Pero hindi sa labas natin gagawin! Do’n mismo sa loob, kung saan ginaganap ang partido!” tarantang wika ni Harony.
“Saan naman tayo kukuha ng mga bulaklak? Pipitas na lang ba tayo sa hardin?” natataranta na rin si Clayden.
“Oo! Wala na tayong iba pang paraan! Dali!”
“…May gusto lang sana akong sabihin at ibahagi sa inyo ngayong gabi...” nakangiting wika ni Lucius habang nakatingin sa mga bisita.
Nakangiti lang si Adelaide habang nakatingin kay Lucius.
Madali nang tumatakbo sina Harony patungo sa hardin. “Dalian natin!”
“Aray!” nadapa pa si Nathy.
Napahinto si Eric nang marinig niya si Nathy na nasaktan. Napatingin siya sa kanyang likuran at nakita si Nathy na tumba nga sa bermuda grass. Madali siyang pumunta dito at binuhat.
“Hah! Hah! Hah!” hingal ni Clayden habang tumatakbo.
“Medyo malayo pa! Ang lawak pala talaga ng lote natin!” hinihingal na rin si Christoph.
“Teka!” nahuhuli na si Jonathan sa kanila.
“…Simula nung araw na makita ko ang napakagandang mukha niya. Napaisip ako na parang sa kanya ko lang yata makikita at mararamdaman ang pag-ibig na ninanais ko para sa aking buhay.”
Natawa ng marahan ang mga bisitang babae.
“B-Baka ako na ‘yun! Aheehee!” kinilig pa ang isang babaeng bisita.
“…At pagkatapos nung siya ay makausap ko, bigla na lang nagbago ang aking naramdaman para sa kanya.”
“Oh! E hindi ka pa naman nakakausap ni Ginoong Lucius e!” wika ng kapatid na lalaki sa tabi ng kinikilig na dalaga.
“Ano ka ba Efren!” sinampal niya ang braso nito. “Kinausap niya kaya ako sa panaginip! Ahahaha!” napahiya siya sa loob-loob.
Madali lang na pumipitas sina Harony sa hardin.
“Teka lang! Baka naman pumangit na ‘yung hardin natin nito!” si Jonathan. “Lagot tayo kapag pumangit ‘to!”
“Pero anong magagawa natin kung hindi natin mapapalitan ang fireworks?!” si Christoph.
“Dalian na lang natin mga kuya!” mabilis na pumipitas si Nathy ng mga bulaklak sa isang halaman.
“Nathy! Dahan-dahan ka lang at baka masira ang halaman!” mabilis na hinawakan ni Eric ang kamay ni Nathy para pahintuin.
Biglang kumulog.
“Ha?” napatingin si Clayden sa kalangitan.
Kumulog muli at napahinto na silang lahat sa ginagawa.
Napatingin si Clayden kay Harony. Nakatingin rin si Harony sa kalangitan at sumulyap pagkatapos ang kanyang mga mata kay Clayden.
“Uulan kaya?” mahinang tanong niya.
“Siguro!” tumingin muli si Clayden sa kalangitan.
Malakas lang na nagpapalakpakan ang mga bisita sa loob.
Tumingin na si Lucius kay Janella at marahang kinuha ang kamay nito na nakapatong sa lamesa.
“?!” nagulat si Janella at napatingin sa kanya.
“I promise to always be there for you. Palagi kang aalagaan at mamahalin, my princess.”
Muling kumunot ang noo ni Janella. “Anong---”
“At ngayon, hawak ko na ang iyong kamay… I will cherish you until the end of time. Mahal kita Princess Janella Irish Doherty!”
Mas lumakas ang pagkakapalakpak ng mga bisita at nagsitayuan na silang lahat.
Tumayo na rin si Adelaide habang pumapalakpak.
Gulat na gulat ang prinsesa habang nananatiling nakakunot ang kanyang noo. “Ano?!” napailing siya ng maliit. “Hindi…” mahinang wika niya.
Nakatingin lang sa kanya si Lucius. Kinuha na niya ang singsing sa kanyang bulsa at lumuhod.
Nanlaki ang mata ni Janella habang nakatingin sa kanya.
“I’d give anything and everything for you. I ask that you accept my love for you, will you marry me?”
Biglang kumulog na ng malakas at bumuhos na ang malakas na ulan.
“Takbo!” sigaw ni Jonathan!
Nagtakbuhan na ang lahat.
“Guys! Tutal kakaunti lang naman ang nakuha nating mga bulaklak, huwag na lang nating ituloy ‘to at baka hindi pa magustuhan ni Ginoong Lucius ang mapapakita natin! At saka maiintindihan naman niya siguro tayo kung wala nang fireworks dahil umuulan na ngayon!” sigaw ni Clayden.
Napatingin si Lucius sa malaking bintana habang pinapakinggan niya ang malakas na ulan.
Napatayo si Janella habang nananatiling nakatingin sa kanya. Kinabahan siya at hindi na niya alam kung ano ang kanyang sasabihin.
Napalingon si Lucius at muling tumingin sa prinsesa habang nakangiti.
Patuloy lang na pumapalakpak ang mga bisita habang ganu’n din si Adelaide.
Nilapit ni Janella ang kanyang mukha kay Lucius habang masama ang kanyang pagkakatingin dito. “Anong pinaggagawa mo Lucius?!” at pinilit niyang alisin ang kamay nito na nakahawak sa kanya. “Papakasalan mo ako?! Hindi pa nga tayo! At anong akala mo, papayag ako?” pabulong ngunit mataas na tonong sabi niya sa kanya.
Hindi pinakinggan ni Lucius ang kanyang sinabi at sumulyap lang ang mga mata niya kay Adelaide.
Lumaki bigla ang mga mata ng reyna at mukhang may sinasabi siya sa tingin.
Napatingin naman si Lucius kay Baron pagkatapos.
Napansin ni Baron na nakatingin sa kanya si Lucius kaya napatingin siya sa kanya.
Mukhang may sinasabi rin si Lucius sa pamamagitan ng kanyang tingin kay Baron. Mabuti naman at naintindihan niya kaagad ang ibig sabihin nito.
Napatingin na lang si Baron kay Janella. “SHE SAID YES!”
“Ano?!” nagulat si Janella at mabilis siyang napatingin kay Baron.
Bumalik muli ang tingin ni Lucius kay Janella at pinasok na lang niya ang singsing sa daliri nito.
“Oh, my~!” nagulat si Gweine. “Masaya ako para sa kanilang dalawa!” pumalakpak siya.
“Parang hindi ko naman narinig na nagsabi ng oo si Princess Janella.” mahinang wika ni Julius habang pumapalakpak.
“E kasi malayo tayo sa kanila e~!” patuloy pa rin sa pagpapalakpak si Gweine.
“?!” napatingin si Janella sa kanyang daliri at muli siyang tumingin kay Lucius pagkatapos.
“CONGRATULATIONS!” hiyaw ng mga bisita.
Nakahawak pa rin si Lucius sa kanyang kamay. Tumayo siya at sabay yakap ng mahigpit sa kanya.
Gulat na gulat si Janella. “Pinagplanuhan n’yo ba ‘to?! W-Wala akong sinabing OO!” hirap niyang wika sapagkat ang higpit ng pagkakayakap sa kanya ni Lucius.
Hindi lang nagsasalita si Lucius at mahigpit lang niyang niyayakap ang prinsesa.
Hindi makakilos si Janella. “Bitiwan mo nga ako! A-Ayoko sa ‘yo!” pagalit na wika niya.
“Ako at ikaw na ang mamumuno sa mundong ito! Akin ka na!”
“Urgh!” inis na wika ni Janella at mariin siyang napapikit. “Hindi kita g-gusto!”
Kumulog muli ng malakas.
Ilang minuto ang lumipas at mga nasa kwarto nila sina Harony, Clayden, Christoph, Nathy, Eric at Jonathan. Naligo muli sila at nagpalit na ng kani-kanilang mga damit.
“Dali! Lumabas na tayo ng kwarto! Kumakain na sila siguro! Kailangan natin silang asikasuhin! Lagot tayo kapag hindi tayo nakita ni Queen Adelaide!” tarantang wika ni Clayden.
“O sige! Halika na kayo!” sigaw ni Harony.
Mga nilalagyan na ng mga servants ang mga pagkain sa bawat lamesa ng mga bisita habang patuloy lang na nagtutugtog ang mga orchestral.
“Nasaan na sila Clayden?” pagtatakang tanong ni Triny kay Anette.
Parehas silang naglalakad habang dala-dala ang tray ng ulam.
“Hindi ko alam e.” nagkibit-balikat si Anette.
Humiwalay silang pareho para lagyan ang magkabilang lamesa ng ulam.
Tahimik lang na nakaupo si Janella sa kanyang upuan habang masamang nakatingin sa kanyang pagkain na nasa ibabaw ng kanilang lamesa.
“Kumain ka na.” nakangiting wika ni Lucius.
Masamang sumulyap ang mga mata ni Janella sa kanya at masama niya itong tinitigan.
Nananatiling nakatingin lang sa kanya si Lucius habang nakangiti. “Hindi ako kakain hangga’t di ka pa magsisimulang kumain.”
“Eh ‘di ‘wag kang kumain! Problema ba ‘yun?!” tumayo siya at umalis.
Biglang nainis si Adelaide sa kanyang narinig at nakita kay Janella. Tumayo siya’t hinawakan ang braso nito. “Janella!”
Napalingon si Janella at napatingin sa kanyang ina.
“Huwag mong iwanan si Lucius dito!”
“Ayoko po sa kanya! AYOKO!”
“Bumalik ka do’n sa upuan mo Janella! Huwag mong iwanan do’n ang mapapangasawa mo!”
Bumuntong-hininga si Janella at napilitan siyang bumalik sa kanyang upuan. Humalukipkip siya at masama ang loob.
Madaling pumunta sina Clayden sa mga trays para ilagay sa bawat lamesa na wala pang pagkain.
“A-Ang bango ng mga ulam!” nakangiting wika ni Caroline.
“Oo nga e!” masayang wika ni Blanca. “Dito na ako ah!” at kinuha ang isang tray. Dumiretso siya kaagad sa isang lamesa.
Isang oras ang lumipas at natapos na ang kainan. Sayawan naman pagkatapos.
“Dance with your partners now!” masayang wika ni Baron habang pinagmamasdan ang bawat bisita.
Sinimulan nang ibahin ng mga orchestral ang tema ng tugtugin para sa sayawan.
Tumayo ang mga bisitang lalaki at inanyayahan na ang mga babaeng gusto nilang makasayaw. Habang ang iba naman ay kasayawan na nila ang kanilang mga asawa.
“Maaari ba tayong sumayaw, mahal kong prinsesa?” inalok ni Lucius si Janella habang nakangiti.
Muling tumayo si Janella. Dumiretso lang siya sa hagdan at umakyat.
Nagulat si Lucius at sinusundan lang niya ng tingin ang prinsesang umaakyat.
Masama ang pagkakatitig ni Adelaide kay Lucius. “Nakakainis talaga ang ugali ni Janella kahit kailan!”
Napatingin si Lucius sa kanya. “Pabayaan n’yo na lang po siya.” ngumiti na lang siya ng kakapiranggot at kinuha ang baso. “Cheers?”
Biglang nawala ang init ng ulo ni Adelaide habang nakatingin sa baso ng binata. Muli siyang tumingin kay Lucius at napangiti rin ng kakapiranggot. “Cheers!” marahan niyang kinuha ang kanyang baso at pinagbangga niya ito sa baso nito.
Padabog na naglalakad si Janella habang patungo sa kanyang kwarto. Binuksan niya ang pinto at sinara ito ng malakas.
“Urgh!” napatingin siya sa singsing na nakasuot sa kanyang daliri. “Nakakainis!” tinatanggal niya ang singsing ngunit hindi niya ito matanggal. “Tsk! Bakit ayaw mong matanggal?!” patuloy pa rin siya.
Biglang kumatok si Triny. “Your Highness?”
Napalingon si Janella sa kanyang pintuan. “Bakit?!”
“A-Ayos lang po ba kayo? Inaantay ka po ni Ginoong Lucius sa ibaba.”
“WALA AKONG PAKIALAM!”
“?!” nagulat si Triny. Napatutop siya sa kanyang dibdib.
“Iwanan mo na ako dito!”
Kinukuha na ng mga servants ang mga plato sa bawat lamesa ng mga bisita. Pati ang mga trays ng mga ulam ay kinukuha na rin nila.
Mga masayang sumasayaw ang mga bisita sa sentro ng hall.
Bumaba si Triny at pumunta kaagad kay Lucius. “Ginoong Lucius. A-Ayaw po niyang bumaba.” pabulong na wika nito.
Napatingin sa ibaba si Lucius. “O sige, pabayaan na lang natin siya sa kwarto niya.”
“Mhm.” tumango siya at umalis.
Tumayo si Lucius at inalok si Adelaide. “Your Majesty, can we dance?”
Napatingin si Adelaide sa kanya. “O sige.” ngumiti siya at hinawakan ang kamay ni Lucius.
Nakaupo na sa kama si Janella. “Ayoko nang bumaba. Dito na lang ako.” bigla siyang humiga. Narinig niya ang malakas na pagbuhos ng ulan. Napapikit siya saglit at napatingin sa bintana. Biglang may tumulo na namang tubig mula dito.
“Ha?!” nagulat siya at mabilis siyang napaupo. Kinusot niya ang dalawa niyang mata at baka guni-guni lang niya ‘yun.
Muling pumatak ang tubig mula sa kanyang bintana. “Plik!”
Napatingin siya sa kanyang bintana. “Hindi ako nagkakamali! Nandito na si Zavier!” nakatawang wika niya. Madali siyang tumayo at pumunta sa bintana para buksan. Ngunit bigla namang pumasok ang malakas na hangin kasama ang ulan sa loob ng kanyang kwarto.
“Ah!” sinara niya muli ito.
Mabilis na nakapasok ang tubig sa loob nang buksan ni Janella ang bintana. Kumorteng tao ito.
Napalingon sa likuran si Janella at nakita niya si Zavier. “Zavier!”
Napatingin rin si Zavier sa kanya. “Princess! May---” lalapit pa lang sana siya sa kanya nang bigla namang tumakbo si Janella papalapit sa kanya para yakapin.
“Zavier! Hahaha!” natawa siya sa tuwa. “M-Masaya ako’t nakita muli kita!”
Nagulat si Zavier habang nakatingin kay Janella.
“P-Paano ka nakarating dito?! D-Di ba hindi ka makakapunta ng maaga dahil mga gising pa ang mga tao?!”
“Yes, princess… pero---”
Tinago ni Janella ang mukha niya sa dibdib nito. “Zavier!” namula siya. “I’ve missed you!”
Natawa siya ng marahan at hinimas ang ulo nito. Saglit niyang niyakap si Janella.
“Hahaha!” natawa ang prinsesa at bumitaw na rin siya. Tumingin siya kay Zavier. “Anong sasabihin mo?”
“Napapunta ako dito dahil pumunta ang mga La luna dito princess. Mga kasama ko silang pumunta dito.”
“Ha?!” nagulat ang prinsesa at napaatras siya ng kakaunti.
“Pero huwag kang mag-alala, hindi ka nila mahahanap dahil aalis na tayo ngayon dito!”
“Ibig sabihin… ngayong araw na rin nila ako kukunin? Ganu’n ba?”
“Hindi naman sa ganu’n. Pinag-aaralan lang naman nila kung hanggang kailan pa magtatagal ang bagyo dito. Katulad na lang ng sinabi ko sa ‘yo, dapat umalis na ang bagyo bago pa sila pumunta dito para---”
“Oo! Oo! Oo! Naiintindihan ko.”
“At hindi ka nila kukunin dito hangga’t hindi pa dumadating ang kaarawan ng aming diyosa kasabay ng aming piyesta. Papalipasin muna nila ‘yun bago mangyari ang lahat. Pero natatakot pa rin ako na baka magbago ang isip nila at ngayon ka na nila kunin!”
“Nandito pa rin ba sila?”
“Oo, mga umiikot sila sa himpapawid.”
“Teka, matanong ko nga pala, Zavier. Paano kayo nakarating dito? A-Ang aga pa kaya. Mga gising pa ang mga tao dito!”
“Gumamit sila ng Sleepy Dust.”
“Sleepy Dust?” tumabingi ang ulo ni Janella.
“Pampatulog ‘yun na kadalasang ginagamit naming princess. Tapos kapag sila ay mga nagising, mga wala silang maaalala sa lahat ng nangyari bago sila nakatulog. Pero maaalala rin nila ang mga nangyari pagkatapos ng ilang taon o ilang araw. Ngunit nakapende pa rin ‘yun sa katalasan ng pag-iisip ng isang tao para maalala muli ang lahat ng mabilisan.”
“Ah, ganu’n ba? Sigurado akong mga tulog na nga ang mga tao sa labas.”
Tumango si Zavier. “Kahit sa mga bahay-bahay dahil bukas ang kanilang mga bintana.”
“Meron kang dalang Sleepy Dust?”
“Meron.” kinuha niya ang isang supot mula sa kanyang bulsa.
Kinuha niya ito at tiningnan ang lalagyan.
Nagulat si Zavier nang biglang kunin ito ni Janella. “Princess! Huwag mong bubuksan ‘yan!”
“Alam ko.” tumingin siya kay Zavier. “Ayokong makatulog ‘no?” umiling siya at ngumiti. “Alam mo… sana nung simula pa lang, sana gumamit na tayo nito para nakahanap na tayo kaagad ng refuge place.”
“Naiisip ko na rin ‘yun princess, pero kakaunti lang kasi ang natatago kong Sleepy Dust. Hindi rin nito kasi kayang patulugin ang mga tao sa buong kontinente dahil sa hindi sapat at dahil tinitipid ko rin kasi.”
“Ah, ganu’n ba?”
“Oo.” at tumango. “Princess, halika na?”
Napayuko si Janella at nag-isip. “Zavier.” tumingin muli siya sa kanya.
“Yes, princess?”
“Pwedeng manatili tayo dito kahit saglit lang? May gusto lang sana akong mangyari dito bago tayo umalis.” mahinang wika niya.
Nagtaka siya. “Ahm, o sige, a-ano ‘yun?”
Ngumisi siya at binuksan niya ang ilaw sa kwarto.
Ilang minuto ang lumipas…
“A-Aray ko!” nasaktang wika ni Zavier. Nakaupo lang siya sa upuan ng vanity table ni Janella habang nasa likuran lang niya ang prinsesa.
“Hahaha! Sorry! Sorry!” natawa si Janella habang patuloy pa rin niyang kinukuha ang mga buhok ng binata.
“A-Aray!” nahahatak na rin pati mukha ni Zavier dahil sa lakas ba naman at higpit ng pagkakahawak ni Janella sa kanyang buhok.
“Kakaunti na lang!” inikot na niya ang laso sa buhok niya. “Ayan! Tapos na!” nakangiting wika niya. Lumayo siya at pinagmasdan ang pagkakaipit niya sa buhok nito.
Napayuko’t napapikit si Zavier. “A-Aray…” napahawak siya sa kanyang buhok.
“Pasensya na! H-Hindi kasi ako marunong mag-ipit e! Hahaha!” lumapit muli si Janella sa kanya.
Dumilat si Zavier at tiningnan ang sarili sa salamin na may halong pananakit ang ekspresyon ng pagmumukha.
Natawa muli ang prinsesa. “P-Pasensya na at ganyan talaga ako mag-ipit sa iba!”
“M-Masakit princess, marunong naman ako mag-ipit at sana sinabi mo na lang sa ‘kin.” napayuko muli siya at marahang kinamot ang kanyang ulo.
Habang sa partido naman…
“Dalian mo na Jurisse! Sabihin mo na kay Ginoong Lucius na makasayaw ka!”
“Ano ka ba?! Nahihiya kaya ako Bernadette.” nananatili lang na nakaupo si Jurisse. “Kung ikaw kaya!”
“Ayoko nga! Hindi ko naman gusto e!” humalukipkip si Bernadette.
“O sige ganito, ako ang magsasabi kay Ginoong Lucius para sa ‘yo, Jurisse!” nakangiting wika ng isang kaibigang babae.
“Sige! Sige!” kinilig ang isang kaibigan. “Gagawin ‘yun ni Jennah para sa ‘yo Jurisse!”
“Hahaha! siyempre Sherly!” at humalukipkip. “Ano? Handa ka na ba Jurisse?”
Nagulat at bigla tuloy namula ng sobra-sobra si Jurisse. “Hindi ako handa ‘no!” nahiya siya.
“Dalian mo na!” atat na atat na si Bernadette na makitang makakasayaw ni Jurisse si Lucius. “Sabihin mo na Jennah!”
“Hahaha! Sige! Kasayaw pa niya ang ating mahal na reyna e. Kapag tapos na sila, pupunta na ako.” ngumiti siya.
“Tapos na ‘yan siguro!” tumayo si Sherly at hinanap si Lucius. Nakita niyang nakaupo na ito sa kanyang upuan. “Uy! Mag-isa siyang nakaupo!” napaturo pa siya dito.
“Ha?!” napatayo na rin sina Sherly at Bernadette para tingnan ang binata.
“Dali!” tumingin si Sherly kay Jennah. Napatalon pa siya sa tuwa.
“E-Ehem! Sige, pupunta na ako!”
“Ayyiiiii!!!” kinilig na sina Sherly at Bernadette para kay Jurisse.
Tinakpan ni Jurisse ang magkabila niyang tenga habang namumula pa rin. “Kainis kayo!” sinubsob niya ang kanyang mukha sa lamesa.
Natawa lang ang dalawang kaibigan.
Malumanay na naglalakad si Jennah papalapit kay Lucius. Nakita niya na walang ginagawa ang binata. Nakaupo lang ito habang pinapanood ang mga orchestral.
“Kakayanin ko ‘to para kay Jurisse!” huminto siya saglit para ayusin ang sarili. Pagkatapos ay nilapitan na niya ito. “G-Ginoong Lucius?” tawag niya mula sa kanyang likuran.
Narinig siya ni Lucius kaya napatingin siya sa likuran. “Hello there.” ngumiti siya. “Maupo ka dito.” tumayo siya at inusog ang upuan ni Janella.
Napangiti siya at namula. “A-Ay, salamat po!” bumilis ang pagtibok ng kanyang puso at umupo. “N-Nasaan nga po pala ang mahal na reyna?”
“Umakyat siya at pumunta muna ng kanyang kwarto.” kinuha ni Lucius ang baso niya at uminom. Pinanood niya muli ang mga orchestral.
“Ah, ganu’n po ba? A-Ahm… Ginoong Lucius, gusto ko lang po sanang sabihin sa inyo na g-gusto ka pong makasayaw ng aking kaibigan na si Jurisse.”
Napatingin si Lucius sa kanya. “Ah, ganu’n ba?” binaba niya ang baso sa lamesa.
Napakagat-labi siya sa kaba. “M-Maaari po ba?”
“Oo naman. Bakit naman hindi?” ngumiti siya at tumayo. “Nasaan ba si Binibining Jurisse?”
Napangiti si Jennah at yumuko sa kanya. “M-Maraming salamat po ginoo!”
“Ayos lang ‘yun. Huwag mo na akong pasalamatan.” nakangiting wika niya.
“Ha! Tumayo na siya Jurisse!” masayang wika ni Sherly habang pinagmamasdan sina Jennah at Lucius.
“Oo nga! Hinahanap ka na!” masayang wika ni Bernadette.
Nananatili lang na nakasubsob ang mukha ni Jurisse sa lamesa habang tinatakpan pa rin niya ang magkabila niyang tenga.
“Dito po tayo ginoo!” masayang naglalakad si Jennah habang sumusunod lang sa kanyang likuran si Lucius.
“Ayan na siiiyaaa!!!” kinilig na si Sherly para kay Jurisse.
“Uy Jurisse! Umayos ka na! Nandiyan na ang prinsipe mo!”
Nananatili pa ring nakasubsob ang mukha ni Jurisse sa lamesa. “Ano ba ‘yan! Nahihiya ako!”
“Uy! Dalian mo na! Malapit na siya!” madaling lumapit si Bernadette sa kanya at mabilis na inangat ang ulo nito mula sa lamesa.
“Aray ko naman!” inis na wika ni Jurisse. Pulang-pula na ang kanyang pagmumukha. Tiningnan niya ng masama si Bernadette.
“Dalian mo na Jurisse! Mag-ayos ka na!” sigaw ni Sherly. “Nandiyan na siya! Hindi ako nagbibiro!”
Mabilis na inayos ni Bernadette ang korona ni Jurisse na suot-suot niya. “Ano ba ‘yan! Tumabingi na!”
“Daliii!!!” natataranta na rin si Sherly at inayusan na din si Jurisse.
“Nandito po siya ginoo. Tatlo po ang kaibigan ko.” masayang wika ni Jennah.
“Nice!”
Narinig ni Sherly ang boses nila. “Nandiyan na sila!” madali siyang umupo.
Umupo na rin si Bernadette.
Narinig din ni Jurisse ang boses nila. Lalo siyang namula.
“Ito po si Jurisse ginoo!” masayang wika ni Jennah at tinuro si Jurisse.
Napatingin si Lucius sa kanya.
Nakatingin lang si Jurisse sa kanya. Kinabahan siya at hindi niya kayang pigilan na mapangiti habang nakatingin sa kanya.
Napangiti din si Lucius nung makita niya itong ngumiti. Malumanay siyang lumapit sa kanya. “Hello Jurisse! It’s nice to meet you! Can we dance?” at inabot ang kanang kamay niya.
Lalong bumilis ang pagtibok ng puso ni Jurisse. Na-speechless siya. “M-Mhm.” tumango lang siya.
Natawa ng marahan si Lucius. Dinala niya ang dalaga sa maluwag na espasyo at do’n siya sinayaw. Hindi naman sila malayo sa lamesa ng mga kaibigan niya.
“Unforgettable moment na ‘to ni Jurisse!” pabulong ngunit masayang tonong sabi ni Sherly habang pumapalakpak.
“Hahaha! Tama!” pumapalakpak rin si Bernadette
“Ang sweet nila!” kinilig si Jennah. “Masayang-masaya si Jurisse ngayong araw na ‘to!”
Nakatingin lang si Lucius sa kanya habang nakayuko naman si Jurisse.
“Bakit ka nakayuko Binibining Jurisse? Tumingin ka naman sa ‘kin.”
Namumula pa rin si Jurisse at lalo siyang nahiya. “N-Nahiya po kasi ako sa mukha ko ginoo.”
“Bakit ka nahihiya? Wala kang dapat na ikahiya sa sarili mo. Ang ganda-ganda mo kaya.” nakangiting wika niya at inikot niya si Jurisse.
Pinasuot na ni Janella ang sombrero kay Zavier. “Bagay pala sa ‘yo ang prince outfit ni Lucius e. Mas bagay pa sa ‘yo kaysa sa kanya.” nakangiting wika niya habang pinagmamasdan ang buong katawan ni Zavier. “Bagay na bagay sa ‘yo.”
Dumilat si Zavier at tumingin kay Janella. “Ahm, s-salamat princess.”
Tumingin si Janella sa kanya at tumango. “Hindi na ako magpapalit ng damit. Kumportable ako dito sa nightgown!” dumiretso siya sa kanyang kama at hinubad ang kanyang mataas na sandalyas. Pinalitan niya ito ng flat sandals.
Pinagmamasdan lang ni Zavier ang kanyang sarili sa triple mirror. “P-Princess… bakit nga pala ako nakasuot ng ganito?”
“Basta…” nakangiting wika ni Janella. Tumayo siya at pumunta sa tabi niya. Tumingin rin siya sa salamin at inayos naman ang mabulaklakin niyang korona. “Halika!”
Napalingon si Zavier at tumingin sa kanya. “Halika na sa Bhingelheim World?”
Natawa lang si Janella at hinawakan niya ang kamay ni Zavier sabay takbo.
Napahawak sa sombrero si Zavier. “P-Princess!”
Lumabas sila ng kwarto.
Nanlaki ang mga mata ni Zavier nang lumabas sila sa kwarto. Habang sila ay naglalakad, nararamdaman niya na bababa sila sa ikalawang palapag. Bigla siyang huminto.
Napahinto rin si Janella at napatingin sa kanya. “May problema?”
“B-Bakit nandito tayo? D-Di ba hindi ako pwedeng makita ng sinuman dito?” pakabang sabi niya. Napaisip siya bigla na baka may masama nang binabalak si Janella sa kanya.
“Zavier… huwag kang mag-alala! Hindi ka nila mahahalata na isa kang La Luna! Tingnan mo naman ang itsura mo ngayon! Para kang tao!”
Marahang inalis ni Zavier ang kamay ni Janella sa kanya. Napailing siya at napaatras. “P-Princess… h-huwag mong sabihin na ipapakita mo ako sa kanila!”
“Ha?!” nagulat si Janella. “Hindi ah!”
Madali siyang tumakbo pabalik sa kwarto ni Janella.
“Zavier!” napatakbo rin si Janella at madaling sinundan si Zavier. “Huwag mo akong iwanan dito! Maniwala ka sa ‘kin! W-Wala akong masamang binabalak sa ‘yo! B-Bakit naman kita lolokohin?! Isa na kitang kaibigan! Isa kong tagapagligtas!” hingal na pagkakasabi niya.
Napahinto si Zavier. Napatingin siya kay Janella.
“Hah! Hah! Hah!” huminto sa pagtakbo si Janella nang makalapit na siya kay Zavier. Napahawak siya sa kanyang mga tuhod pagkatapos. “Dali… kailangan mong sumunod sa ‘kin.”
Nasa pagmumukha ni Zavier ang pag-aalala. Natatakot man siya pero kailangan niyang pagkatiwalaan si Janella sa anumang gusto niyang gawin at mangyari ngayon.
“Please?” tumingin siya kay Zavier.
“Sige… halika na.” mahinang wika niya.
Ngumiti si Janella habang nakatingin sa mga mata niya. “Mhm.” tumango siya. “Sumunod ka lang sa ‘kin.” at naglakad.
Hanggang ngayon ay kasayawan pa rin ni Lucius si Jurisse. Tuwang-tuwa ang dalaga dahil kasama niyang makipagtawanan ang kanyang iniibig.
“Napasaya n’yo po ako ng sobra Ginoong Lucius!” masayang wika ni Jurisse.
Natawa si Lucius. “Masaya ako kung ganu’n!”
Namula siya. “Hindi ko po inaasahan na mangyayari ‘to!”
Ngumiti lang si Lucius at pinaikot niya muli ang dalaga.
Nasa ikalawang palapag na sila Janella at Zavier. Wala nang tao sa ikalawang palapag. Biglang napahinto si Janella nang mapansin niya si Zavier na parang nanghihina sa kanyang likuran. Napatingin siya sa binata.
Nakasandal lang si Zavier sa dingding. “P-Princess… n-natatakot ako.”
“Zavier.” lumapit siya sa kanya. “Huwag kang matakot! Pinapangako ko na walang mangyayaring masama sa ‘yo. Nandito ako! Dali!”
“Hindi ko kaya…” umiling siya ng marahan at marahang umupo.
“Zavier! Dalian na kasi natin!”
Yumuko siya. “H-Hindi ko kayang magpakita sa kanila.”
Lumuhod si Janella sa kanyang harapan at hinawakan ang magkabilang balikat nito. “Zavier, kailangan mo akong pagkatiwalaan dito. Wala ngang mangyayaring masama sa ‘yo. Hindi ka ba naniniwala sa ‘kin?”
Dahan-dahang tumingin si Zavier sa kanya.
Nakatingin lang din si Janella sa kanya.
Hindi siya kaagad sumagot. “H-Hindi ko kasi talaga kaya…” dahan-dahan siyang umiling. “Natatakot talaga ako… pasensya na, princess.” yumuko muli siya.
Naiintindihan naman ni Janella kung natatakot si Zavier. Pero may gusto kasi siyang mangyari sa partido kaya panay ang pilit niya sa binata. “Pakiusap Zavier…” ngumuso siya. “Sige na?”
Napatingin muli siya sa kanya.
“Ikaw nga… pinapasyal mo ako sa mga paborito mong lugar sa Mharius. Minsan din naman napapaisip din ako na baka may mangyaring masama sa ‘kin do’n. Alam mo yun, baka may mga spirits na nando’n, pero dahil may tiwala nga ako sa ‘yo… sumasama pa rin ako sa ‘yo.”
Nananatili lang na nakatingin si Zavier sa kanya. “P-Pero dito kasi naman princess… t-talagang mga gising ang mga tao dito sa loob. M-Makikita nila talaga ako.”
“Wala ngang mangyayaring masama sa ‘yo… Bakit pa kita pinipilit kung alam kong hindi ka pala magiging ligtas di ba?” mahinahong tanong niya.
Tahimik lang na nakatingin sa kanya si Zavier.
“Sige na.” ngumiti siya. Marahan siyang tumayo at inabot ang kanang kamay niya sa binata.
Napaisip si Zavier na tama nga naman ang sinabi ni Janella. Napangiti siya at hinawakan na niya ang kamay nito para tumayo.