21: You And Me
Matapos ng ilang oras at sa wakas ay nakababa na ang Amadeyu Ship sa Harley Forest. Kumuha si Zavier ng mga malalaki’t mahahabang dahon at nilapag niya ito sa tabi ng kanyang ship. Muli niyang tinatakpan ng malalaki’t mahahabang dahon ang kabuuan ng kanyang ship.
“Ahahaha!” tawa ni Janella habang siya ay masayang tumatakbo’t umiikot sa napakagandang damuhan. Pinagmamasdan lang niya ang buong kagubatan habang dumadampi naman sa kanyang balat ang malamig na hangin. “Umaga pa dito ‘no?” tumingala siya at tiningnan ang kalangitan.
“Hapon na princess… maggagabi na maya-maya.”
“Ah…” tumango na lang siya habang nakatingala. Sumulyap ang kanyang mga mata sa kanya.
“Teka lang, tapusin ko lang ‘to bago tayo umalis. Pasensya na kung naiinip ka na.” kumuha muli siya ng isang dahon.
“Tulungan na kaya kita diyan!” tumingin na si Janella sa kanya at ngumiti.
“Huwag na princess! Salamat na lang at mapapagod ka pa. Pagmasdan mo na lang ang buong kagubatan.” nakangiting wika niya habang patuloy pa rin sa kanyang ginagawa.
Pumeywang ang prinsesa at umiling. “Huwag mo ‘kong pigilan dahil kahit anong gawin mo, tutulungan pa rin kita diyan!” at tumakbo papalapit sa kanya.
Napalingon at napatingin si Zavier sa kanya.
Masayang kinuha ni Janella ang isang malaking dahon mula sa nilapag ni Zavier at tinakpan ang isang pakpak ng ship.
Nakatingin lang sa kanya si Zavier mula sa kabilang pakpak. Napatingin rin si Janella sa kanya.
Natawa ng marahan ang binata. “Salamat princess.”
Namula ang prinsesa at mabilis na tumango habang nakatingin sa kanya. “Walang anuman!” at masaya muling kumuha ng isang malaking dahon.
Napangiti si Zavier at kumuha na rin ng isang malaking dahon.
Ilang minuto ang lumipas at mabilis rin nila natapos ang pagtatakip ng malalaking dahon sa ship. Nagtatatakbo na muli si Janella sa malawak at napakagandang kagubatan habang sumasabay pa ang malamig na hangin na nagpapalaglag ng mga iilang dahon mula sa mga puno.
Masayang pinagmasdan ng prinsesa ang mga naglalaglagang mga dahon habang patuloy lang siya sa pagtakbo. Masaya lang na pinapanood ni Zavier si Janella sa kanyang unahan habang naglalakad.
Muling umikot si Janella habang tumatakbo. “Hahaha! Ang sarap-sarap sa pakiramdam ng ganito! Wooh!”
“Princess, dahan-dahan ka lang at baka mahilo’t matumba ka.” pag-aalalang wika ni Zavier.
Masayang huminto si Janella sa pagtakbo habang nakatingin sa kanya. Inantay niya muna ito sa kanyang tabi bago muli siya naglakad.
Nakatingin lang ng diretso si Zavier habang nakangiti. “May ipapakita nga pala ulit ako sa ‘yo.”
“Talaga?!” bigla siyang nasabik at napatingin siya kay Zavier. “Saan?!” masaya siyang lumingon-lingon.
Napatingin din si Zavier sa kanya. “Malapit na, princess. Diretso lang nito patungo do’n.” nakangiting wika niya.
Napatingin muli si Janella sa kanya. “Dalian natin!” bigla niyang hinawakan ang kamay nito at sabay takbo.
Napatakbo rin siya. “Princess! Dahan-dahan lang!”
“Hahaha!” masaya lang na tumatakbo ang prinsesa.
Muling humangin ng malakas.
Tumatakbo lang si Zavier. “Malapit na malapit na tayo! Sa kabila ng mga punong ‘yan!” binilisan niya ang kanyang pagtakbo at tumabi siya kay Janella.
Nakita ni Janella ang liwanag na nagmumula sa likuran ng maraming puno. Mga nakaharang ito sa liwanag na nagmumula sa lugar na tinutukoy ni Zavier.
Napalingon siya kay Zavier. “Bitiwan na kita!” at binitiwan na niya ang kamay nito habang tumatakbo. Pumunta siya ng ibang direksyon para maghanap ng pwedeng malusutan patungo sa kabila.
Naging tubig si Zavier at mabilis na nakarating sa kabila.
“Hah! Hah! Hah!” hiningal na si Janella. Napahinto na siya nang marating na niya ang mga puno at makakapal na mga halaman. “Zavier?!” lumingon siya.
“Princess! Nandito na ako sa kabila!”
Nagulat si Janella. “Ang daya mo! Tulungan mo naman akong makapunta diyan!”
Biglang hinawi ni Zavier ang mga mahahaba’t makakapal na halaman mula sa kabila.
Biglang sumalubong sa kanyang paningin ang liwanag na nagmumula sa kabila. Napapikit siya. “A-Ang liwanag! Teka! Hindi kita makita!” pinilit niyang dumilat.
“Nandito lang ako!” hinawakan niya ang kamay ni Janella at marahan siyang hinila patungo sa kabila.
Mas lumalakas ang liwanag sa tuwing siya ay papalapit na ng palapit sa kabila. Tinakpan ng isang kamay niya ang kanyang mga mata.
Biglang umihip ang malakas na hangin nang makapunta na siya sa kabila. Nakapikit pa rin siya habang nananatili pa rin niyang takip-takip ang magkabila niyang mata.
“Nandito ka na princess!” nakangiting wika ni Zavier at binitiwan ang kamay nito.
Tinanggal na ni Janella ang kanyang kamay sa mga mata niya at dahan-dahan siyang dumilat pagkatapos. Nakita niya ang malawak na field. “WOW!” napangiti siya bigla. “ISANG PARAISO!”
Natawa ng marahan ang binata. “Masarap tumakbo dito!”
“Oo nga!” nakatwang wika niya.
“Habulin mo ako! Hahaha!” at tumakbo.
“Sige ba!” tumakbo rin ang prinsesa habang hinahabol si Zavier ngunit sa kanyang pagtakbo, napapamilyar na siya sa field habang tumatagal. Bumagal bigla ang kanyang pagtakbo habang paunti-unti naman niyang naaalala ang masaya niyang panaginip.
Bigla siyang napahinto at napatingin sa kanyang kasuotan. “Oo nga ‘no!” wika niya mula sa kanyang isip at hinawakan niya ang koronang bulaklakin na nakasuot sa kanyang ulo. “Ibig sabihin, ang napanaginipan kong lugar na ‘yun ay dito pala matatagpuan?” malumanay siyang napatingin kay Zavier.
Napansin ni Zavier na nakatayo lang si Janella sa isang pwesto. Marahan siyang huminto habang marahan ring nawawala ang kanyang ngiti mula sa kanyang labi. “Bakit princess?”
“Ah, wala! May naalala lang ako bigla!” nakangiting wika niya. “YAAAHH!!!!” bigla siyang tumakbo at tumalon kay Zavier. Gumulong sila pareho.
“P-Princess!” gulat ni Zavier. Pinipilit niyang pigilan ang paggulong nila sa damuhan dahil iniingatan niya si Janella na hindi masaktan. Bigla siya naging tubig.
Huminto ang prinsesa sa paggulong at nakadapa siya habang tumatawa.
Muling naging tao si Zavier sa kanyang tabi habang nakatayo.
Sumulyap ang mga mata ni Janella sa kanya. “Huwag kang maging tubig at baka sipsipin ka ng damuhan dito! Hahaha!”
Natawa siya ng marahan. “Huwag kang mag-alala, hindi nila ako sisipsipin.” at inabot ang kanan niyang kamay sa kanya.
Napatingin si Janella sa kanyang kamay. Tumihaya na siya at hinawakan ang kamay nito.
Maya-maya…
Nakaupo lang si Janella sa damuhan. “Teka lang ah! Malapit na ‘to!” masaya niyang ginagawa ang saranggola na gawa sa malalaking dahon. Nasa likuran lang niya si Zavier.
Nakatayo’t nanonood lang si Zavier mula sa kanyang likuran. Wala siyang ideya kung anong ginagawa nito.
Hindi naman alam ni Janella na nanonood pala si Zavier sa kanyang likuran. Dahil alam niyang may ginagawang ibang bagay ang binata. “Eto na!” tumayo na siya habang hawak-hawak ang saranggola. Tumalikod siya at nabigla kay Zavier nang makita niya itong nakatayo pala sa kanyang likuran.
Napangiti si Zavier nang makita niya ang saranggola. “A-Ano ‘yan princess?”
“Ay! Nanonood ka pala! Ahm…” napatingin siya sa ginawa niyang saranggola. “Saranggola ang tawag dito.” muli siyang tumingin sa kanya. “Dali paliparin natin!”
“Paliparin?” nagtaka siya.
“Oo! Dali!” tumakbo ang prinsesa at tumungo sa gitna ng field. Pinalipad na niya ang saranggola.
Napatakbo rin si Zavier at tumabi sa kanya habang nakatingin sa saranggola na nasa itaas. “Ang galing naman!” nakangiting wika niya.
“Hahaha!” napalingon at napatingin si Janella sa kanya. “Subukan mo!” at binigay ang tali.
Lumayo ng kakaunti si Zavier. “H-Huwag na princess at baka masira ko pa.”
“Hindi ‘yan! Hahawakan mo lang naman ‘to ng mahigpit e!” nakangiting wika niya.
Napatingin si Zavier sa tali na hawak-hawak ni Janella. “O sige…” tumango siya at marahang kinuha ang tali.
“Higpitan mo ang hawak ah!” at binigay na ni Janella ang tali.
Napatingin muli si Zavier sa itaas nang mahawakan na niya ang tali. Natawa siya ng kakaunti bigla.
Natawa rin bigla si Janella nang marinig niyang natawa na lang bigla si Zavier. “Bakit ka natawa?”
Napailing ang binata habang nakatawa. “W-Wala naman, ngayon lang kasi ako nakakita ng saranggola.”
Ilang minuto muli ang nakalipas, mga nakahiga na sila sa gitna ng field habang tinitingnan ang mga ulap.
Biglang umawit si Janella. “DO RE MI FA SO LA TI DO!!!” napapikit siya nang sabihin niya ang pinakamataas na tono na “DO”.
Namangha si Zavier sa boses ni Janella. Napangiti siya. “Wow…”
Dumilat si Janella at tumingin sa kanya. “Ikaw naman!”
“Do RE mI fa SO LA Ti DO!” sintunado na pag-awit ni Zavier at bigla siyang natawa pagkatapos.
Natawa rin ang prinsesa at pabiro niyang sinuntok ang braso nito. “Ayusin mo kasi! Sige na! Magaling ka kaya!” ngumiti siya.
“DO RE MI FA SO LA TI DO!” nakangiting pag-awit ni Zavier at tumingin siya pagkatapos kay Janella.
Namangha rin si Janella sa boses ni Zavier at napanganga pa siya ng kakaunti. Namula siya. “Alam mo ang ganda pakinggan ng boses mo. Ang tamis mong umawit! Naaalala mo pa ba nung kinantahan mo ako ng pampatulog sa kwarto? ‘Yung umuulan ng malakas na may halong kulog at kidlat pa?”
Napaisip si Zavier kung ano ang sinasabi ng prinsesa. “‘Yun ba ‘yung pangalawang beses ng pagkikita natin?”
“Oo.” muli siyang napangiti. “Nagandahan ako sa boses mo nu’n sa totoo lang.”
Nahiya siya at hindi siya kaagad nakasagot. “Ahm… m-maraming salamat princess.”
Ilang minuto muli ang nakalipas at nakaupo naman sila sa field habang hinihiwa naman ni Zavier ang bilugan na prutas na kanyang hawak-hawak. Gusto niya itong ipatikim kay Janella at baka magustuhan niya ito. Tahimik lang na nanonood ang prinsesa sa kanyang harapan.
“Princess.” at inabot ang hiniwang prutas.
“Salamat!” at kinain. “Mmmm! Ang sharap! Maashim-ashim!” wika niya habang ngumunguya.
Nakangiti lang si Zavier habang pinapanood si Janella.
“AMMM!” biglang lumaki ang bunganga niya para kainin ito.
Nagulat si Zavier at nakita niya na mauubos na ito. “Gusto mo pa?”
Tumango ng mabilis si Janella habang nakatingin sa kinakain niyang prutas at muli itong kinain.
Tumango rin si Zavier at muling naghiwa.
Maya-maya…
Nasa tabi lang ni Zavier ang saranggola habang silang dalawa ay nasa tabi ng maliit na lawa habang may mataas rin itong bato sa gitna.
Nakaupong-tingkayad si Zavier habang may ginagawa sa dahon na hawak-hawak niya.
Si Janella naman ay nakatingin lang sa malaking bato na nasa gitna ng lawa. “Ang batong ito…” naalala niya bigla ang kulay asul na dragon na napanaginipan niya.
“Eto na princess!” masayang wika ni Zavier at pinakita niya ang maliit na bangka na gawa sa dahon.
Napatingin siya sa bangkang dahon at namangha. “Galing! Ilagay mo nga ‘yan sa tubig!”
Malumanay na nilagay ni Zavier ang bangkang ito sa lawa. Hindi ito lumubog at umusog ito ng umusog sapagkat natatangay ito ng tubig.
“Wow!” madaling dumapa si Janella habang pinagmamasdan ito. “Anong tawag n’yo dito Zavier?”
“Leaf boat.”
Tumango ang prinsesa habang pinagmamasdan ito. “Ang cute! Hahaha!”
Nakatingin rin si Zavier dito at nag-indian sit pagkatapos. Nakangiti lang siya habang pinagmamasdan ito.
“Zavier, marunong ka bang mamangka?” lumingon si Janella at tumingin sa kanya.
“Oo naman.” nakangiting wika niya habang pinagmamasdan ang leaf boat.
“Ah, mabuti ka pa.” muli siyang tumingin sa leaf boat. “Ako kasi hindi e.”
Tumingin si Zavier sa kanya. “Pero nakasakay ka na sa bangka?”
Umiling siya. “Barko pa lang… hindi pa ako kailanman nakakasakay pa ng bangka. Pero sana…” bumuntong-hininga siya. “Makasakay rin ako balang-araw.”
Ngumiti lang siya. “Mangyayari ‘yun, princess.”
“Kailan pa?” muling lumingon at tumingin si Janella sa kanya.
Tumingin na lang sa leaf boat si Zavier.
“Matagal pa ‘yun sigurado… o kaya imposible na ‘yun mangyari.” malungkot na tumingin si Janella sa leaf boat.
Isang oras na silang nasa field. Marami na silang mga bagay na nagawa na nagpasaya sa kanila ng sobra-sobra. Nagagawa na rin ni Janella na magbahagi kay Zavier ng mga masasaya at malulungkot na karanasan niya. Masaya lang silang nag-uusap.
At ngayon ay nasa Harley Forest na muli sila. Muling umihip ang malakas na hangin habang tahimik lang na nakaupo sa log si Zavier. Si Janella naman ay patakbo-takbo na naman kung saan-saan.
“Wooh!” hinawakan ni Janella ang isang katawan ng puno at umikot do’n. “Ahahaha! Ang sarap naman ng hangin!” napapikit siya at dinamdam ang malamig na hangin na dumadampi sa kanyang katawan.
Nakakita ng maliit ng kahoy si Zavier sa kanyang tabi. Kinuha niya ito at nag-ukit dito.
“Hahaha! Wiiiii!” masayang wika ni Janella. Dumilat na muli siya at saka pa lang niya binitiwan ang puno at tumakbo papunta naman kay Zavier. Naka-open arms pa siya habang tumatakbo’t papalapit sa kanya. “Zavier!”
Mabilis na tumingin sa kanya si Zavier. Nagulat siya at nagtaka nang makita niyang naka-open arms na papalapit ang prinsesa sa kanya. “Bakit princess?”
“Hahaha!” biglang umupo sa tabi niya ang prinsesa. “Yehey!” bigla niyang hinawakan ang isang kamay ni Zavier at tinaas niya ito sa hangin. Iwinagayway niya ang kanilang mga kamay sa hangin na mukhang ewan.
Nakataas lang ang isang kamay ni Zavier na iwinawagayway ng prinsesa. Nagtataka lang siyang nakatingin kay Janella.
“Uy!” bigla siyang tumigil sa kakawagayway nang may nakita siya sa malayo. Binaba niya ang kanilang kamay. “Tingnan mo ‘yun oh!” at tinuro ang isang puno.
Napatingin rin si Zavier sa tinuturo ng prinsesa. “Ah oo, Mershian Tree ‘yan. Ginawa lang ‘yan ng ibang La luna. Katuwaan lang nila.”
“Talaga?! Ang galing naman! Pero tunay na halaman ‘yung nakikita kong mahahaba sa mga sanga?”
“Oo, tunay ‘yan princess. Kinuha nila ‘yan sa ibang puno at kinabit lang nila ‘yan sa punong Mershian. Halamang lubid ang tawag namin diyan.” nakangiting wika niya.
Lumingon si Janella sa kanya. “Ang galing ha!” napangiti siya. “Halika!” bigla siyang tumayo at tumakbo papunta sa puno ngunit hawak-hawak pa rin niya ang kamay ni Zavier kaya pati siya ay nasama.
“P-Princess! Dahan-dahan ka lang sa pagtakbo!”
“Hahaha! ‘Wag na! Dalian na kasi natin!”
Nang makalapit na sila sa Mershian Tree, binitiwan na niya ang kamay ng binata habang pinagmamasdan ang limang halamang lubid. May napansin rin siya na may mga nakadugtong palang parang bola ang itsura nito sa dulo ng lubid.
“Ano naman ‘tong bola sa halamang lubid?” nilapitan niya ang nag-iisang bola sa isang halamang lubid. Hinawakan ito ng magkabila niyang kamay.
“Bunga niya ‘yan.”
“Woah! Buti hindi nabubulok! Kasi hindi naman talaga tunay na puno ‘to e!” binitiwan niya ito at napaatras ng kakaunti habang pinagmamasdan ang bunga.
“Tingnan mo ‘to princess.” kumapit si Zavier sa isang halamang lubid at sinampa naman niya ang kanan niyang paa sa bunga. Pinanghakbang naman niya ang kaliwang paa niya para paikutin ang halamang lubid sa puno.
Napanganga si Janella habang pinagmamasdan siya. Natawa siya. “Wow! Ganu’n pala ‘yun!”
Tumigil na si Zavier at ningitian niya ang prinsesa. “Nakakatuwa di ba?” bumaba na siya mula sa halamang lubid.
“Pwede pala ‘yun?! Pinapaikot pala ‘to!” kumapit rin siya sa halamang lubid at inapakan rin ng kanan niyang paa ang bunga habang pinanghakbang rin niya ang kaliwang paa niya para simulan na rin ang pag-ikot. “Woohoo! Zavier! Kapit ka rin! Ikot tayo!”
“Papanoorin na lang kita!” wika niya habang masaya niyang pinapanood ang prinsesa na umiikot.
“Hahaha! ang saya-saya! Dali na!” sinampa na niya ang kaliwa niyang paa sa bunga nang bumilis na ang kanyang pag-ikot.
“Baka matamaan kasi kita!”
Patuloy lang na umiikot si Janella. “Sus! Hindi ‘yan! Dali na!”
Napilitan tuloy siyang kumapit sa halamang lubid ngunit hindi niya ito pinapaikot. Nakakapit lang siya dito habang pinapanood ang prinsesa.
Napansin ‘yun ni Janella. Ngumisi siya at nung siya ay makalapit na sa kanya, madali niyang hinawakan ang halamang lubid nito.
“Woah!” muntikan pang mabitiwan ni Zavier ang kanyang lubid.
“Yehey! Parehas na tayong umiikot!” mahigpit lang siyang nakahawak sa lubid nito.
“Princess! Bitiwan mo ‘yung akin!”
Lumingon si Janella at tumingin ng masama sa kanya.
“Mahihirapan ka!”
“Umikot ka kasi!” at binitiwan ito. Patuloy pa rin siya sa pag-ikot.
Bumagal ang pag-ikot ng halamang lubid ni Zavier. Napatingin siya sa lupa at inapak na niya ang kanan niyang paa dito para tumigil.
Patuloy lang si Janella. Napapikit pa siya at inamoy ang malamig na hangin. “Woohoo!” dumilat siya pagkatapos. “Hala Zavier! Iwas!”
Madaling tiningnan ni Zavier si Janella, ngunit mababangga na siya nito. Nanlaki ang kanyang mga mata.
“Aaahh!!!” at nagbanggaan ang dalawa.
Mabuti na lang ay si Zavier ang bumagsak sa lupa habang si Janella ay nasa kanyang ibabaw lang.
“Aray...” nasaktang wika ni Janella.
“Sabi na sa ‘yo princess, magkakatamaan tayo.”
“Ikaw kasi! Hindi ka naman kasi umiikot! Talagang magbabanggaan tayo.” gumulong siya para umalis sa ibabaw niya. Nakapikit lang siya at hinimas ang kanyang noo.
Tumayo na si Zavier at inabot ang kanyang kamay sa prinsesa para tulungang patayuin. “Nasaktan ka ba?”
“Hindi naman.” dumilat siya at tumingin sa kanya. “Umikot ka na ah! Tatayo na ako!” hinawakan niya ang kamay ni Zavier at tumayo.
“Pero---”
“Naku! ‘Wag ka nang magdahilan pa! Dali na kasi!”
“Magkakatamaan pa rin tayo niyan princess, ayoko lang naman kasi na masaktan ka.”
Natigilan siya saglit at namula ng kakaunti.
Natigilan rin saglit si Zavier nang mapansin niya na natahimik si Janella. “O sige ganito na lang, kumapit na lang tayo sa iisang lubid. Para talagang walang tamaan.”
“O-O sige.”
Tumango si Zavier at ngumiti.
Napangiti si Janella nang makita niyang ngumiti si Zavier.
“Halika na princess.” kumapit na siya sa isang halamang lubid habang nakaapak ang isa niyang paa sa bunga.
“Yehey!” masayang kumapit si Janella dito at inapakan ng magkabila niyang paa ang bunga.
“1… 2… 3… Go!” at hinakbang ni Zavier ang paa niya sa lupa para umikot.
“Wiiii!!!” masayang hiyaw ni Janella.
Masayang hinahakbang ni Zavier ang kanyang paa sa lupa hanggang sa bumilis na ang kanilang pag-ikot. Sinampa na rin niya ang kanyang paa sa bunga nung ito ay bumilis na.
“Para lang tayong nasa ride!” masayang wika ni Janella.
“Ride?”
“Oo! Carousel!”
Tumango na lang si Zavier kahit na hindi niya alam kung ano ‘yun.
“Alam mo ba ‘yun?”
“Ahm, h-hindi e. Ano ba ‘yun princess?”
“Haha! Ride ‘yun Zavier! Naiintindihan ko kung di mo ‘yun alam! Di bale, sasakay din tayo sa mga rides balang-araw!” nakangiting wika niya.
Napangiti na lang si Zavier habang nakatingin sa kanya. “Sana nga princess… sana nga magkasama pa rin tayo nu’n…” wika niya mula sa kanyang isip.
Ilang minuto ang lumipas, muli silang naglalakad sa gubat habang magkatabi lang silang naglalakad. Isang oras na lang ay magdidilim na ang buong paligid.
Yumuko si Janella habang naglalakad. “Alam ko naman Zavier na napapaisip ka na minsan baliw rin pala si Janella.”
“Hm?” nagtaka si Zavier. Napalingon at napatingin siya sa prinsesa.
“Hahaha! Ayos lang ‘yun!” lumingon at tumingin din sa kanya si Janella. “Walang problema do’n! Nakakabaliw kasi ang kagubatang ito sa ‘kin!”
“Hindi ko naman naiisip ‘yun princess.” umiling siya at ngumiti.
“Hahaha! Ang saya-saya ko kaya dito! Hindi mo ba nahahalata?” tanong ng prinsesa habang nakatawa.
“Alam ko ‘yun at halatang-halata ko naman.” ngumiti muli siya. “Napapasaya mo nga rin ako dahil nakikita na talaga kitang masaya na.”
“Ilang beses mo na sinabi ‘yan sa ‘kin?! Ikaw kasi e!” at inakbayan siya.
“?!” nagulat si Zavier.
“Hahaha! Ikaw ang may kasalanan nito! Ikaw ang dahilan kung bakit ako sumasaya ng ganito!”