29: Forbidden Friendship
Mga nasa itaas na ng puno ang dalawa. Napanganga si Janella habang paikot-ikot niyang tinitingnan ang kabuuan ng pulo. Malakas pa ang hangin dito sa itaas kaya lalong nakakapagpagaan ng pakiramdam. Nasa tabi lang niya si Zavier ngunit nasa kanyang likuran.
Napahawak sa magkabilang pisngi si Janella. “Wow! Ang ganda!” nakatawang wika niya. “Parang ayoko nang ialis pa ang mga mata ko dito at parang gusto ko na lang dito habangbuhay!”
Natawa si Zavier at pinagmasdan din ang kabuuan ng Mharius.
Maliit lang ang Mharius at puro tubig na ang nakapalibot dito.
“Grabe! Ang ganda-ganda talaga!” wika niya habang palingon-lingon. “Di ba Ashbell ‘yun?” at tinuro ni Janella ang kabilang pulo.
“Yes, princess.”
“Malayo pala dito sa Mharius. Akala ko malapit lang.”
Umiling si Zavier habang nakangiti ng kakaunti.
“Ay teka!” lumingon-lingon siya saglit at muli niyang tiningnan si Zavier. “‘Yung camcorder ko?! I-video natin ‘to oh!”
Hindi kumibo saglit ang binata. “Ahm… n-nasa ibaba e.”
“Ay! Sayang naman!”
Habang sa Doherty Palace naman, dumating na ang CCTV camera sa wakas at ngayon ay kinakabit na ito sa iba’t-ibang parte ng malaking hardin.
Nasa kwarto pa rin si Adelaide habang malungkot siyang nakatingin sa hardin mula sa kanyang bintana.
Kumatok ng tatlong beses si Alexius sa pinto.
“Pasok.”
Marahang binuksan ni Alexius ang pinto at pumasok sa loob. “Tsaa po, Your Majesty.” sinara niya ang pinto.
Nananatili pa ring nakatingin sa hardin si Adelaide. “Salamat.” malungkot niyang wika.
Tumabi siya sa kanya at yumuko para magbigay galang. Inabot niya ang tasa ng tsaa sa kanya pagkatapos.
Marahang tiningnan at kinuha ni Adelaide ang tasa at muling binalik ang kanyang tingin sa hardin.
Napansin ni Alexius na malungkot pa rin ito. “Makikita’t maibabalik po nila si Princess Janella dito. Huwag po kayong mag-alala.” ngumiti siya ng kakaunti.
Napatingin si Adelaide sa kanya at napabuntong-hininga. “Alam ko Alexius… pero nag-aalala pa rin ako at baka saktan siya ni Zavier.”
“Magiging ligtas po siya, Your Majesty. Sigurado naman po ako na pati si Ginoong Lucius po ay nasa Bhingelheim World din ngayon para iligtas si Princess Janella.”
“Sana nga. Nung makausap ko kasi siya kanina sa telepono, binabaan niya ako bigla kaya hindi ko alam kung ano ang plano niya ngayon.”
“Talaga po? Nakausap n’yo na po siya? Sa wakas naman po at sinagot na po niya ang tawag n’yo. Pero isa siyang kabalyero niya kaya nando’n po siya.” ngumiti muli siya ng kakaunti. “Kaya ako bilang isang kabalyero n’yo po, kahit anong mangyari… palagi lang po akong nasa iyong tabi para paglingkuran ka, Your Majesty.”
“Maraming salamat, Alexius.” ngumiti siya ng kakaunti. Bumalik muli ang kanyang tingin sa hardin.
Napatingin rin si Alexius sa hardin.
Dahan-dahang nakakaramdam ng pagkainis si Adelaide. “Kainis ka Zavier…” mahinang wika niya.
Narinig ni Alexius ang tinig nito kaya sumulyap ang kanyang mga mata sa kanya.
“Papatayin ko talaga siya kapag nakita ko muli siya…” pagalit na wika niya.
Muling bumalik ang tingin ni Alexius sa hardin. Napansin niya na dumating na rin ang mga taong manonood sa monitors ng mga CCTV camera.
“Alam ko na lahat ng kanyang mga sinabi sa ‘kin ay isang malaking kasinungalingan! Dahil gumagawa lang siya ng paraan para makuha’t mapatay si Janella!”
Maya-maya ay biglang bumuhos na naman ang malakas na ulan sa kanila. Hindi pa man tapos ang mga tao na nagkakabit ng mga CCTV camera ay napilitan tuloy silang itigil muna nila ito. Pinapasok sila ni Adelaide sa loob ng palasyo. Mga pinagpahinga niya muna sila at pinakain na rin.
At sa wakas ay mga nakarating nang ligtas sa Mharius ang mga magliligtas kay Janella. Nasa dalampasigan sila.
“Iwanan ko na kayo dito.” wika ng isang sundalo kay Baron.
“Ah, o-opo!” pakabang sagot ni Baron. Mabilis siyang tumango. “S-Salamat po!”
Nagbigay pugay ang sundalo at umalis.
Nanginginig ang mga kamay ni Baron habang hawak-hawak ang armas. Napalunok siya.
Biglang nag-ring ang phone sa bulsa ni Baron. Nataranta siya at mabilis itong kinuha at sinagot. “H-Hello?”
“Nasa Mharius na ba kayo?”
“O-Opo.”
“Bakit kayo nandiyan?”
Kumunot ang noo ni Baron. “S-Sino po kayo?”
“Si Lucius ‘to.”
Nanlaki ang kanyang mga mata. May mga gusto siyang sabihin sa kanya ngunit hindi niya ito masabi dahil sa kaba.
“Tinawagan ako ni Queen Adelaide kanina at sinabi niyang nandito kayo kaya alam ko. Tingin n’yo ba kaya ninyong makipaglaban?”
“..........” natahimik si Baron at napayuko.
“Kung hindi kayo sigurado, dapat hindi na lang kayo pumunta at baka maging pabigat lang kayo sa akin.”
Nasaktan si Baron at medyo nainis sa sinabi ni Lucius.
“Kung nasaan man kayo sa Mharius, ako na ang bahala sa kanya. Diyan lang kayo. Tandaan n’yo, iba ang mundong pinasukan n’yo ngayon.”
“Nasaan ka ngayon, Ginoong Lucius?”
“Paalam.” binaba na ni Lucius ang phone.
Napatingin si Baron sa phone. “Kainis…”
Habang sina Janella at Zavier naman ay masayang nagtatakbuhan sa Harley Forest.
Nahuhuli si Janella. “Teka lang Zavier!” nakatawang wika niya habang hinihingal.
Humarap si Zavier sa kanya habang tumatakbo. Masaya niyang inabot ang kanyang kamay sa kanya. “Hawakan mo ang aking kamay princess!”
Hinawakan ni Janella ang kanyang kamay. “Bagalan mo! Ang bilis mo!”
Binagalan ni Zavier ang kanyang pagtakbo at tumabi siya sa prinsesa. Magkahawak lang sila ng kamay. “Pupunta ulit tayo sa paraiso na sinasabi mo!” nakatawang wika niya.
“Ulit?!” napatingin siya sa kanya. “YEHEY!!!” nasabik siya at binilisan ang pagtakbo.
“Eto na! Marami nang puno! Kabila na nito ay ang paraiso!”
Patuloy lang sa pagtakbo si Janella. Mabilis siyang nakahanap ng malulusutan niya patungo sa kabila. “O sige! Magkita na lang tayo sa kabila!”
Binitiwan niya ang kamay ni Janella. “O sige!” mabilis siyang naging tubig at tumungo na sa kabila.
Mabilis na tumungo si Janella sa lulusutan niya at lumusot nga siya kaagad. Sumalubong muli sa kanyang paningin ang malakas na liwanag. “Woohoo!” patuloy pa rin siya sa pagtakbo. “Hahaha!” inalis niya ang strap ng gitara sa kanyang katawan at nilaglag niya ito sa damuhan. Umikot siya at humiga sa damuhan pagkatapos. Masaya siyang tumingin sa mga ulap.
Biglang sumalubong sa kanyang paningin ang kamay ni Zavier na may hawak-hawak na mga bulaklak. “Bulaklak para sa ‘yo princess!”
Nagulat at namula si Janella. “Wah! Hahaha!” napaupo siya at napatingin sa kanya. “Maraming salamat Zavier!” at masaya niya itong kinuha.
Nakaupong-tingkayad lang sa harapan niya si Zavier. Ngumiti at tumango lang siya habang nakatingin sa prinsesa.
Napapikit at inamoy ni Janella ang mga bulaklak. “Mmmm! Ang bango grabe!” dumilat siya at tumingin sa mga bulaklak. Iba-iba ang klase ng bulaklak na binigay sa kanya at lahat ay magaganda at mababango.
“Princess!” tawag ni Zavier sa kanya.
“Hm?” sumulyap ang kanyang mga mata kay Zavier.
Hindi niya inaasahan na nakatutok na pala sa kanya ang camcorder habang si Zavier naman ay todo pang nakangiti.
“Uy!” kumaway na lang siya sa camcorder habang nakangiti. “Kainis ‘to si Zavier, hindi man lang sinabi sa ‘kin na nagvi-video na pala siya.” sumimangot siya habang nakatingin sa binata.
Natawa siya. “Hahaha! Pasensya na! Akala ko matutuwa ka. Hindi na mauulit sa susunod.”
Napailing si Janella at tumingin muli sa camcorder. Ngumiti muli siya at pinakita ang mga bulaklak. “Nakikita n’yo ‘to? Mga mababango ‘tong mga bulaklak na binigay sa ‘kin ni Zavier! Amuyin n’yo.” nilapit niya ito sa camcorder. “Hahaha! Sana naaamoy n’yo nga!” inamoy niya muli ang mga ito. “Mmmm!!! Ang bango talaga!” napatingin siya sa buong paligid. “Ay oo nga pala! Ito ang paraiso.” umusog siya para ma-video naman ng camcorder ang field. “Malawak ‘to! Ang ganda pa! Sobra! Naku! Sana makapunta rin kayo dito balang-araw!” biglang sumingit sa camera ang naka-thumbs up na kamay ni Zavier.
Marahang tumayo si Zavier para ma-video ang buong field. Umikot siya habang nagvi-video. “Sana nga makarating kayo dito. Sana makita ko rin kayo.” nakangiting wika niya. “Para sama-sama tayong mamamasyal!”
“Hello sa mga nanonood!” biglang sumalubong sa camcorder si Janella at kumaway ng malaki. “Ipapakita ko sa inyo kung paano mamitas ng mga bulaklak!” umupo siya at pumitas ng isa.
Habang si Zavier naman ay pinokus ang camcorder sa prinsesa.
“Dalawa… tatlo… apat!” pinakita niya sa camcorder ang mga pinitas niyang mga bulaklak. Natawa siya. “Ano ba ‘to! Parang baliw lang ako! Hahaha! Kung makapagpitas naman ako parang ako lang ang marunong pumitas!”
Natawa si Zavier.
Tumayo si Janella at inabot ang mga bulaklak sa kanya. “Zavier, para sa pang-dekorasyon mo oh!” ngumiti siya.
“Ah, salamat!” ngumiti siya at kinuha ang mga ito.
“Zavier! Takbo tayo!”
Binaba ni Zavier ang camcorder. “Saan princess?”
“Takbuhin natin ang buong field!”
Napangiti siya. “O sige!”
“Hahaha!” biglang tumakbo si Janella. “Ako naman ang habulin mo!”
Napangiti si Zavier at tumakbo rin.
“Hahaha!” tawa ni Janella.
Wala pang isang minuto ay nahabol na niya kaagad ang prinsesa. Nakahawak lang siya sa balikat nito.
“Eh?!?!” gulat na wika ni Janella habang siya ay nakatingin sa kamay ni Zavier na nasa kanyang balikat.
Nakangiti lang si Zavier habang tumatakbo. “Ako naman!” inunahan na niya si Janella.
“Bakit ganu’n?! Ang daya! Ggggrrr!!! Humanda ka sa ‘kin!” mabilis na tumakbo si Janella.
Natawa si Zavier. Napatingin siya sa likuran para tingnan si Janella at inabot niya ang kanyang kamay sa kanya.
“Mahahabol din kita!” mabilis na hinampas ni Janella ang kanyang kamay, ngunit hinawakan naman nito ng mahigpit ni Zavier.
Binagalan ni Zavier ang kanyang pagtakbo at tumabi sa kanya habang tumatakbo.
Nagulat si Janella at napatingin sa kanya.
Nakangiti lang si Zavier habang nakatingin sa kanya. Mabilis niyang tinutok ang camcorder sa kanilang dalawa. “Ito kami ni princess, tumatakbo!”
Napatingin si Janella sa camcorder. “Oo! Kasama ko ang madayang si Zavier!”
“Hahaha! Ang lamig ng hangin!”
Tumingala si Janella habang nakangiti. Pumikit siya at huminga ng malalim. “Ang sarap ng hangin!!! Grabe!!!”
Ilang minuto ang lumipas, naikot rin nila ang kabuuan ng field. Sobrang napagod si Janella ngunit sobra rin siyang naging masaya.
Luminga-linga siya. “Teka! Kukuha pa ako ng pwedeng ipang-dekorasyon!”
“Princess! Huwag muna! Magpahinga ka muna!”
Tumakbo ng kakaunti si Janella habang palinga-linga. “Hindi ah! Bakit naman ako mapapagod?! Eto oh!” pumunta siya sa pwesto na ‘yun at kinuha ang dalawang bunga. “Dalawang bunga! Hatiin mo ang mga ito tapos idikit mo sa pader ninyo!”
“A-Ahm…” napatingin si Zavier sa dalawang bunga. “Teka lang.” tinigil muna niya ang video habang papalapit naman sa kanya si Janella.
Ilang minuto ang lumipas…
Nakaupo muli sila sa damuhan habang gumagawa na si Zavier ng sako.
“Ang dami mong nakikita na magaganda at pwedeng ipang-dekorasyon sa kubo namin ni tiyo, princess. Akala ko kasi kakaunti lang at kaya lang ng mga kamay kong dalhin. Hindi pala at kailangan ko pa pala talagang gumawa ng sako.”
Napangiti si Janella habang nakatingin sa itaas. Katabi lang niya ang binata. “Siyempre gusto kong maganda ang magiging kinalabasan ng magagawa mo! Maghahanap talaga ako ng maraming pwedeng ipang-dekorasyon para hindi ka mahirapan.”
Natigilan si Zavier sa kanyang ginagawa at napatingin siya sa prinsesa.
“Mahirap kaya kapag kakaunti lang. Siyempre ayoko naman na mahirapan ka.” napatingin siya kay Zavier habang nakangiti.
Napangiti rin si Zavier. “Maraming salamat princess.”
“Pero ikaw rin ang mahihirapan sa pagdadala niyan hanggang sa kubo ninyo! Hahaha!”
Ngumiti lang siya at pinagpatuloy muli niya ang paggawa sa sako. “Ayos lang. Madali lang naman ‘to dalhin.”
“Uy! Baka nagtampo ka sa ‘kin ah! Siyempre tutulungan din kita kung kailangan mo!” nakangiting wika niya.
Umiling si Zavier habang nakangiti.
“Ahm, pwede bang pakilagay na rin muna ang mga bulaklak na binigay mo sa ‘kin diyan sa sako? Ayos lang ba?”
“Oo naman princess, pakilapag na lang muna sa damuhan. Tapusin ko lang ‘to.”
Pagkatapos ng ilang segundo…
Napabuntong-hininga si Janella habang nakatingin sa mga ulap. “Sweet home…” nakangiting wika niya. “Gusto ko na makita ang sweet home ninyo!” sumandal siya sa kanya.
Natawa ng marahan si Zavier habang ginagawa pa rin ang sako. “Medyo malayo pa ‘yun princess.”
“Kahit gaano pa ‘yan kalayo, ayos lang! Basta kasama kita.”
Ngumiti lang siya habang gumagawa.
Tiningnan ni Janella si Zavier. “Zavier!” kinalabit niya ito. “Gusto mo bang tulungan na rin kita sa pag-decorate mo mamaya sa kubo ninyo? Para hindi ka ganu’ng mahirapan?”
“Kahit hindi na, kahit ako na lang. Magpahinga ka na lang pagdating mo do’n. Salamat na lang.” nakangiting wika niya.
“O sige, pero kung kailangan mo, nandito lang ako.” pinanood niya muli ang mga ulap sa itaas.
“Tapos na princess!” kinuha na niya ang mga bulaklak na pinatatago ni Janella pati na rin ang dalawang bunga. Nilagay na niya ang mga ito sa loob ng sako.
“Oh! Halika na!” mabilis na tumayo si Janella.
Tumayo na rin si Zavier habang hawak-hawak ang sako.
May nakita si Janella sa malayo. “Teka lang pala Zavier! Saglit lang at may kukunin lang ako do’n! Antayin mo lang ako dito!”
Nagtaka si Zavier kung ano ‘yun pero pinayagan na rin niya ito. “O sige. Basta mag-ingat ka.”
Tumakbo si Janella papalayo sa kanya.
Habang sa mga servants na nasa Mharius, mga nagaaway-away na sila ngayon at mga nawala na ang lakas ng loob ng iba sa kanila. Mga sobra-sobra na silang natatakot.
“Tanghali na! Papalubog na naman ang araw maya-maya! Ano pa ang ginagawa natin?!” mataas na tonong sabi ni Julius.
“Ilang beses ko bang uulitin Julius na sinabi nga ni Ginoong Lucius na dito lang tayo at siya daw ang bahala!” mataas na tonong sabi rin ni Baron.
“Bakit pa tayo nandito kung ganu’n pala?! Aasa na naman ba tayo sa kanya?! Kaya mga nagsisisi tayo sa huli! Dahil palagi na lang tayong umaasa!” mataas na tonong sabi muli ni Julius. “Ayoko nang umasa pa!”
Napatutop ng dibdib si Triny. Nag-aalala siya habang tinitingnan ang dalawang nagsasagutan.
Sumama ang tingin ni Baron sa kanya. “Sige! Bahala ka at hanapin mo ang ating prinsesa!”
“Talagang hahanapin ko! Kaya nga ako nandito para iligtas siya at hindi sumunod kahit kanino!” tumalikod siya at naglakad.
“Julius! Huwag kang umalis!” mahigpit siyang hinawakan ni Triny sa braso para pigilan.
Napahinto si Julius at pumiglas. “Bitiwan mo nga ako!” masama ang pagkakatitig niya kay Triny.
“Huwag kang umalis! Makinig ka kay Baron! Pakiusap! A-Ang isa pang pinupunto ni Ginoong Lucius ay baka mapahamak kasi tayo dito!”
“Kung ganu’n, bakit pa nga tayo nandito?! Nandito ba tayo para manatili sa isang pwesto?! Kung ano man ang mangyari sa atin, tanggapin na lang natin! May magagawa ba tayo?! Para sa ating prinsesa naman ang ginagawa natin!”
“Dapat kasi sinagot na ni Ginoong Lucius kanina ‘yung tawag natin sa kanya!” inis na wika ni Caroline.
“Tama na!” pigil ni Harony. “Pag-usapan natin ‘to ng maayos! Walang mangyayari sa atin kung idadaan lang natin ‘to sa sigawan na usapan! Huminahon kayong lahat!”
“Kailangan pa bang pag-usapan?! Tingnan mo!” tinuro ni Julius ang araw. “Papalubog na ang araw! Hindi ba kayo nag-aalala sa ating prinsesa na baka sinasaktan at inaapi na siya simula nung kunin siya ng Zavier na ‘yan sa palasyo?!”
“Julius! Tama na sabi! Sumunod na lang tayo kay Ginoong Lucius! Pakiusap!” pagmamakaawa ni Triny.
Hindi pinapakinggan ni Julius si Triny. “Si Zavier ay isang La luna Spirit at taga-dito sa pulong ito! Isa natin siyang kaaway!”
Hindi pinakinggan ni Caroline si Julius. “Kung sa bagay tama naman si Ginoong Lucius! Ayaw lang niya tayong mapahamak!”
“KUNG GANU’N PALA AT BAKIT PA TAYO NAGPUNTA SA BUWISIT NA PULONG ‘TO?!!!” sigaw ni Julius.
Ano ba?!” inis na wika ni Harony.
“Tandaan natin guys, di ba siya lang ang tao na nakakapunta dito? Sinabi niya na delikado daw ang mundong ito para sa ating mga tao!” wika ni Caroline.
“KUNG GANU’N NGA AT BAKIT PA NGA TAYO NANDITO?!!! KUNG ALAM N’YO RIN PALA NA MAPAPAHAMAK LANG TAYO DITO?!!! MGA DUWAG!!! MGA HINDI KAYANG ISAKRIPISYO ANG KANILANG BUHAY PARA SA ATING NAWAWALANG PRINSESA!!!” sigaw muli ni Julius.
“JULIUS! TAMA NA NGA SABI!” hindi na napigilan ni Triny ang kanyang sarili at malakas niya tuloy itong nasampal.
Tahimik lang si Baron habang seryoso lang niyang pinagmamasdan ang mga nagsasalita.
Napaisip si Christoph sa sinabi ni Caroline. “Pero teka, ibig sabihin hindi siya tao ganu’n?”
“Tao naman siya siguro ‘no?!” si Caroline.
“Pero di ba sabi niya na hindi pwedeng pumunta ang mga tao dito?! Oh? Ibig sabihin hindi nga siya tao? Paano naman niya masasabi ‘yun kung hindi pwedeng pumunta ang mga tao dito? E siya nga mismo nakapunta?”
Natahimik na lang ang lahat.
“Siguro kasi binayayaan siyang malakas na tao kaya nakakarating siya dito.” wika ni Baron. “Parang extraordinary lang.”
“Ano ka ba?! Hindi rin ‘no?! Tao pa rin siya at mga hindi tao ang mga nakatira dito Baron! Ang lakas naman niya sobra kung ganu’n.” wika ni Christoph.
Napailing na lang siya. “Hindi ko alam…”
“Extraordinary nga kasi~!” binatukan ni Gweine si Christoph. “Alam mo ba ‘yun~?!”
“Aray ko naman!” napatingin si Christoph sa kanya habang hinihilot ang kanyang ulo.
“Hindi mo ba na-gets si Baron~?!”
“Oo! Alam ko! Hindi lang ako makapaniwala bakla!”
“Hay naku! Dinadaan n’yo lang sa usapan! Aalis na ako! Bahala kayo sa buhay n’yo!” naglakad na muli si Julius ngunit muli siyang hinawakan sa braso ni Triny.
“Ano ba Julius! Dito ka lang!”
Masamang tiningnan ni Julius si Triny. Hindi na siya nagsalita at hinawakan na lang niya ng mahigpit ang kamay nito. Naglakad muli siya. “Sumama ka na lang sa ‘kin nang may magawa ka rin dito!”
“Hoy! Bitiwan mo nga ako! Ayokong sumama sa ‘yo!”
Habang kay Janella naman, nakabalik na siya kay Zavier habang sari-sari ang mga dala niyang bagay na pang-dekorasyon. Masaya pa siyang tumatakbo habang papabalik sa binata. Sa sobrang dami niyang dala ay mga nagkandahulog na ang iba sa damuhan. Nataranta at napatakbo pa si Zavier papalapit sa kanya nang makita niya na nahihirapan na siya sa kanyang mga bitbit. Wala naman siyang ideya na maghahanap pa pala si Janella ng mga pang-dekorasyon. Dahil hindi man lang niya ito pinaalam sa kanya at sana ay natulungan pa niya ang prinsesa sa paghanap at sa pagdala ng mga ito. Madali niyang kinuha at nilagay sa sako ang mga bitbit ni Janella. Pinulot din niya ang mga nahulog at nilagay rin niya ang mga ito sa sako.
“Marami na ‘yan Zavier ah!” hingal na pagkakasabi ni Janella.
“Princess, bakit hindi mo sinabi sa ‘kin na maghahanap ka pala ng pang-dekorasyon? Nahirapan ka tuloy. Nakakahiya naman at hindi kita natulungan!” wika niya habang nilalagay pa niya ang iilang bagay sa sako.
Napakamot ng ulo si Janella habang nakangiti. “Sus! Huwag kang mahiya! Ayoko rin kasi na maabala ka at mapagod. Di bale na ako na ang mapagod, ‘wag lang ikaw! Kasi alam ko naman na marami ka pang gagawin mamaya e.”
Natigilan at napatingin si Zavier sa kanya habang hawak-hawak ang isang bunga na ilalagay pa lang niya sa sako.
Nakatingin rin sa kanya si Janella. “Di ba?”
Napapikit ng isa si Zavier at tumingin sa sako. “Oo princess.” tumango siya at nilagay na ang isang bunga dito.
“Oh, di ba?! Tapos ako sa kubo mo mamaya, magpapahinga na ako. Sabi mo naman di ba?”
Tumango siya habang inaalog ang sako. “Ang dami na nito.”
Napangiti si Janella. “Siyempre! Ako pa!” at tinuro ang kanyang sarili. “Basta ikaw!”
Napatingin muli si Zavier sa kanya at ngumiti. “Maraming salamat talaga sa ‘yo princess.” yumuko siya para magbigay galang habang nakapikit. “Pasensya na at naabala pa kita.”
“Anong abala?! Nasiyahan nga ako sa ginawa ko!”
Nananatiling nakayuko si Zavier. “Pasensya na talaga. Nakaramdam tuloy ako ng hiya sa ‘yo.”
“Sabi kong ituring mo akong isang ordinaryong kaibigan at hindi isang prinsesa e!” humalukipkip saglit si Janella habang nakasimangot na nakatingin sa kanya. “Kung ganyan ka sa ‘kin, dapat ganyan rin ako sa ‘yo!” lumuhod siya at yumuko. Hinalikan pa niya ang sapatos ni Zavier.
“Princess!” nagulat si Zavier sa ginawa ni Janella. Madali siyang lumayo.
Natawa si Janella at tumingin sa kanya.
Napatingin saglit si Zavier sa kanyang sapatos at muli siyang tumingin sa kanya. Hindi pa rin siya makapaniwala sa ginawa ng prinsesa.
“Tapos iisipin mo na nakakadiri ako?! Gumanti lang naman ako ah! Huwag ka na kasing yumuko pa!”
“Nirerespeto lang naman kasi kita.”
“Ganu’n din ako sa ‘yo! Baka nga mas mahigit pa ang pagrespeto ko sa ‘yo! Sa sobrang taas, nahalikan ko na nga sapatos mo!”
Nanlaki ang mga mata ni Zavier dahil gulat na gulat siya sa sinabi ni Janella.
Medyo nakaramdam tuloy ng hiya ang prinsesa pagkatapos niyang makita ang reaksyon ni Zavier. Tumayo na lang siya at namula.
“Pasensya na, isa ka pa rin kasing prinsesa, kahit na...”
Bumuntong-hininga siya. “Sana naging isang ordinaryong tao na lang talaga ako.”
Kumunot ng kakaunti ang noo ni Zavier. “Hindi ka ba masaya?”
“Ayoko kasi na masyado na akong ginagawang espesyal. Ayoko nang niyuyukuan pa ako para magbigay galang sa isang katulad kong prinsesa. Tapos hinahangad ko rin ang isang freedom na kasingtulad ng nakikita ko sa aking mga kaibigan sa mundong Destiny. ‘Yung walang rules at walang expectations. Hindi ko medyo nararamdaman ang mga ganu’n dahil isa nga akong prinsesa. Parang limitado lang ang pwede kong gawin.” yumuko siya. “Kaya sana… kahit sa ‘yo lang… maramdaman ko rin ang freedom. Masaya naman ako pero mas magiging masaya ako kung magiging isang ordinaryong tao na lang ako.”
Napatingin sa ibaba saglit si Zavier. “Naiintindihan ko.” tumingin muli siya kay Janella at tumango. “Malaya ka naman talaga sa gusto mong sabihin at gawin pagdating sa akin. Pero sana nagawa mong ipaalam sa ‘kin na maghahanap ka pa ng pangdekorasyon para natulungan kita sana. At sana ‘wag mo namang halikan ang sapatos ko. Hindi dahil sa pinagbabawal kita pero alam kong marumi kasi para halikan mo.”
Ngumuso si Janella habang nakayuko. “Pero kasi…” bumuntong-hininga na lang siya. “Pasensya na…”
Hindi muna sumagot ang binata. “Pero hindi mo ba napapansin ang ‘kalayaan ng ligaya’ na hinahangad mo sa akin?”
Hindi muna siya sumagot. “Oo nga naman, napapansin ko nga naman ‘yun.”
“Malayang-malaya ka naman talaga sa ‘kin. Kahit pa na prinsesa ka at ‘Princess’ rin ang tawag ko sa ‘yo.”
Napabuntong-hininga siya at tumango. Malumanay niyang ningitian ang binata. “Maraming salamat… at iisipin ko na lang na ‘Princess’ ang aking pangalan.”
“Sana naiintindihan mo rin ako kung bakit hindi kita kayang tawagin sa pangalan---”
“Oo, naiintindihan ko dahil nasa taglay mo na talaga ‘yang katangian. Isa ka talagang magalang.”
Napangiti si Zavier at medyo nahiya. Napayuko siya saglit at muling tumingin sa prinsesa.
Namula si Janella at inalis ang kanyang tingin dito. Napatingin siya sa araw. “Papalubog na naman halos ang araw. Ang bilis talaga ng oras.”
Napatingin rin si Zavier sa araw.
Napabuntong-hininga siya at umiling ng kakapiranggot. “Paano ko kaya mababagalan ang oras… sa tuwing kasama kita?”
Napatingin na naman si Zavier sa kanya at sabay ngiti. “Princess, paano mo nabasa ang aking iniisip?”
Sumulyap ang mga mata ni Janella sa kanya at natawa ng kakapiranggot habang namumula. “Halika ka na nga Zavier sa kubo ninyo! Para makapag-decorate ka na rin!” nakangiting wika niya.
“Mhm.” tumango siya habang nakangiti. “Sige.” kinuha na niya ang sako at nilagay niya ito sa kanyang likuran para buhatin.
“Ako na ang bahala sa camcorder ko.” nakangiting wika ni Janella. Kinuha niya ito mula sa damuhan at tinago sa lalagyan nito. Pagkatapos, kinuha naman niya ang kanyang gitara at sinuot ang strap sa kanyang katawan.
“Dito ang daan natin princess.” tumungo si Zavier sa pahilagang direksyon.
Tumango si Janella at sumunod sa kanya.
Habang sa sampu muling servants, hindi rin nila pinatuloy pa si Julius na umalis. Pinilit talaga nila itong pigilan.
Sobrang sama ng loob ni Julius na wala man lang silang ginagawa sa pulo. “Sana pala hindi na lang ako sumama sa inyo!”
“Psst! Nag-iingay ka na naman diyan!” si Caroline.
“Hmp!” humalukipkip na lang si Julius at pumikit.
Nakaupo sina Baron, Clayden, Eric at Gweine sa mahabang punong-kahoy.
Tinitingnan ni Baron ang buong paligid. “Parang nagugutom na ako…”
“Ikaw lang ba?” si Clayden habang nakapatong ang kanyang ulo sa kanyang mga braso na nasa kanyang binti.
“Tara? Maghanap kaya tayo. Nagugutom na rin ako.” si Eric.
“Halika~!” tumayo bigla si Gweine.
Napatingin ang tatlo sa kanya.
“Hanapan mo na lang kaya kami Gweine.” walang ganang wika ni Clayden.
“Ha~?! Halika na Clayden~!” pumunta siya kay Clayden. Hinawakan niya ang magkabilang kamay nito at hinila. “Magtulungan tayo maghanap ng makakain natin~!”
Matamlay na nakatingin si Clayden sa kanya. “Kayo na lang.”
“Guys…” tawag ni Julius habang papalapit sa kanila.
Napatingin ang apat sa kanya.
“Oh~?! Bakit nandito ka~?! Sasama ka na sa amin porket may pagkain ka lang na narinig?” humalukipkip si Gweine habang masamang nakatingin sa kanya.
Walang gana makipag-away si Julius ngayon kaya nagkunwari na lang siyang walang narinig. “Nagugutom na ako… maghanap tayo.”
“O sige.” tumayo si Baron.
“Basta huwag lang kayo lumayo dito.” wika ni Harony habang siya ay nakaupo sa buhanginan.
Napatingin si Clayden sa kanya.
Napansin na naman ni Baron si Clayden ngunit hindi niya ito maasar sapagkat wala rin siyang gana dahil sa gutom nga siya.
“Salamat Harony, aalis na muna kami.” wika ni Julius habang naglalakad patungo sa gubat.
“Uy! Mga mag-ingat kayo ah!” pag-aalalang wika ni Triny.
“Saglit Julius! Sasama ako sa inyo!” napatakbo si Jonathan para sundan sila.
Ilang minuto ang lumipas, mga nasa gitna na sila ng kagubatan. Ngunit habang sila ay naglalakad, nasa pagmumukha ni Julius ang pandidiri. Palinga-linga siya at hinanap kung saan nanggagaling ang amoy na ‘yun.
“Bakit ang baho? Wala naman akong naaamoy na ganito kanina?" reklamo ni Julius.
“Gwenie! ‘Wag naman dito pakiusap! Maawa ka sa amin!” pangasar na wika ni Jonathan.
Nagulat si Gweine nang bigla na naman siyang asarin ni Jonathan. “Anong pinagsasabi mo diyan?! Hampasin kita e~! Hmp~!” humalukipkip siya at umalis sa tabi nito.
“Naku naman oh! Kung puro reklamo tayo e walang mangyayari sa atin dito.” si Baron. “Huwag na lang natin pansinin kung may naaamoy tayong kakaiba.”
“Woah! Ang ganda ng lawa oh!” napatakbo si Clayden papunta sa lawa. “Ang linis ng tubig!” napatingin siya sa kanyang reflection na nasa tubig.
Sumunod si Baron sa kanya. “Oo nga ‘no? Parang ngayon lang ako nakakita ng ganitong sobrang linis na tubig.”
“Ang ganda.” napatingin si Clayden sa buong lawa. “Parang gusto ko tuloy lumangoy kaso wala akong damit na ipagpapalit.”
Tumango si Baron habang nananatiling nakatingin sa tubig. “Oo nga, saka nakakatakot rin kasi baka masama ang tubig na ‘to sa atin.”
“Oo nga.” tumango rin si Clayden. Napatingin siya sa mga ibon na lumilipad sa himpapawid.
“Hoy! Maghanap na tayo ng makakain! Nagugutom na talaga ako!” sigaw ni Julius sa dalawa mula sa malayo.
“Mauuna na ako sa inyo! Ang bagal n’yo!” si Jonathan.
“Teka lang… ang ganda talaga ng lawa na ‘to. Naaakit ako sa kagandahan nito.” pinagmamasdan pa rin ni Clayden ang kabuuan ng lawa pati ang mga puno na nakapalibot dito.
“Ang gwapo ko talaga. Tsk!” wika ni Baron habang nananalamin sa tubig.
Marahang lumakad si Clayden at inikot ang kabuuan ng lawa.
Kina Janella at Zavier muli, naglalakad rin sila sa gubat habang masaya silang nag-uusap. Ngunit sa gitna ng kanilang paglalakbay, natagpuan nila ang hangganan ng lupain. Napanganga ang prinsesa sa nakikita niyang bangin mula sa kanilang harapan.
“A-Ang lalim!”
Napatingin rin si Zavier sa bangin.
Napalingon at tumingin si Janella sa kanya. “Nakakatakot tumawid!” pag-aalalang wika niya.
“Pero wala na tayong iba pang daan princess. Ito na lang talaga.” at tumingin sa kanya.
Napatingin si Janella sa tawirang punong-kahoy na patungo sa kabila. Napalunok siya. “Bakit ganito?! Wala pang hawakan! Di ba nakikita mo naman na hindi ako marunong bumalanse?! Baka mahulog ako Zavier!”
Tumingin saglit si Zavier sa punong-kahoy at muli siyang tumingin sa kanya pagkatapos. “Huwag kang mag-alala, aalalayan naman kita.”
Hindi na narinig ni Janella ang sinabi ni Zavier dahil sa sobra siyang natatakot. “Paano na ‘tong instrumento ko? Lalo akong mahihirapang tumawid kasi may dala ako!”
Napatingin siya sa gitara. “Akin na princess. Ihahagis ko patungo sa kabila.”
“Ha?! Paano kung mahulog?!”
Umiling si Zavier. “Magtiwala ka sa ‘kin.”
Natigilan ang prinsesa saglit. “O-O sige.”
Tumango siya at ngumiti.
Hinubad na ni Janella ang strap sa kanyang katawan at tiningnan ang gitara saglit. Pagkatapos ay binigay na niya ito sa kanya.
Marahang kinuha ito ni Zavier at tumingin sa kabilang lupain. Bumwelo muna siya para mahagis niya ng tama ang gitara sa kabila. Ihahagis na niya sana ang instrumento ngunit bigla namang humawak sa braso niya si Janella.
“Zavier! Siguraduhin mo na mahahagis mo ‘yan sa kabila ha?!” pag-aalalang tanong niya.
Napatingin si Zavier sa kanya. “Yes, princess.” tumango siya at muling bumwelo. Hinagis na niya ang gitara ngunit sumabay din ang pagtulak ni Janella sa kanyang braso para pigilan. Medyo nasira tuloy ang kanyang bwelo at napunta tuloy ang gitara sa ibang direksyon ngunit hindi naman ito nahulog sa bangin.
Nanlaki ang mga mata ni Janella nang makita niya na muntikan nang mahulog ang gitara sa bangin.
Kahit si Zavier, kinabahan din siya dahil akala niya ay ganu’n rin ang mangyayari. Sumulyap ang kanyang mga mata sa prinsesa.
Tinakpan ni Janella ang kanyang bibig. “Sorry! Naku! Kapag nahulog nga, kasalanan ko pa!” sumulyap rin ang kanyang mga mata kay Zavier. “Sorry Zavier!”
Napabuntong-hininga siya. “Di bale princess, wala ka nang dapat na ipag-alala dahil nasa kabila na ang gitara mo.”
“Pasensya na kung makulit ako! Alam kong naabala kita sa paghagis!” yumuko siya. “Sorry! Sorry! Sorry! Masyado lang kasi akong nag-aalala at parang ayoko na kasing ipahagis pa sa ‘yo!”
Ngumiti at hinimas na lang ni Zavier ang ulo ng prinsesa. “Wala ‘yun. Huwag ka nang mag-alala.”
“Sorry talaga…” nananatiling nakayuko si Janella.
Kinuha naman ni Zavier ang sako ng pang-dekorasyon at hinagis rin niya ito sa kabila. “Ayos na princess. Ngayon, tayo naman ang tatawid.”
Tumingin si Janella sa kanya. “P-Paano?” mahinang tanong niya na may halong pag-aalala.
“Halika.” tumungo siya sa punong-kahoy at do’n inantay si Janella.
Lumapit ang prinsesa at tumabi sa kanya. Napatingin siya sa punong-kahoy. “Paano ‘to? Walang hawakan.”
“Dito ka sa harapan ko.”
“B-Bakit?” pumunta na lang si Janella sa kanyang harapan.
“Tumingin ka lang ng diretso, huwag kang titingin sa ibaba.”
Tumango at inangat na niya ang magkabila niyang braso.
“Di ba pinangarap mo na maging isang miyembro ng circus? Kung gusto mong matupad ang pangarap mo, maniwala ka sa sarili mo. ‘Wag kang sumuko at kayang-kaya mo ‘yan.” marahan na niyang hinawakan ang magkabilang braso niya at naglakad. “Lakad na princess.”
“?!” nagulat si Janella nang biglang hawakan ni Zavier ang magkabila niyang braso. “Z-Zavier!” bigla tuloy siyang lumakad. Napalunok pa siya at kinabahan.
Napangiti lang si Zavier at napansin niya na kinakabahan ito. “Wala ka nang dapat na ipag-alala. Nakaalalay na ako sa ‘yo.”
Mabilis siyang tumango. Bigla siyang namula. “O-Oo! S-Salamat sa ‘yo!”
Natawa siya ng marahan.
Mas namula si Janella at medyo napapabilis na siya sa paglakad.
“Princess, dahan-dahan lang!”
Napapatingin siya sa ibaba at gustong-gusto na niyang makarating sa kabila. Mariin siyang napapikit at mas lalo siyang namula.
Ilang minuto ang lumipas at nakabalik na si Clayden kay Baron.
“Hoy! Hanggang ngayon ba naman, nananalamin ka pa rin?” si Clayden.
Paiba-iba pa ang ekspresyon ng pagmumukha ni Baron habang nananalamin sa tubig.
“Mabuti at hindi ka nagsasawa sa pagmumukha mo.”
“Hahaha! Bakit naman? Ang gwapo-gwapo ko oh! Kay gandang lalaki! Tsk! Tsk! Tsk!”
“Halika ka na nga! Huwag ka nang mangarap! Sa panahon ngayon, hindi na libre ang mangarap! May bayad na!” umalis na si Clayden.
Kumunot ang noo ni Baron habang patuloy pa rin sa ginagawa. “Anong pinagsasabi mo diyan?” hinawakan pa niya ang kanyang baba habang paiba-iba pa ng posing. “Clay! Saglit lang naman! Huwag ka muna umalis!”
“Hay naku! Hindi ako mabubusog diyan sa pagmumukha mo kung aantayin pa kita! Dalian mo na at maghahanap pa tayo ng makakain!”
Halatang gusto pang malamin ni Baron sa tubig ngunit napilitan siyang umalis dito. “Eto na nga e! Tapos na ako!” at madali niyang sinundan si Clayden.
“Julius, ano naman kaya ang makakain natin dito?” tanong ni Jonathan habang naglalakad.
Pinagmamasdan lang ni Julius ang bawat puno na nadadaanan nila. “Kung anong makita natin dito na pwedeng kainin.”
Biglang napaupo si Jonathan. “Napapagod na ako. Huwag na lang kaya ako kumain?”
“Bahala ka, tiyan mo naman ‘yan.” naglalakad pa rin siya.
“Hanapan mo na lang kaya ako.”
Huminto sa paglakad si Julius. “Ayoko nga!” at masama niyang tiningnan si Jonathan. “Ano ka, senyorito? Maghanap ka ng sa ‘yo!”
“Ang sama mo talaga!” masama ring tiningnan ni Jonathan si Julius. “Maging mabait ka naman minsan! Pagbigyan mo naman ako!”
“Tingin mo ba hindi ako napapagod?! Pagod na rin kaya ako! Kanina pa!”
“Jonathan?! Julius?! Kayo ba ‘yan?!” tanong ni Clayden mula sa kabilang mga puno.
Natigilan ang dalawa at nabosesan nila si Clayden.
“Nasaan ka?” luminga-linga si Jonathan.
“Nandito! Kasama ko si Baron! Maghanap na lang kayo ng makakain ninyo! Huwag n’yo na kami hanapin!”
Naglakad na lang ulit si Julius. “Okay, fine.”
“Ah, o sige!” napatingin si Jonathan kay Julius at biglang sumimangot. “‘Wag na lang pala! Hindi na ako maghahanap! Kayo na lang! Pagod na ako!”
“Ha?! Maghanap ka Joth!” si Clayden.
“Kayo na lang!” tumayo na si Jonathan at bumalik na lang sa dalampasigan.
Ilang minuto ang lumipas…
“Clayden!” tawag ni Baron. “Ang daming prutas sa punong ‘yun oh!”
Napatingin si Clayden sa puno na tinutukoy nito. “Oo nga, ang dami!”
“Halika! Kumuha tayo!” napatakbo siya at umakyat sa puno.
“Kung ikaw na lang kaya Baron ang kumuha? Maghahanap lang ako ng pwedeng paglagyan ng mga prutas na makukuha natin para may makain rin ang mga kaibigan natin do’n sa dalampasigan!”
“O sige Clayden! Magandang ideya ‘yan!” nag-thumbs up siya habang nakakapit sa isang sanga.
“O sige, maghahanap na ako!” umalis na si Clayden.
Mabilis siyang naglalakad habang palinga-linga. Ngunit naging takaw-tingin sa kanya ang isang palumpong na gumagalaw. Kumunot ang kanyang noo at nilapitan niya ito. Nakita niya ang isang manok na naghuhukay dito.
Nanlaki ang mga mata niya. “Manok!” napangiti siya.
Mabilis na umalis ang manok nang marinig niya ang malakas na boses ni Clayden.
“Eh?!” napatingin siya sa manok. Sinundan niya ito ng tingin kung saan ito pupunta.
Huminto ang manok sa tabi ng isang palumpong at naghukay muli.
Mabilis na nakakita ng kahoy si Clayden. Kinuha niya ito at tumakbo papalapit sa manok. “Hindi ka makakatakas sa akin!”
Muling tumakbo ang manok. Pumunta at pumasok pa ito sa tabi-tabing mga palumpong.
Nagpunta rin si Clayden do’n at pinagpupukpok ang mga palumpong. “YAH! YAH! YAH! YAH!”
Biglang gumalaw ang palumpong sa malayo.
“Eh?!” nagulat si Clayden nang mapansin niya na gumalaw rin ang palumpong do’n. Napatingin at binuka niya ang mga palumpong na pinagpupukpok niya. Wala ang manok dito. Muli siyang tumingin sa isang palumpong na nasa malayo. Masama ang ngiti niya dito habang dahan-dahan siyang naglalakad. “Ang bilis mo ha?! Hmp! Mahuhuli rin kita!”
Patuloy pa rin sa paggalaw ang palumpong.
Tumakbo na siya. “AAAHHH!!!!” sigaw niya habang papalapit sa palumpong. Mabilis at malakas niyang pinagpupukpok ang palumpong. “YAH!!!! YAH!!!! YAH!!!! YAH!!!”
Ilang minuto ang lumipas, tumigil muna si Clayden sa pagpupukpok at inobserbahan niya muna ang palumpong. Hiningal siya. “Nasaan ka na ba?! Nagugutom na ako!” ibubuka pa lang niya sana ang palumpong nang biglang gumalaw naman ang isa pang palumpong na magkakatabi sa malayo.
“What the…” napanganga siya habang nakatingin sa palumpong na ‘yun. “Huwag mong sabihing…” binuka niya ang palumpong at natuklasan niya na wala rin pala ang manok dito. “Eh?!” bumalik muli ang tingin niya sa palumpong na gumagalaw.
Huminto na ito sa paggalaw.
“Eto na talaga! Mahuhuli na talaga kita!” bumwelo na si Clayden at tumakbo. “YAAAAHHH!!!!” at mas nilakasan na niya ang pagkakapukpok.
“ARAY KOOO!!!” sigaw ni Julius.
“Oh?!” nagulat si Clayden. Bigla siyang tumigil. “Julius?!”
Mabilis na kinuha ni Julius ang kahoy na hawak-hawak niya. Tinapon niya ito sa malayo. Tumayo siya at masamang tiningnan si Clayden. Mabilis niyang binuka ang mga palumpong na malakas na pinagpupukpok ni Clayden.
Nakita ni Clayden mula sa likuran nito ang isang maliit na lawa habang nakapalibot naman dito ang makakapal na palumpong kasama ng iilang mga puno. “Naliligo ka pala Julius?”
Biglang tumubo sa kanyang ulo ang isang malaking bukol. “Oo, ano bang problema mo at pukpok ka ng pukpok? Ang sakit kaya!” masama lang siyang nakatingin sa kanya.
Napakamot ng ulo si Clayden. “Hindi ko naman ‘yun sinasadya na pukpukin ka e! ‘Yung manok talaga na nagtatago sa mga palumpong ang pinupukpok ko!” pinagpapawisang sabi niya.
Biglang gumalaw ang isang palumpong na nasa likuran ni Clayden. Lumabas ang manok mula dito at tumakbo. Nakita ni Julius ang manok at muli siyang tumingin kay Clayden.
“Nakita ko na ang sinasabi mong manok.”
Tumango na lang siya habang nakangiti ng kakaunti. “Teka, maliligo na nga rin ako.” hinubad niya ang kanyang damit at sumawsaw na sa lawa.
Muling lumubog ng kakaunti si Julius sa tubig habang pinatong naman niya ang magkabila niyang siko sa lupa habang seryoso siyang nakatingin kay Clayden. Nakita niya na walang kasigla-siglang pinagmamasdan nito ang lawa. Kinuha niya ang iilang prutas sa tabi ng kanyang siko at inabot sa kanya.
“Kumain ka na muna ng prutas nang matauhan ka kahit kakaunti man lang. Para… hindi ka biglang pumupukpok.”
Sumulyap lang ang mga mata ni Clayden sa prutas at kinuha. “Salamat.”
Kumunot ang noo ni Julius. “Alam mo, ang dami kayang prutas na nakalaglag sa lupa. Bakit hindi ‘yun ang kunin at kainin mo? Kaysa naman sa pagtiyagaan mo ang manok na hindi mo naman mahuli-huli. Hindi rin sana ako masasaktan at magkakaroon ng malaking bukol sa ulo kung ganu’n.”
Mabilis na pinigilan ni Clayden ang kanyang tawa. Napangiti nga lang siya at dinaan na lang niya sa pag-iling ang tawa. Nakatingin lang siya sa prutas na kinakain niya ngayon. “Pasensya talaga Julius. Hindi ko naman sinasadya ‘yun e. Hindi ko rin naman ginusto na masaktan at magkaroon ka ng… bukol.”
Bumuntong-hininga si Julius at hinilot ang kanyang bukol. “Wala na, nangyari na e.”
Napatingin si Clayden sa mga puno. Biglang bumagsak sa kanyang ulo ang isang prutas na mula sa puno. “Aray ko naman!” mabilis niyang hinawakan ang kanyang ulo.
Mabilis na kinuha ni Julius ang prutas bago pa ito malaglag sa tubig. Kinagat niya ito ng isa. “Tingnan mo na, prutas lang ang bumagsak sa ulo mo nasaktan ka na. Paano naman ‘yung malakas na pagpukpok mo sa ulo ko?”
Pinigilan muli ni Clayden ang kanyang tawa. Yumuko na lang siya ng kakaunti ngunit hindi rin niya napigilang mapangiti.
“Tsk! Tsk! Tsk!” pumikit siya habang kinakain ang prutas.
Habang kina Janella at Zavier naman, malapit na sila sa nayon at ginawan pa niya ng salakot ang prinsesa. Nasa malawak na silang bukid habang masaya lang silang naglalakbay.