CHAPTER THREE

“FIRAH, I heard from Kuya Uranus na nag-decide na siya to temporarily stay in your house.”

“Yup, it’s true,” pagkumpirma ni Firah kay Jupy. Ipina-check nito sa kanya ang blueprint ng condominium project nila. Pagkatapos nitong ayusin ang problema ng kompanya ng pamilya nito na Planet Foods Corporation ay bumalik ito sa kanya bilang ang pinakamahusay niyang arkitekto. “Mukha namang hindi ko na mababago ang isip niya kaya hinayaan ko na siya. I hope your parents don’t mind. Although love natin ang mga ka-village natin, hindi pa rin maiiwasang mapagtsismisan nila kami.”

Ngumiti ito. “Don’t worry about Mama and Papa. It’s superfine with them. And about the gossip that might circulate around the village, it won’t affect our family as long as we know the truth.”

Nagtaas siya ng isang kilay. “Jupy, you’re not pairing me up with your brother, are you?”

Nakangiting umiling ito. “Of course not.”

“Good. Dahil ngayon pa lang, sinasabi ko na sa `yong walang mabubuong chemistry sa pagitan namin ng kuya mo.”

“Bakit naman wala? Guwapo at mabait naman si Kuya, ah.”

Ibinalik niya sa blueprint ang kanyang atensiyon. Hindi kasi niya gusto ang matamis na ngiti ni Jupy. “There’s nothing wrong with your brother. Ako ang may problema.”

“Bakit naman? You’re beautiful, smart, rich, witty—”

“Sexy and incredible, I know,” natatawang sansala niya sa pang-uuto nito. “But I’m complicated. Mahahawa lang ng kabaliwan ko ang kapatid mo kung sakali.”

“O, di mabuti. Para naman hindi na maging boring ang buhay niya.”

“Jupy, akala ko ba, hindi mo ako ipinapares sa kanya?”

Natawa ito. “Nagbabaka-sakali lang naman ako. I won’t mind if you end up with my brother. Like Saturn told me before, childhood friends always end up together. Rain and Storm ended up together like Saturn and I did. Malay mo, gano’n din ang mangyayari sa inyo ni Kuya.”

She chuckled lightly. “Jupy, you have to realize na hindi sa lahat ng magkababata ay applicable ang motto na `yan ng fiancé mo. You’re just lucky to end up with your childhood friend. It just so happened na hindi ka na pinakawalan ni Saturn, ganoon din kay Rain, hindi na pinakawalan ni Storm. Sorry to disappoint you pero walang gano’n sa amin ng kapatid mo.” Sumandal si Firah sa kanyang swivel chair. “By the way, isn’t Uranus seeing Cassandra Buenaflor now? How are they?”

Umaliwalas ang mukha ni Jupy. “I think things are going smoothly between them. Si Cassandra pa nga mismo ang tumawag kay Kuya kanina para magkita sila mamayang gabi.” Napangiwi ito bigla. “Manonood daw sila ng ballet ek-ek.”

“Boring,” sabay na usal nilang magkaibigan, kapagkuwan ay nagtawanan sila.

“Good luck na lang sa pagkakaroon ng super stiff at old-fashioned sister-in-law, girl,” aniya.

Nagkibit-balikat si Jupy. “As long as my brother is happy with Cassandra, I won’t mind if she’s as stiff as a statue.”

May kumatok sa pinto ng kanyang opisina. “Knock! Knock!” It was Saturn’s cheerful voice.

“Nandiyan na ang sundo mo,” nakangiting wika niya kay Jupy. “Come in, Saturn.”

Sumilip ang guwapong mukha ni Saturn pagbukas nito ng pinto. “Pasensiya na kung naistorbo ko kayo.”

Marahang umiling si Firah. “Nah, it’s fine. Nagkukuwentuhan na lang naman kami ni Jupy. Sige na, humayo na kayo at magpakabusog.” Lunchtime na kasi nang mga oras na iyon.

“Sumabay ka na sa amin, Firah,” yaya ni Jupy sa kanya. “Storm and Rain won’t mind.”

“Oo nga naman,” pagsegunda ni Saturn. “Walang unggoy na makakalapit sa `yo basta kasama mo kami.”

Natawa siya. “Hey, stop treating me like a child.” Iwinasiwas niya ang kanyang kamay. “Umalis na nga kayo. Ayokong langgamin sa inyo. Aura n’yo pa lang, sweet na.”

Natawa ang mga ito at sabay nang nagpaalam sa kanya. Hindi pa nagtatagal sa pagkakasara ang pinto ng pribadong opisina niya nang muli iyong bumukas. And her mother-dressed elegantly as usual-walked regally toward her.

“Hello, daughter.” Her mother kissed her on the cheek.

Sumeryoso ang mukha niya. Her mother often called her “daughter” but she never felt warmth whenever she called her that. This woman was the most selfish person she had ever known in her life.

“What do you want from me?” matabang na tanong niya rito.

Umupo ito sa silya sa harap ng mesa niya. “Do I need a reason to see my daughter?”

“Normal mothers don’t. But you do.”

Umismid ito, halatang hindi nagustuhan ang isinagot niya. “I need money, Firah. The business venture where I put all my money in didn’t work. Nalugi lang ang negosyong pinag-invest-an ko.”

“’Business venture’ is synonymous to ‘casino’ in your vocabulary, right?” walang emosyong tanong niya rito. Kilala niya ang kanyang ina. Inuubos nito ang pera nito sa pagsusugal. Isa iyon sa mga dahilan kung bakit ito hiniwalayan ng kanyang ama.

“I did invest my money in business this time, Firah. Believe me.”

Hinilot niya ang kanyang sentido. “Ah, yeah, ‘business,’ also known as your ‘boyfriend’ Alfredo Cruz, a former sales agent in our company. Come on, Mom. Gano’ng klase lang ng lalaki ang ipinalit mo kay Daddy? Hindi ka ba nahihiya?” Her mother left them for another guy. Iyon ang dahilan kung bakit nasira ang kanilang pamilya. At iyon din ang dahilan kung bakit kinamumuhian niya nang labis ang kanyang ina.

Tumayo ito. “Daughter, just give me the money, okay? Magtatayo kami ng negosyo ng Tito Alfredo mo. Kapag kumita iyon nang malaki, babayaran ka namin.”

Kumuha siya ng isang sobre na naglalaman ng pera mula sa drawer niya at iniabot iyon dito. “With a man like that, hindi na ako umaasang maibabalik n’yo ang pera ko.”

Her mother smiled smugly. “Don’t be too conceited, daughter. Kung hindi kita isinilang sa isang mayamang pamilya, hindi mo matatamasa ang anumang kaginhawahang mayroon ka ngayon.”

She matched her mother’s grin. “Yeah, really. Thank you. Because of you, natutuhan kong huwag maging miserableng tao kagaya mo. And now, I’m living my life to the fullest everyday.”

Hindi na ito nagkomento pa, sa halip ay nagmartsa na ito palabas ng kanyang opisina.

Naaasar na hinawi niya ang lahat ng nasa ibabaw ng mesa niya. Lumikha iyon ng ingay. Malaki na ang lamat ng relasyon nila ng kanyang ina. Her mother was a man-dependent woman. Hindi yata ito mabubuhay nang walang lalaki.

Nang maghiwalay ang mga magulang niya, hindi siya kinuha ng kanyang ina dahil makakabigat lang siya rito. Pagkatapos niyon ay nagbuhay-dalaga ito. Same with her father. Mabilis itong nakahanap ng babaeng kapalit ng kanyang ina. Kasal na ito ngayon sa bagong babae at mayroon nang pangalawang pamilya.

Naiinis na pinunasan niya ang mga luhang basta na lang pumatak sa magkabilang pisngi niya. She didn’t hate her parents. Naiintindihan niya na wala na ni katiting na paggalang ang mga ito sa isa’t isa kaya mas mabuti na ring naghiwalay ang mga ito.

Nakakalungkot nga lang dahil walang nag-alaga sa kanya. Nalaman pa niyang nagpakasal lang ang mga magulang niya dahil ipinagbuntis siya ng kanyang ina. She was an unwanted child. Pero hindi niya hinayaang masira ang buhay niya nang dahil doon. Ginamit niya ang mga materyal na bagay na mayroon siya para punan ang hinahanap niyang pagkalinga. She may be sad but she was rich. Iyon na lamang ang ginamit niyang pampalubag-loob sa sarili.

Naputol ang pagbabalik-tanaw ni Firah sa kanyang malungkot na nakaraan nang tumunog ang kanyang cell phone. “Yes?”

“Firah, this is Uranus. Kumain ka na ba? Do you want me to fetch you so we can eat lunch together?”

Mariing napapikit siya nang maramdaman na naman ang mainit na bagay na iyon sa kanyang puso. Bakit ang ibang tao ay nagagawang mag-alala para sa kanya? Dahil ba naaawa ang mga ito sa kanya kasi alam ng mga ito ang problema niya sa kanyang pamilya? Ah, that must be it. Naaawa ang mga ito sa kanya.

“I don’t need your concern. Please stop acting nice to me. Lalo lang akong naiirita. I can perfectly take care of myself. I don’t need anyone. Just leave me alone.” Then she ended the call.

Nang mahimasmasan siya, saka lang niya naisip na maling kay Uranus niya ibinunton ang kanyang galit. Bigla siyang nginatngat ng konsiyensiya.

FIRAH tapped her fingers impatiently on the table. Kasalukuyan siyang nasa pribadong opisina ni Uranus habang hinihintay ito. Ang sabi ng sekretarya nito ay nasa business meeting pa ang binata.

Pinayagan siya ng sekretarya na pumasok sa opisina dahil kilala na siya roon. Madalas kasi silang tumambay ni Jupy roon noong nasa kolehiyo pa sila. In short, she was like an extended family so she had access in the Planet Foods Corporation building.

She wanted to apologize to Uranus for snapping at him. Hindi niya inakalang mapapanis nang ganoon katagal ang kagandahan niya. Sa sobrang pagkainip, hindi na siya nakatiis na hindi pansinin ang mga nakakalat na papel sa mesa ni Uranus. Tiningnan niya iyon. Nagulat siya nang makitang iba’t ibang disenyo iyon ng logo ng Planet Doughnut. It seemed that he was creating a new label design for their new products. Nagtaka lang siya dahil sa pagkakaalam niya, bilang CEO ng kompanya nito, hindi kasama sa trabaho nito ang gumawa niyon.

Dala ng pagkabagot, kumuha si Firah ng blangkong papel at nag-isip na rin siya ng disenyong aakma sa bagong produkto ng kompanya nito. Hindi na niya alam kung gaano katagal niyang ginagawa iyon pero nang maramdaman niyang may mga matang nakatingin sa kanya ay huminto siya at nag-angat ng tingin. Uranus was leaning on the door frame with his arms crossed over his chest and staring intently at her for God knows how long. He looked immaculately handsome in his dark gray business suit.

“Hi, Firah,” bati nito sa kanya.

Parang may kung anong bumangga sa dibdib niya sa pagbati nitong iyon sa kanya. Tumikhim siya. “Hello, Uranus.” Iniangat niya ang papel na hawak niya. “Pasensiya ka na kung pinakialaman ko ang mga gamit mo.”

Naglakad ito palapit sa kanya. Umupo ito sa gilid ng office table nito at kinuha mula sa kanya ang papel na hawak niya. “This is good, Firah. I like this. Puwede ko ba itong gamitin bilang bagong label design ng new products na ilalabas ng Planet Foods Corporation?”

Namilog ang kanyang mga mata. “Ano ka ba? Mawawalan ng trabaho ang product design department ng kompanya mo.”

“Ako na’ng bahala ro’n.”

“Pero, Uranus—”

“It’s final, Firah. Don’t worry, babayaran kita.”

Hindi na siya nakipagtalo pa. Mukha namang pinal na ang desisyon nito. “You don’t have to pay me,” aniya. Sinulyapan siya nito. “That’s my peace offering to you. Pasensiya ka na kung nasigawan kita sa phone kanina. Medyo mainit lang kasi ang ulo ko.”

“Nah, it’s my fault. Masyado na rin kasi akong naging pakialamero sa buhay mo. And you hate being controlled, right?”

Nagkibit-balikat siya. “My mom came to my office and asked for money. Again.”

Bumakas ang simpatya sa mga mata nito. “You and Tita Freya are still on bad terms?”

“And I don’t think we could ever iron it out.”

“Don’t say that.” Masuyong ginulo nito ang buhok niya na para siyang isang bata. “When the right time comes, magkakaayos din kayo. Sa ngayon, parati mong alalahaning pamilya mo rin kami.”

She smiled. There was that comfortable warmth again. “Thank you, Uranus.”

Ngumiti rin ito. “Let’s go grab something to eat.”

NATUTUWA si Firah habang pinagmamasdan ang heart-shaped doughnuts na ilalabas ng Planet Foods Corporation sa Valentine’s day. Iba’t iba ang kulay ng mga iyon at iba’t iba rin ang toppings pero hindi pa rin nagbabago ang mabangong amoy niyon na kinaaadikan niya mula pa pagkabata.

Kababalik lang nila ni Uranus sa opisina nito pagkatapos nilang mananghalian sa restaurant sa ibaba ng gusali nito. Tinanong siya ng binata kung gusto niyang makita ang espesyal na produkto ng kompanya nito sa darating na araw ng mga puso at hindi na siya tumanggi pa.

“Did you like the designs?” tanong ni Uranus. “Tatlong heart-shaped doughnuts ang ilalagay sa isang rectangular box. Sa Valentine’s Day lang namin `yan ilalabas.”

“They’re cute. Tiyak na maraming magkakaroon ng love life nang dahil sa mga ito.” Tinikman niya ang isa sa mga nakahain na doughnut. “Hmm... yummy. Pasok sa banga `to, Uranus.”

“To make it different from other products, naisipan naming magbigay ng free locket for every three boxes that the customers will purchase.”

“That’s nice. Mula nang lumabas ang first TV commercial ng Planet Doughtnuts, lalong sumikat ang kompanya n’yo. Tiyak na papatok ito sa mga tao.”

“We just want to give something back for the continuous support of our customers. Lalo na doon sa mga taong sumuporta sa amin sa kasagsagan ng krisis ng kompanya. And since it’s ‘love month,’ we want to make them feel that we love them.”

Natawa siya nang marahan. “Tiyak naman na ang mga magsing-irog lang ang mag-e-enjoy sa araw na `yon.”

“Do you have a boyfriend right now, Firah?”

Nabigla siya sa itinanong nito pero hindi niya iyon ipinahalata. “Marami.”

“Firah.”

“What? I’m serious. I’m going out with five guys right now. But if you’re asking if I have a serious relationship, my answer is ‘no.’ Si Saturn ang huli kong naging boyfriend,” pagbibiro niya na ang tinutukoy ay ang pagpapanggap nilang magkasintahan ni Saturn para pagselosin si Jupy.

Tumango-tango lang ito. Hindi ito nagsasalita pero alam niyang may gusto pa itong malaman.

“You want to know why I’m still single even though I’m pretty, intelligent, rich, and sexy?” pagbibiro uli niya. Tumango lang uli ito. “Because I’m a cynical person when it comes to romantic relationships.”

“Because of your parents?”

“You, your sister, Rain, Storm, and even Saturn are lucky to have sane parents,” she said nonchalantly.

Lumipad na kasi ang isip niya sa lalaking minsang nagparamdam sa kanya na puwede siyang maniwala na magtatagal ang kanilang relasyon at hindi sila matutulad sa kanyang mga magulang. He made her believe true love exists. He made her believe in fairy tales and happy endings but in the end, he still left and hurt her. She got her heart broken and the little hope she had that fairies exist vanished. Ipinaramdam nito sa kanya kung paano maging isang prinsesa, iyon pala ay may reyna na ang walang-hiyang iyon.

That bastard should be banished in hell along with his damn lies.

“You don’t believe in love?” tanong ni Uranus na nagpabalik sa kanyang huwisyo.

“Nakita ko kung paano nagmahalan sina Jupy at Saturn, gano’n din sina Storm at Rain, kaya ipokrita ako kung sasabihin kong hindi ako naniniwala sa pag-ibig.” Nagkibit-balikat siya. “Ang sinasabi ko lang, imposibleng mangyari sa akin ang nangyari sa kanila.”

“Bakit naman?”

“Secret. Walang clue,” nakangising sabi niya.

“Bakit ang corny mo?” nakakunot-noong tanong nito.

Natawa siya. “Ikaw? Kuwentuhan mo naman ako tungkol sa first love mo.”

Dumaan ang pagkataranta sa guwapong mukha nito. “It was a disaster. Huwag mo nang tanungin.”

“Did she reject you?”

Umiling ito, kapagkuwan ay nag-iwas ito ng tingin. “I wasn’t able to confess my feelings for her.”

“Ouch! Bakit? Natorpe ka?”

Bumuga ito ng hangin. “I wrote a love letter for her but she didn’t receive it. Palpak yata `yong naupahan kong mailman.”

Natawa si Firah. “Hindi pa ba uso ang cell phone nang mga panahong iyon? I can’t believe that you’re the hopeless romantic type, Uranus. Talagang love letter, huh?”

“Don’t make me remember it, Firah. Pinagsisisihan ko nga kung bakit hindi ko na lang sinabi nang deretsa sa kanya ang nararamdaman ko.”

Napangiti siya. May isang tanong kasi na naglalaro sa isip niya. “Kaya pala binasted mo ako noon. So, do you still love her?”

Uranus blushed cutely. Oh. So, he was still in love with that girl.