image
image
image

CHAPTER 1

image

Ibañez Town

Napakislot ang labingpitong taon na si Aster sa pinagtataguan niyang makakapal na halaman sa bahaging iyon ng gubat nang maulinigan niya ang mga paparating na yabag. Inayos niya ang pagkakalagay ng salamin sa mga mata para makita niya nang husto ang dumarating.

Two weeks ago ay nagkaroon sila ng project sa school kung saan ni-require sila ng Biology teacher nilang si Mrs. San Jose na magdala ng mga sample ng halamang gamot. Itatanim iyon sa school garden na bagong project ng school principal nila. Ayon sa kapitbahay nilang si Nana Josefa ay sa lugar na ito ng gubat marami siyang makukuhang halamang gamot. May dagdag sa grade ang makakapagdala ng maraming halaman at gusto ni Aster na madagdagan ang grades niya sa Biology subject nila.

Kailangan niya ang matataas na grades para maging madali sa kanya ang makapasok sa isa sa tatlong colleges sa kabilang bayan ng Sta. Fe. Ayaw niyang ma-delay pa nang husto ang kanyang pag-aaral. Mahina ang naging ani sa sakahan noong isang taon kaya pansamantala siyang pinatigil ng mga magulang sa pag-aaral last year. Ngayong taon lamang tuloy siya nakapag-fourth year.

At dahil maganda na rin ang ani ngayon, nangako ang itay niya na makakapag-kolehiyo na siya after ng high school graduation. Pero mababaliwala ang pag-graduate niya sa taong ito kung hindi naman siya makakapasok sa college dahil mababa ang grades niya. Advantage rin kung above average ang grades na makukuha niya.

Sa paghahangad niya na mas mataas ang makuhang grado noon hinanap niya 'yung parte ng gubat na sinasabi ni Nana Josefa. Marami siyang nakuhang mga halaman at nadagdagan din ang grades niya. Bukod sa mga halamang gamot natuklasan din niya ang tungkol sa lalaking jogger.

Naputol ang pag-iisip niya nang mas lumakas ang paparating na yabag ng mga tumatakbong paa ng jogger.

Maingat na sumilip si Aster sa pagitan ng mga dahon. Bahagya siyang napangiti nang mapagmasdan ang lalaking dumarating.

Tuwing umaga ay nagdya-jogging ito sa bahaging ito ng gubat. Naka-T-shirt ito lagi at jogging pants. May bitbit na mineral water na paminsan-minsan ay nakikita niyang iniinom nito.

Nagsimula sa fascination ang regular niyang pag-aabang sa jogger. Pero ngayon ay malapit na niyang aminin na isa nang obsession ang nangyayari sa kanya. Ngunit masisisi ba siya? Sa bayan nila na ang lahat ng pagmumukha ng mga lalaki ay 'yung tinatawag na uso, ang pagkakakita niya sa isang lalaking totoong guwapo at hindi feeling lang ay nagbigay sa kanya ng labis na kasiyahan.

Matangos ang ilong ng lalaki at maganda ang mga mata. Bagama’t natatakpan na ng manipis na balbas ang panga nito, nang una niya itong makita ay very obvious ang square jaw nito. Hindi rin ito payatot o animo butete na nakausli ang tiyan tulad ng maraming kalalakihan sa bayan nila. Hindi taba ang makikita sa braso at binti nito kung hindi toned muscles! At sa pagtakbo nito ay nakikita niya ang paggalaw noon. The man looked like a bronze god! Daig pa nito ang mga artistang nakikita niya sa telebisyon. Lalaking-lalaki kasi ang dating nito.

Ang mga artistang lalaki kasi ngayon ay mas makinis at mas maganda pa sa mga babae! Marami rin na kung kumilos ay malamya. Pero ang lalaki sa harapan niya ay tunay na lalaki ang itsura at kilos. Walang anumang bahid ng pagka-beki.

Nang makalayo ng konti kay Aster ang lalaki ay sinimulan niya ang pagsunod dito. Kilala niya ang lahat ng mga taga-Ibañez. At kapag may dumating na bagong salta o bakasyonista sa munting bayan nila ay nagiging laman agad iyon ng usapan sa lahat ng sulok. Ngunit base sa pakikinig niya sa mga latest tsismis, walang nakakaalam tungkol sa lalaking jogger.

Kaya’t hanggang ngayon ay nananatiling misteryo ang pagkatao nito. Ni pangalan nito ay hindi niya alam. Pero sa araw na ito ay sisikapin niyang matuklasan ang iba pang impormasyon tungkol sa lalaki.

Tahimik niyang sinundan ito. Nakakahiya kung malalaman nito ang ginagawa niya kaya todo ang pag-iingat niya. Ilang araw rin siyang nag-ipon ng lakas ng loob para magawa ito. Sabado ngayon at walang pasok kaya’t kinasapakat niya ang best friend niyang si Agnes. Ang paalam niya sa mga magulang ay pupunta siya sa bahay ng kaibigan para mag-aral sa nalalapit nilang final exams. At kahit na pilitin o takutin pa si Agnes, nangako ito sa kanya na kapag may nagtanong dito kung nasaan siya, kasama siya talaga nito.

Thirty minutes nang sinusundan ni Aster ang jogger nang matanawan niya ang isang munting kubo. Patungo roon ang lalaki. Doon kaya ito nakatira?

Ngayon lamang siya nakarating sa bahaging ito ng gubat. Pero alam niya na ang ilang mga nagkakaingin at nangangahoy ay gumagawa ng maliliit na kubo sa gitna ng gubat para may mapagpahingahan sa gabi.

Pero hindi naman mukhang kaingero o mangangahoy ang guwapong lalaki! Dire-diretso ito sa munting kubo. Lumapit ito sa isang balon na nasa tabi ng kubo. Sumalok ito gamit ang isang timba at binuhusan ng tubig ang sarili. Bumakat nang husto ang maluwag nitong T-shirt sa katawan. Noon niya napatunayan ang matagal na niyang hinala. May six-pack abs ang lalaki!

Napabuntunghininga siya. Libre ang mangarap. Kaya’t hindi masama kung pangarapin niya na magiging boyfriend niya ang guwapong lalaki na ito in the future. In fact, puwede rin niyang isipin na maaari niya itong maging asawa. Kung ito ang magiging asawa niya, tiyak na mga guwapo at magaganda ang lalabas nilang mga anak.

Isang tunog ang naulinigan niyang nagmumula sa kubo. Hula niya, tunog iyon ng isang cell phone.

Pumasok sa kubo ang lalaki. Paglabas nito ay may dala na itong isang cell phone. Ngunit hindi iyon tulad ng mga cell phone na gamit ng mga taga-Ibañez. Hula niya ito 'yung tinatawag na iPhone na napapanood lamang niya sa TV. Higit itong mas malapad.

Inihanap ng lalaki ng malinaw na signal ang phone. Napatigil si Aster sa paghinga nang mapadako ito sa pinagtataguan niya.

Sa unang pagkakataon ay narinig niya ang boses ng lalaki. Buo ang boses nito. Tulad ng itsura at katawan ay lalaking-lalaki rin! Medyo iritado ang boses nito pero para sa kanya, masarap pa ring pakinggan.

"Hanggang kailan mo ako bubulukin dito, Kuya Cannon?" reklamo nito.

Mataman siyang nakinig. Suwerte talaga niya dahil mukhang marami siyang matutuklasang impormasyon ngayon.

"It’s been almost a month! Hanggang ngayon ba ay hindi pa rin tumitigil ang media?" usisa nito. Mataman nitong pinakinggan ang sinasabi ng kausap sa kabilang linya. "Dapat ay umalis na lamang ako ng Pilipinas at nangibang bansa. At least doon ay hindi ako lalamukin at magmumukhang ermitanyo." Biglang tumiim ang bagang nito. "Kuya, I don’t want to hear anything about Naomi. It’s over between us! And she deserves whatever is happening to her right now!"

Naomi. Tinandaan ni Aster ang pangalang iyon. Malinaw na naging bahagi ito ng buhay ng lalaki.

"Papaubos na rin ang supply ko ng pagkain dito, so I will be going to town tomorrow. Don’t worry, I will disguise myself! Walang makakakilala sa akin sa bayang ito kahit na nakaabot pa rito ang balita tungkol sa nangyari sa kasal namin ni Naomi. And yes, I know na kapag nalaman ng media na naririto ako ay hindi na matatahimik ang buhay ko. I’m twenty-five years old, Kuya Cannon, I know how to take care of myself. Bye now," pagtatapos nito sa usapan.

Pero ilang segundo pa lamang ang dumaan ay muling tumunog ang phone nito. Napabuntunghininga ito bago sinagot ang tumatawag.

"I am still alright, Kuya Revo. Malabong magpakamatay ako. Nahahawa ka na kay Kuya Cannon na araw-araw ay tinatawagan ako at pinagbibilinan ng kung ano-ano. Kung sobra kang worried, bakit hindi mo ako samahan dito? Let’s live with nature!"

Natawa ito sa isinagot ng kausap. Nang matapos ang pakikipag-usap nito sa ikalawang kapatid ay naglakad ito papasok ng kubo. Ilang minutong nanatili na tinitingnan ni Aster ang kubo bago siya umalis.

Naomi. Kasalang naganap sa buwang ito na nakakuha sa atensyon ng media. Cannon at Revo ang pangalan ng mga nakatatandang kapatid ng lalaking jogger. Bagama't hindi niya nakuha ang pangalan ng lalaki, sapat na ang mga pangalan at impormasyong narinig niya para makapag-research siya sa mga stock ng old newspapers sa school library tungkol sa tunay na pagkatao nito. She was really becoming obsessed with the man. Pero hindi niya kayang pigilan ang sarili. Napangiti siya.

Maaari siyang mag-research sa internet para mas maging madali ang lahat. Ngunit laging puno ng mga taong wala nang ginawa kung hindi maglaro ng online games ang mga computer shop. Hindi siya makakasingit. Bihira na nga siyang makapaglaro ng favorite online games niya dahil laging walang available na computer. Isa pa, ayaw rin niyang may makaalam ng nire-research niya.

Sumumpa siya, oras na siya ay magkatrabaho at pera, ang unang-una niyang bibilhin ay computer! Or maybe isang malaking TV na may kasamang cable?

Pareho na lamang niyang bibilhin. Libre naman ang mangarap eh! Natawa siya sa sarili.