![]() | ![]() |
Tahimik na ipinatong ni Aster ang kanyang sulat sa ibabaw ng hapag kainan sa bahay nila. Maikli lamang ang laman noon. Humihingi siya ng tawad sa pag-alis niya. Sinabi rin niya sa mga magulang na oras na maayos na ang kalagayan niya ay susulat siya sa mga ito.
Napasulyap siya sa kuwarto ng mga magulang. Tulog na tulog ang mga ito. Akala kasi ng mga ito ay nag-overnight siya kina Agnes. Papunta naman kasi talaga siya kina Agnes kahapon, pero sumaglit lamang siya sa kubo ni Code para masilayan ang binata. Hindi niya sukat akalaing magiging saksi siya sa muntik nang pagkamatay nito.
Binitbit niya ang dalawang bag kung saan pinagkasya niya ang lahat ng maaari niyang madalang gamit at damit. Maingat siyang lumabas ng back door. Nagsisimula nang lumiwanag ang paligid. Tanaw na niya sa kabilang kalsada ang blue na kotse ni Cannon Jurado. Huminga siya nang malalim. Biglaan ang naging desisyon niya kanina. Bagama’t may nerbiyos siyang nararamdaman, batid niyang kailangan niya itong gawin kung hindi ay mapapakasal siya kay Enzo.
"Huwag kang sumama sa kanila, Amsterdam."
Napalingon siya. Nakita niya si Madam Silva. Inakala niya na nagbalik na ito sa bahay nito matapos nitong makuha ang perang bigay rito ni Cannon.
"You should stay here. Marry Enzo and live a peaceful and contented life. Kapag sumama ka sa magkapatid na iyon, panganib at heartbreak lamang ang makukuha mo," babala nito.
Umiling siya.
"I’m sorry, Madam Silva. Pero hindi ako naniniwala sa hula. Gusto kong ako ang magdesisyon sa aking kapalaran."
Napuno ng kalungkutan ang mga mata ng matandang babae.
"You remind me so much of me, noong bata pa ako ay masyadong mapusok din ako. Walang sinuman na nakapigil sa akin. Even my father wasn’t able to stop me from running away with the man I love. Binaliwala ko rin ang mga vision na nakikita ko noon tungkol sa kapahamakang mangyayari sa akin kapag sumama ako sa lalaking iyon."
Ngayon lamang nalaman ni Aster ang kuwentong ito sa buhay ni Madam Silva.
"Nagkatotoo ang lahat ng pangitain ko, Aster. Niloko ako at itinapon ng lalaking iyon. I also lost my baby at nawalan na ng kakayahang magkaanak pa." Hinawakan siya nito sa braso. "Please listen to me, Aster, this is a turning point in your life. Sinabi mo na gusto mong ikaw ang nagdedesisyon. Pero kung ang magiging desisyon mo ay ang pagsama sa magkapatid na iyon, mapapahamak ka! Death follows them! And you can never go back to what you have right now."
"Huwag sana ninyo akong pigilan, Madam Silva," pakiusap niya.
Napabuntunghininga ito.
"I don’t think I can stop you." Binitiwan nito ang braso niya. Isang maliit na supot ang inilabas nito mula sa ilalim ng purple cloak nito. "Ang tangi kong magagawa ay bigyan ka ng tulong kahit paano. Take this. Magagamit mo ito sa panganib na susuungin mo."
Kinuha niya ang supot. Nang buksan niya iyon ay nakita niyang puno iyon ng mga tuyong dahon at piraso ng kahoy.
"Ano ang mga ito, Madam Silva?"
"Mula iyan sa borrachero tree ng Ecuador. Pakuluan mo iyan sa mainit na tubig para makuha mo ang katas. Oras na ipainom mo ang katas niyan sa isang tao, magiging susceptible sa utos mo ang taong iyon. Gagawin niya ang lahat ng gusto mo sa loob ng limang oras. Gamitin mo iyan kung malalagay ka sa panganib."
Napatitig siya nang husto sa babae. Kung totoo ang sinasabi nito, very powerful ang bisa ng borrachero!
"Nagkamali ako ng pagkakakilala sa inyo. And thank you for this," aniya bago siya sumibad nang takbo patungo sa naghihintay na sasakyan ni Cannon Jurado.