![]() | ![]() |
Dalawang skills ang maipagmamalaki nang husto ni Code. Una ay ang kanyang skills pagdating sa photography at pagkuha ng video. Magaling siyang makakuha ng magandang anggulo at tumiyempo ng natural lighting para mas maipakita niya ang subject ng kanyang photographs and videos. The second one ay ang innate ability na maramdaman ang nangyayari sa kanyang paligid. Hindi siya kailanman naging manhid pagdating sa damdamin ng mga taong malalapit sa kanya. Isa iyon sa dahilan kaya hindi siya nakaranas na mabasted. Dahil bago pa man niya lapitan ang isang babae ay nakikita na niya ang mga senyales na attracted din ito sa kanya.
Unfortunately, ang kakayahan niyang iyon ay isang two-edged sword. Napansin din kasi niya ang mga kakaibang ikinikilos ni Naomi sa kabila ng nalalapit nilang kasal. Oo nga’t nararamdaman niyang mahal siya ng babae, pero dama rin niya na nagtataksil ito. And his instincts had never been wrong when it came to women.
Sa loob ng more than two weeks na pagsasama nila ni Aster ay naging malinaw rin sa kanya ang pagkakaroon ng dalagita ng crush sa kanya. Ngunit kaiba sa mga babae na todo ang bigay ng motibo, pilit na itinatago nito ang damdamin sa kanya. Pero nahuhuli pa rin niya ang palihim nitong pagtingin sa kanya at ang biglaang pamumula ng mukha nito.
Umarte siya na hindi niya iyon napapansin para hindi ito mapahiya. And after his experience with Naomi, matatagalan pa bago siya muling makipagrelasyon sa sinumang babae. Dagdag pa ang sitwasyon niya ngayon at ang panganib na dala ni Venus Omega. And then, there’s the fact na masyadong bata si Aster. And simple girls like Aster had never been his type. Mas attracted siya sa mga babaeng pang-beauty contest.
"Nakalimutan mo itong isa mong camera," paalaala ni Aster nang mabuksan nito ang closet.
In three hours ay aalis na si Code ng Pilipinas. Kumpleto na ang papers niya at new identity na ipinagawa ng Kuya Cannon. Mula sa araw na ito ay tatawagin na niya ang sarili bilang Dave Ramirez.
"No. Sinadya kong iwan iyan para sa iyo, Aster. Souvenir sa pagkakakilala natin."
Noon nito napansin ang munting note na inipit niya sa lagayan ng camera. Napangiti ito at bahagyang namasa ang mata nang mabasa iyon.
"T-Thank you," anito nang muling tumingin sa kanya.
"Kulang pa nga iyang bayad sa lahat ng ginawa mo para sa akin. I owe you my life, Aster. At inalagaan mo pa ako. Hindi ko makakalimutan ang lahat ng ito."
"Tingin ko naman ay hindi ako nalugi. Pagkaalis mo ay susunduin ako ni Cinder. Naihanap na niya ako ng boarding house na titigilan ko. At habang nagtatrabaho ako sa shop ng brother mo, makakapag-aral din ako sa night school. So, I’m really okay."
Sa kabila ng mga salita nito, malinaw niyang nakita sa mukha nito ang hindi nito maitagong kalungkutan. Batid niyang siya ang dahilan noon. Nalulungkot ito dahil posibleng hindi na sila magkita. Kung magkita man sila, batid nitong hindi niya matutugunan ang lihim nitong damdamin sa kanya. Bahagya siyang nakonsensiya. Batid niya na wala siyang kasalanan dito. Hindi niya pinaibig ang babae.
But he is still breaking her heart. Siya ang magiging first heartbreak nito.
Binitbit niya ang kanyang dalawang bagahe. Mauuna siyang umalis ng apartment. After lunch pa aalis dito si Aster.
Lumapit sa kanya ito.
"Lagi kang mag-iingat, Code."
"Of course. Hindi ko sasayangin ang paghihirap ng lahat para mapanatili akong buhay," pagbibiro niya. Gusto niyang mapangiti kahit saglit ang dalagita.
Pilit ang ngiting nakita niya rito. Isang maliit na boses sa isip niya ang nagsasabing dapat ay may gawin pa siya. His camera was not enough. He needed to do something that could make her really happy.
"Goodbye, Amsterdam." Dinampian niya ng isang simpleng goodbye kiss ito sa noo.
Habang nalalapit ang pag-alis ni Code ay nagiging malinaw kay Aster na hindi na niya muli pang makikita ang binata. May dulot iyong kalungkutan at hapdi sa kanyang puso. Ngunit batid niyang ang pag-alis ng binata ang tanging paraan para makaligtas ito sa panganib na dala ni Venus Omega.
Nang lumapat sa noo niya ang labi nito ay bahagya siyang nakaramdam ng kasiyahan ngunit kasabay rin noon ang kalungkutan. Ang halik sa noo ay malinaw na nagpapatunay na isang nakakabatang kapatid lamang talaga ang tingin sa kanya ng binata.
Para rito ay nananatili siyang isang bata. At mananatili siyang isang batang kapatid sa alaala nito. Samantalang siya ay habambuhay na iisipin na ang lalaki ang kanyang first love. Napaka-unfair naman kung ganoon na lamang ang mangyayari. Malaki pa ang posibilidad na sa pagdaraan ng taon ay makalimutan siya nito.
Hindi siya umaasang maaaring magbago ang pagtingin ni Code sa kanya. Ngunit ayaw niyang makalimutan siya nito! Ayaw niyang patuloy siya nitong alalahanin bilang isang bata! At gusto niya... Gusto niya na hindi lamang ang lumipas na ilang linggo ang maging alaala niya sa binata. Bagama't pahahalagahan niya ang mga araw na naging magkasama sila ni Code, malinaw na sa isipan ni Code na naging kasambahay lamang siya nito. Tagapag-alaga habang nagpapalakas at nagpapagaling.
Isang desisyon ang mabilis na nabuo sa isipan niya. Bago nakalayo sa kanya ang lalaki ay ikinawit niya ang dalawang kamay sa leeg nito. Nakita niya ang pagkabigla nito. Ngunit hindi na siya makakaurong pa. Hinila niya ito palapit sa kanya at hinagkan sa labi. Magiging bahagi ng alaala niya kay Code ang isang tunay na halik!