![]() | ![]() |
Lakas-loob na kumatok si Aster sa office ni Cannon Jurado. Bago siya nangahas na makipagkita sa lalaki ay sinigurado muna niya sa secretary nito na hindi busy ang una.
Nang marinig niya ang boses ni Cannon sa kuwarto na nagbibigay sa kanya ng pahintulot na pumasok ay huminga siya nang malalim.
Nakita niya sa mukha ng lalaki ang pagtataka nang malamang siya ang bisita nito.
"Mayroon ba'ng nangyari, Aster?" usisa nito. "Nagkaroon ka ba ng problema sa school ninyo?"
Umiling siya. Madalas kapag kinakausap siya ng lalaki ay parang kuya niya ang dating nito. Pero kumpara sa Kuya Norbert niya, higit na maalalahanin at maasikaso si Sir Cannon. Pero ganoon naman talaga ang dating nito sa lahat ng empleyado nito. Isang big brother na maaasahan si Canon Jurado. Ngunit nahihiya siyang tawagin ito ng kuya. Bagama't Cinder ang tawag niya sa asawa nito, sa tuwi niyang makakaharap ang lalaki, laging Sir Cannon ang lumalabas sa bibig niya.
Naupo siya sa silya sa harapan ng mesa nito.
"May kinalaman ba ito sa trabaho mo?" patuloy na usisa ng lalaki.
"No, sir." Bago pa siya maunahan ng nerbiyos ay mabilisan na niyang ikinuwento rito ang ginawa niyang pagpunta sa office ng Venom. Isinunod din agad niya ang kanyang naisip na plano.
Nagsimulang kumunot ang noo ni Cannon nang marinig nito ang lahat.
"Mapanganib ang iniisip mo, Aster! Hindi mo kailangang ilagay ang sarili mo sa panganib. Live your life. Problema lamang namin itong magkakapatid. Hindi ka na dapat pang madamay," mariin nitong sabi.
"Pero malaki ang maitutulong ko sa inyo kung makakapasok ako sa Venom. I also fit all the requirements needed. Bilang tagalinis at tagadilig ng mga halaman doon, magkakaroon ako ng access sa building. I could find out their secrets and plans. At hindi ko ugaling tumayo na lamang sa isang tabi kung may magagawa ako para tulungan ang isang tao, sa pagkakataong ito, kayong magkakapatid," giit niya.
"At paano mo naman malalaman ang pinaplano ni Venus Omega? Hindi tiyak niya iyon idi-discuss sa kanyang mga tauhan kung may ibang tao sa paligid. Imposible ring makuha mo agad ang kanyang tiwala."
Tuluyan nang nawala ang nerbiyos niya. Dire-diretso na siyang nagsalita.
"You have a lot of business contacts. Nasisigurado kong makakabili ka sa kanila ng maliliit na microphones and cameras. I-install ko iyon sa buong building ng Venom. Once na mai-install ko na iyon, you can monitor all of Venus Omega’s plans and movements!"
"Nasobrahan ka na ata sa panonood ng mga pelikula."
"Pero maganda ang idea ko, hindi ba? At oras na mailagay ko na ang mga equipment na iyon, magre-resign na ako. I will be using a different name kapag nag-apply ako roon kaya hindi nila ako mahahabol in case mapaghinalaan ako. This is a much better plan, Sir Cannon, kaysa sa puro pag-iingat na lamang ang gagawin ninyong magkakapatid. This way, bago pa niya patayin ang isa sa mga kapatid mo, mapipigilan mo na siya!"
Matamang nag-isip ang lalaki.
"Maganda ang idea mo, Aster. But I will not allow you to put yourself in danger. May mga ekspertong tao ako na mababayaran para gawin ito."
"Gusto ko lamang makatulong," giit niya.
"If you really want to help, then you can watch and review all the video feeds na makukuha ng ii-install na mga camera sa Venom Building." Napangiti ito. "Matatanggap mo pa rin ang suweldo mo as a saleslady since you will be watching these videos during office hours."
Maganda ang idea ni Cannon. Pero napaka-boring ng role na ibinigay nito sa kanya. Tagapanood. Dati ay tagabantay. Napabuntunghininga siya. Pero pumayag na rin siya. Kahit na nakakabato ang magiging trabaho niya, at least mababantayan niya ang movement ni Ms. Omega at masisigurado niyang hindi na malalagay sa panganib si Code.
Saglit na sumingit sa isipan niya ang mga salita ni Madam Silva.
Kung patuloy na mauugnay ang buhay mo sa lalaking iyan, the only things that awaits you are pain, disappointments, heartbreaks and even death.
Hindi niya maikakaila na kaya gusto niyang tulungan sina Cannon sa pakikipaglaban kay Ms. Venus Omega ay para muling bumalik si Code. Kung mawawala na ang banta ng panganib kay Code, nasisigurado niyang babalik ito sa Pilipinas. Magkikita silang muli.
Wala sa sariling napahawak siya sa kanyang bibig. Hanggang ngayon ay malinaw pa rin ang alaala ng halik na namagitan sa kanila ni Code. Mas tama sigurong sabihin na pagnanakaw ng halik ang ginawa niya sa binata. Hindi naman kasi ito nag-react. Hinayaan lamang siyang hagkan ito. Pero hindi siya nito itinulak. At wala siyang nakitang paghusga sa mga mata nito nang matapos ang halik.
Bahagya rin itong napangiti. At hinding-hindi niya malilimutan ang mga huling salita na sinabi nito sa kanya bago ito lumabas ng pintuan.
"Kissing a man takes a lot of courage. Pero next time, Aster, siguraduhin mo muna na sasagutin ng lalaki ang halik mo bago mo iyon gawin. Dahil 'pag ang lalaking hinagkan mo ay mahal ka rin, it would be worth it."