Pagdating ni Aster sa bahay ng mag-asawang Cannon at Cinder ay walang tao. Kahit na ilang beses pa niyang tawagan ang mag-asawa sa mga cell phone ng mga ito ay wala ring sumasagot. Todo na ang pag-aalala niya. Paano kung hindi lamang si Revo ang napatay ni Ms. Omega at nadamay rin sina Cinder at Cannon?
Ipinasya niyang maghintay na lamang sa harapan ng bahay. Inabot siya ng gabi sa paghihintay bago niya natanawan ang red Nissan Sentra ni Cinder. Sinalubong niya agad ang babae.
Nakita niya sa mukha nito ang magkahalong pag-aalala, takot at kalungkutan. Bahagya ring namumugto ang mga mata nito.
"Aster? Ano ang ginagawa mo rito?" usisa nito.
"Nabalitaan ko ang nangyari kay Revo. Totoo ba iyon? O part din ito ng plano ni Sir Cannon?"
Napakagat ng labi si Cinder.
"Revo’s gone." Animo biglang nanghina ito. Napahawak ito sa gilid ng kotse para makakuha ng suporta. "At kagagawan ni Venus Omega ang lahat!"
Mabilis niyang inalalayan ang babae. Hiningi niya rito ang susi sa bahay. Nang mabuksan niya ang pintuan ay dinala niya ito sa loob ng bahay. Iniupo sa sofa.
"Kumain ka na ba?" usisa niya.
"I just need a drink of water," anas nito.
Mabilis niya itong ikinuha ng tubig sa refrigerator. Nang masulyapan niya roon ang isang bote ng alak ay kinuha rin niya iyon. Madalas niyang mapanood sa TV na nakakatulong ang alak para mapakalma ang mga taong nababagabag.
Bahagyang napangiti si Cinder nang makitang dala rin niya ang wine. Ininom nito ang tubig bago ito nagsalin ng alak sa baso. Tahimik niyang hinintay na kumalma ito.
"Kung gusto mo ay sasamahan kita rito habang hindi dumarating si Cannon."
Umiling ito.
"Cannon won’t be coming home tonight. Kung kailan siya babalik ay hindi ko alam. Umalis siya ng Pilipinas para puntahan si Code. He needs to save his brother from Ms. Omega."
Binalot si Aster ng takot.
"Natuklasan ni Ms. Omega na buhay pa si Code?"
Marahang tumango si Cinder.
"Inaasikaso namin ang katawan ni Revo nang tumawag si Ms. Omega sa cell phone ko," tumiim ang bagang nito. "She knows everything! Sinabi rin niya na alam na niya kung nasaan si Code and this time, sisiguraduhin na niyang mamamatay ito."
"Kasalanan ko ito," hindi napigilang sabihin ni Aster. "Dapat ay mas naging mapagmatyag ako. I should have seen or heard about her plan to kill Revo and go after Code!"
Umiling si Cinder.
"No. Wala kang kasalanan dito, Aster. Matagal nang plano ito ni Miss Omega bago pa man na-install ang mga surveillance equipment na ginagamit mo. She is a very shrewd woman! Lagi ay one step ahead siya sa atin."
"Alam na rin ba niya ang tungkol sa akin?"
Napatitig nang husto sa kanya ang mga mata ni Cinder.
"No..." Bahagya itong nabuhayan ng loob. "You could be our ace against her! Hindi ka dapat naririto, Aster! Baka may mga tauhan siyang nakabantay rito. You should go back to your apartment, ipagpatuloy mo ang pagmamatyag sa Venom Building. Maaari mong matuklasan kung ano na ang nangyari o plano ni Miss Omega kay Code at Cannon!"
"Mag-iisa ka lamang dito," aniya.
"I can take care of myself." Napuno ng determinasyon ang mga mata nito. "Nangako ako kay Cannon na ako ang mag-aasikaso sa pagpapalibing kay Revo. We both have things to do, Aster. Hindi ito ang oras para magluksa tayo o mag-alala. We need to move, to do our jobs para maprotektahan natin ang mga lalaking mahalaga sa atin!"