Totoo ang sinabi ni Cinder. Mayroon nga lamang isang pagkakaiba sa sitwasyon nila. Mahal ito ni Cannon. Pero siya, isang kaibigan lamang ang turing sa kanya ni Code. Kahit na 'yung halik na namagitan sa kanila nito, siguro pumayag lamang ito na mahagkan niya ito bilang pasasalamat sa pagliligtas na ginawa niya rito. Isang bayad utang.
Sumingit sa isipan ni Aster ang klase ng bayad na gagawin ng binata kung malalaman nitong tumutulong pa rin siya sa pamilya nito sa paglaban kay Miss Omega. Ano kaya iyon?
Agad niyang pinalis sa isipan ang kalokohang iyon! Hindi na siya bata para manatiling nangangarap ng gising! At mali na umasa siya ng bayad. Kusang-loob ang pagtulong niyang ito sa pamilya Jurado, walang hinihinging kapalit. Kung hihiling man siya ng kapalit, iyon ang kaligtasan nina Cannon at Code. Hindi dapat na mapahamak ang dalawa. Bagama't wala siyang kasalanan, hindi pa rin niya maiwasang ma-guilty sa pagkamatay ni Revo.
Nang makarating si Aster sa apartment niya ay hindi na niya pinagtakhan na bukas ang ilaw. Laging bukas ang mga ilaw sa kanyang apartment. Ngunit ang pinggan na pinagkainan na nasa lababo ay nakagulat sa kanya! Iniwan niya na walang laman ang lababo! At hindi na siya nakakain pa dahil napasugod siya agad kina Cinder!
Sinunggaban niya ang isang kitchen knife. Nakiramdam siya. May taong pumasok sa apartment niya habang wala siya. Tauhan kaya ito ni Ms. Omega? Kung tauhan ito ng babae, tiyak na sinira na nito ang mga monitor sa kuwarto niya!
Maingat siyang nagtungo sa kanyang kuwarto. Tahimik niyang binuksan nang konti ang pintuan at sumilip sa loob. Isang lalaki ang nakatayo sa harapan ng mga monitor. Suot din nito ang headphone na gamit niya para pakinggan ang mga pag-uusap sa anumang part ng Venom Building na nakakuha ng interes niya.
Inihanda niya ang kutsilyo. Useless ang kutsilyo kung hindi niya malalapitan ang intruder. Patingkayad niyang nilapitan ito. Idinikit niya ang dulo ng kutsilyo sa tagiliran nito.
"Huwag kang gagawa-"
Biglang kumilos ang lalaki! Sinunggaban nito ang kamay niya na may hawak ng kutsilyo at inilayo sa katawan nito.
Ang pagsigaw niya ay naputol nang mapagmasdan niya ang mukha nito.
"Code?! Anong ginagawa mo rito?" Pakiramdam niya ay tumalon ang puso niya sa kanyang lalamunan!
Ngumiti ito. Lagpas-batok na ang buhok nito, tulad ni Revo. But unlike Revo na laging clean-shaven, mayroong manipis na bigote at balbas ngayon si Code. Sa unang tingin ay hindi mo ito agad makikilala, ngunit para kay Aster kahit na ano pa ang pagbabagong gawin ni Code sa sarili nito, oras na makita niya ang mga mata nito ay makikilala niya lagi ito.
"Nakakatakot palang pasukin ang bahay mo, Aster. Kung hindi kita naramdaman agad, baka sinaksak mo na ako." Isinoli nito sa kanya ng kutsilyo.
"Paano mo nalaman na dito ako nakatira?" usisa niya. Ipinatong niya sa isang counter na nasa tabi ang kutsilyo.
"Dahil sinabi sa akin ni Kuya Cannon ang set-up ninyong ito. Kaya alam ko ang address ng apartment mo. And I also got tired of hiding. Naisip ko na kung ibabagsak naming magkakapatid si Venus Omega, dapat ay magkakatulong kami! I shouldn’t be hiding habang inilalagay nila ang kanilang sarili sa panganib."
Malinaw sa mga salita nito na hindi pa nito alam ang nangyari kay Revo.
"Sorry nga pala kung ni-raid ko ang refrigerator mo. Mula kasi sa airport ay dumiretso na ako rito. Medyo naligaw pa ako bago ko nahanap ang lugar na ito since ang pinagbasihan ko lamang ay ang ilang detalyeng nabanggit ni Kuya Cannon sa bago mong apartment. Thankfully, nang magtanong-tanong ako sa lugar na ito ay marami ang nakakakilala sa iyo. Naging kapansin-pansin sa kanila ang paglabas mo ng bahay tuwing gabi para mag-aral.
"So, what’s the latest news? Ilang oras ko nang pinapanood itong mga monitor dito pero hindi ko makita si Ms. Omega. Ayon sa mga naulinigan kong usapan ng mga staff sa building, she’s currently out of the country."
Huminga si Aster nang malalim. Sooner or later ay malalaman din ni Code ang nangyari kay Revo.
"Umalis si Cannon ng bansa. Papunta siya sa iyo. But it seems hindi ka na niya aabutan pa dahil naririto ka na."
"Bakit ako pupuntahan ni kuya? May nangyari ba?"
"Venus Omega threatened you! Sinabi niya sa kapatid mo na natagpuan ka na niya and that you will die."
"She lied!" Tumiim ang bagang ni Code. Napaisip ito. "Nilansi lamang tiyak ng babaeng iyon si Kuya Cannon. To make him go to me para masundan siya. No wonder out of town din ang babaeng iyon. Sinusundan niya si kuya!"
"Kung totoo iyan, she has failed. Dahil kahit na matunton pa niya ang tinitigilan mo sa abroad, you are no longer there."
Nanatiling nag-iisip si Code.
"Matalino si Kuya Cannon. Hindi siya basta-basta na lamang mapapaniwala ni Ms. Omega. Tiyak na may ipinakitang proof si Miss Omega or something happened para mapasugod si kuya sa kinarooonan ko."
Pinaupo niya si Code. Dahil bukod sa kama at sa counter ay wala na siyang iba pang gamit sa kuwarto, sa gilid ng kama sila naupo ng lalaki.
"It’s because of Revo."
"Anong nangyari?"
Hindi na siya nagpatumpik-tumpik pa. Diretso niyang sinabi sa lalaki ang totoo.
"He’s dead."
Napatanga si Code. Umiling ito.
"No! Imposible iyan!"
Mabilisan niyang ikinuwento rito ang mga pangyayari. Dinala na rin niya ito sa salas kung saan naroroon ang kanyang TV. Humanap siya ng channel na nagbibigay ng news para mapanood nito ang balita tungkol sa pagkamatay ni Revo.
"This scenario... Ganito rin ang nangyaring pagkamatay ng mga magulang namin!" mariin nitong sambit. Dumilim ang mukha nito. "Damn her! Kung hindi namin siya mapapagbayad sa mga ginagawa niyang ito, then it’s time I take the law into my own hands!"
Nabigla si Aster. Ngayon lamang niya nakita na nag-aapoy sa galit ang mga mata ni Code!
"Hindi mo dapat gawin iyon, Code!" Pilit niya itong kinalma.
"She almost killed me! At ngayon ay nagtagumpay na siyang patayin si Kuya Revo! The next one to die will be Kuya Cannon! Bago mangyari iyon, pipigilan ko na siya!"
Naiintindihan ni Aster ang galit na bumabalot sa binata. Ngunit batid niyang mapapahamak ito kung makikipagtuos ito kay Miss Omega.
"I have to go, Aster."
Mahigpit niyang hinawakan ito sa braso.
"Wala sa Pilipinas si Venus Omega. You can’t do anything right now, Code. Bakit hindi mo muna tawagan si Cannon, mag-usap kayo. I know mayroon siyang plano kung paano mapipigilan si Ms. Omega! Ligtas pa si Cannon ngayon. He is still on flight. Oras na mag-landing ang plane niya, call him and tell him everything!"
Hindi ito kumibo.
"Hindi kita pinipigilan. Ipinapaintindi ko lamang sa iyo ang sitwasyon. You are hurt and angry right now. Hindi magandang lumabas ka ng bahay. Baka mapaaway ka lamang. Stay here. Rest. Sleep. Pagkagising mo ay matatawagan mo na si Cannon. Hindi ba’t mas maganda kung malalaman niya na buhay ka pa at kung magtutulong kayo para mabigyan ng hustisya ang kamatayan ni Revo?"
Napabuntunghininga ito. Mataman siyang tiningnan. Nabawasan ang galit sa mga mata nito.
"You really have a matured mind," komento nito. "At magaling ka talagang mangumbinsi."
Gusto man ni Aster na ngumiti dahil sa papuring iyon ay hindi niya magawa. Labis-labis ang pag-aalala niya sa mga nangyayari ngayon. Ninenerbiyos din siya. Hindi siya sigurado kung hanggang kailan niya mapipigilan si Code.
"Magpapainit ako ng tubig. Let’s have coffee. Pag-usapan pa natin ang sitwasyon."
"I should call Cinder."
"Not a good idea. Bago kami naghiwalay kanina ay mahigpit ang bilin niya na iwasan ko ang pagtawag sa kanya. Ayaw niya na matuklasan ni Venus Omega na tumutulong ako sa inyo. Posible rin daw na baka na-bug ang phone nila. Kung tatawag ka roon, tiyak na malalaman nila na naririto ka sa Pilipinas. Hindi maganda iyon since you will then be hunted."
"Okay. Siguro ay mas magandang subaybayan ko muna ang mga nangyayari sa Venom Building." Nagbalik ito sa kuwarto.
Sinimulan ni Aster ang paghahanda sa kanilang kape. Kinuha niya sa kitchen cabinet na lagayan ng kanyang spices and condiments sa pagluluto ang bag ng herbs na bigay ni Madam Silva. Mukhang dumating na ang oras para gamitin niya iyon.
Hindi siya sigurado kung hanggang kailan niya mapipigilan si Code na manatili sa apartment. Higit itong mas malaki at mas malakas sa kanya kaya’t useless na iharang niya ang sarili sa daraanan nito. Pero kung mapapasunod niya ito sa lahat ng kanyang sasabihin...
"Please work..," anas niya nang ihalo niya ang herbs sa pinapakulo niyang tubig.