![]() | ![]() |
Ang lahat ng mga impormasyong nakuha ni Aster sa ilang linggo niyang surveillance sa bawat floors ng building at pag-uusap ng mga Venom staff ay ginagamit niya ngayon upang mai-guide nang maayos si Code sa pagpunta nito sa 12th floor. Pinakamadaling paraan sana para marating iyon ay ang elevator na ginagamit ng mga staff, ngunit naka-shut down iyon.
Ipinaalam niya kay Code ang mga pagbabanta at paghahamon ni Miss Omega sa kapatid nito.
Nakita ni Aster mula sa mga monitor sa harapan niya ang pagkuyom ng mga kamay nitong nakasuot ng leather gloves.
"Then I must make sure na makakarating ako sa office ni Ms. Omega." Inalis nito ang ski-mask na suot. Useless na naman kasing itago pa nito ang tunay nitong pagkatao. Hindi na rin nito iniwasan pa ang mga CCTV.
"Dapat ay iwasan mo pa rin ang mga camera," paalaala ni Aster.
"You need to record my movements in this building, Aster. Oras na magtagumpay si Miss Omega na patayin ako, gagamitin mo ang record ng pagkamatay ko para ibagsak siya at ang kumpanya niya."
Ngayon naging malinaw kay Aster ang possibility na mamatay nga ang binata sa gagawin nito ngayong gabi.
"There must be another way para makuha natin ang antidote para kay Cinder."
"Maybe. Pero nandito na tayo. At pagod na ako sa pagtakbo at pagtatago. Gusto kong makaharap muli ang babaeng iyon. Patunayan sa kanya na hindi niya ako matatalo o maipapahamak na muli."
Sa pagsasalita ni Code ay naging malinaw kay Aster na malabo nang makumbinsi pa niya ang lalaki na umurong. Gusto sana niyang pagalitan ito, pero hindi iyon ang kailangan nito ngayon. Code needed all the information and support she could provide him para makarating ito sa twelfth floor. Kung nagkaroon sana sila ng sapat na panahon ay mapag-aaralan ni Code ang pasikot-sikot sa building. Pero hindi sila binigyan ni Miss Omega ng sapat na panahon.
"Iba ang pagkaka-design sa stairs ng mga upper floors ng Venom Building," paliwanag niya kay Code. "Ang hagdanan sa fourth floor ay nasa left side. Pero ang hagdanan sa fifth floor ay nasa right side. You need to go through the whole floor para mapuntahan mo ang next flight of stairs. Bago ka makapunta sa hagdan, you need to pass through a door. Kung sarado ang pintuan, gamitin mo ang lockpicks na inilagay ko sa iyong backpack."
"Saan mo nakuha ang lockpicks?"
"Sa isang taong gumagawa ng susi. Nakalimutan ko kasi minsan ang susi sa loob ng apartment at kinailangan kong humingi ng tulong. Nakita ko ang lockpicks na gamit niya kaya naisipan kong bumili na rin sa kanya ng ganoong gamit in case of emergency."
Napansin ni Aster ang bahagyang pagngiti ni Code sa monitor. Nang buksan nito ang backpack ay nagulat ito sa kung ano-anong laman noon.
"And these?"
"Hindi ba, after na magdesisyon kayong magkapatid kanina na sumugod ng Venom, ay inutusan ako ni Sir Cannon na bilhin ang lahat ng posibleng bagay na magagamit mo."
"Parang binili mo na ang lahat ng laman ng hardware ah!" biro nito.
Nasa gitna sila ng isang mapanganib na sitwasyon pero nagagawa pa rin ni Code na magbiro. Malinaw na kalmado ang lalaki at hindi ito nagpa-panic. Ayaw man ni Aster ay nadagdagan na naman ang paghanga niya sa binata. Ini-adjust niya ang monitor na nasa harapan para mag-focus iyon kay Code.
Paakyat na ang binata sa fourth floor. Hindi naka-lock ang pintuan papunta sa hagdanan ng fourth floor. Bahagya siyang nanghinayang dahil hindi niya nakita ang kakayahan ng lalaki sa paggamit ng lockpicks. Naikuwento kasi minsan ni Cannon na isa iyon sa mga natutunan ng kapatid sa adventures nito sa iba’t ibang lugar sa mundo.
"Legumes and root crops ang mga halaman sa fourth floor. Mayroong pathways na ginagamit ang mga staff na namamahala sa floor na ito. Sundan mo lamang iyon para makarating sa hagdanan papuntang fifth floor."
"This is like a greenhouse. Mainit at maalinsangan ang paligid," anito habang nagpapahid ng pawis.
Mabilis ang kilos ni Code. Physically fit ang lalaki. Ngunit nang makarating ito sa fifth floor ay humihingal na ito.
"The air here is stifling. Parang umaakyat ako sa bundok na kokonti lamang ang oxygen."
Nagtaka roon si Aster. Green and leafy vegetables ang tanim sa floor na kinaroroonan nito ngayon. Maraming oxygen tiyak ang ibinibigay ng mga iyon. Bakit nahihirapang huminga ang lalaki? Hinubad na ni Code ang suot na jacket.
Wala itong naging problema sa pagpunta sa sixth floor. Ang grains na pinapatubo sa sixth floor ay inani na noong isang araw. Bukod sa mga container ay wala nang makikita pang halaman.
"The air here is like a desert! Masyadong mainit!"
Nagbalik sa isipan ni Aster ang sinabi ng guide na si Ruby!
"Code, nama-manipulate ang temperature sa buong building! They are making it too hot for you!"
"Find me some water," anito nang magsimula itong umakyat sa hagdan patungo sa sixth floor.
"May pantry sa seventh floor. Meron ding drinking faucet doon!"
Tinakbo na ni Code ang kahabaan ng sixth floor. Nang makarating ito sa seventh floor ay bigla itong nagkandaubo-ubo. Madalian nitong itinakip sa ilong at bibig ang hand towel na gamit nitong pampahid ng pawis.
"Code, anong nangyayari?"
"Sense of smell overload!" anas nito.
Seventh floor. Doon nakatanim ang iba't ibang spices! Most of the staff na nagtatrabaho rito ay gumagamit ng face mask! Nabasa na niya na kapag masyadong matindi ang amoy o halo-halo ang strong spices kahit na mabango o mabaho iyon, nagdudulot iyon ng pagkahilo at minsan ay pagsusuka. Pinagalitan ni Aster ang sarili. Dapat ay napaghandaan niya ito!
Naging kapansin-pansin ang pagbagal ng kilos ng lalaki. Dumalas din ang pag-ubo nito. Masusing sinuri ni Aster ang buong floor gamit ang mga monitor sa harapan niya. Malakas ang kutob niyang any moment ay may lalabas na kalaban. This would be the perfect time para atakihin si Code, nasa isa itong vulnerable position.
Ang drinking faucet na nasa seventh ay walang tubig! Wala ring laman ang pantry! Kinutuban nang masama si Aster. Hindi lamang ang guard sa ibaba at si Miss Omega ang tao sa building. Mayroong kumokontrol sa facilities ng lugar.
"Keep going forward, Code. Malapit ka na sa hagdanan. Mag-iingat ka rin. Mukhang may iba pang mga tauhan si Miss Omega sa paligid," babala niya.
"Hindi na kataka-taka iyon. Keep your eyes on the monitor, Aster. Para 'pag sumulpot ang isa sa kanila ay hindi ako mabigla, I don't want to die without being able to fight back," anito bago sinunod ang mga direction ni Aster.
Napakagat ng labi si Aster. Nakaramdam siya ng panic. Oras na mapahamak si Code sa pagpunta nito sa 12th floor, tanging sarili lamang niya ang kanyang masisisi. Huminga siya nang malalim. Kailangan niyang maging kalmado at alerto para maka-survive si Code sa mga inihandang panganib ni Miss Omega para rito!
Bahagya siyang nakahinga nang makaalis si Code sa 7th floor. Nasisiguro niyang ang pagbabago ng kundisyon ng bawat floor ng Venom Building ay sinadya. Everything was being manipulated to make Code suffer!
Ginawang isang torture chamber ni Miss Omega ang buong building! Malakas din ang kutob niyang higit na panganib pa ang naghihintay kay Code sa mga upper floor. Pasimula lamang ang mga naramdaman ng lalaki na inconveniences sa lower floors.
Desidido si Miss Omega na patayin si Code sa anumang paraan.
Tumiim ang bagang ni Aster. Hindi niya papayagang mangyari iyon!