image
image
image

CHAPTER 37

image

Pakiramdam ni Aster ay nabalik sa dati ang buhay niya sa Maynila. With one exception. Mayroon na ngayong singsing ang isang daliri niya sa kanang kamay. Ang singsing ang nagpapatunay na siya na ngayon si Mrs. Amsterdam Jurado. Parang hindi pa rin totoo na ang lalaking inakala niya na makakapiling lamang niya sa kanyang panaginip ay asawa na niya ngayon!

Hindi niya alam kung ano ang nangyayari. Code was behaving like a real husband. Hindi sa nagrereklamo siya. Pero hindi niya alam kung bakit. Bayad ba sa utang na loob iyon? O natutunan na rin siya nitong mahalin? Kung mahal siya ng lalaki, sana man lamang ay sabihin nito. Nakikiramdam na lamang siya. Last time kasi na tinanong niya ang lalaki, sumagot ito ng hindi. At nang mga oras na iyon ay wala pang kakayahan si Code na magsinungaling sa kanya.

Napabuntunghininga siya. Patuloy niyang pinagmasdan ang reflection niya sa salamin sa restroom ng school nila. Wala siyang nakikitang pagbabago sa itsura niya. Suot pa rin niya ang kanyang salamin at bagama't hindi na naka-braid ang mahaba niyang buhok at in-fashion ang bago niyang gupit, imposible pa ring makipagsabayan siya sa mga magagandang estudyante rito sa night school niya.

Next year ay papasok na siya sa regular school. Hindi na kasi niya kailangang magtrabaho pa sa Electronics Haven dahil gusto ni Code na mag-concentrate na lamang siya sa pag-aaral at pagiging maybahay nito. Oras na bumalik si Cannon at Cinder ay babalik na muli si Code sa dati nitong trabaho bilang photographer at filmmaker sa TV.

Wala siyang maipipintas sa lalaki bilang asawa. Maayos ang trato nito sa kanya. He was like a perfect, loving husband.

Ngunit hindi siya sigurado kung mahal siya ni Code. At wala siyang makitang dahilan kung bakit siya nito mamahalin. Kahit na anong tingin ang gawin niya sa sarili, parang hindi pa rin siya bagay sa asawa. Guwapo ito. Simple lamang siya.

Kung minsan, pakiramdam niya, kaya pumayag si Code na pakasalan siya ay dahil sa naging experience nito sa magagandang babae. May mga lalaki na iniiwasan na ang tipo ng babaeng nanakit sa kanila at basta na lamang pumapatol sa mga babaeng kabaligtaran nito. Better safe than sorry.

At siya ang babaeng safe para kay Code. She loves him. At garantisadong mananatiling faithful siya rito dahil ang mga lalaking ka-level nito ay kayang-kaya nitong mahigitan.

She should be happy. Masuwerte siya sa pagkakaroon ng isang asawang tulad ni Code. Ngunit bakit patuloy niyang napapanaginipan si Venus Omega? Ang sinapit nito sa ama nina Code?

Matutulad ba siya kay Miss Omega? Tulad niya ay hindi rin maganda si Miss Omega. Simple lamang ang itsura nito. Sa umpisa lamang ba siya magiging masaya ngunit sa huli ay masasaktan at itatapon din siya ni Code?

Like father, like son...

Binabalot siya ng lungkot at takot sa tuwing maiisip niya na ang tinatahak niyang buhay ngayon ay nahahawig sa buhay ni Miss Omega.

Inalis na niya ang tingin sa salamin. Lumabas siya ng restroom. Nine o'clock na ng gabi. Dapat ay may class pa siya hanggang ten o'clock pero nagpasabi ang instructor nila na hindi ito makakarating. Nine-thirty kung dumating si Code para sunduin siya. Usually kapag tapos na ang classes niya ay diretso na siya sa labas para maghanap ng masasakyan.

Hindi siya katulad ng iba niyang babaeng classmates na nag-aayos at nagpapaganda pa sa restroom bago umuwi.

Ngunit dahil kay Code ay hindi lamang siya nag-aayos pagkatapos ng klase nila, nagpapalit din siya ng damit. Gusto niyang maging mabango at malinis siya sa pagsundo ng asawa.

May mga pagkakataon kasi na dinadala ng asawa ang kotse nito sa mga tagong lugar bago sila umuwi. At sa mga tagong lugar na iyon, nagkakaroon sila ng make-out sessions na madalas ay nauuwi sa tuluyang pag-angkin nito sa kanya.

Hindi siya nagrereklamo. May dalang excitement iyon. Ngunit hindi niya maiwasang isipin na may kinalaman iyon sa ginawa ng dati nitong girlfriend. Sa kotse pinagtaksilan si Code ni Naomi.

Binubura ba ni Code sa isipan nito ang pagtataksil ng dating girlfriend o ipinapakita nito sa kanya na he was much better than any man inside a car?

Paglabas ni Aster ng gate ng school nila ay wala pa roon ang black car ni Code. Napaaga siya. Babalik na sana siya sa loob ng gate nang apat na lalaki ang humarang sa daraanan niya.

"Mrs. Amsterdam Jurado?" paninigurado ng isang lalaki.

"Ah, sorry. Hindi po ako iyan," mabilis niyang pagtanggi. Mukha kasing goons ang apat!

Hinawakan ng isa sa mga ito ang kanang braso niya.

"Mula kami sa Venom Corp."

"Hindi nga ako ang hinahanap ninyo!" mariin niyang sabi. Pero sinunggaban na rin ng isa pa ang kaliwang braso niya.

"Don't worry, ma'am. Gusto ka lamang makausap ng bagong CEO ng Venom Corp."

Tinangka ni Aster na manlaban. Ngunit nabaliwala ang lakas niya. Ni hindi siya nakasigaw dahil mahigpit na tinakpan ng kamay ng isa sa mga lalaki ang bibig niya.

Isang itim na van ang pumarada sa harapan nila. Agad siyang isinakay roon ng mga lalaki!

Kapag sinusundo ni Code si Aster sa school nito ay napapadaan siya sa bahay ng Kuya Cannon. On the way kasi iyon. Usually ay madilim ang bahay dahil walang tao roon. Twice a week ay isang caretaker ang nagpupunta sa bahay para linisin iyon at diligan ang mga halaman sa paligid. Pero araw kung dumating ang caretaker.

Nagulat tuloy si Code nang pagdaan niya ngayon ay nakita niyang bukas ang mga ilaw sa bahay! Ipinarada niya ang Isuzu sa harapan ng bahay. Binigyan siya ng duplicate key ng kapatid in case na mayroong siyang kailangang kunin sa bahay nito kaya't madali siyang nakapasok sa gate at sa bahay.

Sa sahig ng salas ay natagpuan niya ang nakahandusay na kapatid!

"Kuya Cannon!" bulalas niya.

Nilapitan niya ito. Inalam ang kalagayan. Nakahinga siya nang matuklasang buhay ito. Binuhat niya ang kapatid at dinala sa mahabang sofa. Noon niya naamoy ang alak dito. Lasing ang kapatid.

Hindi naglalasing ang kapatid niya. Noon niya napansin na wala si Cinder... Imposibleng bumalik ng Pilipinas ang kapatid nang hindi kasama ang asawa, unless...

Humanap siya ng malinis na tuwalya, binasa ito ng tubig sa gripo at pinunasan ang mukha ng kapatid.

Nagmulat ito ng mata.

"Kuya Cannon?"

"Code..." anas nito.

"Nasaan si Cinder?" usisa niya bagama't natatakot siya sa magiging kasagutan ng kapatid.

"She's gone." Tumiim ang bagang nito bago ito napahagulhol. "Wala na siya, Code!" Biglang tumalim ang mga mata nito. "At kasalanan itong lahat ng Venom! I swear, I will destroy that company! Hindi ako titigil hangga't 'di bumabagsak ang buong building na iyon!"