I

MGA ALA-ALA NI MANUEL KAY EDENG

—¿...?

—!...!

—¿Hindi mo na naaalaala?

Makinig ka't isa-isa kong ipaaalaala sa iyo:

Noo'y musmos pa tayo.

Musmos, oo; wala tayong kamalay-malay sa mga sigalot ng buhay; bago pa lamang tayong humahakbang sa unang baytang ng pag-ibig, at bago pa lamang tayong natututong sumunod sa itinitibok ng ating puso; nguni't hindi pa natin nakikilala kung ano ang pag-ibig. Ang tunay na pag-ibig.

Ang bahay natin ay nagkakatapat halos, at isang hapong masaya ang langit na ikaw ay nasa bintana, ako'y nanungaw, at nang maino mong pinagmamasdang kita'y tumungo ka, tumungo ka't saka ngumiti ng lihim, bago itinaas ang mata at kiming sumulyap sa akin.

Sumandali tayong nagkatitigan at pagkatapos ay isang ngiting busog sa ligaya ang ipinahatid mo sa akin.

Ako'y nasayahan at naramdaman kong sumasal ang tibok ng puso at waring ako'y napa-angat sa aking kinalalagyan na di ko makuro kung bakit.

¿Pag-ibig na kaya ang kahulugan ng ngiting iyon? Kung pag-ibig ay ¿paano ko maaalaman? At sakaling pag-ibig na nga'y ¿ano ang maidudulot sa aking buhay? Ang sunod sunod kong tanong sa sarili.

Sa aking pagdidilidili'y naisip kong itanong sa iyo ang kahulugan ng ipinamalas mo sa akin; nguni't aywan kung bakit at hindi ko man lamang naipahiwatig sa iyo nang tayo'y magkausap. At ... ¿naaalaala mo ba ang ating pinagusapan?

Panay na kamusmusan; oo, panay na kamusmusan. Datapwa't nang tayo'y maghiwalay, nang ako'y pauwi na sa amin, ang puso ko'y naligalig at naramdaman kong may bagong damdaming tumubo sa lalong pinakalihim niyang pitak.

Buhat noon, saan mang dako ako mapatungo ay waring ikaw ang aking nakikita, at sa lahat ng akin gawain, sa pag-aaral, sa paglalaro, ay ikaw ang laging sumasaisip ko.

Kung gabi at ako'y nahihilig na sa hihigan, sa piling ng minamahal kong ama, ay lagi akong balisa, napipikit man ang mga mata ko'y gising din ang aking diwa.

At ilan pang araw na gayon ang aking dinanas.