III

 

Kinabukasan.

Pagbabangon ko sa hihigan, ay una kong tinanaw ang durungawan ng iyong silid. Nakabukas ang isang dahon at nakita kong bihis ka na.

Noo'y mag-iikapito na ng umaga, oras ng pagpapasukan sa paaralan.

Sampung minuto pa ang dumaan bago ka lumabas sa pinto ng inyong bahay na dala mo ang iyong mga aklat.

Dalidali akong nanaog at hindi mo naino na sinundan kita hanggang makarating ka sa paaralan. Sa tanghali'y binantayan kita sa aming bintana hanggang makapasok ka sa inyong pintuan.

Gumabi.

Maliwanag din ang buwan.

Ang inyong looban ay gaya rin ng dating pinagsasadya ng mga kababatang kalapit-bahay, at nang marami ng nagkakatipon ay sinimulan ang laro. Ngayo'y patintero, mamaya'y takip-silim at bala nang maisip.

Ako'y nanaog upang makihalo sa inyo; nguni't nang naroon na ako't hanapin, kita, ay wala ka.

Kumaba na naman ang dibdib ko at aking isinaloob na ikaw ay nagtatampo pa sa akin, at dahil dito ay naitanong ko sa isang kapwa bata kung saan ka naroon.

—¡Hayún ay ... ayaw maglaro!—ang tugon sa akin.

Ako'y lumingon at nakita, kitang nakaupo sa hagdan ng inyong "azotea".

Linapitan kita't aniko'y:

—¿Bakit ka nakaupo diyan?

—Mangyari'y hinihintay kita—ang waring may lambing na sagot mo.

—¿Ayaw ka bang maglaro?-ang ulit ko na wala nang pangambang may hinampo ka pa sa akin.

—Maglalaro ako kung kasali ka—ang may ngiti mong salo.

—¡Naku!—ang pakunwa ko naman.

—Oo,—ang mariin mong agaw na parang ibig mo nang maghinanakit, kaya't sinagot kitang agad:

—Sa totoo man ó hindi ang sinabi mo, ay dapat mong malaman, na kung kaya ako naparitong maglaro ay dahil lamang sa iyo.

Tinitigan mo ako bago ka ngumiti ng ngiting may kasiyahang loob.

Tinawagan natin ang mga kasama at tayo'y tumayong pabilog at pagdaka'y sinimulan mo ang "Pepe-serepe" at....

¡Kay, pilya, pilya mo! sinadya mo pang ako ang mataya.

Pagkatapos ay nagtakbuhan kayong ako ang inyong kasunod.

Aywan kung bakit, at noo'y wala akong abutan sa inyo: kay tutulin ninyong tumakbo, para kayong mga ibon.

Sa ikatlong inanduyan ay nahapo ako at....

—Batugan, batugan—ang sigawan ninyong lahat.

Ako'y napahiya.

Naawa ka sa akin, at binulungan mo ako ng:

—"May mahuhuli ka na ngayon"—at saka patakbo kang lumayo. Nguni't ilang hakbang lamang ay tumigil ka na at hindi pa mandin kita nahahawakan ay sumigaw ka:

—"Nahuli ako, nahuli ako"—at idinugtong mo pa ng marahan ang ganito:—"Kaawaawa ka naman, tutubusin kita't pagod na pagod ka na".

Oo, patangpata na nga ako; danga't kasali ka, kundi'y umuwi na sana ako sa ikalawang takbuhan pa lamang.

Ang ating laro'y natapos ng gabing iyon, sapagka't sa nagsisunod na gabi'y panay na salitaan ang ating ginawa. Nguni't ¿ano ang ating napagusapan? ¿Panay pang kamusmusan na gaya ng mga unang araw?

Hindi na.

¿Nagkatalastasan na kaya tayo ng itinitibok ng ating puso?

¡Aywan! datapwa't buhat noon ay unti-unti na tayong lumayo sa, ating mga kababata, sapagka't palagi tayong pinagtututukso.