VI

 

Mahabang panahon ang dumaan.

At isang gabing ako'y naglalakad sa daang Azcarraga ay nabasa ko sa isang anunsiyong naka-dikit sa pader na tinatamaan ng liwanag ng ilaw sa lansangan, na ang pelikulang VIVIR PARA AMAR ay itatanghal sa Dulaang Zorrilla.

Ako'y napatigil at naibulong ko sa sarili ang ganito:

"VIVIR PARA AMAR" ¿Mabuhay upang umibig? ¡Oh ...! Panonoorin ko ang pelikulang ito at baka nakakamukha ng malungkot kong kabuhayan sa pag-ibig.

At dalidali akong pumasok sa dulang Zorrilla; nguni't pag-upo kong pag-upo sa aking luklukan ay siya namang pagka-tapos pelikulang "VIVIR PARA AMAR".

Ang mga ilaw ay nagliwanag. Ang mga mata ko'y aking pinagala sa loob ng dulaan, at ¡oh, anong pagkakataon! Sa palkong kapiling ng aking kinalalagyan ay may namasdan akong isang babaeng himala ng ganda. Sa biglang pagkakita ko'y hindi ko nakilala kung sino, datapwa't nang aking titigan ay nasayahan ang aking pusong kung ilan nang taong hindi hinihiwalayan ng lungkot at nanariwa sa aking gunita ang nakaraang panahon.

Nakikilala mo kung sino ang babaeng iyaon?...

Ang aking langit, ang aking paraluman, ang aking pag-asa, sa ibang salita'y ikaw, Edeng, ikaw na buhay ng aking buhay.

Sa aking pagkatitig sa iyo'y napatingin ka sa akin at nagtama ang ating mga mata.

¡Oh, anong ligaya ng dumalaw sa aking puso! Ang madilim kong hinaharap ay waring nagliwanag at parang may nakita akong landas na patungo sa kaluwalhatian ng aking pag-ibig.

—Maligaya na ako, maligaya na ako—ang bulong ko sa aking sarili—maligaya na ako pagka't siya'y nakita kong muli. Bukas, bukas na bukas ay paparoon ako sa kanyang bahay at sasabihin ko ang lahat ng hirap na aking tinitiis. Siya'y malulungkot, nguni't masasayahan agad pag sinabi kong naparam na ang lahat, pagka't ang ligaya ko'y ligaya rin niya.

Nguni't saglit pa lamang ang nakararaan ay binayo na ako ng dusa; oo, sapagka't napuna ko na ang iyong kapiling sa upo'y isang lalaking balingkinitan ang katawan at maganda ang tindig ... ¡Anong lungkot ng dumalaw sa aking kaluluwa ...! Ang mahahayap na palaso ng panibughong mapapahirap sa taong ninibig, ay sunodsunod na tumimo sa aking puso at dahil dito'y sinumpa ko ang muli kong pagkakita sa iyo.

Ang mga ilaw ay muling nangulimlim. Sa maputing kayong nakatatakip sa tanghalan ng dulaan ay itinanyag ang sumusunod sa pelikulang; "Vivir para amar"; nguni't natapos ng hindi ko nawatasan sapagka't hindi nawalay sa aking isipan na may kapiling kang lalaki sa inyong palko.

—¿Sino kayang lalaki iyaon? ang tanong ko sa sarili—¿Kanya kayang asawa? ¿kanya kayang katipan ó isang kaibigan lamang?

Ang mga ilaw ay muling nagliwanag. Nilingon kita sa inyong palko na parang isang hukom na nagmamasid sa mga salaring lalapatan ng parusa.

Sa paglingon kong ito'y muling nagtama ang ating mga mata at sa iyong titig ay waring nabasa ko na mayroon kang ibig sabihin.

Noon di'y lumipat ako sa inyong palko na nagpuputok ang kalooban sa akalang ang kahulugan ng titig mong iyon ay isang pag alipusta sa akin dahil sa ikaw ay mayroon nang asawa ó katipan: datapwa't ako'y namali sapagka't matapos tayong magkamay ay ipinakilala mo sa akin ang kapiling mong lalaki at noong ko natalos na asawa pala ng kapatid inong matanda, at pinagsisihan ko ang pagkakaroon ng maling hinala sa titig mong puno ng lugod.

Makailang sandali'y nanariwa sa aking alaala ang mga nakaraang panahon. Ibig ko na sanang noo'y itanong sa iyo kung ang aking mga hirap na tinitiis ay gagantihin mo ng walang hanggang kaligayahan, pagka't ibig kong noon di'y matalos kung ako'y mayroon pang pag-asa at kung maipagpapatuloy ko ang aking naipahayag sa iyo noóng tayo'y nakikinig ng serenata sa harap ng simbahan ng Sta. Cruz ... nguni't ako'y nagpigil alangalang sa iyong mga kasama.

Natapos ang palabas sa Cine.

Inihatid ko kayo hangang sumapit sa inyong tahanan at bago tayo naghiwalay ay nangako akong babalik kinabukasan.

Ng gabing yao'y hindi ako nakatulog boong magdamag at sa pag-asam ko ng bukas ay napagn~gitn~gitan ko ang aming orasan, sapagka't matay ko mang nasain~g magtumulin sa kanyang pagtakbo'y hindi nagbabago at para pang ako'y hinahamon sapagka't mapatayo ako't mapahiga'y napapakinggan ko ang nakamumuhi niyang tik-tak.

Sa pagn~gin~gitn~git ko ay walang nangyari at nagtagumpay din ang hindi mababagong lakad ng panahon.

Umaga.

Lalo pa akong nagdanas ng yamot sapagka't hindi ko kilala ang ugali ng iyong mga kasama sa bahay at nagalaala ako na baka kung dalawin kita'y hindi ka nila ipakausap sa akin at mawikaan pa ako pagtalikod ko, kaya't upang huwag magahis ng kainipan ay ginala ko ang lahat ng bahay ng aking mga kaibigan.

Gabi.

Pinagsadya kita. Wala ang iyong ina. Pinaharap ka sa akin ng iyong kapatid at matagal tayong nagusap, matagal na matagal. At buhat noo'y tatlong buwan na naman ang dumaan na hindi tayo nagkita, tatlong buwang panay na hirap para sa akin, bakit nadagdag pa sa dati ko nang tinitiis ang pagdadalamhati sa pagkamatay ng aking ama.

—¿...?

—Oo; kumulang humigit sa dalawang buwan. Nguni't isinulat ko sa iyo nang siya'y mamatay, ¿bakit hindi mo naaalaman?

—¡...!

¡Ah! Kaya pala ni ang sulat na padala ko sa iyo nang ako'y lumulan sa bapor na patungo sa bayan niyang kinamatayan ay hindi nagkaroon ng sagot, ay naparoon kayo sa Silangan. Datapwa't bayaan na natin ang kanyang pagkamatay at ibaling natin sa dati ang salitaan:

¿Naaalaala mo na ba ngayon, Edeng, ang mga araw na dumaan ng ating kabataan? ¿Ang puso mo ba'y gaya rin ng dati na may kalayaan sa pagtanggap ng pag-ibig? At ¿maitutuloy ko ba ang ipinahayag ko sa iyo noong tayo'y nakikinig ng serenata sa tapat ng simbahan ng Sta. Cruz?

—¡...!

—Bukas mo na ako sasagutin? ¿Baka hindi?

—¡...!

—Aasahan ko