Buwan ng Mayo.
Tayo'y malalaki na; ako'y mayroon nang labing tatlong taon at ikaw nama'y labing apat.
Ang ating kilos ay ibang iba na sa dati: hindi na tayo nakikipaglaro ng tubigan ni takip-silim; hindi na tayo nagbibiruan at para tayong matatandang formal na formal kung mag-usap; datapwa't batang isip pa rin tayo, kaya't ang ating napauusapan ay panay na kamusmusan.
Sa boong Maynila nang mga araw na yaon ay nagsalabat ang Santa Cruz de Mayo at sa gawing kaliwa ng bahay na aming tinirhan ay may isang lutrinang hari ng gulo sapagka't panay na mga batang lansangan ang nagsisiilaw, nguni't nang mga huling gabi, sa dakong pagtatapos ay lumalaki at humuhusay sapagka't pinakialaman na ng matatanda at nagpalaluan pa ang mga "Hermano Mayor."
Nang huling araw ng pagdiriwang sa Santa Cruz de Mayong yaon ay may namanhik sa aking tatay na ako'y maging Reina Elena. Ang tatay ko'y pumayag at kinagabihan, ang aming bakuran ay napuno sa mga batang manonood ng lutrina.
Nang hapon ng araw na yaon ay masayang masaya ang ating daan; tatlong banda ng musika ang nagtutugtugan sa harap ng bahay ng "Hermano Mayor" na hindi rin nalalayo sa ating tinitirhan.
Nang tumugtog ang ika anim; ang "Reina Sentenciada" ang "Haring Constantino", ang mga sagala't iba pa, ay isa isang sinundo ng tatlong bandang musica at ako ang ipinagpahuli sa lahat. Nguni't ako'y nagulat nang makita kong ikaw ang "Haring Constantino."
—Oy—ang bati ko sa iyo—¿bakit ikaw ang Hari?
—Mangyari'y ikaw ang Raina—ang sagot mo naman.
At tayo'y sandaling nagngitian, bago natin tinungo ang bahay ng "Hermano Mayor" at di naglao'y inilabas ang prusisyon.
Kay daming taong nanonood. Lahat ay humahanga sa naggagandahang mga sagala. Sa karamihin ng tao'y may ilang nanunumpit ng pabango na parang nasisiyahang kung may sagalang tinatamaan sa mata.
Ikaw ay galit na galit nang mga sandaling iyon.
—Pag ikaw ang sinumpitang bulong mo sa akin—ay pagtatatagain ko sila.
—Huwag—ang salo ko naman—huwag at baka ka nila pagtulungtulungan.
—Pag may tangan akong sable'y magsampu man sila'y hindi ako matatakot.
Bahagya mo pa lamang katatapos na mangusap ay siyang pagtama sa aking mata nang hindi ko na naaalaala ngayon kung tubig ó pabango na aking ikinapatili ng malakas at ako'y napapikit sa hapdi, Makailang sandali'y dumilat ako at ang una kong nakita'y ikaw na anyong mananaga.
—Manuel—ang sigaw ko—pabayaan mo sila.
Ako'y pinakinggan mo at nang humarap ka sa akin ay walang pinag-iwan sa isang haring maawain ang tingin ko sa iyo at nang ako'y lapitan mo ay binulungan kita ng gayari:
—Kamukhang-kamukha ka ng haring Constantino.
—¡Naku! nanunuya ka pa, ah.
—Sumama ka sa amin mamaya at ipakikila ko sa iyo ang larawang ibinigay sa akin ng amain kong pari.
—Sasama ako.
—Iyong makikita.
—¿Baka hindi?
—Oo, ipakikita ko sa iyo.
At isang oras pa ang dumaan bago ipinasok ang prusisyon.
Nang gabing yaon ay hindi ko naipakita, sa iyo ang larawan, sapagka't nang ipasok ang prusisyon ay dinala pa tayo sa bahay ng "Hermano Mayor" at doon ko naalaman na ikaw pala ang humiling upang gawing kang Haring Constantino.
—"Presentado, alsado"—ang biro ko sa iyo.
—Nagprisinta nga ako pagka't ikaw ang Elena at ibig kong mapanood ng mga tao na tayo'y mga hari kahi't na sa Santa Cruz de Mayo lamang.
—Hambog—ang biro ko pa.
Hindi ka nakasagot sapagka't inanyayahan tayong maghapunan ng "Hermano Mayor" at para pang sinadya na tayo'y pinagtapat ng upo, kaya't habang tayo'y naghahapunan ay kung makailan kong maino na nangungunot ang iyong noo.
Pagkatapos ng hapunan ay pinanood natin ang pagaagawan sa bitin at matigas kong katatawa, sapagka't sa gitna ng balag ay may isang malaking palayok na nakabitin at ang akala ng lahat ay matamis lamang ang laman datapwa't nang malaglag at pagdumugan ng mga bata'y naghalakhakan ang nagsipagbitin ng palayok na iyon at makailang sandali'y naghiwa hiwalay ang nagsisipag-agawan: may patakbong lumalayo, may nagkukusot ng katawan at may naglululundag na animo'y nagsasayaw sa pagka't ang palayok palang iyon, bago ibinitin, ay maghapon munang inilagay sa langgaman.
Matapos ang agawan ay umuwi tayo, datapwa't hindi ka nananhik sa aming bahay pagka't malapit nang tumugtog ang ika sampu at ibinulong mo na lamang sa akin na ipakita ko sa iyo ang larawan pagbalik mo sa susunod na gabi.