NAPAUNGOL si Brianna nang malakas. “Nabalaho tayo.”
“It’s okay. Things happen.” Tumingin si Danny sa relo at sinilip ang kapaligiran. “Maaga pa naman.”
“Pero madilim na ang paligid. At nasa walang kabahay-bahay tayo.” Sinikap niyang iahon ang sasakyan sa lubak. Umatras siya nang kaunti at nag-primera at muling umabante. Nothing happened. Nasa lubak pa rin sila. Inulit niya ang ginawa.
Atras, primera, abante. Umiingit ang makina ng sasakyan sa ginagawa niya. On what must have been the fifth time, naiahon niya ang kotse niya. Nakahinga siya nang maluwag. Hindi kalaliman ang lubak. Kinabig niya pakaliwa ang manibela upang iiwas ang hulihang gulong na mahulog sa lubak. Subalit inabot pa rin ang hulihang gulong niya at muli niyang hindi naiahon ang kotse niya.
“Nabalaho ba tayo uli!”
She gritted her teeth in frustration. “Susubukan ko uling iahon.” Inulit niya ang ginawa kanina. Sa ikalawang subok ng atras, kambiyo ng primera, at abante, ay namatay ang makina ng kotse niya. Pinihit niya ang ignition key ng ilang ulit subalit ni bahagyang singhap ay wala.
Napaungol siya. “Nag-overheat yata ang sasakyan sa kakaatras-abante ko!” Inihilig niya ang ulo sa headrest sa panlulumo.
“Paano ngayon iyan?” tanong ni Danny at muling sinilip ang buong paligid at likuran. “Nasa walang katau-taong lugar tayo.” He sounded agitated.
“Let me think...” she said. Nilinga niya ang labas ng sasakyan. Ni hindi makatagos ang mahinang liwanag ng poste sa lakas ng buhos ng ulan. At marahil ay mahigit sa isang daang metro pa ang layo nila sa industrial subdivision kung saan alam niyang may security guard sa gate at makahihingi sila ng tulong. Kung hindi niya kasama si Danny ay malamang na matatakot siya. Pero kung hindi rin naman ito dumating nang late ay hindi sila aabutan ng ganoong dilim sa daan. Pinigil niya ang sariling sabihin dito iyon. Walang mangyayari kung magsisihan sila.
“Subukan mo kayang itulak habang pinaaandar ko?” suhestiyon niya.
“What?” manghang sabi nito na para bang hindi ito makapaniwalang isusuhestiyon niya iyon. “Ang lakas ng ulan, ah.”
“May payong ka naman. Sige na, please. Hindi tayo makakaalis dito at dumidilim na.”
“No way. Bakit hindi na lang tayo maghintay at baka may magdaang sasakyan at makahingi tayo ng tulong...”
“This is not the main road, Danny. Paano kung walang magdaan? Palagay ko ay nasa mga bahay na nila ang mga tao. Sige na,” pakiusap niya sa determinadong tono.
“`Nak ng putang buhay `to. Oo,” usal nito na ikinangiwi niya. Gayunman ay lumabas ito.
Binuksan niya ang salamin ng kotse upang marinig ito kung may sasabihin. “Pagsigaw ko nang tatlo ay paandarin mo!” Sa lakas ng buhos ng ulan ay bahagya na niyang narinig ang sinasabi nito.
Sinubukan niya subalit wala ring nangyari. Ni hindi tumitinag ang sasakyan. She wondered if he really did push. Isinungaw niya ang ulo sa bintana. “Get inside, Danny! It’s useless. Papataas ang daan!”
Nagmamadaling bumalik ito sa kotse. “I told you so.” Puno ng iritasyon ang tinig nito. “Hayan at nasira ang payong sa malakas na hangin at basang-basa ako.” Padabog na inihagis nito sa gilid ng kalye ang payong na bumaliktad.
Ang mabait at pasensiyosong Danny ay pansamantala lang at muling umiral ang pagiging barumbado nito. Gusto niyang mainis sa kasintahan pero nagbuntong-hininga na lang si Brianna. “Ano ang gagawin natin? Hindi tayo maaaring ma-stranded dito. Mamaya lang ay tuluyan nang didilim.” Halos hindi pa niya natatapos ang sinasabi nang mula sa likuran nila ay may ilaw na lumiwanag sa daan.
Pareho silang napalingon sa likod.
“May dumarating na sasakyan! Humingi tayo ng tulong,” excited na sabi ni Danny. “Lumabas tayo at parahin natin.”
“Ikaw na lang tutal basa ka na rin lang,” aniya. “Parahin mo.”
Tinitigan siya nito. “Baka hindi ako pansinin dahil lalaki ako. Baka sa halip na tulungan tayo ay magmamabilis pang lampasan tayo. Tara na at malapit na ang sasakyan.”
May katwiran ito. Sa panahon ngayon ay hindi basta-basta humihinto ang sasakyan lalo at ilang ang lugar na iyon. Napilitan siyang lumabas ng sasakyan kasunod ni Danny na umikot sa may bahagi niya. Malayu-layo pa ang dumarating na sasakyan at paliwanag nang paliwanag ang headlights nito. Pareho nilang iwinasiwas ang mga kamay upang parahin iyon.
Halos walang silbi ang mga ilaw sa poste sa tindi ng lakas ng ulan. Madilim ang buong paligid. And she was shivering with cold. Baka wala pang isang minuto ang lumipas pero dahil nag-aabang sila ay wari napakatagal ng dumarating na sasakyan. At marahil hindi rin naman makapagmabilis dahil sa sama ng panahon at sirang daan.
Iwinasiwas niya ang mga kamay. Si Danny ay huminto na sa pagkaway. The headlights were on her now. Ikinurap niya nang ikinurap ang tubig-ulan na umaagos sa mga mata niya. Pinakataas-taas pa niya ang dalawang kamay at tumayo siya sa harap ni Danny dahil baka hindi sila hintuan ng kung sino mang dumarating kung si Danny ang unang mapapansin nito.
Huminto ang sasakyan sa mismong tapat niya. Isa iyong owner-type jeep. Tatlong lalaki ang sakay niyon. Dalawa sa harap at napuna niya kaagad ang nasa likod. Hindi niya matiyak kung ilang taong gulang ang mga sakay ng owner-jeep. But she had this feeling that they were in their mid-thirties.
“`Need help, Miss?” tanong ng nasa kanan. Bahagya nang sinulyapan si Danny.
“Y-yes. Namatay ang makina ng sasakyan namin.”
“Nasiraan kami mga, pards. Baka puwedeng makahingi ng tulong,” ani Danny. “Namatay ang makina. Magpapatulong kaming magtulak.”
“Sure, pards. No problem.” Nilingon nito ang kasamang nasa driver’s seat. Nagpalitan ng maka-hulugang tingin ang mga ito.
Bigla ay may kabang bumundol sa dibdib ni Brianna. Hindi niya gusto ang palitang iyon ng tingin ng mga lalaki.
“Nasiraan sila, mga pards. Tulungan natin.”
“Sure,” wika ng lalaking nasa likuran na sumuot mula sa mga bakal na suporta ng trapal ng owner-jeep at sa isang iglap ay nakababa na ito. “Huwag na nating itulak ang kotse ninyo at mahirap dahil pataas ang kalye. Sa halip ay sumakay ka na lang sa jeep. Saan mo gustong ihatid ka namin?” tanong nito, hindi ininda ang ulan na bumabasa na rin dito. Nakangisi ito at nilingon ang mga kasama.
Nilingon niya si Danny na hinahawi sa mukha ang tubig-ulan. “Dan?”
“Maiwan na diyan iyang kasama mo. Ikaw na lang ang isasakay namin at ibababa ka namin sa gasolinahan sa labasan,” wika ng nasa passenger side ng jeep at bumaba na rin. “Mukhang basang-sisiw, mga pards!” sigaw ng driver na ang tinig ay nakikipagsabayan sa buhos ng ulan. “Paiinitin natin at baka mapulmonya.”
Humakbang siya paatras. “S-salamat. Pero hindi bale na lang. Danny, let’s get inside the car.” Ang pananayo ng mga balahibo niya ay walang kinalaman sa lamig at ginaw na nararamdaman niya.
She was about to open her car doon when the man grabbed her. Napasigaw siya nang wala sa oras.
“Bitiwan ninyo siya!” sigaw ni Danny at hinawakan sa balikat ang lalaking humahawak sa kanya. Subalit ang lalaking bumaba mula sa likuran ng jeep ay inundayan ito ng magkasunod na suntok sa sikmura. Bumagsak sa kalsada si Danny.
“Danny!” hiyaw niya. Nagpipilit siyang kumawala upang daluhan ito subalit tila mga bakal ang mga kamay na nakahawak sa braso niya.
Matinding takot ang lumukob sa dibdib niya. At alam niya kung para saan ang takot na iyon. May pakiramdam siyang magiging biktima siya ng mga lalaking ito, And Danny would not be able to help her. She would be taken, raped, and murdered. Bigla siyang yumuko at todo-lakas na kinagat ang braso ng lalaking may hawak sa kanya. Nabigla ito at napahiyaw at lumuwag ang pagkakahawak sa kanya. Sinamantala niya iyon at kumaripas ng takbo.
Subalit ni hindi man lang siya nakalayo dahil natapilok siya sa isang maliit na lubak. Napasigaw siya sa sakit kasabay ng pagbagsak sa tubigang kalsada. At hindi pa man siya nakakabawi sa sakit ng pagkapilipit ng isang paa niya ay naroon na ang malaking kamay ng lalaki sa balikat niya at pahablot siyang itinaas na tila siya sako ng bigas.
Lumapit ang isa sa mga ito. “Kailangan mo ng tulong diyan?”
“Kaya ko ito,” nakangising sagot ng may hawak sa kanya. “Alam n’yo naman ako, gusto ko ng challenge.”
Humalakhak ang lalaki at tumalikod at tinungo ang jeep at pumasok sa driver’s seat. Ang isa pa’y nakasandal lang sa hood.
“Tara, bebe. Huwag ka nang manlaban pa. Walang mangyayari.”
Subalit nanlaban si Brianna. Kalmot, sipa, at suntok ang ginawa niya. Napasigaw ang lalaki nang kalmutin niya ang mukha nito. Isang malakas na sampal ang ginawa nito sa kanya. Napahiyaw siya at hinawakan ang mukha. This wasn’t happening. Nasa silid niya siya at natutulog. She was having a bad dream.
Lumingon ang lalaki sa bahagi ng jeep at sumigaw. “`Sensiya na, pare. Parang tigre itong isang ito, eh. Sinaktan ako.”
“Dalhin mo na rito iyan!”
“Gusto ko ng babaeng palaban,” naririnig niyang wika ng lalaki sa may tainga niya habang nakakuyumos ang kamay nito sa blusa niya. “Pero ayoko ng nasasaktan ako! At wala akong pinipiling saktan!” Dalawang magkabilang sampal pa uli ang ginawa nito sa kanya na kung hindi siya hawak nito ay malamang na bumagsak na siya dahil hindi na iyon kaya ng mga tuhod niya.
Kailangan niyang lumaban sukdulang mapatay siya. She would rather be dead than be raped. Muli niyang inabot ang mukha ng lalaki at tinusok ng daliri niya ang isang mata nito. Humiyaw ang lalaki. At bago pa man lang siya makahuma ay isang malakas na suntok sa sikmura niya ang ginawa nito. She doubled over. Halos panawan ng ulirat na bumagsak siya sa kalsada.
Brianna could feel the impending doom. Hindi pa man siya nakakabawi sa pagkakasuntok sa sikmura niya ay hinablot siya ng lalaki sa blusa niya at naramdaman niya ang pagkayod ng mga kuko nito sa dibdib niya. Ang manipis niyang suot ay napunit at nahantad dito ang dibdib niya.
“Puta! Pagbabayaran mo nang mahal ang ginawa mo!” wika nito sa nakatiim na mga bagang. Nakikita niya ang malahalimaw nitong mukha sa pagitan ng mga patak ng ulan dahil sa fog lights mula sa kung saang bahagi ng daan. It could be from the owner jeep.
Hinablot ng lalaki ang punit niyang blusa at tinuluyang marahas na pinunit iyon. Brianna screamed in terror. Subalit nilunod lang ng ulan ang tinig niya. “Bitbitin mo na iyan at may dumarating!” narinig ni Brianna na hiyaw ng isang lalaki sa nag-aapurang tinig. Or was it panic? Hindi niya matukoy, malakas ang ingay ng ulan.
May kaunting pag-asang bumangon sa dibdib ni Brianna sa naulinigan. Sa kabila ng halos nagdidilim na ang buong paligid sa kanya ay pilit na kumakapa ang isang kamay niya sa kalsada ng bagay na maipanlalaban niya. Isang may kalakihang bato ang nadaklot niya. Mahigpit niyang hinawakan iyon.
“Bilisan mo!”
Muling dumaklot sa balikat niya ang kamay ng lalaki at itinaas siya. Napahiyaw si Brianna sa sakit dahil bumaon ang mga kuko nito sa hubad na niyang balikat. Kasabay niyon ay ang pagtama ng headlights sa kanila mula sa kanang bahagi ng daan. Sinamantala ni Brianna iyon at inubos ang lakas at inihampas sa mukha ng lalaki ang hawak na bato. Sa natatakot na isip ay umaasang maaaninag ng kung sino mang dumarating ang kalagayan niya.
At kung sino man ang mga iyon ay sana huminto at tulungan siya.
Nabitiwan siya nito at muli siyang bumagsak sa kalsada. Sa pagkakataong iyon ay tumama ang ulo niya sa isang matigas na bagay sa tubigan. Unti-unti ang pagdilim ng paningin niya. She didn’t want to succumb to darkness. She fought it.
She heard voices. Angry voices. Sa nanlalabo niyang kamalayan ay narinig niya ang isang malakas na tinig na nakikipagsabayan sa lakas ng ulan. Then she heard shots. Or was it thunder?
Kung gaano katagal siyang nakalugmok sa tubigang kalsada ay hindi niya alam. Sinisikap niyang manatiling may malay. Kapagkuwa’y naramdaman niyang umangat siya mula sa malamig na tubig sa kalsada. Hindi iyon marahas katulad kanina. Katunayan ay tila nag-iingat ang kung sino mang nag-angat sa kanya na masaktan siya. Sa nanlalabo niyang paningin ay naramdaman niya ang matitipunong bisig na sumakop sa kanya. Muli ay sinikap niyang manlaban. Subalit sa wari ay tinakasan na siya ng lakas niya.
“No!” she screamed in terror.
“Sshh. It’s all right... it’s all right. Ligtas ka na mula sa mga halimaw na iyon...” said the soothing voice.
Hindi niya tiyak kung paniniwalaan niya iyon. Subalit wala na siyang lakas upang manlaban pa. Unti-unti na siyang tinatangay ng karimlan. At bago siya tuluyang nawalan ng malay ay natitigan niya ang mukha ng lalaking may hawak sa kanya. Nakatuon doon ang dalawang headlights ng sasakyan.
Ang isang bahagi ng mukha nito ay natatago ng mahabang buhok na nakaplaster na roon dahil sa ulan. Subalit sa mga mata nitong nakatitig sa kanya natuon ang natitira niyang kamalayan. They were so dark. Kasindilim ng gabing iyon at ng pangyayaring nagaganap sa kanya.