Chapter 3

Months later...

“IT HAS been almost a year, Brie,” wika ni Maricel mula sa kabilang linya, her editor and friend. Sa kabila ng pressure mula sa tinig nito ay naroon din ang simpatya para sa kanya. “Eleven months and four days to be exact. Binabaha na ng mga fan mails mo ang opisina. Even phone calls. At isang taon na ring wala kang lumalabas na artikulo para sa magazine...”

Brianna closed her eyes for a moment. Hindi niya gustong isipin ang nagdaang mga buwan. Months of recovery, physically and emotionally. Nag-init sandali ang sulok ng mga mata niya, kahit hanggang sa mga sandaling iyon pagkalipas ng halos isang taon.

She and Danny were brought to the nearest hospital. Nalaman niyang may malay na ito nang dumating ang mga pulis at ambulansiya. Tumanggi si Danny na manatili sa ospital dahil wala naman itong tinamong pinsala. Si Brianna ay nagkamalay pagdating sa ospital subalit sandali lang. She was hysterical and was sedated. Kinabukasan na ng hapon siya nagising. Ang unang nabungaran ng mga mata niya ay isang lalaking hindi niya kilala.

Nagpakilala itong isang detective. Si Tony Almendras. Isa ito sa dalawang lalaking tumulong sa kanila ni Danny. May mga tanong ito at sinagot niya ayon sa kanyang makakaya.

Sa loob ng ilang araw na nasa ospital siya ay hindi niya nakita si Danny. He wasn’t answering his cell phone. And Brianna was so worried. Hindi rin daw ito pumapasok sa opisina ayon sa mga kaopisina niyang dumalaw. Nag-file ito ng leave nang dalawang linggo.

Dumating si Danny sa bahay nila dalawang araw pagkatapos niyang ma-discharge. Ganoon na lamang ang galak niya at niyakap niya agad ito sa may pinto pa lang. But Danny was detached.

He looked shocked. At namumula ang mga mata. He was so sorry that it happened to her... to them. Na wala man lang itong nagawa para sa kanya. “It wasn’t your fault,” she remembered telling him in a hoarse voice. “Hindi sila nagtagumpay dahil may dumating na saklolo...”

Iyon ang totoo. Wala naman itong kasalanan sa nangyari. Biktima rin ito bagaman hindi naman nasaktan maliban sa nasuntok ito sa sikmura dahil ang interes ng mga lalaking iyon ay nasa kanya naman at wala kay Danny. Nang malugmok at mawalan ng malay si Danny ay wala na rito ang interes ng mga lalaki.

Danny did not even hold her hands. Ni hindi ito naupo sa malapit sa kanya. Tila ito tulala at nakatitig lang. Nauunawaan niya ito dahil trauma sa kanila ang nangyari. Ang hindi niya maunawaan ay ang kasunod nitong sinabi.

“May... may nais akong sabihin sa iyo, Brie...”

“T-tungkol saan?”

May ilang beses itong lumunok bago nagpatuloy. “Hindi na... matutuloy ang kasal natin.”

“What?” manghang sabi niya. “Bakit? Ano ang dahilan?”

Umiling ito. “Hindi ko kayang ipaliwanag sa iyo ang dahilan. Subalit tinatapos ko na ang relasyon natin. I am sorry...”

“H-hindi ka ba nagbibiro lang?” Gusto na niyang maiyak. Gusto nang mamanhid ng katawan niya subalit pinigil niya ang damdamin.

Tumayo si Danny. Gusto niya itong takbuhin at yakapin. But she held herself. Her pride wouldn’t allow it. “Ihingi mo na rin ako ng paumanhin sa Ate Melanie mo.” Tumalikod na ito patungo sa pinto at tuluy-tuloy nang lumabas.

Sa mahabang sandali ay nanatili siyang nakaupo roon at nakatitig sa pintong nilabasan nito. Pain sliced through her. Bakit sinabi ni Danny iyon? Hindi ba at dapat ay magdamayan sila sa nangyari? Hindi ba siya ang higit na napinsala sa nangyaring iyon?

Bakit nito nagawang makipagtalusira sa kanya sa panahong kailangan niya ito?

“Brie...” ani Maricel mula sa kabilang dulo ng linya.

Ibinalik niya ang pansin sa kausap sa telepono. And before she could form any answer, muling nagsalita si Maricel.

“I really hate to say this, pero bumababa ang benta ng magazine nitong nakalipas na tatlong buwan. Kaliwa’t kanan ang nagsusulputang halos kaparehong magazine. At may mga ilang nagsisikap na gayahin ang column mo. And they’re picking up sales. Alam naman nating lahat na isa ang artikulo mo sa dahilan kung bakit nabibili ang magazine. And I am being pressured by the boss.”

She cleared her throat. “Cel, nitong nakalipas na ilang buwan, sa maniwala ka o hindi, I’ve been living literally in front of my computer,” she said defensively, iyon ay kung wala siya sa gym na rekomendado ni Tony para sa pag-aaral ng martial arts.

Actually, it was Tony who gave her the idea. Para na rin sa kanya at nagsisilbing therapy. Physically and emotionally. She was still nursing her broken heart. Ayon kay Maricel ay may bagong girlfriend na si Danny, isa sa mga empleyado sa editorial. Na makalipas lamang ang dalawang buwan ay balik ito sa pagiging chickboy. Nasaktan siya sa balitang iyon. Tinulungan niya ang sariling makalimot. Four months ago, nag-enroll siya sa isang martial arts na school na rekomendado ni Tony. At malaki ang naging progress niya, naitumba na niyang minsan ang instructor niya. O siguro dahil kompiyansa itong babae siya.

Nang sabihin niya kay Tony na gusto niyang bumili ng maliit na baril ay tinulungan siya nito. She bought a small gun. Pinaturuan siya ni Tony sa isang shooting range kung paano gamitin iyon. Tatlong araw lang siya sa shooting range. Hindi niya kailangang maging sharpshooter para gamitin ang baril.

Muling nagsalita si Maricel. “If that is so, then there’s no reason for you not being able to submit—”

“Walang ideyang lumalabas mula sa isip ko. Blangko. Ako man sa sarili ko ay nagsimula nang mabahala.”

“Have you been to a shrink?” It was half-suggestion, half-question. "Baka makatulong. Brie, hindi naman lahat ng nagpapatingin sa psychiat—”

“Oh, I know that,” agad niyang sagot na pumutol sa salita nito. "Hindi ako nag-iisip nang ganyan. It’s just that...” Her voice trailed off. Hindi niya masabi sa kaibigang may nararamdaman pa rin siyang takot tuwing lumalabas siya ng bahay. Na hindi niya maalis mula nang mangyari ang gabing iyon na muntik na siyang mapahamak sa kabila ng may kaalaman na siya sa self-defense.

She wanted to interview people. Subalit namamahay pa rin sa dibdib niya ang takot at kaba. She was always wary of people, men mostly. Which was crazy, dahil hindi naman siya lumalakad na hindi kasama si Mara, si Conching, o di kaya ay si Melanie na itinuturing na rin niyang pangalawang ina bagaman labindalawang taon lamang ang tanda nito sa kanya.

She sighed. Hindi man niya naisin, muli na namang gumuhit sa isip niya ang nangyari sa kanya. Dalawang lalaki ang tumulong sa kanya nang gabing iyon. Kung hindi dahil sa mga ito ay malamang na kasama na siya sa statistics ng mga raped and murdered victims. Nang magisnan niya si Tony nang magkamalay siya ay natiyak niyang hindi sa mga bisig nito siya nawalan ng malay. Hindi niya kailanman malilimutan ang maiitim na mga mata ng lalaking nakita niya bago siya mawalan ng ulirat. At ang galit na nasa mga mata ng estranghero ay nagpasindak lalo sa kanya.

Napag-alaman niya ring nabaril ang dalawa sa tatlong lalaking sakay ng owner-type jeep dahil nagtangkang manlaban. Ang isa ay namatay noon din habang ang isa ay nadala pa sa ospital subalit namatay rin pagkaraan ng dalawang oras. Ang isang kasama ng mga ito ay nasa kulungan na. Ayon kay Tony, ang homicide detective, namatay ang lalaking siyang may hawak sa kanya noon din mismo.

Tony wouldn’t give any details. She had identified the three of them, dahilan upang tuluyan nang madala ang natirang buhay sa kulungan. Napag-alaman niya ring may mga records ng kung anu-anong krimen ang mga lalaki sa ibang lugar.

Natatandaan ni Brianna na tinanong niya ang detective kung nasaan ang kasama nitong nagligtas sa kanya dahil gusto niya itong pasalamatan nang personal.

“Umuwi na sa kanila ang kaibigan ko, Miss Nobleza...” the detective had said.

Nakadama siya ng disappointment sa sinabi nito. Hindi na siya muli pang nag-usisa. Gayunman, dahil sa kaso ay hindi miminsang nagkikita sila ng detective at sa papaano man ay naging magkaibigan. At dahil hindi naman nito binabanggit ang kasama nito nang gabing iyon ay hindi na rin naman siya nagtanong.

“Hey, Brianna, are you still there?” untag ni Maricel sa kabilang linya.

Tumango siya kahit hindi iyon nakikita ng kaibigan. “Yeah.”

“All right, sa iyo ko ibibigay ang assignment na ito—”

“What assignment?”

“I want you to go to Sagada—”

“Sagada?”

Sagada.

Sagada. Paulit-ulit sa isip niya ang pangalan ng municipality sa Mountain Province. Nag-uunahan ang sari-saring damdamin sa dibdib niya. Hindi niya alam kung alin doon ang uunahing maramdaman.

She cleared her throat. “Maricel, please... h-hindi ko pa yata kayang magbiyaheng mag-isa. Alam mong lumalabas lang ako ng bahay kapag kasama ko si Ate Melanie o di kaya ay si Mara...” At ang pinakamalayong lugar na pinuntahan niya magmula nang mangyari ang muntik na niyang pagkapahamak ay Tagaytay.

That was last month. Mag-isa lang siya. Sinadya niyang gawin iyon upang ibalik sa normal ang buhay niya. Nanatili siya sa isa sa mga lodges doon ng dalawang gabi at dalawang araw at bagaman nakita na niya ng ilang ulit ang Tagaytay ay pinasyalan pa rin niya ang mga dating pasyalan.

At aaminin niya sa sariling hindi naging madali ang ginawa niya. Hindi magaan na kalaban ang sarili at takot. But then, it was daytime, at kapag malapit nang humapon ay agad siyang nagbabalik sa lodge. She ignored men who were trying to get her attention. She stayed mostly sa mga pampublikong lugar at doon sa may mga tao sa paligid. At nalampasan niya rin ang ano mang takot at panic sa dibdib niya habang nagmamaneho siya. Ang takot karaniwan na ay nangingibabaw kapag inaabot siya ng hapon sa daan at nagsisimulang umulan.

Melanie suggested that she went to Baguio next. For a week. She even thought it was a bright idea. Hindi siya papayag na mabilanggo sa sariling takot, na kontrolin ng masamang pangyayari ang buhay niya. Kailangang ibalik niya sa normal ang buhay niya.

Narinig niya ang buntong-hininga na pinakawalan ni Maricel. “Pareho tayong mawawalan ng trabaho, Brie, kapag hindi ka pa nakapag-submit ng artikulo hanggang sa susunod na buwan. Go to Sagada, isama mo si Mara, ang katulong mong si Conching, o di kaya ay si Melanie, if that would make you feel safe. Natitiyak kong hindi tatanggi si Melanie na samahan ka. All-expense paid. Hindi sa hindi ako nakikisimpatya sa nararamdaman mo. Pero mahabang panahon na ang lumipas at kinausap na ako ni Boss kanina. Kailangan kitang puwersahing lumabas sa lungga mo.”

“Ano ang gagawin ko sa Sagada?” Sunud-sunod ang kabog ng dibdib niya, mas sa damdaming hindi iba sa kanya ang lugar na binanggit. “I’ve never been there.”

That was a lie. Kung kasinungalingan mang matatawag iyon. She and her father left Sagada when she was almost seven years old and never came back. Nakamatayan na ng Daddy niya ang bagay na iyon. Gayunman, sa kabila ng kanyang kabataan nang iwan nila ang Sagada, may ilang malalabong memoryang hindi kayang burahin ng panahon. Paminsan-minsan ay gumuguhit sa alaala niya ang anyo ng isang babae. Natitiyak niyang ang mommy niya iyon.

“Then this is your chance to see the place. It’s picturesque, with all those hanging coffins and caves and—”

“Ano ang meron sa Sagada, Cel?” putol niya sa sinasabi nito.

“I want you to interview Shaun Morgan Llantero.”

It only took seconds for her to recognize the name. “The Shaun Llantero?” she exclaimed. Both fear and excitement suddenly ran her veins. Sa dalawang magkaibang dahilan. “The famous Fil-Am pianist?”

“The one and only,” ani Maricel. “Nasa rurok siya ng tagumpay bilang mahusay na pianista nang mamatay ang asawa niya. Pagkatapos ng huling concert niya bago nangyari ang trahedya sa pamilya ay hindi na muling nagpakita si Shaun Llantero.”

“And you think he’s in Sagada?” She was incredulous. Of all places. Hindi niya malaman kung matutuwa o kakabahan. Sagada was the last place she expected on her next assignment. But maybe this is the right time.

“Hindi siento por sientong sigurado ang tipster ko kung sa Sagada nga ito nakatira. Maaaring sa Bontoc o sa Banaue. Pero sa Sagada daw niya ito dalawang beses na nakita. So chances are, doon nakatira si Shaun Llantero. Nang huling makita niya ito-which was a couple of weeks ago-sa isang orange farm, he took pictures of him. Nahuli siya nito. Inagaw ang camera niya at kinuha ang film.”

“Hindi ka siguradong sa Sagada nga nakatira ang pinai-interview mo pero doon mo ako pinapupunta?” Magkahalong iritasyon at disbelief ang nasa tinig niya. Plus the excitement that she refused to recognize. Na magkakaroon siya ng dahilan upang magtungo sa Sagada.

“Hindi pa pumapalya ang gut instinct ko, Brie,” pagdiriin ni Maricel. “Kung makakakuha ka ng larawan at interview mula sa sikat na pianistang ito, gaano man kaiksi, ay makakabawi ang magazine sa tatlong buwang bagsak na sales. The boss promised double pay considering it would be your first come back article. We will have Shaun Llantero on our cover.”

Nahihimigan ni Brianna ang excitement sa tinig ng kaibigan. Bakit nga ba hindi? The upper and middle class would surely grab copies if it was the great Llantero on the cover. The magazine would certainly sell like hotcakes.

“Sabihin mo lang sa akin kung kailangan mo ng photographer at magpapadala ako.”

“No. No. I can take care of that...” Madali na para sa kanyang kumuha ng larawan. Iyon ay kung makakakuha siya.

May ilang segundong nanatili siyang tahimik. Ang isip niya ay sumasaglit sa mga hindi-nabubuksang sulat sa silid ng daddy niya. Marahil ay pagkakataon na rin niya iyong muling lumabas. At hindi ba at nag-iisip na siyang bumiyahe patungong Baguio ano mang araw? If she survived going to Sagada then at least, her life was more or less back to normal.

Magiging ganoon nga kaya? O baka tuluyang baguhin nito ang buong buhay niya? Babalik siya sa kauna-unahang pagkakataon sa baryong iniwan ng daddy niya makalipas ang halos labimpitong taon. Ano ang matutuklasan niya roon? Ano ang dahilan at hindi na nagbalik pa ang daddy niya sa bayan nito?

Samut-sari ang damdaming lumulukob sa dibdib niya. Hindi siya nakatitiyak kung kakayanin niyang bumiyahe sa hindi-pamilyar na lugar at halos tatlong doble ang layo sa Baguio. At the same time, she was so excited. Ang ma-interview ang recluse na si Shaun Llantero ay isang pagkakataon. Kahit noong hindi pa nawawala sa limelight ang kilalang pianist ay bihira itong humarap sa camera; mabibilang sa limang daliri ang pinahintulutan nitong interview. At karaniwan nang pinagbibigyan nito ay ang mga kilalang television anchors.

Kahit ang kumuha ng ticket sa concert nito sa PICC ay pahirapan. Ilang araw pa lang ng announcement ng concert nito ay ubos na agad ang tickets. Pawang mga taga-alta sosyedad ang karamihan sa mga tagahanga nito. She had seen him once on television, years ago, replay ng concert nito. Hindi lamang ito napakahusay sa piano at sa musika nito, but the man himself was a demigod! Nakasuot ito ng coat subalit nakapantalong maong at rubber shoes. His long hair tied at his nape. At hindi miminsang nakunan ng camera ang audience. They were both awed and mesmerized.

Mula nang mapanood niya ito sa television ay hindi na niya mapigilan ang sariling maghanap ng larawan nito mula sa mga magazine nila at sa magazine ng ibang publikasyon. But there was nothing.

“Ipapadala ko sa pamamagitan ng bank account mo ang gagastusin mo sa pagtungo sa Sagada, Brie,” putol ni Maricel sa daloy ng isip niya. “For two. Bahala ka kung sino ang isasama mo. Mag-uutos ako bukas ng magpapadala sa iyo through LBC ng mga ilang detalye tungkol kay Llantero. Don’t fail me now, Brie. Mahirap maghanap ng trabaho sa panahong ito.” Naroon ang pakiusap at babala sa tinig ng kaibigan. Pagkatapos ay ibinaba na nito ang telepono.