Chapter 13

IKINUWENTO ni Brianna sa tiyuhin ang lahat ng nangyari. Napatayo ito mula sa kinauupuan at nagpalakad-lakad sa veranda habang nakikinig. “Ang ex-fiancé ko ay nawalan ng malay,” tinapos niya ang kuwento sa bahaging iyon.

“Mabuti na lang at hindi ka napahamak!”

“Nagpapasalamat ako sa pagdating ni Tony at ng kasama niya. Kung hindi ay baka kung ano na ang nangyari sa akin. Malamang na kabilang na ako sa statistics ng raped and murdered cases.”

“Tony?”

“Oh, isa siyang pulis. Nagkataong nagroronda sila sa lugar na iyon kasama ng kaibigan niya.”

Vince frowned. “Si Shaun ay may kaibigang pulis... detective actually. Sa imbitasyon na rin ni Shaun ay taon-taong nagbabakasyon dito sa Sagada si Tony kasama ng pamilya. At kung hindi ako nagkakamali ay taga-Laguna si Tony. Tagaroon din ang napangasawa. Hindi kaya ang tinutukoy ko at ang nagligtas sa iyo ay iisa?”

Nagkatinginan sina Brianna at Melanie. “Baka magkapangalan lang,” ani Melanie.

“Kailan nangyari ang muntik mo nang pagkapahamak na ito?” muling tanong ni Vince.

“It happened mid-October last year, Uncle Vince. Mag-iisang taon na...” She shook her head silently. Kung maaari ay hindi na niya gustong isipin ang bagay na iyon.

Sandaling nag-isip si Vince, kapagkuwa’y, “Tama ang haka-haka ko. Lumuwas ng Maynila si Shaun sometime in October last year upang makipagkita sa kaibigan niyang detective at upang kumustahin na rin ang tungkol sa kaso ng kanyang asawa. Nanatili si Shaun sa Laguna sa loob ng dalawang linggo.” Lumalim ang kunot ng noo nito. “Natitiyak kong si Tony Almendras ang tinutukoy mo. Ang hindi ko lang alam ay kung magkasama sila ni Shaun noong gabing sinasabi mo...”

“Iyan nga ang apelyido ni Tony!” bulalas ni Brianna. Isang pares ng maiitim na mga mata ang gumuhit sa balintataw niya. Napahugot siya ng hininga as realization dawned on her. “Si Shaun ang kasama ni Tony nang gabing iyon...” she whispered. “Sa mga bisig niya ako nawalan ng malay. Hindi ko na siya muling nakita pa hanggang nitong nagtungo kami rito.”

“Small world,” komento ni Melanie.

“Hindi man lang nakarating dito ang balita tungkol sa muntik mo nang pagkapahamak, Brie,” may panlulumong sabi nito. “Disin sana’y nadamayan ka namin.”

“Hanggang maaari ay sinikap namin ni Ate Melanie na huwag nang pagpiyestahan ng media ang nangyari, Uncle Vince. Huwag mo nang alalahanin ang bagay na iyon. Thanks to Tony and Shaun, hindi ako napahamak.”

Sapilitang tumango si Vince. “You’re one lucky young lady, Brie. Hindi naging ganoon ang nangyari sa asawa ni Shaun.”

“Ano ba talaga ang nangyari, Uncle Vince? Ang ulat na nakalap ko mula sa mga clippings ay hindi nakalabas sa nasusunog na cottage si Tricia Llantero na siyang sanhi ng pagkamatay nito. Was it arson? Aksidente ba?”

“Nang dumating si Shaun mula sa Maynila nang araw na iyon ng Oktobre ay dito siya dumiretso sa halip na sa lodge. Hindi ko kayang ipaliwanag ang anyo niya nang araw na iyon. Dinatnan ko siya sa mismong bahaging ito ng bahay. Nakaupo riyan, nakasandal sa barandilya...” Itinuro nito ang mahabang bangko na yari sa pinewood. “He looked beat and tired and something else. Binati ko siya. Ang tagal bago siya sumagot. Ang unang lumabas sa bibig niya ay: ’Nahuli at napatay ang dalawa sa tatlong lalaking lumapastangan sa aking asawa at sumunog sa cottage—”

“Lumapastangan!” gulat na agap niya sa sinasabi ng tiyuhin. “Ano ang ibig mong sabihin? Was Shaun’s wife raped?” She was horrified. Nilinga niya si Melanie na namangha rin.

“Sa loob ng halos tatlong taong pagkakaibigan namin ni Shaun ay iyon ang kauna-unahang pagkakataong bumanggit siya ng bagay na may kinalaman sa nangyari sa asawa niya. Kahit si Tito Eduardo ay nanatiling tahimik sa kung ano talaga ang nangyari kay Tricia.”

“Ang mga nagtangka ba sa akin ay siya ring may kagagawan sa nangyari sa asawa ni Shaun?” Hindi makapaniwalang tanong ni Brianna.

“Malamang, Brie, kung iyon ang sinabi ni Shaun,” ani Melanie. Sinang-ayunan din ni Vince ang sinabi ni Melanie.

“Pagkatapos ng tatlong taon...” she whispered almost to herself. Nalutas ang kaso dahil sa nangyari sa kanya; dahil nagkataong naroroon sina Shaun at Tony nang gabing iyon. Sa kabila ng nararamdaman niyang kilabot tuwing naaalala ang gabing iyon ay nakadama na rin siya ng tuwa na nang dahil sa pangyayaring iyon ay nalutas ang kaso ng pagkamatay ng asawa ni Shaun.

She looked at her uncle. “What exactly happened to Shaun’s wife, Uncle Vince? Sinabi ba niya sa iyo noong araw na iyong umuwi siya?”

Umiling si Vince. “Tinanong ko siya kung gusto niyang ipakipag-usap sa akin at nakahanda akong makinig. Wala siyang sinabi kundi nagbayad na ang mga pumatay at lumapastangan sa asawa niya. I suspected he didn’t want to talk about it. Kaya hindi na ako nagpilit. Hinayaan ko siya sa pribadong sandaling iyon na nahiga siya riyan.”

Mahabang katahimikan ang namagitan bago nagtanong si Brianna. “Sa palagay mo ba ay mahihikayat kong magpa-interview si Shaun, Uncle Vince?”

“Si Shaun lang ang kayang sumagot sa tanong mo na iyan, Brie. Pero sa sinasabi mong reaksiyon niya kanina ay malamang na mabibigo ka. May ilan nang nagsikap na hanapin si Shaun dito sa Sagada pero pawang nangabigong lahat.”

Brianna pouted in frustration. “I won’t give up.” Pagkasabi niyon ay tumayo siya mula sa pagkakaupo at lumakad papasok sa loob.

“BAKIT ka narito?” sita ni Valerie pagkapasok na pagkapasok niya sa bahay ng biyenan.

Nagdikit ang mga kilay niya sa salubong nito. “May hinahanap akong gamit na hindi ko makita sa lodge. Baka naiwan ko sa silid ni Tricia.”

“Akala ko ba ay mag-uusap kayo ni Vince,” patuloy nito. “Bakit ang sabi ni Mama ay kasama mo si Brianna sa orange farm?”

Tahimik na napaungol si Shaun. “So, magkasama kami ni Brianna. Ano ang problema?”

“Shaun, ito pa lang ang ikatlong araw mula nang makatagpo mo ang anak ni Nathalie pero napapansin ko na kaagad ang atensiyong ibinibigay mo sa kanya.”

“Valerie, maaari ba? Kumikilos ka na para bang accountable ako sa iyo sa lahat ng ginagawa ko,” naiiritang sabi niya. “Isa pa, ano ba ang masama kung binibigyan ko ng atensiyon si Brianna?” Tuluy-tuloy siya sa dining room at binuksan ang refrigerator at kumuha roon ng canned beer. Sumunod sa kanya si Valerie.

“Mula nang mamatay si Tricia ay ngayon lang kita kinakitaang nagkainteres sa isang babae, Shaun.”

Binuksan niya ang beer at dinala sa bibig at lumagok. Pagkatapos ay, “It’s been three years. Maaaring naka-recover na ako sa pagkawala ni Tricia.”

“Pero bakit sa anak ni Nathalie?”

“Bakit hindi?” he countered. “But anyway, for the sake of argument, ano ang problema sa anak ni Nathalie?” Unti-unti na siyang nakadarama ng pagkabagot at iritasyon, gayunma’y patuloy niyang pinagbibigyan si Valerie.

“Narinig mo bang lahat ang ikinuwento ko sa iyo?” anito. “Nathalie was a whore, Shaun! Wala yatang lalaking hindi pinatulan iyon noong nabubuhay pa. Kahit na nakabahag lang!”

Nagtagis ang mga ba ga ng ni Sha un. Kung nakamamatay ang titig na itinuon niya kay Valerie ay bumagsak na ito sa sahig. He took another swig of his beer. “It’s not good to speak ill of the dead, Valerie. And why such animosity? Hindi kayo naging magkaibigan ni Nathalie, you told me so.”

“Wala kang alam sa totoong kuwento!”

“Na pawang tsismis lang.”

“Bakit hindi si Vince ang tanungin mo?”

Kung ano man ang isasagot ni Shaun ay napigil nang mula sa entrada ay lumitaw ang mag-asawang Eduardo at Leticia.

“Ano ba ang pinagtatalunan ninyong dalawa?” tanong ni Eduardo.

Sinulyapan muna ni Valerie si Shaun bago hinarap ang stepfather. “Tulad ng alam ninyo, Tito Eduardo, bumalik na ang anak ni Nathalie...”

Shaun shook his head in frustration. Mariing pinisil ang lata ng beer na nayupi, doon ibinunton ang inis na nadarama.

“At ano ang dapat ninyong pagtalunan doon?” Pinaglipat-lipat ni Eduardo ang tingin kay Shaun at sa stepdaughter. At kung may nakapuna man na sandaling nag-iba ang ekspresyon nito ay walang makapagsabi.

“Mukhang ang manugang ninyo ay naaakit sa anak ni Nathalie at—”

“Valerie, for Pete’s sake, kararating lang noong isang araw ni Brianna!” putol ni Shaun sa sinasabi nito.

“Exactly. At nagpakita ka na kaagad ng kakaibang kilos pagdating sa babaeng iyon mula pa noong ipakilala siya sa iyo. Sinusundan mo ng tingin ang bawat kilos niya at galaw...” Puno ng paninibugho ang tinig nito.

“Tama na nga iyang usapan na iyan,” saway ni Leticia. “Nakita ko siya kaninang tanghali. Hindi siya kasingganda ni Nathalie, but attractive nevertheless. Pero kung ganda ang pag-uusapan ay higit kang maganda, hija,” wika ni Leticia na hinagod ng tingin ang mukha ng anak.

Valerie rolled her eyes. “Don’t patronize me, Mama.”

“Nagsasabi ako ng totoo, Valerie. Hindi dahil anak kita.”

“She’s younger!” ani Valerie at padabog na tumalikod at lumabas ng dining room.

“Pagpaumanhinan mo si Valerie, Shaun,” mahinahong sabi ni Leticia. "Natitiyak kong nagseselos lang ang babaeng iyon.”

Kumunot ang noo ni Shaun sa huling sinabi ni Leticia. “Ano ba ang dapat niyang ipagselos, Tita? Wala—”

Hindi pinatapos ni Leticia ang sinasabi niya. “Una mo siyang nakilala at labis siyang nasaktan nang pakasalan mo si Tricia. And when Tricia died, she was there for you. Dahilan upang iwan siya ng boyfriend niya. At habang lumilipas ang mga araw ay muling nanariwa ang damdamin niya. Umaasa siyang mababaling sa kanya ang pansin mo sa sandaling malimutan mo ang nangyari kay Tricia.” Hinila nito ang upuan sa dining table at naupo, isang buntong-hininga ang pinakawalan.

“Sinisisi ba ninyo ako sa paghihiwalay nila ng boyfriend niya?” Shaun asked incredulously. “Correct me if I am wrong, but Valerie had been changing boyfriends as fast as she changed her underwear!”

“Iyon ay dahil ikaw ang itinatangi niya. At dahil sa iyo kaya nagpirmi rito sa Sagada si Valerie, Shaun. Ipinagpapasalamat ko sa iyo iyon. Sa nakalipas na dalawang taon, naniniwala kami ng papa mo na nahuhulog na ang loob ninyo sa isa’t isa. Tuluyan na niyang nalimutan ang dating kasintahan.” Tinitigan nito si Shaun at wari ay inaarok ang damdamin. “Tatlong taon na ang nakalipas mula nang mamatay si Tricia. Hindi na ninyo kailangang maghintay pa ni Valerie nang matagal.”

“Tita, ano ba ang sinasabi ninyong hindi na namin kailangang maghintay nang matagal?”

“Well, maaari na nating pag-usapan ang tungkol sa inyong kasal...”

“What?” Shaun exclaimed. “For Pete’s sake, pagtinging-kapatid lamang ang turing ko kay Valerie,” he said with conviction.

Nagsalubong ang mga kilay ng nakatatandang babae. Napahawak ito sa dibdib na sa wari ay ikinabigla ang sinabi niya. Nilingon ang asawa na para bang humihingi rito ng kumpirmasyon. Subalit nanatiling tahimik si Eduardo. Ibinalik ni Leticia ang mga mata kay Shaun.

“Pero hindi iyon ang ipinahihiwatig ni Valerie sa amin, Shaun. Magkasama kayong lagi sa lahat ng lakaran. Maliban na lang kapag ikaw ay lumuluwas ng Maynila upang asikasuhin ang kaso sa pagkamatay ni Tricia. Iyon man ay nais niyang kasama mo siya pero tumatanggi ka.”

Sinisikap ni Shaun na huwag mabasa ni Leticia ang pagkabagot at iritasyon sa mukha niya. Itinuturing niya si Valerie bilang kaibigan, noon at ngayon. Ngayon kung sa bahagi ni Valerie ay may iba itong inaasahan mula sa kanilang relasyon ay panahon na marahil upang ituwid at baguhin ang nakasanayang pakikitungo. Katunayan, labis na siyang nababahala sa pagiging clingy nito na hindi niya binigyan ng masamang kahulugan. Until now.

“Kahit kailan ay hindi ko binigyan ng ano mang motibo si Valerie na mag-isip nang ganyan, Tita Leticia. Kung paanong magkaibigan kami noong nasa kolehiyo pa siya ay iyon pa rin ang damdamin ko sa kanya.”

Gumuhit ang kalituhan sa mukha ng matandang babae. Pinaglipat-lipat nito ang paningin sa asawa at sa manugang. “Narinig mo iyon, Eduardo?”

Huminga nang malalim ang matandang lalaki. “Leticia, baka naman nga binigyan lamang ni Valerie ng ibang kahulugan ang palakaibigang trato sa kanya ni Shaun.”

Tila natalo sa sugal na namanhik si Leticia sa kanya. “Nag... naghintay ng mahabang panahon si Valerie sa iyo, Shaun. Labis siyang umaasang isa sa mga araw na ito ay magpapakasal kayo. Sasaktan mo siya...”

“Tita Leticia, please. I never promised Valerie anything. Alam niya iyan.”

Leticia shook her head in disbelief and confusion. Hindi agad makaapuhap nang tamang sasabihin. Inihagis ni Shaun ang nayuping lata ng beer sa waste bin. Napaisip siya sa sinabi ni Leticia. Nagbigay ba siya ng maling pag-asa kay Valerie? No. He didn’t think so. And he wasn’t even attracted to her. Never then. Never now.

“At... at... itong anak ni Nathalie, do... do you find her attractive, Shaun?” Bago pa makasagot si Shaun ay nilingon nito ang asawa. “Nakita ko siya kanina sa orange farm, Eduardo.”

Umiwas ng tingin si Eduardo. “Leticia, tama na nga ang usapang ito.” Kapagkuwa’y tumalikod na ang matandang lalaki.

Naguguluhang sumunod si Leticia sa asawa. Itinaas ni Shaun ang mga kamay sa ere.

“IT IS so beautiful here, Brie,” ani Melanie habang iniikot ng tingin ang kapaligiran. “Everything is lushly green...” Daan-daang mga puno ng kahel ang nakapaligid sa kanila na ang karamihan ay nakatanim sa gilid ng mga bundok.

“Hindi ba at ganito pa rin naman sa Laguna?” ani Brianna na inaabot ang isang kahel mula sa puno.

“Halos mga subdivision na at mga pabrika ang nakapaligid sa atin. Ang nature na lang na matatawag ay kung tutungo ka sa mga hot springs at resorts at kahit ang mga iyon ay na-develop na rin ng mga may-ari. Samantalang dito sa Sagada ay natural lahat ang nakikita mo, tahimik, simple ang buhay. Sa oras na ito ay bahagyang init ang madarama mo. But the night air of the mountains feels wonderfully refreshing. I could live here, you know.”

“Ikatutuwa ni Uncle Vince iyan,” tukso niya habang binabalatan ang kahel. Nakangiting tinitigan niya ito na pinamulahan ng mukha.

“Tama si Brie. Natitiyak kong ikatutuwa ni Vince na nagugustuhan mo rito sa Sagada, Melanie,” came the masculine voice from behind them.

“Shaun!” bulalas ni Brianna na tulad ni Melanie ay nagulat din. Muntik nang bumara sa lalamunan niya ang kinakain. Hindi nila namalayan ang paglapit nito.

“Hello, ladies.”

“Hi, Shaun,” nakangiting ganting bati ni Melanie. Tumayo ito mula sa kinauupuang bato. “Goodness, para kang pusa. Hindi man lang namin namalayan ang paglapit mo.”

Brianna was suddenly self-conscious. Pinunasan ng likod ng kamay ang bibig. Gayon man patuloy siya sa pagkain ng orange na pinitas mula sa puno. Kung ang pagbabasehan ay ang paraan ng paghihiwalay nila nitong nakaraan lang ay umaasa siyang nagagalit pa rin ito sa kanya. Subalit sa wari ay nalimutan na ni Shaun iyon. Nilingon siya nito at ngumiti. Muntik nang bumara sa lalamunan niya ang kinakaing kahel. Napaubo siya nang wala sa oras.

Shaun chuckled softly. She put up a straight face. Muli niyang hinarap ang puno at kunwa’y inabala ang sarili sa pagpitas ng kahel.

“Paano ninyong mararamdaman ang paglapit ko gayong abala kayong dalawa? Si Brianna, sa pamimitas ng kahel. Ikaw ay sa paghanga sa buong kapaligiran.” Sinulyapan nito si Brianna. “How are you this morning, Brie?”

“I’m okay, thank you.” Ni hindi niya ito nilingon.

“Tapos na ba ang meeting ninyo sa construction engineer?” tanong ni Melanie at tinanaw ang lodge na hindi naman kalayuan mula sa mismong orange farm. May hinahanap ang mga mata.

“Hindi pa pero kaya na ni Vince iyon.”

Sinamantala ni Brianna ang pag-usap ng dalawa at nilingon si Shaun. Hinagod niya ito ng tingin. The faded jeans he wore hugged all that ripped muscle. Sa ilalim ng itim nitong jacket ay puting T-shirt and had her picturing corded muscle bulging in his chest. Yaong uring kay sarap damhin at haplusin.

Shaun shifted his attention from Melanie to her. Gusto niyang umiwas ng tingin subalit nahuli na siya nitong nakatutok ang mga mata niya rito. Kung paanong nakatawa ang mga mata nito kay Melanie, pagdating sa kanya ay iba. His gaze was intense. And for the life of her, she couldn’t take her eyes off him. Lalo na nang bumaba ang paningin nito sa mga labi niya. She felt the heat swelling inside her as he stared at her, from her lips to her breasts. Agad na pumasok sa isip ang nangyari sa kanila sa may gilid ng bangin. It brought delicious shivers down her spine.

“Maiwan ko muna kayong dalawa,” ani Melanie na pumutol sa ano mang sexual tension sa pagitan nilang dalawa. “I’m parched. I need a cold drink...”

Gusto niyang pigilan si Melanie pero magmumukha siyang natatakot na mapag-isa kasama si Shaun.

“Inihihingi ko ng paumanhin ang nangyari sa huli nating pag-uusap,” he said.

She shrugged. Lumakad siya patungo sa malaking batong inupuan kanina ni Melanie at hinalinhan ito roon. Bitbit pa rin niya ang isang kahel at patuloy sa ginagawang pagkain doon.

“Para kang bata habang pinagmamasdan kitang namimitas ng orange. Na para bang ngayon ka lang nakakita ng orange.” He was amused.

“Ngayon lang ako nakakita ng mga puno ng kahel. Halos hindi rin naiiba sa puno ng kalamansi,” aniya, muling pinunasan ng likod ng palad ang bibig at ibinaba sa batuhan ang mga balat ng kahel.

“May matataas na puno ng kahel, hindi mo pa lang nakikita.”

“Really?”

“Totoo. Ilan sa mga iyon ay nakatanim sa likod ng ilang mga bahay rito sa Sagada.”

Hindi siya sumagot. Naalala ang pinag-usapan nila ni Vince kahapon. Tumingala siya rito, may ilang beses nagbuntong-hininga. “Bago ko malimutan, gusto kong magpasalamat sa iyo. I never had the chance before...”

Bahagyang nagsalubong ang mga kilay ni Shaun. “Para saan ang pasasalamat?”

Tinitigan niya ang kahel na hawak na para bang nakikita roon ang alaala ng gabing muntik na siyang mapahamak. Kapagkuwa’y nag-angat siya ng paningin dito. “Mid-October last year. In Laguna. Malakas ang ulan at tumirik ang sasakyan ko sa lubak. K-kasama ko ang boyfriend kong si Danny na agad nawalan ng malay dahil sa isang suntok. I was almost kidnapped and raped and probably murdered kung hindi kayo dumating ni Tony.”

He was staring at her as if she had grown horns. Sa ibang pagkakataon ay gusto niyang matawa sa anyo nito. Subalit seryosong titig na titig sa kanya si Shaun. Namamangha. Disbelief on his face.

“Ikaw... ang babaeng iyon?” Finally he had found his voice.

Tumango siya.