Chapter 17

“BINALAK kong sabihin sa iyo ang lahat ikalawang araw mo pa lang dito subalit inawat ako ni Mama. Natatakot siyang baka iwan mo kaming muli.”

“Lola, no. Ipinangako ko sa inyo iyan. Kung uuwi ako sa Laguna, babalik at babalik din ako rito.”

Isang malungkot na ngiti ang pinakawalan ng matandang babae. Si Vince ay lumakad patungo sa bangko na katabi ng inuupuan ni Brianna. Nag-angat ito ng tingin sa loob ng kabahayan. Naroon si Melanie sa may bar. Tinawag ito ni Vince. Atubiling lumapit si Melanie.

“Please sit down, Mel,” anito at itinuro ang mahabang upuang kahoy na kinauupuan ni Brianna. “Gusto kong malaman mo rin ang buong katotohanan. Ikaw ang magpasya kung paniniwalaan mo o hindi. Igagalang ko ang pasya mo gaano man kasakit para sa akin.”

The eyes that gazed at Melanie was troubled. And there was fear, too. Ganoon ba kabigat ang ipagtatapat nito para katakutang baka mangahulugan iyon ng pagtalikod ni Melanie? More than ever, she needed to hear what her uncle had to tell.

Sa narinig ni Brianna na sinabi ng tiyuhin ay natiyak nitong lumalalim ang ano mang namagitan sa dalawa. Walang kibong naupo si Melanie sa tabi ni Brianna at inabot ang kamay nito at hinawakan. May ilang beses humugot ng hininga si Vince bago nagsimulang magsalaysay.

“Pareho kaming estudyante ng daddy mo sa Baguio nang makilala niya ang mommy mo, Brie. Pamangkin ng may-ari ng boardinghouse na tinutuluyan namin si Nathalie. Sa una pa lang ay nakatuon na kay Ismael ang atensiyon niya. Your mother was very beautiful. Walang lalaking hindi maaakit. Sa kabila ng may kasintahan na noon si Ismael ay nagpaakit siya kay Nathalie. Partly, I wanted to blame Ismael. Hindi siya nanindigang maging tapat sa kasintahan niya. Sa isang banda, nauunawaan ko siya. Nathalie was sex personified.”

Napasinghap si Brianna roon. Nag-angat ng mga mata si Vince sa kanya. “You wanted to hear it all…”

She sucked in her breath. Tumango.

“Hindi ko sinasabing mas mabuti akong lalaki kaysa sa kapatid ko. At hindi ko alam kung ano ang gagawin ko kung sa akin natuon ang atensiyon ni Nathalie. But I was more detached. I only smiled at Nathalie indulgently. Pareho kaming may girlfriend ni Ismael noong panahong iyon. Sa bahagi ko, fresh pa ang relasyon at ayokong isapanganib. Si Ismael at ang girlfriend niya ay magkasintahan na sa simula pa lang ng kolehiyo. Alam kong nagsimula na silang mangarap sa kabila ng kabataan.

“At malaking tulong ang alak sa nangyari. For Ismael, it was supposed to be a one-night stand. Pero hindi iyon ang plano ni Nathalie. Gusto niyang makatakas sa tiyahin. Ang isang pagkakataon ay nasundan pa at nasundan pang muli. Hindi ako nagkulang ng paalala kay Ismael na baka matuklasan ng kasintahan niya ang tungkol sa kanila ni Nathalie. I don’t want to speak ill of your mother, Brie, subalit hindi siya ang uring madaling ipagpag ng daddy mo, anuman ang gawin nito.

“Nang umagang iyon ay nahuli sila ng tiyahin ni Nathalie sa mismong silid ni Nathalie. Pinalayas nito si Nathalie. At dahil walang mapuntahang iba ay sumama si Nathalie sa daddy mo nang umuwi ito sa Sagada sa kabila ng pagtutol ni Ismael. Ipinakilala ni Nathalie ang sarili niya sa mga magulang naming. And then behind Ismael’s back, kinausap niya si Papa at sinabing nagdadalang-tao siya at kailangang pakasalan siya ni Ismael.

“Malaking pagtatalo ang nangyari sa pagitan ni Papa at ni Ismael nang araw na iutos ni Papa na pakasalan ng daddy mo si Nathalie. Ismael was young, jobless, walang salapi, at kahit paano ay nag-aalala kung puputulin ni Papa ang anumang financial help para sa kanya. Your father married your mother. And Ismael’s girlfriend killed herself...”

“Oh!” bulalas niya. Si Melanie ay napahugot ng hininga.

“Sa Baguio nanirahan ang mga magulang mo dahil tatlong semester pa bago magtapos si Ismael. Umupa sila ng maliit na apartment. Doon ka rin ipinanganak, Brie, hanggang sa maglimang taon ka at lumipat kayo sa Sagada dahil na rin kay Mama. Hindi gusto ni Nathalie rito sa Sagada. Lalong hindi niya gusto ang bahay ninyo. Sa mas maraming pagkakataon ay nasa Baguio si Ismael dahil sa trabaho nito....” He paused and stared at Brianna “Sa kabila ng lahat ay gusto kong sabihin sa iyong hindi nagkulang sa iyo si Nathalie. She’d been a good mother to you, Brie, and she loved you. Sa bagay na iyon ay wala kaming masabi kay Nathalie.”

“But?” she prompted.

“Rumors started to spread. Na pinatulan ng mommy mo si ganito at si ganoong tao. Wala naman talagang makapagpatunay. Subalit walang usok kung walang apoy. That was when Ismael decided to come home and stay here. Tinulungan niya kami ni Papa sa negosyo ng pamilya—ang palayan at ilang negosyo sa poblacion. Subalit hindi pa rin masaya si Nathalie. Your father wasn’t in love with your mother. Hindi kalabisang sabihing kinasusuklaman ni Ismael si Nathalie.

And he blamed himself for his girlfriend’s death. “And Nathalie wanted nothing but for your father to love her, she once told me that. Hanggang sa ang lahat ay nauwi sa pagkabagot ni Nathalie. Subalit hindi natuturuan ang puso, Brie. May palagay ako na mula nang maipanganak ka ay hindi na tinugunan pa ni Ismael ang pangangailang seksuwal ni Nathalie. Kung mayroon mang pag-ibig sa puso ni Ismael ay namatay iyon kasama ng girlfriend niya. But both your parents loved you. Hindi ka nila pinagkaitan ng pagmamahal...”

“How did you become involved with Nathalie? Si Lolo? Ang father-in-law ni Shaun?”

“I’d getting to that,” he said with a heavy sigh. “Nagsimulang naging malapit sa akin si Nathalie. Ipinatatawag ako sa bahay nila ni Ismael dahil may ipapaayos na ganito at ganoon. Kung hindi naman ay nagpapasama ito sa kung saan-saan na lang at iniiwan ka sa mga lolo at lola mo. Minsan ay sa Banaue. I couldn’t say no to your mother, Brie. May mga hindi maipagkakailang dahilan siya.

“At walang pakialam si Ismael. At nagsimula nang kumalat ang bulung-bulungan sa mga tagaroong nakakakita sa amin. Kinausap ko si Nathalie na tigilan na niyang ayain ako sa mga pinupuntahan niya. Minsan ay ipinatawag niya ako sa kanila upang ayusin ang bintana sa silid nilang mag-asawa. Ayon sa kanya ay pumapasok ang ulan at mabubulok ang bintana...”

“BAKIT hindi mo kay Ismael ipaayos ang bintanang ito, Nathalie?” tanong niya habang minamartilyo ang isang bahagi ng aluminum na kinakapitan ng salamin.

“Hindi mo pa ba alam ang sagot diyan sa tanong mo, Vince?” she said shaking her head. “Sinasadya kong maging malapit sa kung kani-kanino para lang pagselosin si Ismael pero manhid ang kapatid mong iyon.”

“Baka maling paraan ang ginagawa mo, Nathalie. Kung ang tsismis sa iyo ang pagbabasehan ay lalo mong inilalayo sa iyo si Ismael...”

But to his surprise, mula sa likod niya ay yumakap si Nathalie. “Bakit hindi natin totohanin ang ibinibintang ng lahat, Vince?” Hinila siya nito at nawalan siya ng panimbang. Nabitiwan niya ang martilyo at bumagsak siya sa kama at napadapa siya kay Nathalie.

Nathalie screamed. Siguro dahil nasaktan ito. He was a big man. Bigla siyang bumangon at hinarap ito. Kumapit sa leeg niya si Nathalie at nag-akma siyang hagkan ako. Sa mismong eksenang iyon ay lumitaw sa pinto ng silid si Ismael. Natanto ni Vince na sinadya ni Nathalie ang pagtili. Natanaw marahil nito sa bintana ang pagdating ni Ismael.

Walang emosyong nakatitig ito sa kanilang dalawa. Si Nathalie ay hindi man lang nag-abalang takpan ang nalilis na damit nito hanggang sa may panties.

“Get out of my house, Vince...” Ismael commanded in a very cold voice.

“Ismael—”

“Get out!”

“Hindi mo man lang ba gustong marinig ang sasabihin——”

“Sa huling pagkakataon, umalis ka sa pamamahay ko!”

“HINDI na ako muli pang kinausap ni Ismael magmula nang araw na iyon. Kahit na anong gawin kong paliwanag ay hindi siya nakikinig.” Sinulyapan nito si Melanie, nasa mga mata ang pakiusap na sana’y paniwalaan ito. “Sa ano mang paraan ay naiintindihan ko si Ismael... naiintindihan ko ang damdamin niya. Marami nang hindi magagandang balita ang nakakarating sa kanya tungkol kay Nathalie. At ang madatnan niya kami ng asawa niya sa ganoong ayos ay isang malaking kataksilan sa bahagi ko… sarili niyang kapatid.”

“Hindi ka ba man lang kinausap ni Daddy?” Brianna asked wearily.

Vince shook his head. “Short of murdering your father, I tried everything for him to listen to me.”

“Ang tungkol naman kay Lolo?” Hindi niya alam ang iisipin. May mga alaala ng mommy niya ang pumapasok sa isip niya. Loving her. Parang hindi niya maiugnay ang mapagmahal na ina sa babaeng ikinukuwento ni Vince. It was as if her mother had a dual personality.

Sinulyapan ni Vince ang ina na nanatiling tahimik. “May sakit si Mama nang araw na iyon at nanatiling nasa silid. Dumating si Nathalie upang dalhan ito ng pagkain na ayon dito ay niluto nito para sa biyenan. Bumaba si Nathalie pagkatapos dalhin sa itaas ang pagkaing dala para kay Mama...” Muling sinulyapan ni Vince ang ina. “Kung ano man ang nangyari ay hindi namin alam. Ang kuwento ni Papa at ni Manang Maura ay magkatugma. Paalis na si Nathalie nang bigla itong mahilo at natumba. Parehong dinaluhan ito ni Papa at ni Manang Maura. Binuhat ni Papa si Nathalie at dinala sa silid sa ibaba.

“Iyon naman ang pagkakataong narinig ni Maura na tumatawag si Mama mula sa itaas at iniwan nito si Papa at si Nathalie…” Sinulyapan nito ang ina.

“Gusto kong kainin ang dalang ginatan ni Nathalie,” ani Rosa. “But there was no spoon. Kaya tinawag ko si Maura.” Isang kay bigat na buntong-hininga ang pinakawalan nito. “Kutsara lang ang dahilan upang mangyari ang lahat ng iyon. Kung hindi ko ninais na tikman ang dala ng mommy mo ay hindi marahil magagawa ni Nathalie ang binalak niyang mangyari sa sandaling iyon.”

“Ayon kay Papa ay ibinababa niya sa kama si Nathalie subalit nanatiling nakakapit ito sa leeg ni Papa. Papa said she wouldn’t let go...”

“Huwag mo akong iwan...” pakiusap ni Nathalie.

“N-Nathalie...”

“Nalulungkot ako, Papa. Nalulungkot ako...” Mula sa pagkakahiga ay tumayo si Nathalie at hinagkan si Ariston.

Ariston was stunned. Ang manugang ay nakasuot ng wraparound at nakahantad ang buong mga balikat at dibdib. Isang hawi lang sa damit nito ay ang katawan na ni Nathalie.

“Wala akong suot na pang-ilalim, Ariston...” she murmured in his lips.

“Nathalie, please. Hindi tama ang ginagawa mong ito...” Pilit nitong inaalis sa leeg ang mga kamay ng manugang. Nathalie kissed him. Ariston gasped. Sinisikap na labanan ang tawag ng laman.

Hinawi ni Nathalie ang suot ng wraparound at idinikit ang hubad na katawan dito. Nagpatangay sa tukso si Ariston at nanginginig na hinagkan si Nathalie. Ni hindi nito namalayang bumagsak na ang suot nitong wraparound sa sahig. Nagulat pa ito nang hawakan ni Nathalie ang mga kamay nito at dalhin sa hubad nitong dibdib. Kapagkuwa’y kumawala ito sa pagkakayakap kay Ariston at lumakad patungo sa pinto na ang intensiyon ay upang isara iyon. It was then that she saw Ismael. Hubad ang asawa at nasa loob ng silid ang ama.

NAKABIBINGING katahimikan ang namagitan. Ang tanging maririnig ay ang awitan ng mga ibon sa mga puno sa gilid ng bahay. Isang hikbi ang bumasag sa katahimikang iyon, si Rosa.

Umangat ang luhaang mga mata ni Rosa kay Brianna. “Sumumpa ang lolo mo sa huling sandali ng kanyang buhay na iyon ang buong katotohanan. Tumutugma ang oras na sinabi ni Maura. Ang tanging pagkakamali niya ay nagpatangay siya sandali. Natukso. Hindi miminsang inihihingi niya iyon ng tawad sa akin. Inihingi niya iyon ng tawad sa daddy mo subalit hindi siya pinakinggan ni Ismael.

“Nang tanungin ko ang lolo mo kung paano at hindi dumating si Ismael, sinabi niyang nang kumawala si Nathalie sa kanya ay tila siya nagising mula sa pagkakahimbing. Na hindi niya magagawang tuluyang magpadaig sa tukso ng laman at sirain ang dignidad niya... sa sarili at sa mismong pamamahay namin.

“At pinaniwalaan ko ang lolo mo, Brie. Pinaniwalaan ko siya. Iyon marahil ang isa pang dahilan ng galit ni Ismael. Pilit kong ipinagtatanggol sa kanya ang papa niya. Nakita ko ang mga mata niya habang nakatitig sa akin. Na para bang hindi niya mapaniwalaang binubulag ko ang sarili ko. Subalit hindi kailanman dinumihan ng lolo mo ang higaan naming mag-asawa sa maraming taon ng aming pagsasama. Ang nangyayari ay isang minsang pagsalakay ng kahinaan. Nauunawaan ko iyon. Kasama akong nakiusap kay Ismael na pakinggan kami.

“Si Nathalie ay nanatiling hindi kumikibo. Sa wari ay sadya nitong gustong magkagalit-galit ang buong pamilya. Ang daddy mo ay may sama na ng loob sa lolo dahil ito mismo ang nagpilit na pakasalan ni Ismael si Nathalie... na wala itong aasahang tulong mula sa kanya kung hindi nito pananagutan ang ipinagdadalang-tao ni Nathalie. Na nagpangyari upang magpakamatay ang kasintahan ni Ismael…”

“Kung mayroon mang mabuting pangyayari sa pagsasama ng daddy at mommy mo ay ikaw iyon, Brianna.” Isang ngiti ang nagnanais na sumilay sa mga labi nito.

“Am I even my father ’s daughter?” Puno ng insekyuridad ang tinig niya.

“Oh, don’t ever doubt it, apo,” patuloy ni Rosa. “Ikaw ang babaeng version ng grandfather mo. Maaari mong tingnan ang album mamaya.”

Vince cleared his throat. “Dalawang araw makalipas ang pangyayaring iyon ay natagpuan ang katawan ni Nathalie sa ibaba ng bangin di-kalayuan sa bahay ninyo. Ikaw, Brie...” Umangat ang mga mata nito sa pamangkin “ang nagturo sa daddy mo sa kinaroroonan ng mommy mo. Natagpuan ka ng daddy mo na nakadapa at nakatunghay sa bangin... umiiyak at tinatawag si Nathalie.

“Noong una’y takot na takot ang daddy mo dahil inisip niyang anumang sandali ay mahuhulog ka. Halos hindi humihinga si Ismael nang lapitan ka niya at yakapin. Umiiyak na itinuturo mo ang bangin sa daddy mo… na naroroon ang mommy mo. Iyon ang sinabi ni Ismael sa mga nag-imbestigang mga pulis.”

Napahugot ng hininga si Brianna. Ipinaliliwanag ng sinabi ng tiyuhin ang dahilan kung bakit ganoon na lamang ang lungkot niya nang tunguhin niya ang bahaging iyon ng bangin. Kung bakit naroroon ang galit. Sinisikap niyang alalahanin ang panahong iyon. Subalit mailap ang alaala.

“Ismael left after Nathalie’s funeral. Dinala ka niya at alam mo na ang kasunod na pangyayari...”

“Sino ang ama ng ipinagdadalang-tao ni Mommy?”

“Hindi ko alam, Brie... hindi ko alam. She was four months pregnant, maliit lang magbuntis si Nathalie bukod sa iniipit niya ang tiyan sa pantalon. Nang una naming malaman ang pinagtatrabahuhan ni Ismael nang nasa Laguna na kayo ay pinuntahan namin siya. Subalit nanatiling matigas si Ismael. Isinuhestiyon ni Papa na ipahukay ang pinaglibingan ni Nathalie. Ipasuri ang mga labî ng kanyang dinadala upang malaman ang katotohanan.

“Alamin ang DNA ng sanggol. Walang kinaka-ilangang magkagasta kami. Umupa kami ng mga taong gagawa niyon. It took us many months and a considerable sum of money bago namin nalaman ang resulta. Ipinadala namin iyon sa daddy mo. But that along with our letters came back to us unopened.” His eyes darted to Melanie.

Tumayo si Melanie at lumapit dito. Sinalubong ito ni Vince at ikinulong sa mga bisig nito. “I love you, Mel. So much...” he said emotionally. “Tell me you love me, too, please. And that you believe me.”

“I love you, too, Vince. And yes, naniniwala ako sa iyo...”

“Marry me, then.”

“Oh.” Kumawala si Melanie mula rito at nilingon si Brianna. “I... I am sorry. Nagpatangay kami sa emosyon. Hindi ito ang panahon para ang mga sarili namin ay—”

Isang pilit na ngiti ang pinakawalan ni Brianna. “It’s okay. I am so happy for you and for Uncle Vince...”

“Mama?”

“Wala akong tutol, Vince.”

Inakay ni Vince si Melanie pabalik sa upuan nito at muli rin itong naupo. “Iyan ang buong katotohanan, Brie. Hindi kami pinatawad ng daddy mo sa mga nangyari. Kahit si Mama ay hindi niya rin pinakinggan.”

“May ebidensiya din ba ang ibang mga lalaking iniugnay kay mommy? Ang father-in-law ni Shaun? Valerie mentioned him. Maaari ko nang sabihin ngayong nagkaroon siya ng atraksiyon kay Mommy. Naririnig ko iyon sa tinig niya habang nagkukuwento siya,” she said bitterly.

Malungkot na umiling si Vince. His hand reached out for Melanie’s. Ikinulong nito iyon sa mga palad nito. “We can only speak for ourselves, Brie.” Hindi kumibo si Brianna. Hindi niya malaman ang iisipin.

Hindi niya masisi si Ismael. Her father must have thought that his very own family betrayed him. Mapapatawad marahil nito si Nathalie sa ibang mga lalaking iniugnay rito subalit hindi sa sariling pamilya nito. Lumukob ang matinding kalungkutan sa dibdib niya. Para sa ina na ang tanging nais ay mahalin ito ng kanyang ama; sa kanyang ama na ang puso ay hindi na muling nabuksan pa nang magpakamatay ang kasintahan nito; sa pamilya ng daddy niya na pawang nakaranas ng pighati dahil sa mga pangyayari. Somehow, may kasalanan din si Ismael sa nangyari. Hindi ito naging tapat sa kasintahan.

Nagsisikip ang dibdib na tumayo siya. Nilapitan ang abuela at hinagkan sa noo. “Magpapahinga muna ako sa itaas, Lola. I have yet to come to terms with what you all have told me.” Tumango si Rosa.

Tumayo si Melanie. “Will you be all right? Gusto mong samahan kita?”

She forced a smile. “I’ll be fine. Pag-usapan ninyo ang kasal. Natural na ako ang maid of honor.” Sa kabila ng lahat ay hindi niya mapigilan ang munting tawang kumawala sa lalamunan niya nang pamulahan ng mukha si Melanie.

Si Vince ay itinaas ang mukha ni Melanie. “I love you so much, Mel. Kanina pa binubugbog ang dibdib ko ng takot na magiging sanhi ang ipagtatapat ko ng pagbabago ng damdamin mo.”

“Nakaraan na iyon, Vince. And it seemed that Nathalie was bent on destroying this family. Nagrerebelde siya laban kay Ismael…”

“I will always be faithful, Mel. Isinusumpa ko sa iyo iyan. Hindi ko kailanman hinusgahan si Ismael, subalit ang nangyari sa kanya at sa kanyang kasintahan ay sapat nang tumatak sa isip ko sa buong buhay.”

“Bakit hindi ka nag-asawa?” she asked. Hindi na nila napunang tumayo si Rosa. Nakangiting umiiling.

“Dahil buong buhay ko kitang hinihintay.”

Melanie smiled, wanted to roll her eyes. Subalit seryoso si Vince sa sinasabi nito at sa kabila ng lahat ay pinupuno nito ng galak ang dibdib niya. Then she remembered something. “Vince, kanina sa poblacion, Valerie threatened to kill Brie if she didn’t stay away from Shaun. Sa palagay mo, may kinalaman siya sa lalaking nagtangka kay Brie kahapon ng madaling-araw?”

Napaungol si Vince. “Hindi ko kayang sagutin ang bagay na iyan, hon. But if Valerie threatened Brianna and you witnessed it, maipapa-blotter natin siya.”

“Kakausapin ko si Brie. Pero marahil ay hindi na kailangan. Baka pagnanakaw lang talaga ang motibo ng lalaking iyon kagabi,” nakatitiyak niyang sabi.