Image

SUNOD-SUNOD na marahas na paghinga ang pinakawalan ko pagkatapos luglugin ang isang bote ng wine na ipinuslit ko mula sa buffet table at dinala sa isang parte ng garden venue na malayo sa reception area. Sa isang bench doon ako naupo habang nagngingitngit sa balitang natanggap ko.

My younger sister—who was only twenty—was about to get married. Actually, hindi ang pagkadisgrasyada niya at masisirang pag-aaral ang iniinom ko ng alak ngayon. That little rascal was about to get married before me! Naunahan pa ako ng bruha.

Ang sabi nila, kapag nalampasan ng kapatid na mas bata, hindi na raw makakapag-asawa pa! I felt miserable all the more. Did this mean I would be single for the rest of my life?

No!!! I could not be single forever. I need to have a boyfriend immediately. I need to find a potential husband now!

Tumunog ang Messenger sa phone ko. Padaskil na dinukot ko iyon mula sa bag.

Sonny sent a photo

Hindi ko sana papansinin ang pagpapapansin ni Sonny pero na-curious ako sa picture na pinadala niya kaya binuksan ko.

Picture iyon ng isang bungkos ng bulaklak at… Z-in-oom in ko ang katabi ng bulaklak at nanlaki ang mga mata ko sa nakita. Engagement ring ba ito?

May pumasok na bagong message.

Will you marry me, Zoey?

Napanganga ako. Sino’ng baliw na lalaki ang magpo-propose ng kasal sa isang babaeng hindi naman nito girlfriend at sa Facebook Messenger pa gagawin ang proposal? Only Sonny could do this.

Kakasabi ko lang na kailangan ko nang maghanap ng asawa tapos ay biglang magpo-propose si Sonny online? Para bang sinasabi na patulan ko na si Sonny. Come to think of it, he had been wooing me since I was fifteen. Nanliligaw sa tuwing matatapos ang relationships ko sa mga naging boyfriend ko dahil nagkakataong single din ito. Paano kung si Sonny pala talaga ang kapalaran ko?

Parang gusto kong umatungal. “Noooo!” Napindot ko tuloy ang ‘block’ dahil sa takot na baka nga si Sonny ang destiny ko.

What if I only had two choices in this life—to be single forever or to marry a psycho?

Tinungga ko uli ang boteng hawak ko. Both would ruin my life. “I would rather drink until my liver gets inflamed and I die!”

Umiikot na ang paningin ko. Umeepekto na ang alak sa akin. Ibinaba ko ang bote sa tabi ko at nag-type ng message para kay Jaja para ipaalam dito ang nangyari kay Lottie. Natigil ako sa pagta-type nang maramdamang may umupo sa bench na inuupuan ko. Bumaling ako at pinakatitigan ang lalaking tumabi sa akin.

That curly hair ala-Noah Centineo. Bakit nandito siya? Sinundan ba niya ako rito? Baka hindi makapaniwalang hindi ko ginantihan ang killer smile niya kanina kaya gustong kumpirmahin kung talaga bang hindi ako na-attract sa kanya.

May epekto na ang alak sa akin pero malinaw pa rin ang paningin ko. At kitang-kita ko kung gaano kaguwapo ang lalaking ito sa malapitan. Those eyes staring at me were gorgeous.

Nakita ko ang pagbaba ng tingin niya sa bote sa pagitan namin.

“Kaya pala wala nang mainom doon, sinolo mo na,” kaswal na sabi ng lalaki. Dinampot niya ang bote at sinalinan ang hawak na empty glass.

Pinanood ko ang pag-inom niya ng wine. Pinuntahan ako ng lalaki rito para lang manghingi ng wine? Actually, hindi pa nga nanghingi. Basta na lang kumuha. Kunsabagay, hindi naman sa akin ang alak. Ipinuslit ko lang din. Pero sana ay marunong pa rin siyang magtanong kung gusto kong i-share sa kanya ang kinuha kong alak.

He gave me a slight smile. This guy had no manners at all. Maybe because he was too good-looking so he could always get away with everything. Kung pangit ito, malamang pinukpok ko siya ng bote sa ulo dahil binawasan pa ang iniinom ko. Pasalamat talaga siya at guwapo siya.

“Are you friends with the bride?” tanong ng lalaki.

Mukhang wala siyang balak na umalis pagkatapos makakuha ng alak. He definitely went here to start a small talk with me. Right. Maybe I needed someone to talk to tonight. Kanina pa ako halos walang makausap at OP na OP kahit may mga katabi at kasama ako.

“Officemates,” sagot ko. “Ikaw?”

“Friends with the groom.”

“I see.”

“What are you doing here drinking and isolating yourself?”

Oh. Inglesero at maganda ang diction, ha. Baka maraming sosyal na matronang client kaya nasanay nang mag-Ingles. Pang-first class naman kasi ang kalibre niya. Oh, shut up Zoey. Stop judging this man. Hindi naman siguro siya tulad ng fitness instructor ko.

“Wala ka bang interes sa bridal bouquet?” patuloy niya. “Tinatawag na ‘yong single ladies.”

Pagkarinig sa bridal bouquet ay parang gusto kong tumayo at tumakbo pabalik sa reception. I needed to catch that bouquet! Kailangang ako na ang sumunod na ikakasal. Kaya lang ay pinigilan ko ang sarili dahil baka isipin ng lalaki na atat na atat akong mag-asawa.

Teka nga. Bakit mahalaga sa akin ang iisipin ng lalaking ito?

“You don’t wear a ring so I guess you’re single.”

Bumaba ang tingin ko sa mga daliri ko. Would I be able to wear a ring? Bumalik sa isip ko ang singsing na inaalok ni Sonny. Or would I end up wearing that ring? Dinampot ko ulit ang bote at niluglog iyon. No, please…

“Hindi ka interesadong makiagaw sa bouquet?”

Bumalik ang tingin ko sa lalaki. He looked curious. Halata ba sa hitsura ko na desperada na akong mag-asawa?

“Totoo ba na kapag nakasalo ang isang babae ng bridal bouquet, siya na talaga ang susunod na mag-aasawa?”

Ngumisi ang lalaki. “I don’t believe in all that stuff.”

Pinatitigan ko siya. “Right. You look like you don’t even believe in marriage.”

Halata ang amusement sa mga mata niya habang sinasalubong ang titig ko. “Does it really show?”

Napamulagat ako sa pagkumpirma niya. Mukhang totoong playboy ang lalaking ito. Hindi husband-material. Malamang na maraming babae na ang sinira niya ang pangarap na maging bride. Tama lang na hindi ako nagpaakit nang tuluyan sa sexy hair niya.

Pumihit ako para hindi mangawit ang leeg ko. “Why? Bakit hindi ka naniniwala sa kasal?”

“A lot of marriages don’t work,” he said casually. “So, I don’t see why people need to sign up for a lifetime commitment kung wala namang kasiguruhan na habambuhay talaga kayong magmamahalan.”

Hindi agad ako nakasagot dahil may point naman siya. Marami nga naman ang nagpapakasal pero naghihiwalay lang din. Siguro ay iyan ang ginagamit niyang dahilan para hindi mag-demand sa kanya ng kasal ang mga naging girlfriend.

“So, dahil hindi naman sure na forever ang love, dapat hindi na magpakasal, gano’n ba?” tanong ko.

“It’s still your choice if you want to get married despite the uncertainty.”

Hindi naman pala siya namimilit na huwag nang magpakasal ang lahat ng tao pero na-disappoint pa rin ako sa paniniwala niya.

“Wala namang kasiguruhan lahat ng bagay sa mundo, eh,” pabuntonghiningang sabi ko habang nakatingin sa kawalan.

Ngumiti ang lalaki. “You’re right.”

“You’d have to take the leap in order to know if something will last forever or not.”

Nang balingan ko ang lalaki ay nakita kong nakatingin siya sa akin. Halata ang amusement sa tingin at ngiti niya.

“Hopeless romantic ka, ‘no?”

I twitched my lips. “Ikaw, commitment phobic ka, ‘no?”

“Commitment phobic agad? Hindi ba puwedeng realistic lang?”

“Realistic? ‘Wag mong sabihing produkto ka ng broken marriage kaya ganyan ka ka-realistic?”

Inagaw niya sa akin ang boteng hawak ko at nagsaling muli sa baso niya. Sisitahin ko sana ang lalaki dahil nakakarami na siya ng kuha sa bote ko pero natigilan ako nang ma-realize kung bakit imbes na sumagot ay lumagok siya ng alak. Galing siguro talaga sa broken family ang lalaki kaya ganoon ang pananaw tungkol sa kasal. Bigla, naunawaan ko kung bakit hindi siya naniniwala sa kasal. Nagdusa siguro ang lalaki sa paghihiwalay ng mga magulang. I had a different story but I knew how he felt.

It must have been hard for him to attend a wedding. Siguro, habang pinanonood sina Stella at Rey na nagpapalitan ng vows, naaalala niya ang masaklap na kinasapitan ng pagmamahalan ng mga magulang niya.

Namalayan ko na lang na nakaisod na ako palapit sa kanya at hinahagod ang upper arm niya. “It’s okay. Naiintindihan kita…”

Halatang nasorpresa ang lalaki sa ginagawa kong paghagod sa biceps niya. Hindi ko na lang binigyang pansin ang nakakapa kong matitigas na muscles dahil damang-dama ko sa dibdib ko ang simpatya para sa kapalaran ng lalaki. Nagpalit-lipat ang tingin ng lalaki sa mukha ko at sa kamay kong humahagod sa kanya.

“Pero ‘wag mong isipin na mangyayari din sa ‘yo ‘yong nangyari sa parents mo,” sabi ko habang nakatingin sa kawalan. “You will be all right. You might have a different fate.”

I wanted to have a different fate myself. My daughter would not have the same fate as me. Aalagaan ko ito at mamahalin hanggang sa paglaki nito. Hinding-hindi ko aabandonahin ang anak ko. Magkakaroon ito ng buong pamilya at lalaking parte ng isang pamilya.

Nang ibalik ko ang tingin sa lalaki ay nakita ko ang pagkalibang sa mga mata niya. Nakataas ang isang sulok ng kanyang mga labi. Doon ko lang na-realize na napakalapit namin sa isa’t-isa at ang mga mukha namin, kaunting lean forward lang ay magkakadikit na. On top of that, na-realize kong nakapisil na ako sa braso niya.

Biglang uminit ang mga pisngi ko at hindi iyon dahil sa alak. Inagaw ko mula sa kamay ng lalaki ang bote bago umisod palayo sa kanya.

“So, hindi ka produkto ng broken marriage?” paniniguro ko.

“Curious ka ba sa ‘kin?” parang nanunudyong tanong ng lalaki.

“Not really. You’re not that mysterious anymore. Alam kong fitness instructor ka.”

Halatang nasorpresa ang lalaki dahil alam kong fitness instructor siya. “Saan mo nalaman ‘yan?”

“Narinig ko lang sa tabi-tabi. Saang fitness gym ka nagtatrabaho?”

Halatang naaaliw ang ngiti ng lalaki. “Bakit mo tinatanong? Gusto mo bang magpa-member sa gym namin?”

“Hindi. Natanong ko lang.”

“Sasabihin ko lang kung magpapa-member ka sa amin.”

Napairap ako. “Siguro, wala kayong gaanong customer kaya ganyan ka makapanghikayat ng potential members.” Although I doubted that. Marami sigurong members sa fitness gym kung saan siya instructor. Puro babae… at matrona.

Ngumisi ang lalaki.

“Marami ka bang matronang sina-sideline-an?” tanong ko pagkatapos lumagok ng wine.

“Huh?” halatang nabigla siya sa tanong ko.

It was too late to cover my mouth. Lasing na yata ako kaya wala nang preno ang bibig ko. Tumawa ako. “Sorry. I shouldn’t have said that. ‘Yong fitness instructor ko kasi sumi-sideline sa mga matrona niyang students.”

Ngumisi ang lalaki pero nahalata kong medyo nainsulto siya.

“Do you think, pumapatol ako sa mga matrona in exchange of money?”

Naglandas ang tingin ko sa mukha ng lalaki at inabot ang buhok niya. “Nice skin and professionally maintained hair.” Pinaraanan ko ng palad ang balikat ng lalaki para damhin ang tela ng polong suot niya. “Your dress shirt feels expensive.” Bumaba ang tingin ko sa relo ng lalaki. “Your watch is definitely expensive.” Bumaba pa ang tingin ko sa paanan niya. “Your shoes look pricey, too. And I saw you a while ago, you were holding a Samsung Galaxy Fold.” Sininghot-singhot ko siya. “Even your perfume smells expensive. You look high-maintenance. Kung hindi ko lang nalaman na fitness instructor ka, iisipin kong ikaw ang may-ari ng isang chain ng fitness gym.”

Tumawa ang lalaki. Hindi ko alam kung naiinsulto o naaaliw sa pagkaprangka ko.

“Mataas lang ba magpasahod ang fitness gym na pinagtatrabahuhan mo?”

Imbes na sumagot ay kinuha niya sa kamay ko ang bote at muling nagsalin sa baso niya. Marahas kong inagaw ang bote. Halos wala nang laman iyon nang i-shake at silipin ko.

“Hey! Inubos mo ang wine ko,” sita ko sa lalaki.

“That’s not yours,” sabi niya matapos uminom ng wine.

“But I took this here!” nakasimangot na sikmat ko sa kanya. Tinungga ko ang bote at sinaid ang laman niyon.

“May balak ka talagang magpakalasing sa kasal ng officemate mo?”

Natigilan ako nang ma-realize na hindi nga dapat ako naglalasing sa kasal. This was too impolite. Tinitigan ko ang lalaki. Posibleng may sugar mommy pero hindi naman siya mukhang rapist. Kaibigan naman siya ni Rey na matinong lalaki dahil hindi papatol si Stella sa hindi matino.

“Do you want to go outside and drink with me?” I did not want to drink alone. Malulungkot lalo ako.

Halatang hindi inasahan ng lalaki ang pagyayaya ko.

“You don’t like weddings and I don’t think I want to stay here anymore. Wala na ako sa mood na mag-cheer for the newlyweds. Kaya samahan mo na lang akong uminom sa labas. Don’t worry, ako ang magbabayad.”

Tumango ang lalaki. “All right.”

Ngumiti ako. “Good.” Ibinaba ko ang bote sa bench at kinuha mula sa bag ko ang cellphone. “But before we go, ano munang name mo?”

“Kenzo.”

“Full name.”

Ngumisi ang lalaki. “Kenzo Madrid.”

Itinapat ko sa lalaki ang phone ko at pinicture-an siya nang walang permiso. Halatang nabigla ang lalaki. Mabilis kong i-s-in-end kay Jaja ang picture at nag-type ng message.

Will drink with this guy tonight. Kenzo Madrid.

“What’s that for?” tanong ng lalaki.

“S-in-end ko sa friend ko ‘yong face mo para kung sakaling may gawin ka sa ‘kin, ipapakita na lang niya sa pulis.” Tumayo na ako. “Come on.”

“Wow.” Tumayo na rin si Kenzo and gosh, he was very tall. “First, you implied na nagbebenta ako ng aliw sa mga matrona. Ngayon, iniisip mo na puwede kitang gawan ng masama.”

Inabot ko ng palad ang pisngi ni Kenzo at marahang tinapik-tapik iyon. “Don’t be offended. Protocol talaga ito every time I go out with a guy I just met. Naniniguro lang ako.”

Hindi nawala ang ngisi ng lalaki at pagkalibang sa mga mata niya habang nakatitig sa akin.

“Come on?” nakangiting yaya ko sa kanya.

 

PAGMULAT ng mga mata ko ay nabungaran ko ang mukha ni Jaja. Matagal pa akong tumitig sa kanya bago ko na-realize na gising na ako.

“Buti naman at gising ka na.”

Ano ang ginagawa ni Jaja sa condo ko nang umagang-umaga? “Ba’t nandito ka?”

“Natural, bahay ko ito kaya nandito ako.”

Pumiling-piling ako para pagmasdan ang paligid. Totoo nga. Wala ako sa bahay ko. “Bakit nandito ako?” Nang subukan kong bumangon ay naramdaman ko ang biglang pagkirot ng ulo.

“Hindi mo na naaalala? Naglasing ka kagabi, bruha ka.”

Hindi ako lasenggera—bukod sa mataas ang alcohol tolerance ko—kaya big deal kay Jaja kapag naglalasing ako dahil bihira iyong mangyari. So, naglasing ako kagabi…

Bumalikwas ako ng bangon nang maalala na nasa kasal ako ni Stella kahapon at nakilala ko si Kenzo na niyaya kong uminom sa bar.

“How did I end up here?” tanong ko habang sapo ang ulo.

Umupo si Jaja sa edge ng kama. “Inihatid ka ng nakainuman mo kagabi.” Bigla siyang nangiti. “Ang guwapo, bes!” Humina ang boses niya. Nasa labas siguro si Jed. “Siya na ba?”

“Ano’ng pinagsasabi mo?” Pilit kong inalala ang nangyari pagkatapos naming umalis ni Kenzo sa wedding reception. Siya ang nagmaneho ng kotse ko paalis doon. Nagpunta kami sa isang bar na medyo malapit doon. Uminom kami. Nagkuwentuhan.

“Inihatid ako ni Kenzo dito?”

“Oo.” Nanunudyo ang tingin ni Jaja.

Right. Naalala ko na kung bakit doon ako napadpad kagabi. Nag-message si Jaja kagabi sa Messenger. Itinatanong kung sino si Kenzo Madrid. Imbes na mag-reply ay nag-video call ako sa kanya at ipinakita si Kenzo. Lasing na yata ako noon kaya nang agawin sa akin ng lalaki ang phone ko at makipag-usap kay Jaja ay hindi ko na narinig ang pinag-uusapan nila.

“Dito na lang kita ipinahatid kaysa sa condo mo para may mag-asikaso sa ‘yo. Ang gentleman niya, ‘di ba? Kung ibang lalaki ‘yon, malamang na pinagsamantalahan ka nang gaga ka. Never kang nagpakalasing habang may kasamang lalaki na hindi mo boyfriend kaya nagulat ako kasi lasing ka na noong nag-video call ka.”

I twitched my lips. That guy… He never even tried to hit on me last night. Kahit guwapo si Kenzo ay hindi siya ang tipo kong lalaki pero nakaka-offend pa rin na hindi man lang nakipag-flirt sa akin ang lalaking iyon kahit slight. Ibig sabihin, talagang nabawasan na ako ng alindog. Hindi na ako kaakit-akit na tulad nang dati.

“Oo nga, eh,” maasim na sabi ko. “Sobrang gentleman.”

“Bakit parang disappointed ka pa na hindi ka pinagsamantalahan no’ng tao? Binalak mo bang pikutin ‘yong lalaking ‘yon kaya ka naglasing?”

“Hindi, ah! Hindi ko siya type.”

Nanlaki ang mga mata ni Jaja. “Weh? Ang guwapo, ang ganda ng katawan, ang tangkad at ang bango pa. Tapos hindi mo type?”

“Inamoy mo talaga?”

“Eh, kasi inalalayan din kita habang inaalalayan ka niya kaya medyo nadikit ako sa kanya. Pero seryoso ka bang hindi mo type si Kenzo?” Nagdududa ang tingin niya sa akin.

“Una, alam mong hindi ako nagbabase sa looks alone. Pangalawa, fitness instructor lang siya. Alam mo namang attracted ako sa mga lalaking maganda ang career. Pangatlo, hindi siya naniniwala sa kasal. So, wala siyang balak na magpakasal. Definitely, not the man I’m looking for.”

Mukhang na-disappoint na rin si Jaja nang marinig ang panghuling dahilan. “Sayang naman. Akala ko pa naman, may new boyfriend ka na.”

Napabuntonghininga na lang ako. New boyfriend… bakit napakailap mo?

Bumuntonghininga rin si Jaja. “Hindi pa rin ako makapaniwala na matutulad sa akin si Lottie. Hindi naman tayo nagkulang ng pagpapangaral sa kanya.”

Nang mabanggit si Lottie ay nangilid ang mga luha ko. “Bes… magiging old maid na ‘ko.”

“Tumahimik ka nga. Hindi totoo ‘yong kapag nalaktawan, hindi na makakapag-asawa. At saka hindi ka pa naman old. Twenty-nine ka pa lang. ‘Yong mga artista nga, ilang taon na bago nagsisipag-asawa.”

“Hindi naman ako artista.”

“Mag-Tinder ka na ulit.”

“Ayoko.” Noong nag-register ako doon ay mabilis ko ring d-in-eactivate dahil sa unang swipes pa lang, may nakita agad akong dating schoolmate. Siguradong makakarating kina Leah na naghahanap ako ng next boyfriend sa Tinder at iisipin nilang desperada na ako. Pagkatapos ay kukutyain nila ako bilang ang babaeng hindi nawawalan ng boyfriend pero ngayon ay wala nang mahanap na boyfriend.

“Darating din si Mr. Right, okay? Nagpapatakam lang nang slight. ‘Nga pala, nag-message sa ‘kin si Sonny. Tinatanong kung bakit mo raw siya b-inlock. Bakit nga ngayon mo lang siya b-in-lock?”

Nang maalala ang online proposal ni Sonny ay muli kong naramdaman ang kirot ng ulo ko.