“I CAN’T come, Jaja! Alam mo kung bakit.”
Pagkagaling sa office ay dumiretso ako sa coffee shop ni Jaja para pag-usapan namin nang personal ang college batch reunion na magaganap two weeks from now. Doon kami sa loob ng opisina niya nag-usap dahil ayokong may makarinig ng pag-uusap namin.
Hindi invited si Jaja sa pagtitipon dahil hindi naman siya gr-um-aduate sa batch namin kaya lalong ayokong pumunta.
That would be my worst nightmare—attending a reunion without a romantic partner. Sa social gatherings nga lang na tulad ng kasal ay hindi na ako komportableng walang kapareha, sa reunion pa kaya? Sa reunion ay inuuri ng bawat isa ang bawat isa. Titingnan ang status ng career, financial capability, physical appearance at romantic relationship. Approved ka kapag lahat iyon ay okay ang standing mo pero kung may bahagi na pumalya ka, you would be a disappointment. Pag-uusapan ka rin patalikod.
Isa lang naman ang palyado ako roon—wala akong dyowa at wala akong balak na ipangalandakan iyon sa reunion.
“Kapag hindi ka pumunta, alam mong pag-uusapan ka.”
“Pinag-uusapan naman talaga nila ako que pumunta ako o hindi.”
“Bes, naman. Two weeks from now pa naman. Baka makahanap ka pa ng dyowa nang time na ‘yon.”
Papayag na ba akong makipag-meet sa inirereto sa akin ni Anna? A few days ago kasi ay nagpahayag siya ng pagtataka kung bakit wala pa rin akong boyfriend kahit na pitong buwan na ang nakalipas simula nang maghiwalay kami ni Wendell. Pagkatapos ay sinabi nito ang tungkol sa kaibigan ng boyfriend. Dati raw ay nakita ako ng lalaki sa groufie na i-p-in-ost ni Anna sa Facebook account nito. Tinanong raw ng lalaking iyon kung single ako pero na-disappoint nang malamang may boyfriend ako.
Ibinigay sa akin ni Anna ang Facebook profile ng lalaki para mabistahan ko. Mukhang okay naman si Arnold. Thirty-four years old ito at isang bank manager. Base sa timeline ng lalaki ay mukha namang cool ito. Ayokong lumabas na atat nang magka-dyowa kaya sinabi ko kay Anna na pag-iisipan ko pa. Ang balak ko ay patagalin nang at least dalawang linggo bago ako pumayag pero mukhang kailangan ko yatang pumayag na ngayon.
“Pero hindi naman a must ang pag-attend,” patuloy ko sa pangangatwiran.
“Pero nakakahiyang hindi pumunta kasi pinadalhan pa kayo ng e-invitation isa-isa. Sayang lang naman din kasi. Malay mo, pagkakataon mo na para makakilala ng old coursemates na single. Baka nga doon ka pa makahanap ng next boyfriend.”
Oo nga, ano? Siguradong mayroong single guys na hindi ko nakilala noong college pero puwede kong makilala roon. Pero paano kung wala akong makilala o magkainteres sa akin? I did not want to be alone in that party. Still, coming there with an escort was the safest option.
“Pag-isipan mo muna bago ka mag-decline sa invitation.”
Fine. Co-contact-in ko na si Anna para ipakilala sa akin si Arnold. Sana ay magustuhan ko ang lalaki sa personal. Kung sakali ay ito ang isasama ko sa reunion.
Paglabas namin ni Jaja ay natigilan ako nang makita si Leah na nakaupo sa isa sa tables roon kasama ang tatlong babae. Ang isa roon ay namukhaan ko. Ito si Dennie na kaibigan ni Leah since college. Iyong may pagka-arte-arteng kilay noon. Mabuti naman at hindi na trying hard ang kilay nito ngayon. Naaalala ko pa kung paano niya ako iniirap-irapan noon sa tuwing nakakasalubong ko.
Huli na para iwasan ko sila dahil nagkasalubong na ang paningin namin. Ngumiti ito at kumaway sa akin. Ngumiti na lang din ako kahit ayoko sana.
“Bakit naligaw dito ang babaeng ‘yan?” mahinang tanong ni Jaja sa tabi ko.
Ang alam ko ay naging kaklase ni Jaja si Leah sa isang subject noong second year namin sa college kaya magkakilala sila.
“Kasi siguro naligaw din ako sa resto niya. Gusto niyang gumanti dahil alam niyang possible niya akong makita rito since mag-BFF tayo. Bes, mukhang gusto na naman niya akong i-bully. Nagsama pa siya ng back-up.”
“Don’t worry, nandito ako. Susupalpalin ko ‘yan kapag nagmaganda na naman.”
Napilitan kaming lapitan si Leah dahil hindi nito inalis ang tingin sa amin at bilang si Jaja ang may-ari ng coffee shop, kailangan niyang estimahin ang “bwisita.”
“Hi, guys!” bati ni Leah sa amin.
“Hi!” bati rin ni Dennie sa amin.
“Welcome to my coffee shop!” ganting bati ni Jaja.
“I like your coffee,” sabi ni Dennie.
“Oh, thank you!” sabi ni Jaja. “Would you like to order another cup?”
“No, thanks,” pagtanggi ni Dennie. “Paalis na rin naman kami.”
“Oh,” sabi ko. “So, you’re leaving already?” Sana pala ay tinagalan namin nang kaunti ang pag-uusap sa loob bago kami lumabas. Pero nakaramdam pa rin ako ng relief dahil aalis na sila.
“Yes,” sagot ni Leah na tinapunan ng tingin ang wrist watch. “We have an appointment near this place. Anyway, these are my friends, Inah and Saia.”
Nagpalitan kami ng ngiti at batian ng mga babaeng halatang kasing plastikada nina Leah at Dennie.
“Actually,” patuloy ni Leah. “Nakita ko lang ito. Then, naalala ko na kay Jamiya ito kaya pumasok kami to try the coffee. By the way, Zoey, naka-receive ka ng invite sa reunion?”
Tumango ako.
Tumingin si Leah kay Jaja. “Sayang, Jamiya, you’re not coming to the reunion with us.”
Nakita ko ang paggalaw ng panga ni Jaja. Miski naman ako ay naasar dahil kailangan pa talagang pasimpleng ipaalala ni Leah na nahinto ng pag-aaral ang kaibigan ko dahil nabuntis siya nang maaga.
“It’s okay,” sabi ni Jaja. “Magkakaroon din naman siguro kami ng reunion ng batch ko.”
Lumipat sa akin ang tingin ni Leah. “But you’re coming, Zoey, right?”
“Yes!” si Jaja ang sumagot para sa akin. “She’s coming.”
Ngumiti si Leah na para bang nasiyahan. “Good. I’ll see you there.” Tinapunan ulit nito ng tingin ang orasan at niyaya na ang mga kasama. Bago pa umalis ang mga ito ay lumingon sa amin si Leah. “See you at the reunion, Zoey.”
Ngumiti na lang ako.
Paglabas nila ay hinarap ko si Jaja. “Bakit parang nasisiyahan siya na a-attend ako?”
“Ang weird, ‘di ba?”
“May binabalak ba siya against me?”
Hinila ako ni Jaja pabalik sa office niya.
“Baka gusto niya ng redemption dahil kinabog mo siya noon sa outfit. You definitely wore that dress better. Baka pupunta siya sa reunion na bonggang-bongga ang outfit to make sure na hindi na kayo magkakapareho at maa-outshine ka na niya this time.”
“O baka naman dahil alam niyang wala akong boyfriend na puwedeng isama sa reunion,” malungkot na sabi ko. “She probably gets excited by the thought of me alone in a party, loveless for the first time in my life. She’s looking forward to seeing me look miserable in the reunion while she’s with a fiancé and has a beautiful ring.”
“Zoey!” nanlalaki ang mga matang saway sa akin ni Jaja.
“And it’s your fault. Kasi sinabi mo sa kanya na a-attend ako. Ngayon, hindi na ako puwedeng hindi um-attend kasi iisipin na niyang duwag ako at natakot akong pumunta nang mag-isa.”
Hinawakan ni Jaja ang mga balikat ko at tinitigan ako nang seryoso ang ekspresyon ng mukha. “Maybe it’s about time you embrace singlehood, Zoey.”
Napanganga ako sa sinabi ni Jaja. “Ano’ng sabi mo?”
“Walang masama sa pagiging single. Hindi por que single ang isang tao, hindi na masaya. Pag-aralan mo lang na tanggapin—for now—na single ka. Subukan mong i-appreciate ‘yong advantages ng pagiging single. Maraming me time, walang mang-iistorbo, walang kailangang i-consult bago ka makagawa ng desisyon sa mga bagay-bagay. You’re free. Malaya kang magdesisyon ng kahit ano para sa sarili mo. Puwede kang pumunta kahit saan nang hindi mo kailangang magpaalam o sabihin kahit kanino kung nasaan ka. You can do whatever you want kasi wala kang responsibility at walang magbabawal sa ‘yo. Baka hindi mo lang na-appreciate ‘yong mga bagay na ‘yon kasi you refuse to see them as advantages. If you can embrace singlehood and enjoy being with yourself until the next guy comes along, you will be fine. Nakukuha mo ba ‘yong mga sinasabi ko?”
This was the first time Zoey said something like that to me. Palagi siyang nakasuporta sa paghahangad ko ng bagong pag-ibig sa tuwing matatapos ang relationships ko. Hindi ko tuloy maiwasang isipin na miski si Jaja ay hindi na confident na makakahanap uli ako ng lalaking magmamahal sa akin this time.
“Nasasabi mo ‘yan kasi never ka namang naging mag-isa,” malungkot na sabi ko.
“Zoey…” Nakita ko ang simpatya sa mga mata ni Jaja.
“I’ll make sure to find myself a boyfriend before the reunion.” Iyon lang at nagpaalam na ako kay Jaja.
Bago ko paandarin ang kotse ko ay pinadalhan ko muna ng message si Anna.
“ANOTHER glass.”
Parang hesistant pa ang bartender kung sasalinan uli ang baso ko ng Scotch whisky. Pang-apat na baso ko na kasi iyon kung sakali. Parang ngayon lang ito nakakita ng babaeng naka-apat na baso ng hard drink pero hindi pa bumabagsak mula sa stool sa harap ng bar counter.
“Come on,” sabi ko. “Bibigyan kita ng tip.”
“Last na, ma’am, ha. Baka kasi malasing ka.”
“Don’t worry. I have high alcohol tolerance.” Dinala ko agad sa bibig ko ang baso pagkatapos iyon i-replenish ng bartender.
Pinagmasdan ko ang paligid ko. I had never been in that bar before. Medyo malayo iyon sa condo at office ko. Hindi ako mapapadpad doon kung hindi dahil kay Arnold. Pagkatapos ko siyang iwan sa restaurant kung saan kami nag-dinner at nag-usap nang matagal ay naraanan ko iyon. Imbes na umuwi ay sa harap ng bar na iyon ko inihimpil ang kotse ko para uminom.
Gusto kong iinom ang frustrations ko.
Okay na sana si Arnold. He looked good in person than in pictures. He was very articulate and fun to talk to. Habang magkausap kami sa restaurant kanina, naisip ko nang he could be the one. The one I was waiting for. The reason why my previous relationships did not work.
I was kind of attracted to him. And I knew the drill. Eventually, it would turn into like and soon I would fall in love with him. But an unexpected turn of event happened.
Bago matapos ang dinner namin ay may ipinadalang pictures sa Messenger ko si Jaja. Nahalukay raw niya iyon sa Internet. Sina Arnold at Dennie ang nasa pictures. What a small world. Arnold was Dennie’s ex! At nalaman pa ni Jaja na nag-propose daw si Arnold kay Dennie ng kasal five years ago pero tinanggihan ito ni Dennie. The same night, Dennie broke up with him. Dahil hindi maka-move on kay Dennie, Arnold turned to be her stalker. Nang magkaroon ng bagong boyfriend si Dennie ay saka lang tumigil si Arnold sa pagsubok na pabalikin ang ex-girlfriend.
Pagkabasa sa message ni Jaja ay mabilis na naglaho ang nadama kong atraksiyon kay Arnold. I could not stomach the fact that this guy once dated and loved that kilay girl. Hindi ko pala dapat ika-flatter na gandang-ganda si Arnold sa akin dahil hindi pala ganoon kaganda ang taste at standards niya sa babae kung ang pagbabatayan ay si Dennie. At isa pa, hinding-hindi ko masisikmurang gawing boyfriend ang lalaking d-in-ump ng babaeng iyon.
At higit sa lahat, hindi ko madadala si Arnold sa reunion para ipakilalang boyfriend sa harap ni Dennie. I could imagine Dennie’s face if I carried her ex there. She would probably laugh at me for picking up what she had disposed.
I knew I had to leave Arnold right there and then. Kaya ang ginawa ko ay nagdahilan ako kay Arnold. Sinabi kong may emergency sa bahay kaya kailangan ko nang umalis agad. Muntik pa nga itong humabol kung hindi ko lang pinakiusapang hayaan muna akong umalis. Hindi ko alam kung paano sasabihin kay Arnold through Anna na hindi ako interesado rito kung kanina, habang magkausap kami ay halatang enjoy na enjoy ako. Mabuti na lang at hindi pa kami nagpalitan ng cellphone numbers.
I felt so frustrated. Ang akala ko pa naman ay nakakita na ako ng pag-asa na magkakaroon ako ng boyfriend bago mag-reunion. Why was this happening to me?
Napatingin ako sa matangkad na lalaking lumapit sa bar counter at umupo sa bar stool sa di-kalayuan. Pamilyar sa akin ang bultong iyon. That hair… That sexy, curly hair…
Kenzo!
Humingi siya ng alak sa bartender. Mukhang naramdaman ng lalaki na may nakatingin dito kaya pumaling ang ulo niya sa direksiyon ko. Saglit kaming nagtitigan bago ko namataan ang recognition sa mga mata niya.
Ngumiti si Kenzo. Hindi ko magawang gantihan ang ngiti niya kaya itinaas ko na lang ang baso ko para yayain siyang uminom. Although, somehow, I felt relieved that I saw him because I was not alone in that unfamiliar place anymore.
Bitbit ang basong ibinigay ng bartender ay umalis si Kenzo sa kinauupuan para lumapit sa akin.
“I didn’t expect to see you here,” imbes na bumati ay sabi ng lalaki.
“I didn’t expect I’d see you again.”
“Are you alone?”
Alone. I hated hearing that word over and over again.
Nagpakawala ako ng buntonghininga. “Still alone.”
Tumitig sa akin si Kenzo at pagkatapos ay tinapunan niya ng tingin ang baso ko sa bar counter. Natunugan yata niyang hindi iyon ang unang baso ko.
“Were you stood up by your date or what?” tanong niya nang makaupo sa stool sa tabi ko.
Nagbuga ako ng hangin. “You have no idea.”
“Is it something personal? Kung oo, ‘wag mo nang sabihin. I’m just surprised to see you here. Dito ako madalas pumunta kaya alam kong first time mo rito. Tama ba?”
Tumango ako. Namalayan ko na lang na ikinukuwento ko na kay Kenzo ang nangyari sa akin sa gabing iyon at miski ang tungkol sa magaganap na reunion.
Nakita ko sa mukha niya ang struggle kung makikisimpatya ba sa kamalasan ko o maaaliw sa pagkadesperada ko.
“On the bright side,” komento ni Kenzo, “nalaman mo agad na ex siya ng malditang schoolmate mo noon bago mo pa masagot at madala sa reunion.”
Buti na nga lang talaga at nakaugalian kong i-message kay Jaja ang pangalan at picture ng lalaking makaka-date ko. Namukhaan nito ang lalaki at pamilyar ang pangalan. Nagkataong ka-Facebook ni Jaja ang pinsan ni Dennie at doon nito nabasa dati ang tungkol sa stalker ex ni Dennie.
“Why is this happening to me?” tanong ko, sabay lagok ng alak.
“Baka kasi hindi pa ito ang oras para magmahal ka uli.”
Napanganga ako sa sinabi ni Kenzo. “Hindi pa? Eight months na akong walang boyfriend!”
“Mahabang panahon na ba ‘yon?”
“For someone like me, napakahabang panahon na ‘yon.”
“Because you’re a serial monogamist?”
“I always find new love easily. Bakit ngayon, hindi na? Por que ba malapit na akong mag-thirty? Dahil ba hindi na ako fresh? Dahil ba hindi ako kasingganda ng dati?”
“You don’t look old. And I think you’re beautiful.”
Natigil ako sa balak na pagdadala sa bibig ng baso at tinitigan ko si Kenzo. Did he really think so? Did a man with good looks like him really think I still looked young and beautiful? “Do you mean that?”
“Yes. So, sa palagay ko, hindi sa looks mo ang problema.”
Naglaho ang sayang naramdaman ko nang ma-realize ang mga huling sinabi ng lalaki. Kung sa tingin niya ay hindi sa looks ang problema kung bakit wala pa rin akong bagong boyfriend, iniisip ba ni Kenzo na sa personality ako may problema?
“Do you think I don’t have an attractive personality?”
“Hindi naman kita masyadong kilala para malaman ko ang buong personality mo. All I know is that you can’t stand being loveless.” Tinapunan niya ng tingin ang baso ko. “And you like alcohol so much.”
Nagbuga ako ng hangin. “I can’t stand being loveless,” pasibing gagad ko. “Palibhasa, hindi ka marunong magmahal.”
“Sino’ng may sabi sa ‘yo?”
Oo nga naman. Wala naman pala akong alam tungkol sa lalaking ito bukod sa pangalan at trabaho. Actually, gustuhin ko mang tanungin si Stella tungkol kay Kenzo ay hindi ko magawa dahil baka isipin ni Stella na interesado ako sa lalaki at sabihin iyon kay Rey at pagkatapos ay sabihin ni Rey sa kaibigan. Kaya isinantabi ko na lang ang curiosity ko sa lalaki.
“So, nagmahal ka na?”
Halatang nag-isip ang lalaki bago tumango. “Oo.”
Hindi ko itinago ang interes. “Ano’ng nangyari?”
“We broke up.”
Mukha namang balewala na kay Kenzo ang tungkol sa past relationship dahil baka matagal na iyon at naka-move na siya.
“Why?”
“Kasi hindi ko siya mapakasalan.”
Naalala ko ang sinabi ng lalaki noon sa wedding reception ni Stella at Rey. Hindi siya naniniwala sa kasal. Kahit mahal ni Kenzo ang babae ay hinayaan niyang mawala sa kanya dahil sa paniniwalang iyon? Strange, pero naramdaman ko na naman ang matinding panghihinayang sa dibdib ko.
“Ibig sabihin, naghahanap ka ngayon ng babaeng hindi rin interesado sa kasal?”
Ngumisi ang lalaki. “May babae bang hindi interesado sa kasal?”
“Mayroon naman. Pero hindi rin sila lifetime kung magmahal. At usually, hindi sila faithful. So, malaki ang chance na maging alone ka forever.”
He exhaled a laugh. “And you have a lesser chance to be alone forever because you wanted to get married?”
Natameme ako. Ipinapahiya ba ako ng lalaking ito sa sarili ko? Imbes na sagutin siya ay lumagok na lang ako ng alak.
“Do you plan to get drunk again?”
“Ihahatid mo naman ako kina Jaja, ‘di ba? Don’t worry, ako ang magbabayad ng drinks mo at pang-taxi pabalik dito.”
Halata ang pagkalibang sa mukha ni Kenzo.
“Naa-amuse ka ba kasi wala akong boyfriend na susundo sa ‘kin at maghahatid sa bahay ko?”
“Haven’t it occurred to you na baka may dahilan kung bakit despite having the looks and an interesting personality, hindi ka pa rin nagkakaroon ng boyfriend after eight months of trying to have one?”
“Ano sa tingin mo ang dahilan?”
“Baka hindi pa panahon para magka-boyfriend ka ulit. Baka gusto ng tadhana na ipahinga mo muna ang puso mo.”
“Pahinga? Ang haba na nga ng pahinga ko. Eight months!”
“I’ve been single for two years.”
“Weh? As in wala kang nakaka-date na babae at all? Iba sa inyong mga lalaki. Hindi n’yo kailangang makipagrelasyon para may makasama. You can do casual dating. Ako, hindi. I want a relationship. A long one. One that could lead to marriage.”
“Maybe you need to relax and try to enjoy the perks of being single in the meantime.”
I snorted. “Pareho kayo ni Jaja. Gusto n’yong ma-appreciate ko ang pagiging single. But how can I appreciate something that makes me sad? Hindi ako sanay na mag-isa. I hate being alone. I always need someone who would make me feel beautiful and loved. That makes me happy. I want to be happy.”
Nakatitig lang sa akin si Kenzo.
Nagpakawala ako ng buntonghininga. “Lalo na ngayon. Paano ko matutunang i-appreciate ang pagiging single kung ganitong kailangan ko talagang magkaroon ng boyfriend na madadala sa reunion? Ayokong magmukhang kawawa sa party na ‘yon.”
Hindi sumagot ang lalaki.
“Bakit nakatitig ka lang? Siguro iniisip mo na ang pathetic ko.”
Imbes na sumagot ay uminom ng alak si Kenzo.
Napabuntonghininga na lang ako. Of course, I looked pathetic to him. Alam niya ang mga hinaing at pagdurusa ko. Mukha na siguro akong desperada sa paningin niya. Bakit kasi kailangang lasing ako o kaya naman ay nangangailangan ng tulong sa tuwing nakikita ko siya?
“Alam mo kung bakit negative ‘yong tingin ng iba sa serial monogamists?” tanong ni Kenzo pagkatapos magpasalin ng alak sa bartender. “Because they believe that a person must be completely over her last relationship before she enters a new one. Naturally, kapag kagagaling lang sa isang failed long-term relationship, hindi ganoon kadaling maka-move on ang isang tao. It takes time for a wound to heal on its own. And there is this rule that one must not enter a relationship if one is still broken. Dapat buo ka na ulit kapag pumasok ka sa bagong relationship bilang respeto sa taong susunod mong mamahalin. You know, every new couple should start with a clean slate.”
Nagbuga ako ng hangin. “May rule ba talagang ganyan? Ang alam ko lang ‘yong three-month rule nina Popoy at Basha.”
Tumawa si Kenzo. “‘Yon ba ‘yong reason kung bakit nakasanayan mong after three months, may bago ka na agad?”
“Why should you prolong the agony when you can start again with someone new? Instead of crying over that person who hurt you, why won’t you aspire to smile again with someone else?”
“It’s not fun to be a rebound.”
“Pero ginusto nilang maging rebound. Kasalanan ko ba ‘yon?”
“You shouldn’t let anyone fix you when you are broken,” seryosong sabi ni Kenzo. “Fix yourself. Ikaw lang ang dapat na umayos sa sarili mo.”