Image

PAPASOK pa lang sana ako sa coffee shop ni Jaja nang may nakita akong isang magarang motorsiklong pumarada sa tapat ng entrance. Nang mag-alis ng helmet ang rider ay natuklasan kong si Kenzo iyon dahil sa curls niya. Isang shake lang ng ulo ay on fleek na uli ang hairstyle ng lalaki. Bumaling siya at ngumiti sa akin. Para akong nanonood ng TV commercial ng isang supersports bike na may hot model. Sinasadya ba akong akitin ng lalaking ito?

Ipinilig ko ang ulo at lumapit sa kanya. “Tara na?”

May usapan kaming magkikita ngayong araw na ito. Kailangan namin ng isang buong araw para sa “acting workshop” ni Kenzo. Nag-leave pa talaga ako sa trabaho ng isang araw para matutukan siya. Sa makalawa na ang reunion kaya kailangang ma-practice ko siya para hindi kami mabuking sa pagpapanggap.

“Good thing you’re not wearing skirt,” sabi ng lalaki at iniabot sa akin ang isa pang helmet. “Hop in.”

Tumingin ako sa helmet na hawak ko na at sa likod ng upuan sa motorsiklo at pagkatapos ay ibinalik ko ang tingin sa kanya. “Pasasakayin mo ako riyan?”

“Yeah.”

“Bakit hindi na lang sa kotse ko?”

“Ayaw kong iwan ‘tong bike ko rito.”

Tinapunan ko ng tingin ang motorsiklo ni Kenzo. “Bakit? Mamahalin ba ‘yan?” Mukha talagang mamahalin pero wala akong alam sa mga motorsiklo kaya hindi ko alam kung magkano ang gamit niya ngayon.

“Sasampa ka ba o uuwi na ako?”

“Ito na.” Nakita ko pa ang pagngisi ni Kenzo bago ko itinaas sa ulo ko ang helmet. Naramdaman ko ang palad niya sa ibabaw ng kamay kong nakahawak sa helmet. Tinulungan niya akong isuot iyon. Siya pa ang nagkabit ng buckle niyon sa ilalim ng baba ko. Nagsalubong ang mga tingin namin nang maisuot na sa akin ang helmet.

For a moment, pakiramdam ko ay para akong isang girlfriend na inaasikaso ng kanyang boyfriend. Nang ngumiti si Kenzo ay bumilis ang tibok ng puso ko. Actually, binabalewala ko lang pero attracted talaga ako sa kanya. I often wondered how it felt to be inside those arms. I wondered how if felt to be kissed by those gorgeous lips.

Nang isara ni Kenzo ang shield ng helmet ay saka lang ako natauhan sa pinag-iisip ko. Sumakay na siya pabalik sa motorsiklo. Kailangan kong ipaalala sa sariling hindi ko siya type. Hindi siya ang lalaking puwede kong makasama habambuhay. At saka sino’ng gaga ang mafa-fall sa isang lalaking pinagkakakuwartahan ako? Ten thousand pesos kaya ang ibabayad ko sa stint niya.

Pagsampa ko sa motorsiklo ng lalaki ay hindi ko alam kung saan ako hahawak. Sa katawan ng motorsiklo sa likuran ko na naka-slant pataas o sa broad shoulders ni Kenzo?

“Hawak ka sa ‘kin,” sabi ng lalaki na para bang narinig ang tanong ko sa isip.

Humawak ako sa mga balikat niya na may matitigas na muscles.

“Hindi ba dapat, pina-practice na natin na maging intimate sa isa’t-isa?” tanong ni Kenzo.

“Huh?”

“Aside from teaching me how to act, gusto mo rin na maging sanay at palagay tayo sa isa’t-isa para hindi tayo maging awkward tingnan, ‘di ba?”

“Oo.” Totoong sinabi ko iyon. Sa party kasi ay kailangan naming magdikit palagi kaya dapat ay hindi na kami mailang sa isa’t-isa. Kailangang maging natural ang mga kilos namin para walang magduda na hindi kami totoong nagmamahalan.

Sa pagkamangha ko ay kinuha ni Kenzo ang mga kamay ko sa balikat niya at iniyakap sa baywang niya. Nadikit tuloy ang katawan ko sa likod niya.

“Mag-practice ka na ngayon.” Pinaandar na niya ang motorsiklo kaya hindi na ako nakabitiw pa sa kanya.

I could feel my heart beating so wildly against my chest. It had been seven months since I last experienced being this close with a man. I had missed this. Kaya siguro may masarap na damdaming hatid ang pagyakap ko kay Kenzo. It was not necessarily the person, right? I just missed having someone to embrace with, someone this close. Sinamantala ko na lang ang pagkakataong maramdaman ulit ang ganitong klaseng pakiramdam.

But his scent… I loved it. I did not know, but whenever I smelled his scent I felt at ease. Maybe, somehow, I became accustomed to his presence. This man had been there for me in times when I needed someone to talk to about my problems and grievances about my singlehood. He was not even my friend. And now, he was about to save me from shame.

Oo, may bayad nga pero saan ba ako makakakita ng lalaking puwede kong pagkatiwalaan at pagpanggaping boyfriend ko? At saka deserved naman iyon ni Kenzo dahil hindi madali ang ipagagawa ko. Pinagsisinungaling ko siya para i-save ako.

He was about to be my “boyfriend” on Saturday. I was worried, yes. But I was also excited for some reason. Maybe this was the reason. Mararanasan kong magkaroon ng isang “boyfriend” na tulad ni Kenzo nang isang gabi. He was handsome, witty, fun, playful and sensible. If only he were a husband material…

Natigilan ako sa iniisip. Ano ba itong iniisip ko?

 

SA ISANG milk tea shop kami tumambay ni Kenzo habang inililitanya ko ang mga dapat niyang malaman tungkol sa akin. Kailangan ay marami siyang alam tungkol sa akin dahil malamang ay kausapin siya ng coursemates ko. Mabubuking kami kapag may nasabi siyang mali tungkol sa akin kaya mainam nang kilala niya ako.

“So, mahilig ka sa milk tea,” sabi ni Kenzo.

Tumango ako. “Okinawa ang favorite ko. ‘Yong may cream cheese. Kapag walang available na cream cheese, rock salt and cheese. Seventy-five percent sugar. At saka gustung-gusto ko talaga ‘yong maraming tapioca pearls.”

“How is that useful in the reunion? ‘Yang tungkol sa favorite milk tea mo?”

Napasobra ba ang pagbibigay ko ng info tungkol sa sarili ko? Bakit nga kasi feel na feel ko namang ibigay sa kanya ang halos lahat ng impormasyon tungkol sa sarili ko?

Gusto mo bang magkainteres siya sa ‘yo? tanong ng atribida sa isip ko. Mukhang hindi naman nagkainteres ang lalaki. Kinukuwestiyon na nga niya ang relevance ng mga ibinibigay kong impormasyon tungkol sa sarili ko.

I twitched my lips. “Malay mo lang, mapag-usapan ang tungkol sa milk tea.”

Ngumisi si Kenzo. “Do you normally talk about trivial stuff in the reunion?”

Pinandilatan ko siya. “Fine. Forget about my favorite milk tea flavor.” Sinimangutan ko siya at sumipsip ng milk tea.

Tumawa ang lalaki. “I think, mas kailangan kong malaman ang tungkol sa family background mo kaysa sa paborito mong milk tea flavor, perfume brand, restaurant…”

Natigil ako sa pagnguya ng tapioca. Of course. Kailangan kong sabihin sa kanya ang tungkol sa pamilya ko pero siyempre ay hindi ko sasabihin sa kanya na inabandona ako ng biological mother ko. Hindi ko sinabi iyon miski sa mga lalaking minahal ko na para bang hindi iyon nangyari.

“Illegitimate daughter ako. Naging mag-dyowa ‘yong mama at daddy ko. Naghiwalay sila nang nasa sinapupunan na ako ng mama ko. Wala pang asawa ‘yong daddy ko noong napunta ako sa kanya. Namatay kasi ‘yong mama ko noong six years old ako kaya kinupkop niya ‘ko. Then nag-asawa ang dad ko, nagkaanak ng isa. Si Lottie, ‘yong younger sister ko na ikinasal. Okay naman ang relationship ko with my stepmom and half-sis.”

Tumango-tango si Kenzo habang nakatitig sa akin na para bang inaarok ang damdamin ko. I tried my best not to look unhappy with my family situation.

“How about me?” tanong niya. “Kailangan ko pa bang magsabi sa ‘yo ng mga tungkol sa ‘kin?”

Natigilan ako. Pagkakataon ko na ba ito para matuklasan ko ang misteryo sa pagkatao ni Kenzo? Makikilala ko na ba siya? “Well…”

“I think there’s no need to, right?” putol niya sa sinasabi ko. “Bahala ka na siguro kung anong gusto mong maging pakilala sa akin sa harap ng dati mong schoolmates.”

“Okay lang sa ‘yo? I mean, na fabricated ‘yong mga sabihin ko sa kanila tungkol sa `yo?”

“I’m just a fake boyfriend. So, there’s no need to tell them anything truthful about me.”

Medyo na-disappoint ako dahil wala talaga siyang balak na ipakilala sa akin ang sarili.

“Hindi mo naman sasabihin sa kanila na fitness instructor lang ako, ‘di ba?”

Hindi nga. “Alam mo kung bakit. Lahat ng naging boyfriend ko, medyo… okay ang career nila kaysa sa ‘yo. Ayokong maikompara ka sa kanila at maliitin ka nila.”

Kaswal na tumango si Kenzo. “I know and I understand. Ano namang trabaho ko ang sasabihin mo sa kanila?”

Saglit akong nag-isip. “Siguro since nagtatrabaho ka sa fitness gym… Sales director ka na lang sa isang sporting goods retailer company. Parang Decathlon, gano’n.”

Ngumiti si Kenzo. “I like it.”

“Don’t worry, I will provide your suit.”

“I have my own suit.”

“Good. Pero kailangan ‘yong suit mo, hindi mukhang pipitsugin, ha. Kailangan mukha kang may binatbat.”

“Don’t worry,” nakangising sabi niya. “Bago-bago pa ‘yong nabili ko sa ukay-ukay. Authentic Giorgio Armani.”

Namilog ang mga mata ko. “Nakabili ka ng almost new na authentic Armani sa ukay?”

Tumango si Kenzo. “Saka shoes. Christian Louboutin. Halos bago pa.”

Napanganga ako. “Saang ukay ‘yan?” Napasinghap ako nang may maalala. “‘Wag mong sabihing ‘yong relo mong suot sa kasal, authentic ‘yon? Doon mo rin nabili?”

Sa halip na sumagot ay sumipsip ng milk tea ang lalaki. “Masarap pala ‘to. Kaya pala maraming may gusto.”

“First time mong nakatikim ng milk tea?”

Tumango si Kenzo.

Lihim akong natuwa dahil may bagong na-experience ang lalaki nang dahil sa akin. Pakiramdam ko tuloy, parte na ako ng buhay niya.

“Wala kang naging girlfriend or casual date na mahilig sa milk tea?” tanong ko.

Ngumiti lang siya. “Are you prying into my private life?”

Nagbuga ako ng hangin. “Why do you have to be so mysterious? Ni wala kang Facebook account.”

“Hinanap mo `ko sa Facebook?”

“Curious lang ako sa ‘yo kasi hindi ka palakuwento. Wala nga akong alam tungkol sa ‘yo, eh. Ikaw lang ang sobrang daming alam tungkol sa ‘kin. Alam mo pati previous relationships ko.”

“Sinabi ko sa ‘yo na iniwan ako ng girlfriend ko two years ago dahil hindi ako naniniwala sa kasal, ‘di ba?”

“Iyon lang ang sinabi mo.”

Ngumiti si Kenzo at tumitig sa akin nang matagal. “So, you want to get to know me. Why?”

Natigil ako sa pagsipsip sa straw. Bakit ganoon siya kung makatingin? Bakit ganoon ang ngiti niya? Was he flirting with me? Bakit parang kinikilig naman ako?

“Ilang beses na tayong nagkita, nag-usap. Tapos, ngayon, magpapanggap ka pang boyfriend ko. Tapos hindi talaga kita kilala. Siguro naman kailangan din kitang makilala, ‘no?”

“Do you really need to? Pinagkakatiwalaan mo naman ako kahit hindi mo ako kilala, ‘di ba? Dalawang beses kang nakipag-inuman at nagpahatid sa akin habang lasing ka. Tapos, pagpapanggapin mo pa akong boyfriend mo. You trust me well enough even without knowing me that much.”

“Fine. Bahala ka kung gusto mong magpaka-mysterious.”

“Why do you trust me this much, Zoey?”

“Dahil kaibigan ka ng asawa ng officemate ko.”

“Dahil lang doon? Do you even know Rey? Close ba kayo ni Stella?”

“Hindi. Pero… basta. Gut feel? Feeling ko, hindi ka masamang tao.”

“Paano kung… hindi ako ‘yong iniisip mo?”

“Masamang tao ka?” I doubt it. Kahit wala akong gaanong alam sa kanya, hindi ko talaga maramdaman na masama siyang tao.

Tumawa si Kenzo. Sumipsip siya ng milk tea. “Ubos na rin ‘yang milk tea mo. Tara, punta na tayo sa park.”

 

WALANG gaanong tao sa park dahil siguro weekdays kaya mas maaliwalas. Nagkataon na hindi maaraw kaya masarap maglakad-lakad habang nag-uusap.

“Malamang tatanungin nila tayo kung kailan at saan tayo nagkakilala,” sabi ko. “Kaya dapat alam mo ang isasagot natin. Kasi kailangang magtugma ang mga sagot natin.”

“Do they really need to ask that? That’s so intrusive.”

“Ganoon talaga sila. Mga usyusero. Kapag hindi tayo sumagot, magtataka sila. Tapos may iisipin na silang masama. Na baka may asawa ka na tapos kabit lang ako, gano’n…”

“Nakarating na agad sa gano’n ang ‘di pagsagot?” halatang naaaliw na tanong ni Kenzo.

“Oo. Kaya dapat game tayong sumagot at mag-share ng love story.”

“So, anong ‘love story’ natin?”

Pinigilan ko ang mapangiti sa pagbigkas ni Kenzo ng “love story natin.” Para kasing ang sarap pakinggan.

“Wala ka bang idea?” tanong ko. “Tara, upo muna tayo.”

Umupo kami sa puting bench na ang view ay mga puno at landscape.

“Wala ka pa bang naisip?” tanong niya.

“Meron pero baka lang may gusto kang i-suggest.”

“Puwedeng doon na lang din tayo sa kasal ng officemate mo nagkakilala.”

“‘Yan nga rin ‘yong naisip ko.”

“Nagkita tayo sa isang sulok sa garden ng venue. Nakita kitang mag-isang umiinom. Alisin natin ‘yong sa bote ka tumutungga. Sa glass wine na lang. Then, nagkayayaan tayong umalis nang maaga sa reception para pumunta sa bar. We immediately hit it off. And the rest was history.”

I imagined that scenario at Stella’s wedding. Nagkatinginan kami ni Kenzo habang nasa reception. Doon pa lang ay nakuha ko na ang atensiyon ng lalaki. Nang makita niya akong umalis sa reception at pumunta sa garden ng venue, sinundan niya ako. Nag-start siya ng conversation. Nag-enjoy kami sa pag-uusap. Hindi ko siya j-in-udge sa hitsura, outfit at relo niya. Hindi ko siya pinagbintangang suma-sideline sa mga matronang members ng gym. Hindi ako tipsy. We flirted and ended up kissing…

Napangiti ako. “Halos ganoon din naman ang naisip ‘ko.”

“Short and sweet, right? Hindi na natin kailangang magsinungaling nang matindi.”

“Right.” Paano nga kaya kung ganoon ang nangyari, ano? Couple na kaya kami ngayon ni Kenzo?

Sinaway ko agad ang sarili ko sa hinahayon ng isip.

“Ano pa’ng mga possible nilang itanong?” tanong niya.

“‘Yong tungkol sa trabaho mo.”

“Na sinabi mo na.”

“‘Wag na lang kayang sales director? Kasi siguradong tatanungin nila ‘yong pangalan ng kompanya. Kapag nagbanggit ka naman, baka hanapin nila sa Internet at makita sa website na wala naman ‘yong pangalan mo roon. Engineer na lang din kaya like Rey?”

Ngumiti si Kenzo. “Okay.”

“Magbasa-basa ka na lang nang kaunti about engineering o kaya magtanong ka kay Rey. Kasi baka magtanong sila ng may kinalaman sa trabaho mo.”

Tumango siya. “So, paano nga pala ang acting natin?”

“Na-in love ka na naman, ‘di ba? Gawin mo lang ‘yong mga ginagawa mo sa mga naging girlfriend mo. Kung paano mo sila tingnan, kung paano mo sila kausapin, kung paano mo sila lambingin…”

Halatang nagkainteres si Kenzo. “Okay lang talagang gawin ko sa ‘yo ‘yon?”

Tumango ako. Hindi ko ipinahalatang na-excite ako sa idea ng mga sinabi ko. “Kailangan, eh. Para maging realistic. Kung hindi ka magaling umakting, isipin mo na lang talaga na girlfriend mo ako para…” Natigil ako sa sinasabi ko dahil napuna ko ang paglambot ng tingin sa akin ni Kenzo. Kung makatingin siya sa akin ay parang gusto niya akong ingatan at mahalin habambuhay…

“Ganito ba?” he asked softly, “babe?”

Babe? Napalunok ako. Sa totoo lang, ayoko ng endearment word na ‘babe’ dahil lagi kong naiisip ang biik sa Hollywood movie sa salitang iyon kaya ni isa sa naging boyfriend ko ay hindi ko hinayaang tawagin ako nang ganoon. Pero… bakit parang ang sarap pakinggan ng endearment word na iyon nang lumabas sa bibig ni Kenzo para ipantawag sa akin?

Umangat ang kamay ni Kenzo papunta sa akin. Hinawi niya ang buhok kong inililipad ng mabining hangin at masuyong ikinipit sa likod ng tainga ko. His fingertips grazed at my jaw and settled on my chin.

“Tulad ba nito?”

Hindi ko naitago ang pagkailang pero dama kong gusto ko ang ginagawa niya. “M-marunong ka naman pala, eh… Hindi na siguro kita… kailangang turuang umakting…”

“Siguro kailangang sanayin na lang natin ang sarili natin na ‘wag mailang sa isa’t-isa.”

Napansin siguro ni Kenzo ang bigla kong pagkailang. Kung alam lang niya kung gaano kalakas ang tibok ng puso ko sa mga sandaling iyon.

Tumayo siya at inabot ang kamay sa akin. “Tara.”

Napatingin ako sa kamay ng lalaki. Magho-holding hands ba kami?

“Babe?” sambit niya sa malambing na tono.

Umangat ang tingin ko sa mukha ni Kenzo at nasalubong ko ang tingin niyang puno ng pagmamahal.

Jusko. Ang puso ko…

Tinanggap ko ang kamay ng lalaki. Nang maglapat ang mga palad namin at ikulong niya ang kamay ko sa kamay niya, pakiramdam ko ay nag-tumbling ang puso ko sa kilig. Tumayo ako at niyakag ako ng lalaki. Nagsimula kaming maglakad. Ngumiti ako sa kanya at umaktong walang kakaibang nangyayari sa akin ng mga sandaling iyon.

“Siguro, kailangan nating tagalan ang holding hands para masanay tayo,” sabi ni Kenzo. “Right?”

“Right.” I felt his fingers moved and suddenly, they were entwined with mine. It felt really good.

‘Wag kang madala, gaga, paalala ko sa sarili. Nagpa-practice lang siya. At saka tigang ka lang kaya ka nagkakaganyan.

I just probably missed being intimate with someone. Iyong may hahawak ng kamay ko at ipaparamdam sa akin na may isang taong gusto akong makasama. Iyong may tumatrato sa akin na special ako. Nami-miss ko lang siguro talaga iyong may nagmamahal sa akin kaya naaapektuhan ako nang ganito.

Nang balingan ko si Kenzo ay nakita ko ang ngiti sa mga labi niya. Gusto kong isipin na nagugustuhan din niya ang pag-e-HHWW namin pero malamang ay nangingiti siya nang ganoon dahil naaaliw siya sa pinaggagagawa namin, sa gagawin naming pagpapanggap sa Sabado. He still probably thought I was pathetic.

“Do you really think I’m pathetic?” bigla na lang lumabas sa bibig ko.

Bumaling siya sa akin. “Bakit mo naisip ‘yon?”

Bumuntunghininga ako. “Kasi ginagawa ko ‘to. Magbabayad pa ako ng lalaki para lang magpanggap na may boyfriend ko.”

Saglit siyang umaktong nag-isip habang nakatingin sa daan bago sumagot. “Honestly, hindi ko pa rin maintindihan kung bakit kailangan mong gawin ‘to. Hindi ko pa rin maintindihan kung bakit masyado kang concerned sa sasabihin ng ibang tao tungkol sa ‘yo. Kung bakit hindi ka komportable sa pagiging single. But that’s who you are. That is how you think. Komplikado ang isip n’yong mga babae kaya siguro, hindi ko na kailangang kuwestiyunin.”

Hindi ko naman inaasahan na sasabihin sa akin ni Kenzo na nauunawaan niya ako. Hindi realistic kung sasabihin niyang naiintindihan niya ako. Hindi naman niya alam ang dahilan kung bakit ako naging ganito. Ganunpaman, naa-appreciate ko ang pagiging honest niya.

May nakasalubong kaming isang lalaki at isang babaeng parehong matanda na. Nakatingin sila sa amin. Ngumiti sila kaya nginitian ko rin. Paglagpas ng dalawa ay nakaabot sa pandinig ko ang sinabi ng babae. “Bagay sila, ‘no, mahal? Naalala ko tuloy sa kanila ang kabataan natin…”

Nang balingan ko si Kenzo ay nakita ko siyang nakangiti nang malapad. Mukhang narinig din niya ang sinabi ng matandang babae.

Kaagad na nag-init ang mga pisngi ko. Bagay raw kami. Totoo ba iyon? Ang kaso, hindi naman ako type ng lalaking ito.

Kung type ka ba niya, dyodyowain mo? tanong ng isip ko. Kahit hindi pasado sa standard mo ang career niya at hindi siya naniniwala sa kasal?

“Bakit sila,” tanong ko, “tumagal ang marriage?” Ang mga matatanda ang tinutukoy ko.

“Well, good for them.”

I squinted at him. “You’re not romantic, are you?”

“I am romantic. Pero pagdating sa marriage, realistic lang ako.”

Weh?”

“Oo nga. Gusto mo bang subukan?”

“Huh?”

“Tutal, nagpa-practice naman tayong lovers, might as well, ipadama ko na sa ‘yo kung gaano ako ka-romantic.”

No, please. Sabi ni Jaja, marupok ako. Baka bumigay ako… Pero na-excite ako sa isiping mararanasan ko ang pagiging “romantic” ni Kenzo.