Image

NAGPAKAWALA ako ng buntonghininga habang mag-isang nagkakape sa isang sulok na table sa Delica Café. I was alone again.

I was single again.

I had to get used to this. I had to embrace singlehood for now. Kailangan kong i-train ang sarili ko na maka-cope up sa solitude dahil hindi ko alam kung hanggang kailan ko maaayos ang personal issues ko.

I missed Kenzo so much. Palagi siyang pumapasok sa isip ko. Parang gusto ko na ngang pagsisihan ang desisyong pakawalan muna siya. Pero magiging unfair sa kanya kung ipagpapatuloy ko ang relasyon namin kahit may doubts ako sa sarili at sa abilidad kong magmahal nang tunay.

I just started reflecting on my past relationships. I thought Justin was my first love but I realized Jaja was right. Puppy love lang ang naramdaman ko kay Justin noong high school. Nakilala ko siya isang hapon habang nagmumukmok ako sa isang bahagi ng school gym. Hindi kasi dumating ang daddy ko para manood ng school program kung saan kasali ako kaya masamang-masama ang loob ko noon. Kahit kailan kasi ay hindi ako humiling sa daddy ko—iyon lang hiniling ko rito—pero hindi pa rin ako napagbigyan.

Nilapitan at kinausap ako ni Justin at nang dahil sa kanya, napawi ang lungkot sa dibdib ko. Simula noon, hinahanap ko na ang company ni Justin. Nang yayain niya akong mag-date, sumama ako sa kanya. And the rest was history.

Na-realize kong ginawa ko siyang distraction para hindi ko masyadong maisip ang sitwasyon ko sa buhay, para hindi ko na masyadong dibdibin ang katotohanang kahit kailan ay hindi ako magiging priority ng daddy ko kahit minsan dahil may iba siyang pamilya.

Last night, nagpadala ako ng private message kay Justin sa Messenger. Hindi kami friends sa Facebook pero alam ko ang account niya dahil sikat siyang PBA player. Ang balita ko ay engaged na siya sa longtime girlfriend na isang news reporter. Kinumusta at binati ko siya sa nalalapit na kasal. Hindi ko in-expect na magre-reply kaagad siya.

Thank you, Zoey. Ikaw, kumusta? It’s been so long.

I’m good. Pero lately, naging reflective ako. Nagkaroon ako ng realizations about my past relationships. Kasama ka roon. Naalala ko kung paano tayo nag-break up.

Ha-ha! Did you send me a message after thirteen years just to remind me how we broke up because of an anime show?

Ha-ha! Iyon ba talaga ang dahilan? O talagang pawala na ‘yong feelings mo sa ‘kin noon? Idinahilan mo lang ‘yong madalas nating hindi na pagkakasundo, ‘no? You can tell me the truth, Justin. Tutal matagal na naman ‘yon.

To be honest, Zoey, you’re right.

Anong dahilan kung bakit nawala ‘yong feelings mo para sa ‘kin?

‘Yong totoo… nagsawa na lang ako na maging shock absorber mo noon. Ang dami mong emotional baggages. Ang bata ko pa noon. I was living a carefree, laidback life kaya nabigatan ako sa ‘yo. I’m sorry, Zoey.

Thank you for being honest, Justin. And I’m sorry if I’d been a burden to you then. Masyado akong naging emotionally dependent sa ‘yo. Hindi ko alam na nabibigatan ka na pala.

We were kids then. Hindi pa rin talaga tayo handa noon sa isang relationship. Hindi pa natin alam kung paano mag-alaga ng relasyon.

Nakompirma ko na ako nga ang may kasalanan kung bakit kami naghiwalay ni Justin at hindi ang walang muwang na anime. I was too young then and clueless of the fact that I had been a burden to him. I was selfish. Sarili ko lang ang inisip ko. Hindi ko inisip na bata pa rin siya noon at hindi pa kaya ang ganoong klaseng bigat.

It seemed Erick had the same thoughts as Wendell because they talked about me and came up with the same conclusion. So I wanted to see TJ. Feeling ko kasi, malaki rin ang kasalanan ko sa kanya.

“Bes, okay ka lang ba talaga?” tanong ni Jaja na umupo sa katapat kong silya nang makalapit sa akin.

Inilapag ko ang tasa ng kape. “Kaya pa naman.”

“You look sick. Gusto mo, tawagan ko na si Kenzo? Mukhang kailangan mo kasi ng kisspirin at yakapsul.”

“Tumigil ka nga, ‘Ja. Not funny.”

“You seriously are brokenhearted. Kasi naging KJ ka na. Dati, kapag kahit iniwan ka ng dyowa mo, nakakasakay ka pa rin sa mga biro. Ngayon, hindi mo na naa-appreciate ang antique kong sense of humor.”

Jaja had no idea how I missed Kenzo’s kiss and embrace. Kapag naiisip ko kung gaano kasarap ang halik at yakap ng lalaki, parang gusto kong bumigay sa pagiging marupok at tumakbo papunta sa condo nito. Kaya hindi ako natutuwa sa biro ni Jaja.

“Bakit kasi kailangan mo pang makipag-cool off sa kanya? Puwede mo namang ayusin ‘yong personal issues mo na kasama siya.”

“Ayoko siyang idamay sa personal issues ko. Gusto ko, kapag nagharap ulit kami, iba nang Zoey ang makilala niya. ‘Yong buo na at mas kilala na ang sarili.”

“Pero alam mo, bes, minahal kita nang ganyan. Kahit lukaret ka. Kahit may emotional baggages ka. Kaya hindi ko alam kung mamahalin ko ‘yong niluluto mong Zoey version 2.0.”

“Hindi naman kita dyowa. Kaibigan kita. Ang dyowa, magsasawa, mabibigatan at mafa-fall out of love in the long run kung magpapatuloy akong ganito. Hindi malabong ganoon din ang mangyari kay Kenzo balang-araw. Iiwan niya rin ako kung sakali. Ayokong mangyari ‘yon. Gusto kong umasang siya na si Mr. Right. Gusto ko, siya na ‘yong lalaking makasama ko habambuhay. Gusto kong ayusin ang sarili ko para sa kanya. Para maging karapat-dapat ako para sa kanya. Naintindihan naman niya kung bakit ko gustong gawin ‘to. Ang sabi niya, hihintayin niya ako.”

Bumuntonghininga si Jaja. “Basta, bes, ako hindi kita iiwan. Nandito lang ako. Sorry na kung nag-asawa at nagkaanak ako nang maaga kaya na-feel mo na parang in-abandon din kita.”

Umiling ako. “Nandiyan ka naman kapag kailangan kita. Binibigay mo naman sa ‘kin ‘yong me-time mo kahit minsan, nahahalata ko na gusto mo na akong sipain palayo dahil demanding ako minsan sa time mo.”

“Hoy, sobra ka naman. Naiintindihan ko naman kung bakit ka demanding sa attention. Sana alam din ng exes mo kung bakit. Pero hindi mo sinabi sa kanila na kaya ka ganyan ay dahil sa ginawa sa ‘yo ng nanay mo. Hindi ka lang basta lumaking walang nanay at may pamilyang iba ang daddy. You were abandoned as a child and you were like traumatized by it. It shaped you into who you are today. Hindi ka tuloy nila gaanong naintindihan kasi hindi nila alam ‘yong pinakamasakit na parte ng buhay mo.”

Right. In-acknowledge ko na ring may psychological issues ako. Maybe I had childhood trauma. The fact that I was abandoned overwhelmed me as a child. Not only I was abandoned by my mom, my dad semi-abandoned me, as well. Nagkaroon iyon ng psychological impact sa akin. Hanggang sa lumaki ako ay hindi ko pa rin natanggap ang ginawa sa akin ng mama ko at may tampo pa rin ako sa daddy ko. Hindi ako naka-move on.

“So, it’s a good thing that you decided to finally tell someone about your mom. You can’t keep that part of your life a secret forever, Zoey.”

Tumango ako. Actually, nang sabihin ko iyon kay Kenzo, pakiramdam ko ay nabawasan nang kaunti ang bigat sa dibdib ko dahil finally ay naging bukas na ako tungkol doon.

“And I’m glad that you finally had the courage to face it,” patuloy ni Jaja.

Yes, I decided to face it. In fact, nagdesisyon akong hanapin ang pamilya at mga kamag-anak ng nanay ko. Hindi ko sila pinagtangkaang hanapin noon dahil ayokong magkaroon pa ng koneksiyon sa partida ng inang nag-abandona sa akin. Pero naisip ko na kailangan ko silang makausap dahil baka sila ang makasagot ng tanong ko simula noong bata.

Bakit ako inabandona ng sarili kong ina?

Kung sakaling malaman ko ang kasagutan doon ay baka masimulan ko na ang mag-move on sa nakaraan. Baka masimulan ko na ang pagtanggap sa kapalaran ko. Kapag napatawad ko siguro ang nanay ko, mababawasan na ang bigat sa dibdib ko. Kailangan ko lang siguro talaga ng closure. Baka kahit masakit ay matanggap ko na, basta malaman ko lang ang sagot sa tanong ko.