BAHAGYA kong nginitian ang babaeng lumabas mula sa pinto ng bahay na pinuntahan ko. Isang linggo rin ang ginugol ko sa paghahanap sa pamilya o mga kamag-anak ni Lilian Galvez hanggang sa makita ko ang pinsan niyang si Marietta Nueño.
Nang tawagan ko siya sa telepono ay ipinakilala ko ang sarili para sabihin sa akin ang address ng bahay niya. Ayokong makipagkita sa labas dahil gusto kong maging pribado ang magiging pag-uusap namin. Hindi na nagtanong si Marietta kung sino ako. Ni hindi man lang na-amaze dahil sa kauna-unahang pagkakataon ay nakita niya ang anak ng kanyang pinsan.
“Zoey… kamukhang-kamukha mo ang nanay mo.”
Nakita ko ang pangungulila sa mga mata ni Marietta. Hindi siguro para sa akin kundi para sa nanay ko. Oo, kamukha ko nga siguro ang nanay ko. Wala ako ni isang larawan nito pero naaalala ko ang mukha ng inang nag-abandona sa akin.
“Pasok ka,” sabi ni Marietta.
Sa isang maliit na subdivision sa Cavite nakatira ang pinsan ng nanay ko. Walang tao sa loob ng bahay pero nakita ko ang family picture sa kuwadrong nakasabit sa dingding. Anim ang anak ni Marietta.
“Sandali at ipaghahanda kita ng maiinom at makakain.”
“‘Wag na po. Hindi naman ako nauuhaw o nagugutom.”
Nang maupo kami sa sofa ay tumitig lang sa akin ang tiyahin ko hanggang sa mapansin ko ang mists sa mga mata niya.
“Masaya ako na lumaki kang maayos,” sabi niya.
Paano naman nasiguro ni Marietta na lumaki ako nang maayos? Kung alam lang niya ang kinahinatnan ng buhay ko dahil sa pang-aabandona sa akin ng pinsan niya.
“Parang alam ko na kung bakit mo ako hinanap. Ang totoo… matagal kitang hinintay na hanapin ako o isa man sa kamag-anak ng nanay mo.”
Nalaman ko habang naghahanap na wala nang immediate family si Lilian Galvez. Kaya nauwi ako sa pinsan nito.
“Akala ko,” patuloy niya, “hindi na darating ang panahon na hahanapin mo kung saan ka nagmula.”
“Hindi lang po ako nandito dahil curious ako sa mother’s side ko.”
Tumango si Marietta. “Alam ko. Gusto mo nang malaman kung bakit ka inihabilin ng nanay mo sa tatay mo.”
“Inihabilin? Hindi ipinamigay?”
Tumitig sa akin si Marietta. Nakita ko ang lungkot sa mga mata niya. “Pareho silang nagmamay-ari sa ‘yo, Zoey. Pareho silang may obligasyon sa ‘yo.”
Kunsabagay nga naman. “Pero ang nanay ko ang nagluwal sa akin. Siya ang nag-alaga sa ‘kin noong bata ako kaya siguro naman, napamahal ako sa kanya. Usually, ang nanay, hindi kayang ibigay ang anak kahit sa tatay nito. Hindi niya kakayaning mahiwalay sa anak nila.”
“At ‘yon ang ipinunta mo rito. Gusto mong malaman ang dahilan kung bakit nakaya ng nanay mo na ipaalaga ka sa tatay mo at iwan ka roon. Hindi niya rin gustong iwan ka roon, Zoey. Pero naisip ni Lili na may obligasyon sa ‘yo ang ama mo at hindi ka niya pababayaan sa mga pangangailangan mo, lalo na sa pinansiyal.”
“Wala lang ba siyang maipambuhay sa akin kaya niya ako ibinigay sa daddy ko?” Naaalala ko na hindi maalwan ang buhay namin noong bata ako pero hindi naman kami pulubi. “Puwede naman siguro siyang humingi na lang ng sustento.”
“Hindi naman niya kailangan ng sustento. Nakaya ka niyang buhayin nang mag-isa nang hindi humihingi ni isang kusing sa ama mo.”
“So, bakit po niya ako ibinigay sa daddy ko? Bakit niya ako iniwan doon at hindi na binalikan man lang para makita ako noong buhay pa siya? Ang sabi ni Daddy, iniwan na lang ako roon ng nanay ko nang walang sinabing dahilan. Ang sabi lang, siya na ang bahala sa akin.”
Malungkot na bumuntunghining si Marietta. “Hindi rin alam ng daddy mo ang dahilan kung bakit ka iniwan doon ng nanay mo. Hindi sinabi ni Lili ang tunay na dahilan.”
“Ano po’ng tunay na dahilan?” kunot-noong tanong ko.
Matagal siyang tumitig sa akin nang may lungkot sa mga mata. “Mahal na mahal ka ng nanay mo, Zoey. Kung puwede lang na hindi ka niya iwan pero wala naman siyang pagpipilian. May cancer of the brain ang nanay mo noon, Zoey. Noong tinaningan siya ng doktor, naisip niyang maiiwan ka na niya. Kaya bago pa siya maratay at makita mo siyang naghihirap at mamamatay, inihabilin ka na niya sa daddy mo.”
Pakiramdam ko ay parang tumigil ang mundo nang mga oras na iyon. Hindi ko magawang makapagsalita at nanatiling nakatitig lang ako kay Marietta na nangingilid na ang luha sa mga mata. Hindi ako makapaniwala sa narinig ko. Hindi ito kasama sa mga naisip kong posibleng dahilan kung bakit ako iniwan ng mama ko sa poder ng daddy ko. Ang alam ko kasi ay namatay ito nang masagasaan kaya hindi ko naisip ang posibilidad na nagkaroon ang nanay ko ng malubhang karamdaman.
Nag-flash sa isip ko ang mga alaalang biglang nabuksan sa isip ko. Nakikita ko ang mama ko na palaging umiiyak habang sapo ang ulo. Ang sabi nito ay masakit lang ang ulo at mawawala iyon kapag uminom ng gamot. She would even try to smile at me as if her pain was relieved but I could see through her eyes that she was in pain. Napakabata ko pa noon para magkaroon ng kaalaman tungkol sa terminal diseases.
“Naalala ko ‘yong ikinuwento niya sa akin,” patuloy ni Marietta. “Isang beses raw ay nakita mo siyang nagdurugo ang daliri dahil nahiwa niya ng kutsilyo ang sarili habang naghihiwa ng mga gulay. Iyak ka raw nang iyak at akala mo raw ay mamamatay na siya. Hindi ka raw niya mapatahan at nilagnat ka pa raw nang araw na iyon dahil sa takot. Ang sabi mo raw sa kanya, ‘Mama, ‘wag kang mamatay, ha.’ Nag-promise daw siya sa ‘yo na hindi siya mamamatay. Kaya nagdesisyon siyang iwan ka na sa daddy mo bago pa siya gapiin ng sakit. Ayaw niyang makita mo siyang mamatay. Baka raw ma-trauma ka at magkasakit dahil sa takot…”
Namalayan ko na lang na nanlalabo na ang mga mata ko dahil sa mga namuong luha. Hindi ko na maalala ang eksenang iyon dahil napakabata ko pa noon pero pakiramdam ko ay totoo ngang nangyari iyon.
“Hindi niya sinabi sa daddy mo na may sakit siya at kung bakit ka niya iniwan doon dahil ayaw niyang malaman mo. Hindi ka na niya napuntahan at nakita simula nang araw na iyon dahil mula sa Maynila, bumalik na siya sa Iloilo dahil gusto niyang doon siya pumanaw para mailibing katabi ng mga magulang niya. Kinuha siya ng Panginoon apat na buwan pagkatapos ka niyang iwan sa Maynila.” Sandaling tumigil si Marietta sa pagkukuwento para umabot ng tissue para punasan ang mga luha at suminga roon.
“Noong hindi sinasadyang magkita kami ng ama mo makalipas ang isang taon, sinabi ko na lang na namatay si Lili sa isang aksidente sa daan. Iyon kasi ang bilin sa akin ni Lili. ‘Wag ko raw sabihin sa ama mo dahil siguradong malalaman mo. Hiniling niya sa akin na makibalita tungkol sa ‘yo at tingnan kung napapalaki ka nang maayos ng ama mo. Noong una ay hirap akong gawin iyon pero dahil sa teknolohiya, natupad ko rin ang hiling niya. Hinanap kita sa Facebook at doon ako nakikibalita ng mga nangyayari sa buhay mo. Ang sabi ni Lili, kung sakaling balang-araw, makita kita nang malaki ka na at nasa hustong edad, puwede ko na raw sabihin ang tunay na nangyari sa kanya dahil karapatan mo pa ring malaman iyon.”
May inabot na papel at sobre si Marietta mula sa ilalim ng center table. “Ito ang death certificate ng nanay mo at sulat niya para sa ‘yo. Isinulat niya iyan bago siya mawala at ibinilin sa akin na ibigay ko sa ‘yo kapag nagkita tayo nang malaki ka na.”
Nanginginig ang mga kamay na tinanggap ko ang certificate at sobre.
Tuluyan nang nagsipatak ang mga luha ko.
DEAR anak,
Kumusta ka na? Malamang ay malaki ka na ngayon. At siguradong napakaganda mo. Sana ay pinalaki ka ng ama mo nang maayos tulad ng hiniling ko sa kanya. Sana ay nakatapos ka ng pag-aaral at may magandang trabaho. Sayang nga lang at hindi ko nakita kung paano ka lumaki. Pero ganoon talaga ang buhay. Minsan, maikli lang talaga.
Siguro ay alam mo na kung bakit kita iniwan sa daddy mo. Patawarin mo ako, anak, kung hindi ko sinabi sa ‘yo na may malubhang sakit si Mama. Ayaw ko kasing masaktan ka. Ayokong mahirapan ka kapag nakita mong hindi na makatayo at makapagsalita si Mama. Ayokong makita mo na namatay si Mama.
Pasensiya ka na, anak. Hindi ko natupad ang pangako ko na hindi ako mawawala. Pero gagabayan pa rin kita mula sa itaas.
Mahal kita, anak. Miss na miss na kita. Pero ayokong makita ka agad dito. Gusto ko, matagal pa tayong magkikita. Gusto ko marami ka nang pileges kapag nagkita ulit tayo. Huwag mo akong gayahin. Huwag kang maagang mawawala sa mundo. Gusto kong mabuhay ka nang matagal at masaya…
Natigil ako sa pagbabasa ng sulat ni Mama nang pumatak ang luha ko sa isang bahagi ng papel. Pinawi ko ng likod ng palad ang mga luha ko at ibinalik ang tingin sa lapida ng nanay ko. Dalawang araw pagkatapos kong makausap si Tita Marietta ay pinuntahan ko ang puntod ni Mama sa Iloilo.
Nang dumating ako kanina ay inilapag ko roon ang isang basket ng bulaklak at picture frame kung saan ko inilagay ang larawan na kalakip ng sulat ni Mama. Magkasama kaming dalawa sa picture na iyon. Yakap niya ako at pareho kaming nakangiti.
Hindi pa rin ako makapaniwala na kinamuhian ko nang maraming taon ang inang nagmahal sa akin. Gusto niya akong protektahan kaya inilihim niya ang lahat at iniwan ako sa daddy ko pero hindi niya alam na mas matindi ang naging epekto sa akin ng ginawa niya.
I grew up silently hating her. I grew up constantly longing for love and attention because I believed that even my own mother did not love me. I developed the fear of being alone, of being abandoned. I became someone who mistook “need” for “love.”
Hindi sana ako naging ganito kung hinayaan lang ni Mama na makasama ko siya hanggang sa huling sandali ng buhay niya.
“‘Ma… sana hinayaan mo na lang akong ma-trauma sa pagkawala mo. Para at least, nakasama mo ako sa mga huling araw ng buhay mo at napabaunan kita ng magagandang alaala. Para nahawakan ko ang kamay mo sa huling sandali. Sana… hindi kita kinamuhian habang lumalaki ako.” Hinayaan ko ang patuloy na pag-agos ng mga luha ko.
Pero hindi ko siya masisisi. Napakabata ko pa nga naman noon para i-take in ang katotohanang mamamatay na ang nanay ko. Ginawa iyon ni Mama dahil sa sobrang pagmamahal niya sa akin. Ginawa niya iyon dahil naisip niyang iyon ang makabubuti para sa akin.
“Pero naiintindihan kita, ‘Ma. Hindi mo ako iniwan dahil gusto mo. Wala ka lang choice. I’m sorry for hating you, ‘Ma…” Hinaplos ko ang nakaukit na pangalan ni Mama sa lapida. “Thank you, Mama. Thank you for loving me unconditionally. It feels really good to know that someone really loved me this way. I have always longed for this kind of love. A love from a mother, a parent. Ito lang talaga ang kailangan ko. I keep finding someone to love me but I realized nobody could give me the kind of love that I needed but you. Kaya ngayong alam ko nang may nagbigay pala sa akin ng klase ng pagmamahal na inaasam ko, masaya na ako, Mama. Masaya na ‘ko.”