PUMUNTA ako sa bahay ni Daddy para kausapin siya tungkol sa nanay ko. Yumuko siya nang sabihin ko sa kanya ang tunay na nangyari sa dating kasintahan. Nakita ko ang guilt sa mga mata niya. Hindi ko alam kung para saan ang guilt na iyon.
“All my life,” sabi ko sa mahinang boses, “akala ko, hindi ako minahal ng nanay ko kaya niya ako ibinigay sa ‘yo. I silently hated her. Iyon pala, dahil sa tindi ng pagmamahal niya sa ‘kin, nagawa niya ‘yon. She secured me in a safe place and suffered alone…”
Bumuntunghininga si Daddy. “I feel bad for Lilian. Kung alam ko lang…”
“Kung alam mo lang… ano?” tanong ko nang tumigil siya sa pagsasalita.
“Natulungan ko sana siya sa pagpapagamot niya.”
“Para makabawi sa ginawa mong pag-aabandona sa kanya noong buntis siya?”
Nag-angat ng tingin sa akin si Daddy. Nakita siguro niya ang panunumbat sa mga mata ko. “What made you think na inabandona ko siya?”
Natameme ako. Right. Hindi ko nga pala alam ang eksaktong istorya ng pagmamahalan ng mga magulang ko. May kaunting sinabi lang sa akin si Lola Teo.
“Hindi ko alam na buntis siya noong naghiwalay kami. Nagulat na lang ako noong dumating siya rito na may dalang bata. Anak ko raw.”
“Raw? Pinagdudahan mo ba na sa ‘yo ‘yong bata?” tukoy ko sa sarili.
Tumitig sa akin si Daddy. “‘Yong totoo… oo.”
Napahugot ako ng hininga. Kung hindi ko lang siya ama, baka pinagsalitaan ko na siya sa paglapastangan sa imahe ng nanay ko. So, iyon pala ang dahilan kung bakit parang hindi niya ako matanggap noong una bukod sa sinabi ni Lolo Teo sa akin, hindi pa raw handa ang daddy ko sa responsibilidad ng pagiging ama kaya hindi niya ako naalagaan nang husto noon.
“I secretly ordered a DNA test to make sure. It turned out positive. Anak nga kita.”
“Bakit kailangan mong pagdudahan si Mama nang gano’n? Anong dahilan mo?”
“Naghiwalay kasi kami ng Mama mo dahil bumalik siya sa ex niya. Mahal pa rin niya ‘yong ex niya noong nagkakilala kami. Pero dahil gustung-gusto ko siya, nag-apply akong maging rebound. Halos isang taon din kami ni Lilian bago bumalik ‘yong ex niya. She said, she realized she still loved him. I set her free. Pero nalaman ko rin later on na naghiwalay din agad sila. Siguro dahil nalaman ng lalaking ‘yon na buntis siya. Hindi niya siguro alam na buntis na pala siya noong naghiwalay kami. Hindi niya sinabi sa akin na ako ang ama ng dinadala niya. Nalaman ko na lang noong dinala ka na niya sa akin noong six years old ka na.”
Napatanga ako kay Daddy. Hindi ko alam na nabigo pala siya kay Mama.
“Naiintindihan ko naman si Lilian, eh. Ako naman talaga ‘yong nagpumilit na mahalin siya kahit alam kong may ibang laman ang puso niya. Naging honest lang siya sa nararamdaman niya kaya nag-decide siyang iwan ako. I was hurt but I knew I shouldn’t blame her.”
Ganoon kamahal ni Daddy si Mama para hindi magtanim ng sama ng loob dito? Hindi ko maiwasang manghinayang sa pag-ibig niya. Sana, hindi na lang binalikan ni Mama ang ex. Siguro kung nangyari iyon ay naging isang buong pamilya kami. Baka naagapan ni Daddy ang cancer ni Mama at hindi ito namatay nang maaga. Pero gaya nga ng sabi ni Daddy, hindi naman masisisi si Mama kung iyon ang nararamdaman nito.
“Kaya nagduda ako sa paternity ko sa ‘yo.”
“Pero noong nalaman mong tunay mo ‘kong anak, hindi pa rin naging malapit ang loob mo sa ‘kin.”
Lumarawan ang guilt sa mga mata ni Daddy habang nakatitig sa akin. “Hindi ko alam kung paano ka ia-approach noon. I did not know how to deal with a child like you. You were aloof and distant that time. Palagi kang umiiyak at malungkutin. Sinubukan ko naman na mapalapit ang loob mo sa akin kahit hindi ako marunong mag-alaga ng bata pero ikaw ang lumalayo. Mas nauna ka pang maging palagay sa lolo mo. I realized then that you were like your mom. Neither of you liked me.”
“Ganoon ba ang naging dating sa ‘yo ng hindi ko pagkukusang mapalapit sa ‘yo noon? My heart was in pain that time. I was starting to hate my mom for abandoning me. I was in an unfamiliar house with an unfamiliar father. Kaya natural lang na ganoon ako ka-aloof at distant. Si Lolo Teo, naging matiyaga siya sa ‘kin. Hindi siya sumuko hanggang sa makuha niya ang loob ko.”
Tumango-tango si Daddy na para bang tinatanggap ang kamalian. “Right. Sumuko nga ako noon. Sumuko akong gawin ang lahat para mapalapit sa ‘yo dahil na rin kay Linda. Hindi niya matanggap na may anak ako sa pagkabinata. Kaya para hindi masira ang relasyon namin, iniwasan ko ang maging malapit sa ‘yo.”
Bumuntunghininga ako. “I know. Narinig ko ‘yong usapan n’yo isang beses. Narinig ko ‘yong sinabi niyang hindi niya pinangarap na maging isang stepmom. Gusto niya, kapag bumuo kayo ng pamilya, kayong dalawa lang at mga anak n’yo. Ayaw niya ng anak ng ibang babae. Kaya lalo akong naging distant sa ‘yo. Kasi naisip ko na nang dahil sa ‘kin, nagkakaproblema ka sa babaeng mahal mo. Kaya hindi na ako nakipaglapit pa sa ‘yo. Ayokong maging hadlang sa love life mo. Still, she left you and it was my fault. Kaya noong nakilala mo si Tita Liza, I kept my distance even more. Ayokong ako na naman ang maging dahilan ng pagkabigo mo. In my own little way, I wanted you to be happy, Daddy. Kahit na ang kapalit no’n, ang hindi na tayo maging super close na mag-ama.”
Nakita ko ang mists sa mga mata ni Daddy habang nakatitig sa akin. “Inaamin kong naging makasarili ako, anak.”
“I know and I permitted it. I even stayed with Lolo Teo when you married Tita Liza and let you experience a normal married life. Hindi rin ako naging demanding sa atensiyon mo dahil ayoko nang mangyari uli sa ‘yo ‘yong pinagdusahan mo kay Linda. Ayokong iwan ka ni Tita Liza. Alam kong ganoon ka rin. Alam kong pr-in-iority mo ang pamilya mo dahil ayaw mong masira ‘yon. Kaya hindi rin talaga tayo nagkaroon ng pagkakataon na magkalapit nang husto dahil pareho tayo ng goal. Hindi mo man ako inalagaan nang hands-on, hindi ka naman nagkulang sa pinansiyal na suporta. Pero hindi ko pa rin maiwasan ang minsan, umasam na maging close tayo. Lalo na noong dumating si Lottie sa buhay mo. Nagselos ako pero alam ko naman kung saan ako nakalugar as an illegitimate child.”
Naglandas ang luha sa mga pisngi ni Daddy. Halata ang pagsisisi sa mga mata niya. “I’m sorry, anak. Napakalaki ng pagkukulang ko sa ‘yo. I’ve been a bad father. Even though you were with me, I let you live on your own. I made you feel alone.”
Naalala ko noong nakita ko si Daddy sa entrada ng kusina habang nag-uusap kami ni Lottie noong araw na dinala ko si Kenzo sa bahay. There was guilt and remorse in his eyes that time. Pakiramdam ko ay gusto niya akong kausapin noon tungkol sa mga sinabi ko kay Lottie kaya lang ay mukhang hindi siya nagkalakas ng loob na buksan ang usapin tungkol sa amin na hindi namin pinagtangkaang pag-usapan ni isang beses. Pakiramdam ko, matagal na niyang gustong mapalapit sa akin pero hindi lang niya alam kung paano uumpisahan iyon.
Pumatak na rin ang mga luha ko. May isang parte na naman sa dibdib ko ang naalisan ng bigat. Mukhang iyon lang talaga ang kailangan ko—ang marinig si Daddy na humingi ng tawad sa naging pagkukulang niya. Mas naunawaan ko na siya ngayon.
Tumayo ako at niyakap si Daddy. Humagulgol siya sa loob ng mga bisig ko.