“THANKS, Dad! You’re the best,” masayang sabi ni Cake. Katatawag lang nito sa kanya at ibinalitang ipahihiram nito sa kanya ang isa sa mga tauhan nila sa shop.
Their family owned a furniture shop. Iyon na ang kinalakihan niyang negosyo nila. Dahil din sa negosyong iyon kaya nakatapos ang ate niya ng business degree sa isang private school at nakapagpatapos sa kanya ng kursong Bachelor of Arts in Theater Arts sa PUP. Doon niya ginustong mag-aral dahil doon nag-aral ang mga kaklase niya noong high school. Hindi na siya humanap ng ibang eskuwelahan dahil maganda naman doon. Proud siyang tawagin na “scholar ng bayan.”
“No problem, anak. Hintayin mo na lang siya riyan. Ang sabi niya sa akin kanina ay on the way na siya. Ifo-forward ko na lang sa kanya ang number mo para mai-text ka niya kapag nandiyan na siya sa CCP.”
“Okay po. Thanks again, Dad.” Nakahinga na siya nang maluwag sa balita nito. Malapit na ang stage play nila pero kulang pa rin sila ng stagehand. Isa siyang stage manager ng local theater company. Iyon ang naging trabaho niya nang magsawa siya sa pagiging events coordinator. Pero tumatanggap pa rin siya ng sideline jobs. Ayaw man niyang aminin ay naging toxic sa kanya ang mga nagdaang araw. Bigla siyang may naalala bago pa man tuluyang magpaalam ang daddy niya.
“Ay, Dad! Late ako makakauwi mamaya, ha? Pakisabi na lang kay Mommy.”
“Naku, ikaw talagang bata ka. Huwag kang makikipag-date.”
She couldn’t help but roll her eyes. Sinabi kasi niya rito na gusto niyang mag-asawa nang maaga at desidido siyang gawin iyon bago sumapit ang ikadalawampu’t apat na taong kaarawan niya. She was afraid of being an old maid like her sister and her three aunts. Ang ultimate dream niya ay maging isang mabuting maybahay.
“Dad, naman… Hindi ako makikipag-date, promise. Busy ako ngayon sa upcoming show ko. Isa pa, nagpaalam ako kasi ayokong napupuyat kayo ni Mommy sa paghihintay sa `kin. `Sabi ko naman sa inyo, late na talaga akong makakauwi sa mga susunod na araw.”
“Aba, anak, dapat ko na yatang ipagpasalamat ang pagkakapasok mo riyan sa trabaho mo. Nawawalan ka na ng panahon sa date. Pero alam mo namang hindi ako nag-aalala sa `yo noong nagaaral ka dahil sinusundo kita kahit anong oras ka umuuwi. Ngayon, ayaw mo nang magpasundo.”
Bago pa siya makasagot ay nahagip ng mga mata niya ang isang lalaking papunta sa direksiyon niya. May dalang backpack ang lalaki at bumabakat ang muscle nito sa suot na puting T-shirt at itim na maong na pantalon. Hindi na niya napigil ang sariling bistahan ang mukha nito. The guy had brown hair with colored streaks. Iyong parang hindi inayos pero bumagay pa rin dito. Natatamaan ito ng sinag ng araw kaya bahagyang nakakunot ang noo nito pero hindi iyon nakabawas sa kaguwapuhan nito. He seemed somewhat mysterious but also had an inviting presence around him. She could feel her heart tremble and her hands becoming sweaty. Bigla ay nalito siya sa nararamdaman. Natetensiyon siya at bago iyon sa kanya.
“Cake! Cake, anak!”
Napapitlag siya pagkarinig sa boses ng kanyang ama. Ay, may kausap nga pala ako. “Hello, Dad. Pasensiya na kayo, may dumating kasing artista. Na-starstruck ako. Guwapo kasi, eh.” She couldn’t help but giggle at her answer. Bakit ba? Sa feeling ko, artista siya. Puwede ring modelo.
“Naku, anak… Mag-ingat ka rin sa mga artistang nakakasalamuha mo. Magaling umarte ang mga `yan. Baka sa una lang mabait ang mga `yan, `tapos—”
“Dad, heto na naman tayo. Sige na po, magtetext na lang ako kapag pauwi na ako. Huwag n’yo nang puyatin ang mga sarili n’yo, ha? Bye, Dad! `Love you.”
Pagkatapos nilang mag-usap ay ibinulsa na niya ang kanyang cell phone. Napangiti siya. Bahagya pa siyang sumulyap sa lalaki bago tuluyang pumasok sa teatro. Mahirap nang magtagal pa siya sa labas kahit gustuhin pa niya. Baka kasi isipin ng lalaki na nagpapa-cute siya.
Pero guwapo talaga. Halos kaaakyat lang niya sa lobby nang tumunog uli ang cell phone niya. Napakunot-noo siya nang makita ang unregistered number sa display screen.
“Hello?”
“Is this Miss Cake Lleander?”
Hindi niya alam kung bakit parang may kung ano sa boses ng lalaking nasa kabilang linya na naging dahilan para matigilan siya. Err, baka dahil pang-DJ ang boses niya? His voice was so sexy. Tumikhim muna siya at kinalma ang sarili. “Yes, speaking. Who’s this?”
“Ako ho si Lucas. Ako `yong tauhan sa shop ninyo na ipinadala ng daddy n’yo para maging stagehand na kailangan n’yo.”
Ito ang stagehand namin? Naa-amuse na nagtaas siya ng isang kilay. Sosyal, nag-i-English.
“Ah, yes, yes. Na-inform na ako ni Daddy. If you want, puwede ka nang pumunta ngayon para ma-orient kita at makilala mo `yong iba mo pang magiging kasama. Saka para magamay mo na rin ang environment dito. Siyempre, iba ang environment sa shop kaysa dito sa theater.”
“Nasa labas na ako ng CCP,” maiksing tugon nito.
“Ah, okay. Sabihin mo lang sa guard na stagehand ka ng show ko at papapasukin ka na nila. Nasa lobby lang din ako, so, magkikita tayo. Nakapink blouse ako.”
“Okay.”
Napailing siya. Pang-DJ talaga ang boses nito. Idagdag pa na parang wala sa tono nito ang pagiging stagehand dahil nahihimigan niya ang pagiging authoritarian nito. Bigla niyang naalala ang lalaking nakita niya. Bagay rito ang boses ng kausap—deep and sexy. She just shrugged at the thought.
Napakunot-noo siya nang lumitaw sa lobby ang lalaki na laman lang ng isip niya. Nakatingin ito sa kanya nang seryoso. Bigla siyang na-conscious, isang bagay na huling naramdaman niya noong high school siya at nagkaroon ng crush sa unang pagkakataon. Kung guwapo na sa malayuan ang lalaki ay higit itong makisig sa malapitan.
“Ma’am Cake?” tila nag-aalangang tanong nito. Kung paano niya narinig ang boses nito sa telepono ay ganoon din ang epekto nito sa personal. Natigilan siya.
He knows me! Pilit na hinagilap niya sa alaala kung sino ito at kung nakatrabaho na ba niya ito sa ilang event niya. But it was impossible to forget such a face. That gorgeous body, nah!
“Ako si Lucas. Ako `yong stagehand na ipinadala ng daddy n’yo.”
Stagehand talaga ang isang `to?! As in?
Gustong magprotesta ng isip niya, pero pinili na lang niyang tumahimik. Likas na madaldal siya pero nang makita niya ang isang ito ay parang naipit ang dila niya. Inayos niya ang sarili at binigyan niya ito ng pinakamatamis na ngiti. “Ah, yes. Ikaw pala `yon. I’m Cake. Cake Lleander.”
Iniabot nito sa kanya ang kanang kamay nito. “Lucas.”
She took it. Sa pagdadaop ng mga kamay nila ay kumunot ang noo nito at tiningnan ang kamay niya. Pagkatapos ay mabilis nitong binawi ang sariling kamay. Nasaling ang ganda niya sa iniasal nito.
Aba! Sigurado naman akong hindi magaspang ang palad ko, `no. “Sumunod ka sa `kin. Ipapakilala kita sa iba,” aniya, sabay talikod dito. Hindi na niya naiwasan ang pag-ismid. Akala nito! Binabawi ko na ang sinabi ko. Hanggang guwapo ka lang pala. Hmp!
NAPASUBO yata si Luke sa ninong niya. Akalain ba niyang ganoon kahirap ang maging stagehand. Sa unang araw ay wala pa silang ginagawa, ipinakilala lamang siya ni Cake sa mga magiging kasama niya. Ang mga sumunod na araw niya ay naging parang torture sa kanya. Kung ano-ano ang binuhat at kinumpuni niya. Pakiramdam tuloy niya ay karpintero siya. Bukod pa iyon sa pagsunod sa utos ng kung sino-sino. Lahat ng iyon ay ginampanan niya nang walang reklamo. Kahit gusto niyang matulog pagdating sa bahay ay hindi niya magawa dahil kailangan pa niyang asikasuhin ang negosyo niya. Napailing na lang siya sa napasok niya.
Tapos na ang gawain nila at puwede na silang magsiuwi pero idinahilan niyang gusto niyang mapanood ang rehearsal kaya siya nagpaiwan. Iyon ang isa sa mga paraan niya para mabantayan si Cake.
Tinabig ni Martin ang braso niya. “`Ganda ni Cake, `no?”
Tiningnan niya ito nang masama.
Umurong ito nang bahagya palayo sa kanya. Marahil ay natakot ito sa laki ng katawan niya. “Wala akong masamang ibig sabihin. Nagagandahan lang talaga ako sa kanya. Saka ang bait-bait kasi niya. Hindi siya gaya ng ibang stage manager na palautos. Lagi siyang may ‘please.’ `Tapos, lagi pang nakangiti.”
Napansin din niya iyon. Malapit yata ito sa halos lahat ng tao roon. Lagi itong may nakahandang ngiti kahit sa mga maintenance. And she respected everyone. Ito rin ang nagsisilbing mediator sa tensiyong namamagitan sa mga nagbabanggaang artista, direktor, at production manager. Cool na cool lang lagi ito. Animo may calming personality ito na napapahupa ang tensiyon sa paligid nito. Kaya nitong pagsabay-sabayin ang trabaho at nagagawa nito ang mga iyon nang maayos.
Bukod sa obserbasyong iyon, totoong maganda ito. She had long hair that fell past her shoulders. Her face was the perfect mixture of independence and innocence. Matangos ang ilong nito na bumagay sa mapungay na mga mata at mapupulang labi nito. And most of all, she had the most remarkable dimples. Tuwing makikita niya ito ay nagugulo ang sistema niya. Hindi ba’t noong unang beses na nagdaop ang mga kamay nila ay nakadama na siya ng ibang pakiramdam dito? Tila may electric shock sa pagitan nila kaya mabilis niyang binawi ang kanyang kamay.
“Balita ko, wala pa siyang boyfriend. Wala naman sigurong masama kung manliligaw ako. Lakasan lang ng loob `yon. Aba, kung saka-sakali, jackpot ako sa kanya. Bukod sa maganda at mabait ay maganda rin ang katawan niya. Coca-Cola body,” pagpapatuloy ni Martin.
Doon na siya tuluyang napalingon dito. Iyon na nga ba ang sinasabi niya. Iyon na yata ang simula ng pagganap niya sa role na ipinangako niya sa ninong niya. Kumuyom ang kamay niya sa huling sinabi ni Martin.
“Bago ka manligaw, dapat mo munang matutuhan ang paggalang sa babae,” mariing sabi niya. Gusto niyang iparating dito na hindi nito dapat patusin si Cake.
Mukhang nakahalata naman ito. “Cool ka lang, pare. Pasensiya ka na, hindi na mauulit.”
Tumango lang siya at hindi na siya nagsalita.
Tumayo na ito. “Sige, pare, mauna na `ko. Nakalimutan kong susunduin ko pala ang girlfriend ko.”
`Kita mo ang isang `to, may girlfriend pala...
He just nodded. Nang mapatingin si Cake sa direksiyon niya ay kumaway rito si Martin. Gumanti ng kaway si Cake at dali-dali nang umalis si Martin sa tabi niya. Nakita pa niyang ngumiti si Cake sa kanya pagkatapos ay sumenyas ng thumbs-up. Napatango na lang siya at ngumiti rin. Kapagkuwan ay nagtaka siya sa sarili kung bakit ngiti siya nang ngiti rito.
Drat!
Contagious ang ngiti ni Cake. Tuwing ngingiti ito sa kanya ay namamalayan na lang niya ang sariling gumaganti ng ngiti. May panggayuma yata ang ngiti nito kaya nawawala siya sa sarili.
Ahh! Hindi puwede `to. Nagpasya siyang lumabas na lang ng rehearsal hall. Sa labas na lang niya mamatyagan si Cake. Kung bakit ba kasi ang aga-aga na nitong pumapasok ay ito pa rin ang dapat na huling uuwi? Hindi rin niya maintindihan ang sarili kung bakit kailangang maging stalker pa siya nito hanggang sa makauwi ito.
Dahil lang `yan sa ninong mo, Luke.
PASADO alas-onse na nang matapos ang rehearsal nina Cake. Hyper pa ang ibang kasamahan niya pero siya ay bangag na sa antok kaya nang magyaya pa ang mga ito na magkape sila ay tumanggi na siya. Gusto na niyang matulog. Pagkatapos mailagay sa bag ang lahat ng mga gamit niya ay lumabas na siya ng rehearsal hall.
Paglabas niya ay agad siyang kinabahan. Wala na nga pala siyang kasabay sa paglabas ng theater. Nagpalinga-linga siya. Malinis ang hallway at tahimik ang paligid. Agad na lumikot ang imahinasyon niya. Laganap kasi ang kuwento na pagala-gala raw ang batang multo roon at kalimitan ay sa ganoong oras iyon lumalabas.
Matapang ka, Cake. Bata lang `yon, ikaw matanda na.
Lalo niyang binilisan ang paglalakad. Pilit din niyang inuutusan ang sarili na huwag matakot. Nakahinga siya nang maluwag nang tuluyan na siyang makalabas ng theatre.
“Pauwi ka na ba?”
“Anak ng tipaklong na hubad!” Tumalon yata ang puso niya palabas ng rib cage sa sobrang pagkagulat. Napahawak pa siya sa dibdib dahil sa sobrang bilis ng tibok ng puso niya. Saka siya napatingin sa pinanggalingan ng nagsalitang lalaki. Well, kahit yata hindi niya tingnan kung sino ang may-ari niyon ay kilalang-kilala niya iyon. Natriple ang bilis ng tibok ng puso niya. “Ano ka ba, Lucas?” Naiinis na hinampas niya ito. “Papatayin mo ba `ko sa nerbiyos?”
Apologetic na tumingin ito sa kanya. “Sorry. Pauwi ka na?”
Tumango siya. Lumingon pa siya nang bahagya sa pinanggalingan. Epekto lang ito ng gulat, kumbinsi niya sa sarili. Hindi pa kasi bumabagal ang pagtibok ng puso niya. “Oo. Hindi na kaya ng powers ko na magkape pa. Ikaw, bakit nandito ka pa? Nakita kitang umalis kanina kasunod ni Martin, ah.”
“Nakita mo `ko?”
Buking! “O-oo. Kasi noong nagpaalam si Martin, paglingon ko, wala ka na. May ipapaayos sana si Sir sa `yo kanina, eh,” palusot niya. Mabuti na lang ay may subject siyang scriptwriting noong college kaya na-train siyang gumawa ng kuwento nang mabilisan. Ganoon kasi ang gawain niya kapag magpa-pass na ng assignment. Gusto niya iyong nagka-cram siya.
“Ahh.”
Ngumiti lang siya at naglakad na. Umagapay ito sa kanya. Lumipat siya ng puwesto dahil may-kadiliman ang kinaroroonan nila. Sa haba ng sinabi ko, ‘ahh’ lang ang nasabi mo? Great! Anong klaseng lalaki ka? “Saan ka uuwi?” Siya na ang unang nagtanong dito. Baka kapag hinintay niya ito, tubuan na siya ng ugat ay hindi pa rin ito magsasalita.
“Sa Quezon City. Ikaw?”
Ngumiti siya. Ang buong akala niya ay hindi man lang ito makakahalata na gusto niyang tanungin din siya nito. “Sa Santa Ana lang.”
“Hindi mo dala ang kotse mo?”
Nagkibit-balikat siya. “Hiniram ng kapatid ko,” pagsisinungaling niya. Pero ang totoo ay ayaw niyang nagdadala ng sasakyan kapag alam niyang gagabihin siya. May tendency kasi siyang makatulog habang nagmamaneho kapag pagod na pagod siya.
“Magta-taxi ka?”
She nodded. “Bano ako pagdating sa pagcocommute. Ayokong makipagsapalaran at baka kung saan lang ako makarating. Hindi ka pa ba uuwi? Masyado nang late.”
“Pasasakayin muna kita ng taxi.” May pinalidad ang tinig nito.
Napatango na lang siya. Nagulat pa siya nang ilahad nito ang kamay sa harap niya. “Ha?” Nanghihingi ba ito ng pamasahe?
Itinuro nito ang nakasukbit na bag sa isang balikat niya. “Ako na ang magdadala niyan para sa `yo. Parang kanina ka pa nahihirapan, eh.”
She waved her hand as a sign of rejection. “Hindi na. Okay lang ako. Sanay na ako na ganito kabigat ang bag ko. Hindi yata ako mabubuhay na maliit ang bag.”
“I insist,” mariing sabi nito.
Hala, galit! Nag-i-English na. Walang nagawang ibinigay na lang niya rito ang kanyang gamit. Kitang-kita niya ang paglalim ng kunot sa noo nito. Hindi gaya ng mga nakikita niyang lalaking isinusukbit iyon sa balikat, Lucas had his own way of carrying her bag. Pinagsalikop nito ang mga strap niyon at saka parang sako ng bigas na binitbit. Gusto niyang matawa. Cute!
“Ang liit-liit mo na nga, ang bigat-bigat pa lagi ng dala mo. Paano ka tatangkad niyan?”
Sa sinabi nito ay nabitin ang pagngiti niya. “Grabe ka naman. Por que ba nasa six feet ang taas mo, aapihin mo na ang height naming maliliit? For your information, mas mataas ako nang dalawang pulgada sa tipikal na Filipina. Five-five ako. Kapag naka-heels ako, naa-achieve ko ang five-eight na height. Ilang inches lang, nagmamalaki ka na.”
Ngumiti ito. “Still, you are small.”
“Eh, di ikaw na ang kapre,” biro niya. Muli na namang nagulo ang puso niya. Bakit ba kasi ngumingiti ito nang ganoon?
Pinara nito ang dumaang taxi. Paghinto niyon sa tapat nila ay ito pa ang nagbukas ng pinto para sa kanya. Tiningnan nito ang kabuuan niyon at pati ang mukha ng driver. Saka nito itinabi sa kanya ang gamit niya.
“Thank you,” sabi nito.
“`Ingat ka. You’re small but you’re also beautiful,” anito bago isinara ang pinto ng taxi.
Naiwan siyang tulala at mag-isang nangingiti.
“Ma’am, saan po tayo?”
Umayos siya ng upo. Nag-iinit ang mga pisngi niya sa papuring iniwan sa kanya ni Lucas. “Ay, oo nga pala. Sa Santa Ana po tayo, Manong. Bago magtulay,” pagbibigay niya ng direksiyon.
Nang umandar ang taxi ay parang baliw siya na nakangiting mag-isa habang nakatingin sa labas ng bintana. Hay, ang ganda ko! She chuckled. Maya-maya pa ay nag-vibrate ang cell phone niya sa loob ng bag. Lucas’ number appeared on the screen.
Ano’ng number ng taxi?
Hindi niya alam kung bakit kilig na kilig siya habang nagta-type ng isasagot dito. Kung tutuusin ay walang nakakakilig sa tanong nito. Baka nga natural lang nitong ginagawa iyon sa mga kakilala nito. Pagkatapos niyang mag-reply rito ay ibinalik na niya ang cell phone sa loob ng kanyang bag.
Ipinaalala niya sa sarili na isang stagehand si Lucas. Kung ang mga ipinakikilala nga niyang kadate sa ama niya ay hindi pumasa sa pamantayan nito, paano pa kaya si Lucas? Hindi matapobre ang daddy niya dahil hindi naman sila mayamang-mayaman. Kaya lamang ay ano na lang ang sasabihin nito kapag ipinakilala niya rito si Lucas? Baka lalo itong matakot sa plano niyang pag-aasawa nang maaga. Tiyak na iisipin nito na baka siya pa ang magpapakain sa magiging asawa niya.
Ay, teka. Bakit ba naisip ko agad na siya ang magiging asawa ko? Sinabihan lang naman niya akong beautiful.