CHAPTER THREE

CAKE glanced at Lucas even as she wrote something. Nakatingala ito sa mga ilaw na animo may napakainteresanteng bagay roon. Ang kalahati ng mukha nito ay natatakpan ng baseball cap. Hindi tuloy niya naiwasang tumingala rin.

Ano ba’ng meron sa `taas?

Nangalay na siya pero wala siyang nakitang interesanteng bagay roon gaya ng waring nakikita nito. Tanging ilaw at agiw lang yata ang nakita niya. Napasimangot siya. Pagtingin uli niya kay Lucas ay huling-huli niyang nakatingin na rin ito sa kanya. Nag-init ang magkabilang pisngi niya at pakiramdam niya ay namumula ang mga tainga niya. She chose to just smile at him. Gumanti ito ng ngiti pagkatapos ay muling sumulyap sa itaas.

Bagong style ng relaxation? aniya sa isip habang nakatingin dito. Maya-maya ay lumapit ito sa kanya. Ang pagkakangiti niya ay napapalitan ng pagngiwi. Ah, this is awkward, Cake.

Nginitian siya ni Lucas. Gaya nang unang beses na nakita niya habang patawid ito ng kalsada, para pa rin itong isang artista sa lakas ng dating nito. Pasimpleng napakapit siya sa kinauupuan niya. Papasang modelo ito ng toothpaste. I-manage ko kaya ang isang `to? Ay, huwag na lang. Ang daming makaka-discover ng kaguwapuhan niya. Mas masarap siyang itago at gawing inspirasyon habang nagtu-toothbrush.

Hindi ito lumapit sa mismong tabi niya. May isang upuan pang nakapagitan sa kanilang dalawa. His brown eyes, which were hidden by his cap, were a contrast to everything she expected he would be.

Muy guwapito talaga.

“Hi! Ang aga mo yata?” Siya na ang naunang pumuna rito bago pa man ito makapagsalita.

“Ikaw rin naman. Dalawang oras pa bago magcall time, ah. Busy?”

Mabait na bata. Sumusunod sa call time. “Ganito talaga ako. Bilang stage manager, kailangan ay ready na ang lahat pagdating ng rehearsal. Kami ang dapat laging una at huling aalis sa rehearsal. We have to secure all the details. Isa pa, isinusulat ko ang changes na ginawa kahapon, mahirap nang may makalimutan.”

“Ahh,” tumatango-tangong sabi nito.

She couldn’t help but chuckle at his response. Kitang-kita niya ang pagtatanong sa mga mata nito.

“Pinagtatawanan mo `ko,” akusa nito.

Gusto niyang pisilin ang magkabilang pisngi nito. Ah, this guy is so handsome and cute. Itinigil niya ang pagsusulat at hinarap na ito nang tuluyan. “Eh, kasi naman, sa hinaba-haba ng sinabi ko, ang tanging masasabi mo lang ay ang walang kamatayang ‘ahh,’ `tapos susundan mo lang ng pagtango. Wala ka ba talagang ibang maikocomment? May alam ka bang ibang salita?”

Ngumiwi ito. “Ano ba dapat ang isagot ko?”

Ano nga ba? “Wala naman. Feeling ko rin naman, ikaw iyong tipo ng lalaki na isang tanong, isang sagot. Isa pa, napakatahimik mong tao. Parang hindi bagay sa image mo kung bigla ka na lang magiging madaldal.”

Tumaas ang isang sulok ng labi nito, as if he was trying to suppress a smile. “Really? Gusto kong i-record ang mga sinabi mo. Siguradong kapag sinabi ko `yan sa mga kaibigan ko, hindi sila maniniwala. And I need your voice as proof.”

“Whoa! Dapat yata, ang sinabi mo ang inirecord ko. In fairness, lumagpas nang ten words.”

Tumawa ito. It was loud but it also had class. Napakunot-noo siya. Napansin din niya ang kilos nito. Hindi niya ito ma-imagine na trabahador sa shop nila. Sa halip ay mas napi-picture niya itong nakasuot ng business suit at nasa loob ng isang magandang opisina. Maging ang paraan ng pagsasalita at pagsagot nito ay kababakasan ng pagiging propesyonal.

“Alam mo, malakas ang feeling ko na hindi ka talaga trabahador lang sa shop. You’re more than that, I think,” prangkang sabi niya.

Natigilan ito. “Feeling mo lang `yon. Isa pa, galing ako sa shop n’yo, hindi ba? Tagaukit ako ng mga design n’yo.”

“Hindi pa rin ako naniniwala. Ang kinis ng kutis mo, hindi pangkarpintero. Wala ni isang galos ang mga braso at kamay mo na madalas kong nakikita sa mga lalaking banat sa trabaho. Saka madalas kitang naririnig na nag-i-English. At very fluent, ha.”

“Masama bang mag-English? Nakatapos din naman ako ng high school.”

She became defensive. “Uy, baka akalain mo, inaalipusta kita, ha? I was just curious about you, promise.”

Hindi ito nagsalita. Nanatili lang itong nakatingin sa kanya. She bit her lip. He looked hurt.

Hala, na-offend ko yata.

“Lucas, hoy, sorry na. I mean...” Huminga siya nang malalim. Titig na titig ito sa kanya. And it rattled her heart. Iyon na yata ang sinasabi ng mga kakilala niya na “butterflies in the stomach.” Nakakanerbiyos. “Hindi naman talaga iyon ang ibig kong sabihin. I didn’t mean to offend you.”

“Nasaktan na `ko. Dito, o,” seryosong sabi nito. Maging ang ekspresyon nito ay tila inaapi. Nakahawak pa ito sa dibdib nito.

Mas napariin ang pagkakakagat niya sa ibabang labi niya. “I’m sorry.”

“Have lunch with me.”

“Ha?”

“Have lunch with me,” anito sa seryoso pa ring tinig.

Ano raw? Naalarma yata ang lahat ng senses niya sa sinabi nito. Mukha namang hindi ito nagbibiro. Tumayo na ito at tumingin sa kanyang wristwatch. “May isang oras at kalahati pa tayo bago ang call time. Iyon ay kung okay lang sa `yo na kumain sa Mang Inasal at hindi sa isang class na restaurant. Trabahador lang kasi ako.”

“Ito naman. Sorry na nga. Kumakain ako kahit saan, `no? Basta edible ang ihahain sa akin, kahit one-day old pa `yan, eh, kakainin ko. Huwag kang uurong kapag marami akong in-order, ha?” pagtanggap na niya sa alok nito.

Tumango ito at tumaas uli ang sulok ng mga labi. “Walang problema. Unlimited rice naman sa Mang Inasal. Saka alam mo naman kung magkano ang rate ng sahod ko, tantiyahin mo na lang doon ang o-order-in natin.”

Napailing na lang siya. Maybe it was the weirdest yet most unique lunch invitation she had ever received in her entire life. It was weird yet she was excited. Maging ang pasimpleng pag-alalay nito sa kanya ay feel na feel na niya. Paglabas nila ng CCP ay napatingala siya sa langit. Feeling niya ay bumaba mula roon ang isang anghel.

Lord, ito na ba ang future husband ko?

She giggled at the thought.

LUKE did his best to tear his eyes away from Cake and concentrate on his food. Pero hindi niya iyon magawa, lalo na at ganoon ito kalapit sa kanya. Ilang linggo pa lang niyang nakakasama ito pero hindi pa rin siya masanay sa mga ngiti nito. Palagi pa rin niya iyong hinahanap-hanap.

Naging madali para sa kanya na gampanan ang role sa buhay nito. Ang mga nagtatangkang manligaw rito ay inunahan na niya ng pananakot. Isa lang yata ang hindi nasisindak sa kanya—si Angelo. Isa ito sa mga cast ng play na iyon. Panay ang porma at aligid nito kay Cake. Hindi ito nasisindak tuwing tinitingnan niya ito nang matalim. He had to do something about it. Baka ito ang makatuluyan ni Cake, hindi siya makapapayag. Mukhang hindi ito magiging faithful sa babae. Kung saka-sakali ay baka mapilipit niya ang leeg nito kapag pinaiyak nito ang anak ng ninong niya.

Huminto si Cake sa pagsubo ng kanin nang waring mapansin nito na hindi siya kumakain. Ngumiti ito sa kanya na ginantihan lang niya ng isang ngiti. “Ano, nagsisisi ka na, `no?”

“Hindi, ah. Wala namang bayad ang extra rice dito. Gusto mo pa? Magpapadala pa `ko ng extra rice,” sabi niya.

“Busog na `ko. Okay na ito,” tanggi nito.

Hindi halata sa katawan nito na malakas itong kumain. Hindi rin ito gaya ng ibang babaeng nakaka-date niyang napakatipid kumain. Karamihan sa mga iyon ay conscious kung ano ang o-order-in at kakainin. Pero ito ay natural ang mga kilos.

Kanina pa niya napapansin na gusto nitong alisin sa stick ang manok. Huling-huli niya ang pagtikwas ng mga labi nito nang hindi nito iyon maalis sa ikatlong pagkakataon. Pinigil niya ang sariling mapangiti sa ginawa nito. Kumuha siya ng ilang tissue paper at hinawakan ang stick ng manok nito. Gusto niyang padaliin ang mga bagay-bagay para dito.

“Let me.” Hinayaan siya nito sa pagtanggal sa manok. Tuwang-tuwa ito nang matanggal niya iyon sa stick. Aliw na aliw rin siya sa ekspresyon nito.

“Thank you, thank you.”

Tumango lang siya at itinuon na ang pansin sa pagkain. Kung hindi niya pipilitin ang sarili ay malamang na hindi na siya makakain sa kakatitig dito. Titigan lang niya ito ay nabubusog na siya. Ah, bakit ba ganito ang epekto ng babaeng `to sa akin? Sa pagkakatanda niya ay hindi siya mahilig sa matatamis, especially cakes. Pero ito lang yata ang matamis na nanais-naisin niyang balikan at hinding-hindi siya magsasawa. Napailing-iling siya sa naiisip.

“Lucas—”

Napatingin siya rito. Maging ang pagtawag nito sa pangalan niya ay napakasarap pakinggan. She looked guilty ever as she smiled at him. “Hmm?”

“Bati na tayo, ha? Nag-sorry naman na ako, eh,” tila batang sabi nito.

He couldn’t help but chuckle. Ang totoo ay binibiro lang niya ito kanina. Pero napaganda iyon dahil nakasabay niya ito sa pagkain. He just nodded. Ibinaba nito ang hawak na kutsara at itinaas ang kanang kamay. “Promise, it won’t happen again. Hindi ko naman intensiyong maliitin ka o ang mga—You know...”

Siya naman ang na-guilty dahil mukhang nagaalala ito na nakasakit ito. Kung alam lang nito na siya ang dapat humingi ng tawad dito sa ginagawa niyang pagpapanggap. “Binibiro lang kita kanina. Huwag ka nang mag-alala. Huwag mo na ring isipin `yon, hindi talaga ako galit.”

Parang nakahinga ito nang maluwag. “Thank you. Sa susunod, huwag ka nang magbibiro, ha? `Kita mo, nagastusan ka pa tuloy.”

He gladly smiled at her. “At least, nakasabay kita sa pagkain. Sulit ang pagbibiro ko. Kahit araw-arawin kitang biruin, ayos lang sa `kin.” Halatang natigilan ito. Err, where did that come from?

Ngumiti uli ito. “Salamat uli sa lunch.”

“You’re very welcome, Miss Cake.”