CHAPTER FIVE

“DUDE, ang daming pauso ng kasal mo,” nangaalaskang sabi ni Lucas kay Natsu.

“Late ka na nga, angal ka pa nang angal,” ganting-sabi nito. “Tigilan mo na ang kakaangal mo at simulan mo na ang paglalakad.”

Napakamot siya sa kanyang ulo. Pinilit siya nito na pumunta sa rehearsal gayong puwede naman pala siyang hindi dumalo roon. Itinuro na sa kanya ng wedding coordinator kung saan siya dapat pumuwesto. “Lalakad lang ako, kailangan ko pa ng choreography.”

“Pagbigyan mo na ang dalawang `yan, Luke. Bumawi ka na lang kapag ikakasal ka na. Dagdagan mo ng pagsayaw habang pumapasok sa simbahan,” sabi naman ni Bryan.

Bumaling siya rito. Sa tingin niya, kaya lang din ito very willing na gawin iyon ay dahil nagkakaroon ito ng pagkakataong makasama ang nobya. “Ang tagal ko pang makakabawi kung iyon ang hihintayin ko. Mauuna ka pa.”

“Eh, di mauna ka na lang.”

“Dude, paano mauuna ang isang `yan, eh, hanggang ngayon yata wala pa `yang date sa kasal ko?”

Tumaas ang sulok ng mga labi niya. “Huwag kang pakasiguro, Natsu. Huli man at magaling, nakakahabol din.”

“Tatanggapin mo na ang ipinapa-date ko sa `yo, Luke?” sabad ni Danica. Lumapit pa ito sa kinaroroonan nila. Sasawayin dapat ito ng wedding coordinator pero tiningnan lang iyon nito kaya hindi na nakaangal.

Napailing siya. Malamang ay mamaya pa matatapos ang rehearsal na iyon dahil maging si Amaya ay lumapit na rin sa direksiyon nila.

“Sorry to disappoint you, Dan, hindi pa rin ako makikipag-date.”

Pumitik sa ere si Bryan. “Aha! Magbabayad ka ng babae para ipakilala mong date sa `min. Escort service?”

“Hoy, Bryan, taas-taasan mo naman ang pagkakakilala mo sa `kin. Kulang na lang, call girl ang sabihin mo, ah.”

Tiningnan siya nang seryoso ni Amaya. “Pero may date ka na talaga, Luke?”

Sumingit sa isip niya ang mukha ni Cake. Nasisiguro niya na magkakasundo ang mga ito dahil ubod ng kulit at daldal ng dalaga. “Meron na. Hindi ko pa lang natatanong kung puwede ko siyang isama.”

Napangiwi si Natsu. “Aww! That sucks, dude! Paano mo pa siya matatanong, eh, hanggang tingin ka lang sa babae? Ang kaya mo lang yatang gawing next move ay hintayin ang babae at ihatid sa bahay nila.”

He glared at his friends. “Idedemanda ko na kayong lahat. I’m being judged unfairly.” As if on cue, nag-ring ang cell phone niya. Awtomatikong napangiti siya nang mabasa ang pangalan ni Cake. Nag-text siya rito para sabihing hindi siya makakaabot sa first show nila. Dalawang set kasi ang show nila kapag Biyernes, Sabado, at Linggo; isang alas-tres ng hapon at isang alas-otso ng gabi. “Excuse me.” Lumayo siya nang kaunti sa mga kaibigan niya. “Hello, Cake. Kumusta ang show mo?”

“Mabuti naman. Maraming nanood at walang sablay ang mga cues ko,” masiglang pagbabalita nito. “Makakahabol ka pa ba?”

“Yep, hahabol ako. I’ll be there at eight.” Paglingon niya ay curious na nakatingin sa kanya ang mga kaibigan niya. Kahit kailan talaga, tsismoso ang mga ito. Hindi niya namalayang nakalapit na ang mga ito sa kanya.

“Luke, sino si Cake?” tanong ni Danica.

“Is ‘Cake’ her real name o iyon ang term of endearment n’yo?” usisa ni Bryan.

Si Natsu naman ay nakangisi sa kanya na tila naghihintay ng paliwanag. “Bakit nga ba hindi ko naisip ang endearment na `yan? Atat kasi si Amaya sa akin, eh. Hindi na ako nagkaroon ng pagkakataong makaisip ng endearment.”

Hinampas ni Amaya ang fiancé. “Masamang magsinungaling, Natsu. Alalahanin mong hawak ko pa si Betty Boop.”

Sukat sa sinabi ni Amaya ay napabunghalit siya ng tawa. Alam niya ang kuwento sa likod ng sinabi nito. Si Betty Boop ang naging alas ni Natsu para tuluyang sagutin ni Amaya.

“Dude, huwag mo kaming aliwin sa pagtawa mo. Sagutin mo muna kami. Sino si Cake?” tanong ni Bryan.

It was his turn to be mysterious. “Makikilala n’yo rin siya, soon,” aniya, sabay kindat sa mga ito.

“So, is she your date?” pangungulit pa rin ni Amaya.

“Just wait and see.”

“Guys, ituloy na natin ang rehearsal,” tawag sa kanila ng wedding coordinator.

Napapakamot na lang sa ulo ang mga kaibigan niya. Mukhang kailangan na nilang pagbigyan ang coordinator dahil parang bubuga na iyon ng apoy.

“We want to meet Cake, Luke,” hirit pa ni Danica.

Nginitian niya ito. “Soon.”

“Aww, dude! Finally, nagamot mo na ang panthe...?” Parang hindi na naman maisip ni Natsu ang dapat sabihin. Sabay-sabay silang nagtawanan nina Amaya rito. “Basta `yon na `yon.”

“Guys! Let’s start!”

PUNO ng tao ang last show nina Cake para sa araw na iyon. She took her headset off and headed backstage. Pagkatapos ng isang show ay may company call pa sila. So far naman ay nagiging maganda ang flow ng show nila. Noong gala night ay nagkita na uli sila ni Lyka. Tuwang-tuwa ito sa kanya at ganoon din siya rito. Kasama nito si Dylan na bibong-bibo at panay ang pagkukuwento tungkol sa school nito at sa Tito Luke nito.

Namataan niya sa backstage si Lucas. Nakasemiformal pa ito. Agad siyang napangiti nang makita ito. Hindi pa naman sila kompleto kaya minabuti niyang lapitan muna ito.

“Congrats! Nice show,” bati nito sa kanya. Inipit pa nito ang buhok niya sa likod ng tainga niya.

Nag-init ang mga pisngi niya. “Thanks. Ang pormal natin, ah.”

“Businessman ako ngayon, you know.”

She chuckled.

“I’ll wait for you outside.”

Tumango siya. Alam na nito ang SOP ng theater works. Hinintay niyang lumakad ito palayo pero nanatili lang ito sa harap niya. Lucas scanned the place. Ipinagtaka niya iyon. “O, bakit?”

Bilang sagot ay hinubad nito ang suot na jacket at isinuot iyon sa kanya. Nasisinghot niya ang amoy nito roon. And she could feel his warmth enveloping her. Feeling tuloy niya ay nakaakbay ito sa kanya.

“Gusto mo bang magkasakit sa suot mo?” tanong nito.

Napayuko siya sa suot niya. Wala siyang nakikitang mali sa damit niya na spaghetti-strapped blouse at mahabang palda. May partner iyong poncho kaya hindi siya nilalamig. Isang gypsy ang visual peg niya para sa araw na iyon, and she loved it. Hindi iilang tao ang nagkomento na bagay iyon sa kanya. Pero mukhang palpak iyon pagdating kay Lucas. Ang akala pa mandin niya ay aakyat nang ilang bahagdan ang ganda points niya. Akmang tatanggalin niya ang jacket nang tingnan siya nito nang masama.

Ngi! `Kakatakot magalit.

And like an obedient girlfriend, hindi na niya hinubad ang jacket nito.

Tumango ito at ngumiti. Halatang nagustuhan nito ang desisyon niya.

Dominante pa yata ang isang `to.

“Sa labas lang ako,” paalam nito.

“Okay. Mga fifteen minutes max lang `to.”

“Don’t worry, kahit gaano ka pa katagal, handa naman kitang hintayin.”

Hindi na siya nakapagsalita sa sobrang kaligayahan. Tanging tango lang ang nagawa niya.

PAGDATING ng hapunan ay sa Pancake House na lang din napagdesisyunan nina Cake at Lucas na kumain. Which she didn’t mind at all.

“Galing ka sa event?” tanong niya.

Umiling ito.

“Sa office ka galing?” tanong uli niya.

“Kaninang umaga ako galing sa opisina. Dumeretso na rin ako sa wedding rehearsal n’ong friend ko. Then I went here afterwards.”

“`Yong friend mo ba ay `yong teacher ni Dylan?” Nabanggit iyon sa kanya ni Dylan noong magkuwento ito nang magkuwento sa kanya. Friend nga raw ng Tito Luke nito ang beautiful teacher nito.

“Ah, yes. `Yong mapapangasawa niya ang friend ko. But we’re from the same batch in high school, sa Grace National High School. Unfortunately, iyong teacher ni Dylan ang mapapangasawa ng kaibigan ko.” Sinundan nito ng tawa ang huling sinabi nito.

Hindi niya naiwasang matawa. “Grabe ka naman. Para mo namang sinabi na pagkamalasmalas ng teacher ni Dylan. And to think na kaibigan mo ang tinutukoy mo, ha?”

Ngumiti ito. “Nah, I was just joking. Ang totoo, masaya ako para sa kanilang dalawa. Finally, magkakaroon na ng happy ending ang kuwento ng dalawang `yon. Well, both of my friends, actually.” Uminom ito ng iced tea. Hindi muna siya nagkomento. Kapag ganoong nasa mood ito sa pagsasalita ay hindi niya ito ini-interrupt. “Tatlo talaga kaming magkakaibigan—ako, si Bryan, at si Natsu. Si Bryan, na-in love `yon sa campus rebel ng high school batch namin. Si Natsu naman, na-in love sa napakahinhing si Amaya. Sila ang living example na opposites do attract.”

Napangalumbaba siya. “Ay, nakakatuwa naman ang friends mo. Sayang, naglipat agad kami rito sa Manila. Siguro, kung nag-stay pa kami sa Batangas, doon din ako magha-high school. Di sana, noon pa lang ay nakilala ko na kayong tatlo. Ang cute-cute. Para kayong notorious trio.”

“I don’t think so.”

Kumunot ang noo niya. “Bakit naman? Hindi n’yo ako papansinin?”

“Nah, dahil kung doon ka nag-high school, hindi mo rin kami aabutan. We were four years ahead of you, you know.”

Hindi niya napigilan ang pagtawa. “Ay, sus, akala ko pa naman, hindi n’yo ako papansinin.” Maya-maya ay may naisip siya. “Ay, wait! Four years ahead kayo sa akin?”

Lucas nodded.

“So, ibig sabihin twenty-eight ka na.”

Ito naman ang kumunot ang noo. Mukhang sensitive case dito ang edad nito. “Ano naman ang ibig sabihin niyan?”

She grinned. “You are so old.”

Tumaas ang isang sulok ng mga labi nito. Tila hindi ito patatalo. “Honey, do I look twenty-eight?”

Natigilan siya. Tila hinahamon siya nito. Titig na titig ito sa kanya. Bumilis ang pagtibok ng puso niya. Para pa ngang umurong ang dila niya.

“Cat got your tongue, honey?”

Err, bakit ka ba ‘honey’ nang ‘honey?’

Napalunok siya. Lalong nag-init ang mga pisngi niya. Sa palagay nga niya ay pulang-pula na ang mga iyon. Pasimpleng hinaplos niya ang mga iyon. Tumikhim pa siya para ma-compose ang sarili, saka siya nag-iwas ng tingin sa sinful and gorgeouslooking face nito. “Oo na, hindi na halata. Ikaw na ang young-looking.”

“Well, thank you for your flaterring words, Miss Lleander.” Aliw na aliw ito.

Gusto niyang mapa-hallelujah nang dumating na ang mga pagkain nila. “Let’s eat,” yaya na niya. Yumuko na siya sa pagkain.

Hindi rin ito nagsalita at tila nag-focus na sa pagkain. “Ahm, Cake, free ka ba next Sunday?” kapagkuwan ay tanong nito.

Mabilis na gumana ang utak niya para alalahanin kung nasaan siya sa araw na iyon. Tapos na ang show nila noon kaya postproduction work na lang ang gagawin niya. At karamihan niyon ay paggawa na lamang ng production book o ang record book ng lahat ng nangyari sa play nila. Kapag Linggo ay pinipili niyang manatili sa bahay dahil nagtatampo ang pamilya niya kapag umaalis pa rin siya. But she thought her family wouldn’t mind kung aalis man siya at si Lucas ang kasama niya.

Assuming na agad na yayayain ka niyang lumabas, `teh?

“Wala naman. Bakit?”

Tila nag-isip si Lucas bago muling nagsalita. “Would you like to be present at their wedding?”

Napamulagat siya rito. “As in `yong wedding ng friend mo na teacher ni Dylan? Isasama mo `ko ro’n?”

“Yes. Iyan ay kung okay lang sa `yo.”

“Oo naman. I would love to be there.” Pero bigla siyang nagdalawang-isip. “Okay lang ba sa kanya na isasama mo `ko?”

“They would love to meet you. Sumama ka na,” nang-eengganyong sabi nito.

“Okay. I’ll come.” Tatanggi pa ba naman ako?