CHAPTER SIX

GINANAP ang kasal nina Amaya at Natsu sa isang garden sa Tagaytay. Doon na rin nagpasya ang mga ito na gawin ang reception sa halip na sa Batangas. Everything went perfectly as the couple planned. Nasisiguro ni Lucas na hindi magtatagal ay susunod na ring magpakasal sina Bryan at Danica. Sa pagkakaalam niya ay bongga ang gustong kasal ni Bryan dahil politician ang pamilya nito. Pero si Danica ay simple lang ang gusto. Sa tingin niya ay mananalo si Danica. He knew how much Bryan loved Danica.

Lumingon siya sa kinaroroonan ni Cake. Nasa tabi ito ni Lyka at masayang hawak sa kamay si Dylan. Paminsan-minsan ay bumubulong ito kay Lyka pagkatapos ay maghahagikgikan ang dalawa. Nang imbitahan niya itong sumama sa kasalang iyon ay buo na ang plano niyang sunduin ito sa bahay. Pero matigas ang pagtanggi nito. Alam daw nito na kailangan siyang maaga sa kasal at ayaw raw nito na makaabala pa. Hiningi na lang nito ang venue at ito na raw ang mag-isang pupunta roon.

“Luke, mabali `yang leeg mo sa kakalingon,” tukso sa kanya ni Bryan.

Dapat ay aware na siyang sa kanya naka-focus ang atensiyon nito dahil sa pagpapakilala sa dalaga. Pero nagiging careless yata siya pagdating kay Cake. “Sinisiguro ko lang na okay `yong tao.”

“As you can see, okay na okay siya. Mukhang gustong-gusto siya nina Lyka at Dylan. Pero kung sa akin mo ginagawa ang ginawa mong pagte-text at maya’t mayang pagtawag sa kanya habang nasa biyahe, malamang bumalik na lang ako sa Maynila. Ang kulit mo, dude.”

Tiningnan niya ito nang masama. Kanina pa siya inaasar nito sa bagay na iyon. “Bryan, kapag may nangyari sa kanya, kargo de konsiyensiya ko siya sa mga magulang niya. Malayo-layo rin ang Tagaytay sa Maynila. Paano kung naligaw ang isang `yan?”

Hinawakan nito ang dibdib niya. “Relax ka lang, dude. Ang puso mo... Nagsasabi lang ako ng opinyon.”

Napailing siya.

“Luke, maganda si Cake.”

Nilingon uli niya ang dalaga. Nakatingin din ito sa kanya at nakangiti. “Oo naman.”

“Sigurado kang hindi `yan galing sa escort service, ha?”

Hinampas niya ito sa hita. “Sira-ulo ka. Anak `yan ng ninong ko, si Cake Lleander. Sa Batangas din sila nakatira noon. Lumipat lang sila sa Maynila bago siya mag-high school.”

“Ah, okay,” sabi nitong muling natahimik. Pero hindi pa pala tapos ang pag-uusisa nito. Lumapit uli ito sa kanya at bumulong. “What’s the score between the two of you?”

“Hindi ko gusto ang takbo ng iniisip mo. Una sa lahat, wala kaming relasyon ni Cake. Pangalawa, magkaibigan lang kami.”

Hindi naniniwalang tiningnan siya nito. “Ang showbiz ng sagot mo, dude. Kunsabagay, sa karakas mo, baka mainip si Cake at siya pa ang manligaw. I can’t wait to have a chat with her.”

Oh, good Lord. “Huwag n’yo siyang i-terrorize. Baka madala `yan at hindi na sumama sa `kin.”

“So, ibig sabihin, hindi ito ang huling pagkakataong makikita namin siya?”

Natigilan siya. Bakit nga ba niya iyon nasabi? Lumabas na lang kasi iyon nang kusa mula sa kanyang bibig. Pero wala naman sigurong masama kung paminsan-minsan ay lumabas silang dalawa ni Cake. They were friends. Napangiwi siya. Aw, ang showbiz nga.

“It seems she’s the only sweet you can’t give up easily.”

Sa sinabi ni Bryan ay napatingin siya sa direksiyon ni Cake. Nagpapahid ito ng sulok ng mata. Habang nag-uusap kasi sila ni Bryan ay nagpapalitan na ng wedding vows ang mga ikinakasal. Sa puntong iyon ay nakita niya ang kakaibang lungkot sa mga mata ni Cake.

Gusto niyang lapitan ito at ibigay rito ang kanyang panyo. Kung hindi pa sapat ang panyo niya ay yayakapin niya ito. Nakahanda siyang protektahan ito sa anumang makakasakit dito. And why the hell was she sad? May nanloko ba rito? May nanakit? Iyon ba ang dahilan kung bakit nais nitong mag-asawa nang maaga?

CAKE liked Lucas’ friends instantly. Naiinggit siya dahil wala siyang ganoong kabarkada noong high school siya. Maliban sa isang best friend ay pulos acquaintance lang na matatawag ang mga kaibigan niya.

“I really love your name, Cake. It’s so unique,” sabi ni Amaya.

Nginitian niya ito. Napakaganda nito. Kumikislap ang mga mata nito sa saya at labis na pagmamahal kay Natsu. Bagay na bagay rito ang wedding gown nito. Tumagos sa puso niya ang wedding vow nito. Hiling niyang sana ay mahanap na rin niya ang lalaking pag-aalayan niya ng makabagbag-damdaming wedding vow.

“Sa cake kasi ako ipinaglihi ni Mommy. `Tapos, no’ng ipanganak daw ako, pink na pink daw ako gaya ng kulay ng favorite cake ni Mommy noon. Kaya hayun, walang kahirap-hirap na ‘Cake’ ang ipinangalan nila sa `kin. Pabor naman sa akin `yon kasi madaling isulat ang pangalan ko. Noong kinder ako, may isa akong kaklase na sobrang haba ang pangalan. Halos lahat kami ay tapos nang magsulat ng pangalan namin, pero siya ay hindi pa.”

“Hindi lang pangalan ang maganda sa `yo. You are so beautiful as well,” dagdag na sabi ni Danica.

“Naku, salamat,” aniya, saka nilingon si Amaya. “Thank you rin pala sa pag-imbita mo sa akin sa wedding mo. Your wedding was remarkable.” Ngumiti ito. “Thank you rin sa pagpunta mo. Ang kaibigan ni Luke ay kaibigan na rin namin.”

“Oo nga. Biruin mong ang tagal-tagal kang itinago sa amin ni Luke,” sabi ni Bryan.

Sinulyapan niya si Lucas sa kanyang tabi. Tahimik lang ito at pangiti-ngiti. “Hindi pa naman kami ganoon katagal na magkakilala. Halos isang buwan pa lang.”

“`Buti hindi ka nagsasawang intindihin ang isang ito. Nag-iiba kasi ito kapag full moon, eh.” Itinuro pa ni Natsu si Luke.

“Hoy, Natsu! Ano naman ang palagay mo sa akin, alien?” sita ni Lucas.

“Ay, hindi! May iba ka lang personality.” Tiningnan siya ni Natsu. “So, ilang words ang nasasabi niya sa `yo sa loob ng isang araw?”

“Natsuhiko!” awat ni Lucas.

Gusto niyang matawa. Mukhang tama ang hinala niya na man of few words ito.

“O, bakit na naman?” angal ni Natsu. Nakataas pa ang isang kilay nito.

“Siraan kaya kita rito kay Amaya?” pagbabanta ni Lucas.

“Kahit gawin mo pa `yan, wala na siyang magagawa kasi kasal na siya sa `kin. She has no choice but to stick with me in sickness and in health.”

Aww! daing ng inggiterang bahagi ng puso niya, sabay sulyap kay Luke.

“Sige na, Cake, sabihin mo na sa amin. Huwag kang magpapadala sa paninindak nitong si Luke,” sabi ni Bryan.

Hindi na niya napigilan ang pagtawa. “In fairness sa kanya, lagpas twenty words na ang nasasabi niya tuwing magkausap kami. Nawala na rin ang habit niya—ang walang kamatayang pagsasabi niya ng ‘ahh’ after you tell him the whole story.”

“Cake!”

Natatawang bumaling siya kay Lucas. Nakanguso ito na parang bata. “What?”

“Inilalaglag mo `ko.”

“It’s the truth.”

He looked at her intensely. Kapagdaka ay hinawakan nito ang kamay niya at hinila siya patayo. “Halika na. Kailangan na kitang mailayo sa kanila. Wala kang mapapalang matino sa mga `yan. Baka mahawa ka lang sa topak ng mga `yan.”

“Tito Luke, Tita Cake is with me. Why are you taking her?” tanong ni Dylan. Hinawakan nito ang kamay niya. Umupo uli si Luke pero tila hindi pa roon natatapos ang pagsesentimyento ng bata. “Tito Natsu already took away my beautiful teacher. `Tapos ikaw, you’re taking Tita Cake away from me. That is so unfair.”

Natuwa siya sa sinabi ni Dylan. Ito ang naging daan ng muling pagkikita nina Natsu at Amaya. Ayon kay Lyka ay crush ni Dylan si Amaya noon na teacher nito.

“Dude, mukhang may karibal ka na agad,” kantiyaw ni Bryan. Ininguso nito ang magkahugpong na mga kamay nila ni Dylan. “At ang bigat ng karibal mo.”

Kanina pa niya napupuna na panay ang kantiyaw kay Lucas ng mga kaibigan nito. Gusto niyang isipin na pinagpapareha sila ng mga ito.

Parang matandang tiningnan ni Dylan si Lucas. “Tito Luke, do you like Tita Cake?”

Nabitin yata ang paghinga niya sa tanong na iyon ni Dylan. Natuon sa kanya ang mga mata ng lahat ng mga nasa mesa. Naririnig niya ang malakas na tibok ng puso niya. Parang nagkabikig ang lalamunan niya sa sobrang kaba. Sa halip na sagutin ang tanong ay hinawakan lang ni Lucas ang kamay niya, sabay tingin kay Dylan na tila nagpapaalam. Parang nagkakaintindihang binitiwan ni Dylan ang kamay niya. Walang sabi-sabing hinila na siya ni Lucas. Maang na sumama na lang siya rito.

“Luke, huwag kang madaya. Sosolohin mo lang si Cake, eh.”

Without letting go of her hand, Luke turned to them. “Mamaya ko na siya ibabalik sa inyo. Kung ano-ano ang sinasabi n’yo sa kanya, eh. Mag-iikotikot lang kami.”

“Good luck, Luke!” pahabol na sabi ni Lyka.

Napailing na lang siya. Lucas’ friends exceeded her expectations. Napakabait ng mga ito. Nang may ilang metro na ang layo nila mula sa mesa ay saka lamang bumagal ang paglalakad ni Lucas. Hindi niya alam kung saan sila patungo but him holding her hand was enough guidance for her. Huminto sila sa tila isang terasa ng hotel. Nakaharap iyon sa Taal Volcano.

Ilang beses na siyang nakarating sa Tagaytay pero parang iba ang view roon nang mga oras na iyon. Kulay-kahel ang langit at kitang-kita nila ang papalubog na araw. She took a deep breath. Then she smiled. Nang humarap siya kay Lucas ay nakatitig lang ito sa kanya.

“Sorry, I have to take you away from them. Dahil kung hindi, hindi na kita masosolo,” sabi nito, saka ngumiti.

Parang napunta sa lalamunan niya ang puso niya. Ano raw?

ILANG minuto lang nagtagal sina Lucas at Cake sa terrace at nagyaya na itong umalis. Lulan ng sariling kotse nito, umalis sila ng Residence Inn kung saan ginaganap ang reception. Ayon dito ay malapit lang daw ang pupuntahan nila.

“Hoy, Luke! Bakit tulala ka riyan?” puna niya rito. May itinatanong kasi siya rito pero hindi ito sumasagot. Magkalapat lang ang mga labi nito at patuloy sa pagda-drive.

Sinulyapan siya nito, blangko ang ekspresyon. “Ano `yong itinawag mo sa `kin?”

“Luke. Napansin ko kasing ako lang ang tumatawag ng ‘Lucas’ sa `yo.”

“Mas gusto kong tawagin mo akong `Lucas.’ Iyon naman talaga ang tunay kong pangalan.”

“Bakit?”

“Alam kong doon ka sanay.”

“Puwede ko namang baguhin ang nakasanayan ko na. Mamaya niyan, tuwing tatawagin kitang ‘Lucas,’ isinusumpa mo na pala ako sa isip mo. Ang laking ganda ng ‘Luke’ sa `Lucas.’”

Nagkibit-balikat ito at inihinto na ang sasakyan sa parking lot ng Residence Inn. Pinatay nito ang makina at humarap sa kanya. “Nah, I’m not that cruel. I like the way you call me ‘Lucas.’”

She smiled. Me, too. “Okay, kung iyan ang gusto mo.”

Bago sila bumaba ng sasakyan ay hinubad nito ang coat nito. Inililis nito hanggang sa siko ang sleeves niyon pagkatapos ay inalis nito ang necktie.

“Sigurado ka bang okay lang sa mga kaibigan mo na umalis tayo? Siguradong hahanapin nila tayo. Hindi tayo nakapagpaalam nang maayos sa kanila.” Bigla na lang kasi itong nagyaya na mamasyal. “Bigla-bigla na lang tayong nawala, ni hindi pa tapos `yong buong program ng kasal.”

“Ayos lang `yon sa kanila. Babalik din naman agad tayo. Magpapahangin lang tayo.” Bumaba na ito at lumingid sa side niya. Ipinagbukas siya nito ng pinto.

Wala siyang nagawa kundi sumama rito. Gusto niyang mapahagalpak ng tawa nang dalhin siya nito sa isang zoo. Ito na ang nagbayad ng entrance fee nila. “Baka maghahagis na ng bouquet si Amaya.”

Nagtatanong ang mga matang nilingon siya ni Lucas

Ngumiti siya. “Malay mo, ako ang makasalo. I could be the next bride, you know.”

“Huwag ka nang makipag-unahan kay Danica. Isa pa rin iyong atat na magpakasal. Actually, pareho sila ni Bryan.” Sa himig nito ay parang hindi nito nagustuhan ang pagnanais niyang maikasal.

Napasimangot siya. “Ano ba `yan? Isa ka rin palang kontra. Akala ko pa naman, nasa panig ka ng mga naaapi.”

“Kailan ka pa naapi?”

She pouted. “Ngayon.”

There was a strange smile on his lips. “Wala sa hitsura mo ang naaapi. Mukhang ikaw pa ang mang-aapi.”

“Hindi kaya. Judgemental ka,” pabirong sabi niya.

Tumawa ito. Nagulat pa siya nang pisilin nito ang pisngi niya. Tila hindi pa nakontento, dinutdot pa nito ang tungki ng ilong niya. Pagkatapos ay ngumiti ito, tila nasisiyahang nasaktan siya.

“Aray naman!”

“Ang cute mo.”

Hinimas niya ang pisngi niya na pinisil nito. “Gaganti ako sa `yo, promise. Humanda ka.”

“`Kita mo na? Ganyan ba ang hindi nang-aapi? Nagbabanta ka na agad.”

Hindi na rin niya napigilan ang pagtawa. “Halika na nga, magpahangin na tayo.” Nagpatiuna na siya.

Umagapay ito sa paglalakad niya.

Naalala uli niya ang kasal ni Amaya. Bigla na naman niyang na-imagine ang sarili na isa siyang bride. She was walking with her groom. Bigla siyang natigilan sa naisip at napasulyap kay Lucas. Saka lamang niya na-realize na nakakapit siya sa braso nito at parang at ease naman ito roon. Then her heart begun to pound. Naalala niya ang kasabihan na, “Malalaman mo kapag nakita mo na ang future husband mo kapag nakita mo ang sarili mong ikinakasal sa kanya.” Then it hit her.

Love.

She felt her heart pounding restlessly as she pondered to the word. Bigla siyang kinabahan at natakot.

Lord, ito na ba `yon? Puwede ba akong mahulog sa isang tao sa loob lamang ng ilang linggo?

Huminto sa paglalakad si Lucas at tumingin sa kanya. “But if you really want the bouquet, puwede tayong bumalik,” sabi nito sa kanya.

Umiling siya. “Nagbibiro lang ako kanina.”

Tinitigan siya nito. “Huwag kang mag-alala, alam ko naman kung bakit mo gusto ang bouquet na `yon.”

Napamaang siya. “Ha?”

“Tutulungan kitang makakita ng suitable husband kung iyan ang ikaliligaya mo. I can help you find your happiness.”

I think you are my happiness. “Thank you,” sa halip ay sabi na lang niya. “`Lika, doon tayo. Mukhang mas maganda ang version ng zoo nila rito kaysa sa Manila.”

Sumunod ito sa kanya. Maya-maya pa ay pareho na silang nag-e-enjoy sa paglilibot. Mas mataas pa ang level ng energy nito kaysa sa kanya. Sa pagkakaalam niya ay pagod din ito sa pag-aayos ng lights setup para sa kasal ng mga kaibigan nito pero nakapagtatakang hindi man lang yata ito pagod.

“I-try nating mag-zip line,” suhestiyon nito.

Nanlaki ang mga mata niya. “Ikaw na lang. Panonoorin na lang kita.”

“Sumama ka na. Boring kapag mag-isa lang ako.”

Napakapit siya sa braso nito. “Takot ako sa heights.”

Pero parang nahalata nito na nagsisinungaling lang siya.

“Sige na, please?”

“Akala ko ba, gusto mo lang magpahangin? Langhapin mo na lahat ng hangin dito. Kung gusto mo, magbulsa ka pa para maiuwi natin pabalik sa Maynila.”

“Oo nga. Pero ito ang version ko ng pagpapahangin. Samahan mo na ako, please? This is fun.”

“Diyos ko, fun nga pero kung iyan naman ang ikamamatay ko, huwag na lang,” pakli niya.

Tumawa ito. “And do you think I would let you die?”

“Aba, malay ko. Hindi natin masasabi. Mamaya niyan, nando’n na tayo sa gitna, `tapos biglang maputol `yong cable. Eh, di patay tayo.”

Lumakas ang tawa nito. “Ang morbid ng iniisip mo. Pero kung mamatay man ako, mamamatay akong masaya dahil ikaw ang kasama ko.”

Napipilan siya sa sinabi nito. Aww, sweet! `Til death do as part ang drama.

Lucas grabbed her hand and gently pressed it. “Para hindi ka matakot, you can hold my hands and scream at the top of your lungs. Wala kang maririnig na reklamo sa akin, promise.” Itinaas pa nito ang isang kamay bilang pangako.

“Hmm, sige na nga. Puwedeng sumigaw kahit gaano kalakas, ha?”

“Promise!” natutuwang sagot nito.

She finally nodded. Napawi ng ngiti at mga salita nito ang takot niya. Nang marating nila ang kinaroroonan ng zip line ay lalo pa siyang na-touch dito. Hanggang sa makabitan silang dalawa ng harness at safety gear ay nanatiling magkahugpong ang mga kamay nila. At bago tuluyang magpahangin—este, mag-zip line ay iniharap siya nito. Siniguro uli nito ang safety gears niya.

Then, with a swift movement, he brought his head down and planted a soft kiss on her cheeks. Dala ng pagkagulat ay hindi siya nakapagsalita. Dama niya ang init ng mga labi nito.

Wah! Bakit ang bilis naman? Hindi ako prepared.