“I REALLY don’t believe it! Isa kang alamat, Lucas Fernando Tarroja,” pambubuska sa kanya ni Natsu. Abot-tainga yata ang pagkakangisi nito.
Tiningnan niya ito nang masama sa pagbanggit nito nang buo sa pangalan niya. “Hindi ka nakakatawa, Natsuhiko,” ganting-sabi niya, saka niya binalingan ang isa pang kaibigan nila. “Isa ka pa, Bryan.”
“Ano’ng ginawa ko sa `yo?” pagmamaangmaangan nito. Pero halatang pinipigilan lang din nito ang tumawa nang malakas.
“Tigil-tigilan mo na ang kakangisi riyan. This isn’t funny anymore,” sabi uli niya.
“Kung nabaliktad ang sitwasyon natin, Luke, itataya ko ang kalahati ng kaluluwa ko na aasarin mo rin ako,” ani Natsu. “Dude, akala ko torpe ka lang. Akalain mong nananakawan ka rin pala ng halik?”
As if on cue ay sabay pang tumawa ang mga ito. He gritted his teeth. “Damn! Kaya ko sinabi sa inyo ang buong kuwento para tulungan ako, hindi para alaskahin ako.”
“Luke, tradisyon `to. Kailangang dumaan ka muna sa alaskahan moment bago ka namin tulungan,” dagdag pa ni Bryan.
Bumaling siya rito. As an example of their weird friendship, sa halip na beer ang ihain sa kanila ni Natsu ay tig-iisang malalaking tasa ng kape ang ibinigay nito sa kanilang dalawa ni Bryan.
“Hoy, Bryan, noong kasagsagan ng problema mo sa love life, hinding-hindi kita inasar.”
“Paano mo naman ako maaasar noon, eh, nasa ibang parte ka ng Pilipinas? Saka gumanti ka naman dito kay Natsu.”
“Oo nga, Luke. Ako ang nagdusa sa pangaalaska mo, ah. Imagine my pain at playing that game while you distracted me.”
Napasimangot siya. Alam na niya ang hirap na dinanas nito. Pero ano ang gagawin niya? Ninakawan siya ni Cake ng halik! At ang magaling na babae ay ayaw man lang siyang kausapin o kaya ay sagutin man lang ang mga text message niya.
“So, maghapon n’yo lang ba akong aasarin? Wala ba kayong planong tulungan ako?”
Tumawa lang ang mga ito.
Damn! May sayad talaga ang dalawang `to.
Pagkatapos tumawa ng dalawa ay lumagok muna ng kape si Natsu bago muling nagsalita.
“You know, Luke, ang buong akala ko, sa ating tatlo, ikaw `yong tipong kapag na-in love ay alam ang gagawin. Ikaw ang laging may konkretong plano sa lahat ng bagay. You’ve always been sure of yourself. Pag-ibig lang pala ang katapat mo.”
Hindi siya nakapagsalita. Akalain din ba niyang makakaramdam siya ng ganoon? Na mai-in love siya?
“Have you talked to her?” tanong ni Bryan sa kanya.
Lalong sumama ang mukha niya. “Paano ko nga siya makakausap, pinagtataguan nga ako? Ayaw niyang sagutin ang mga tawag at text ko. Tuwing pupunta naman ako sa kanila, lagi siyang wala. Either nasa event daw o sa trabaho na hinding-hindi ko rin naman maabutan.”
“She’s hiding from you,” deretsang sabi ni Natsu.
“Hah! Siya pa ang may ganang magtago pagkatapos niya akong nakawan ng halik? Ginawa niya akong dummy para makapag-practice siyang humalik. Itinuturing daw niya akong older brother pero hindi niya ako nirespeto. She... She—”
“Oo na, idugtong mo na kaya sa speech mo na ninakawan ka ng puri o kaya ay hinubaran ka ng dangal para kompletos rekados na.”
Nag-high-five ang mga ito sa sinabi ni Bryan.
He glared at them. “Mga tarantado kayo! Hindi na talaga kayo nakakatuwa.”
“`Oy, Bryan, magseryoso na tayo. Nakakatakot na ang tono nitong si Lucas. Mukhang kaunti na lang at magwo-walk out na `to.” Tumikhim pa si Natsu. “Base sa kuwento mo, mukhang kailangan mong linawin sa kanya `yang tungkol sa nararamdaman mo.”
“What do you mean?”
Natsu shrugged. “Minsan, kahit naipapakita nating mahal natin ang isang tao, mas magandang malinaw sa kanila na alam nilang mahal nila ang isa’t isa.”
“Luke, do you love Cake?” tanong ni Bryan.
“Yes,” hindi kumukurap na sagot niya.
“Alam ba niya na mahal mo siya?”
Natigilan siya. “Hindi pa ba sapat na nagpaalipin ako na maging karpintero para lang palagi ko siyang makita? Inihahatid-sundo ko siya. And heck, I even introduced her, to both of you. Hindi pa ba sapat ang lahat ng iyon?”
“Mahirap ang pakiramdaman lang, Luke. Women are complicated. And if you really want to show her that you love her, then you also have to tell her.”
“Paano ko nga masasabi kung ayaw niyang magpakita?” aniya sa napapagod na tono.
Nagkindatan ang mga ito.
“We can help you confess your feelings to her. Sayang naman ang pakikialam mo sa love life ko kung hindi ako makikialam sa love life mo.”
“Siguruhin mo lang na matino `yang plano mo, Natsu. Dahil kung hindi, kukumbinsihin ko si Amaya na i-annul ka sa lalong madaling panahon.”
Pabirong sinuntok siya ni Bryan sa balikat. “Magtiwala ka sa isang `yan. Closet romantic `yan kahit bad boy image ang pino-project.”
“Ano pa nga ba’ng magagawa ko? Mukhang kahit ayaw ko, pipilitin n’yo akong dalawa na sumang-ayon sa plano n’yo.”
“Naks, ayos! Cheers!” wika ni Natsu na itinaas pa ang mug ng umuusok na kape.
Natigilan sila ni Bryan. Hindi nila naituloy ang pagpipingkian ng kanilang mga baso.
Ibinaba niya sa mesa ang tasa. “Teka nga, pakisabi nga kung bakit kape ang inihain mo sa amin, Natsu. Lulunurin mo na lang ba kami ng kape sa buong gabi?”
“Mga dude, nagbabagong-buhay na `ko. Masama sa katawan ang alak kaya magkape na lang tayo.”
“Ulol”
“`Tado!”
Halos magkapanabay na kantiyaw nila rito. Hindi kapani-paniwala na iyon ang magiging paniniwala ni Natsu dahil noong high school sila ay ito pa ang nagturo sa kanila na uminom ng beer.
“Itigil na nga natin ang kakalaklak ng kape ni Natsu.” Kinuha niya ang susi ng kanyang kotse. “Ako na lang ang bibili ng beer sa labas. Nagkukuripot lang yata `tong Hapon na `to.”
Tumaas ang sulok ng labi ni Natsu. “Sa panahon ngayon, kailangan mo nang maging wais. Mahirap na ang buhay. Mabilis tumaas ang presyo ng gatas. Baka kapag ipinanganak na ang anak ko, magkasimpresyo na ang gatas at gasolina.”
Nagtaka siya sa sinabi nito.
“Anak ng tokwa, Natsu. Ang bilis mo, dude. Magpaplano pa lang ako ng proposal kay Danica, magkakaroon ka na agad ng anak,” sabi ni Bryan.
“Kaya nga dapat ay bilis-bilisan na nitong si Lucas. Dapat, bago pa man makalakad ang anak ko, may love life na rin siya.”
Sa halip na dumeretso sa pinto ay inihagis niya ang susi kay Natsu. “Tutal, magkakaroon ka ng anak, huwag ka nang magkuripot.”
“Oo nga naman, dude,” pagsegunda ni Bryan. “Pagbigyan mo na ang isang `to, tutal, nanakaw na ang puri nito. Baka puwedeng idaan na lang sa inom.”
Sukat doon ay saka siya natawa. “`Tado!”
“CAKE, utang-na-loob, kumain na tayo, please? Hindi na nakikilala ng large intestine ko ang small intestine ko, malapit na silang malito at makain ang isa’t isa.”
Natawa siya sa ekspresyon ni Jonelle. “Alam mo, exag ka talaga kahit kailan. Sandali na lang `to, promise. After this, we’ll have our lunch na. Parang kanina lang kumakain ka. Ngayon, gutom ka na naman. Baka parehong large intestine ang bituka mo.”
Kitang-kita niya ang pagsimangot nito. “Eh, di hindi na-digest ang mga nutrisyon ng mga kinain ko, sana puro waste material na lang ang nasa tiyan ko. Cake, mga ilang minutes pa ba `yan?”
At ni-lecture-an pa `ko. Napangiti siya. “Ten minutes, tops.”
“Oh, Lord! Ano po ba’ng nagawa kong masama sa past life ko para bigyan N’yo ako ng stage manager na kasinlupit ni Cake?” malakas na sabi nito. Halatang ipinaririnig nito iyon sa kanya.
“Grabe ka naman. Isinusulat ko lang nang maayos ang lahat ng kailangan nating gawin dahil kapag may nakalimutan ako, siguradong may kalalagyan tayong dalawa. Mas gusto mo ba `yon?”
Umiling ito. “Good.” Alam niyang malaki ang takot nito sa direktor nila. Kanina nga sa brainstorming nila ay hindi ito nagsasalita. Parang pinitpit na luya ito sa pagiging mahinhin.
“O, sige na nga, wala naman akong magagawa kundi hintayin ka. Alam mo naman na hindi ko maaatim na kumain ng tanghalian nang hindi ka kasabay,” sabi nito. Humarap na ito sa laptop nito.
Napangisi siya. Iisa lang ang desktop nila sa opisina at ang iba ay kanya-kanyang dala ng laptop. But all of them enjoyed their free WiFi. Ibinalik niya ang atensiyon sa isinusulat. Kaunti na lang at matatapos na niya iyon.
“Cake—!”
Nagbibirong napahawak siya sa kanyang mga tainga. “Diyos ko naman, Jonie! Kung makatili ka. Bakit ba? Hindi mo na ba talaga mapigil ang gutom?”
Pinanlakihan siya nito ng mga mata. “Gaga! Buksan mo ang e-mail natin.”
“Bakit?”
Tumayo ito at namaywang sa harap niya. “Huwag ka nang magtanong, basta buksan mo na lang.”
Wala siyang nagawa kundi sundin ito. She clicked on their company’s e-mail address. Kaya nilang i-access iyon dahil salitan sila kung makipagtransact sa mga supplier, aktor, at kung sino-sino pang kailangan nilang pasahan ng e-mail.
“O, ano na? I already opened it.”
“Huwag mo akong daanin sa English mo. I-try mo kayang magbasa nang gutom.”
She focused her attention on the succeeding e-mails. Wala namang unusual doon. Mga past e-mail lang nila at— Kumunot ang noo niya sa subject heading ng isang e-mail. It was “Almost Have It All.” “Jonie, Spam ba `to?”
Itinirik nito ang mga mata. Mukhang nakaabang na ito sa magiging reaksiyon niya. “Basahin mo kasi.”
Hindi niya alam kung bakit siya kinakabahan habang binubuksan ang e-mail. She was excited, all right. “I swear, kapag nakakatakot ito—” Natigilan siya. Tumambad na kasi sa kanya ang résumé ni Lucas. Pero pulos tungkol sa personal na buhay nito ang nakasulat doon. Ang huling parte niyon ang lalong pumukaw sa pansin niya.
Position applied for: Guardian of Cake’s heart.
Years of experience: One month, I think... or less than a month.
Character reference: Miss Cake Lleander
Relation to character reference: Reason for living.
Hindi niya alam kung matatawa o maiiyak ba siya sa prank na iyon. Basta ang alam lang niya ay malakas ang kabog ng dibdib niya. Alam niyang involuntary muscle ang puso pero parang kahit ano ang gawin niyang pagkontrol doon ay damang-dama niya ang patuloy na pagtibok niyon.
“Hoy, Cake! Natulala ka na riyan. Ang sweet, ha? Naiinggit ako.”
Naiiyak na napatingin siya kay Jonelle. “I don’t know what to say.” I just missed him.
Kasi naman, sino ba ang tangeng iwas nang iwas?
“Wala kang ibang dapat gawin kundi sundin ang sinasabi sa résumé ng pag-ibig na `yan ni Luke. If you’re willing to take a chance on him, meet him at Harbour Square. If not, he’ll just keep on bugging you.”
Lalo siyang naluha sa sinabi nito. “Wala namang sinabing gano’n, eh.”
“Ginawa mo pa akong sinungaling. Nasa `baba, o. Excited ka kasi.”
Bumaba ang mga mata niya sa ibabang bahagi ng résumé. Tama nga si Jonelle. May nakasulat pa nga roon. Ah, how she missed him. Kung alam lang ni Lucas kung gaanong torture ang pinagdaanan niya maiwasan lang niya ito.
“Keyk! Ano ka ba? Ano pa’ng ginagawa mo riyan?”
Walang sabi-sabing hinawakan niya ito sa braso at hinila palabas ng pinto. Tiyak ang mga hakbang niya. She was so sure she was so willing to take a chance on Lucas. At para din magkalinawan na sila. Nahihirapan na siya sa ginagawang pangto-torture sa sarili niya.
Napasinghap siya nang makita ang isang vintage car. Nakaupo sa harap ng manibela niyon ang pinakaguwapong lalaking nakita niya sa buong buhay niya—si Lucas. Nakahalukipkip ito at titig na titig sa kanya habang naglalakad siya. Background music na lang ang kulang at sa palagay niya ay papasa na silang dalawa sa eksena sa pelikula. Tila wala itong pakialam sa init ng araw o sa mga titig ng mga babaeng naroroon.
Hindi na yata ito nakatiis sa kabagalan niyang lumakad. Bumaba ito ng kotse at mabilis na sinalubong siya. Bago pa siya makahuma ay mabilis na sinakop nito ang mga labi niya. His lips descended on hers. She felt its intoxicating sweetness. Binawi niyon ang pagkasabik nila sa isa’t isa. Mahigpit niya itong niyakap. Wala na siyang pakialam kung pagtinginan man siya ng mga tao roon. O kung sa susunod na mga araw ay kumalat na ang video nila sa YouTube. Because at that moment she was so happy she couldn’t contain it in her heart.
When the kiss was finally over, Lucas cupped her face. “Woman, what took you so long?”
“I’m sorry. Ngayon ko lang nabasa,” kagat ang ibabang labing sabi niya. “Actually, si Jonie pa ang nakabasa.”
Nagsalubong ang mga kilay nito. “At kung hindi pa nabasa ni Jonie ang e-mail ko, malamang tinubuan na ako ng ugat dito, eh, wala ka pa.”
“Ilang oras ka na bang naghihintay?”
He eyed her as if she just said something impossible. “Huwag mo nang itanong kung gaano katagal. Seeing you has been worth all the wait.”
Aww! “So, about your résumé—”
Hindi na nito pinatapos ang tanong niya. Binigyan na siya nito ng pagkatamis-tamis na halik. “What about it?”
“Lucas!”
Tumawa ito nang malakas. Pagkatapos ay kinabig siya nito at niyakap nang mahigpit.
“Huwag mo akong daanin sa yakap mo. Sabihin mo na ang gusto mong sabihin dahil I swear, kapag hindi ko nagustuhan ang mga pinagsasabi mo, magwo-walk out ako.”
“I doubt it, woman. After all, I kissed you in public,” sabi nito at saka pumalatak.
Oh, great! Just great! Pero bago pa siya makapag-walk out ay nagsalita na ito.
“Totoo ang lahat ng sinabi ko sa résumé ko. I want to be your heart’s guardian. And this time, hindi para ituring mong isang kuya. Dahil walang kapatid na ninanakawan ng halik. Sa maniwala ka o sa hindi, skeptical ako pagdating sa love. My parents’ marriage was a failure. Ganoon din ang sa kapatid ko. And your idea of love and marriage is so ideal. Malayong-malayo sa paniniwala ko.”
“Then why did you say that I’m your reason for living?”
“Because it’s true. You are my reason for living. Dahil sa kabila ng lahat ng pagkakaiba natin, ng paniniwala, at takot ko, hindi ko kayang palagpasin ang pagkakataong mahalin ka. I love you, Cake.”
Titig na titig ito sa mga mata niya. And there she saw sincerity. She believed him with all her heart. But she wanted to make sure. “Baka naman ginagawa mo lang ang lahat ng ito para masunod ang daddy ko. Baka plano mo pa rin ito para lang hindi ako mag-asawa nang maaga.”
“Woman, hindi ko hahayaang bulukin ang sarili ko dito at papakin ng mga lamok sa paghihintay sa `yo kung utos lang ito ng daddy mo. And if you want to get married at an early age, then you can do so, if and only if...”
Lord, please let it be what I think he was about to say.
“I’m your groom.”
Her lips twitched. “Marriage proposal na agad?”
“Iyon naman ay kung nagmamadali ka lang. Handa akong maghintay kahit gaano katagal. Just let me love you, Cake.”
Sa puntong iyon ay hinayaan na niya ang sariling yakapin ito. “I love you, Lucas. I love you so much.”
Walang makapagsalita sa kanilang dalawa. They both savored the moment in each other arms. Nang maghiwalay sila ay ginawaran uli siya nito ng halik.
“Thank you for taking this chance on me, Cake.”
Tiningala niya ito. “And thank you for loving me.”
Hinalikan nito ang tuktok ng buhok niya. “Teka, sabi mo si Jonie ang nakabasa ng e-mail ko. Ibig sabihin, nandito rin siya?”
“Ay, oo nga pala, kasama ko ang isang iyon.”
Nagpalinga-linga sila para hanapin ang kaibigan niya. Only to find out that Jonelle had been eating and watching them. Nasa labas ito ng Icebergs. Nang makita nitong nakatingin sila rito ay kumaway ito. And she thought Jonelle mouthed the word “congrats.”
“Teka, `di ba sabi mo, pinapak ka ng lamok dito sa kakahintay sa akin? You mean, kagabi ka pa rito?”
Hindi ito sumagot. Pero sapat na ang pananahimik nito bilang sagot sa tanong niya. Wala sa loob na napahalakhak siya.
“Sige pa, pagtawanan mo `ko. Sa halip na matouch ka, nagagawa mo pa akong pagtawanan.”
Huminto siya sa pagtawa. “Kasi naman, Lucas, nagtrabaho ka sa amin. So, dapat alam mong kapag Lunes ay walang opisina, it means walang pasok.”
“Sorry, ha? Kasalanan ko pa pala dahil excited ako. Sayang. Kung kagabi ka sumipot, may fireworks pa kaming inihanda.”
Nanlaki ang mga mata niya sa sinabi nito. “Talaga? Hindi naman nae-expire ang fireworks, pailawin natin mamaya.”
Binitawan siya nito at saka ito humalukipkip. “Huwag na, pinagtawanan mo na ako. `Buti na lang, umuwi na ang dalawang gunggong kong kaibigan.”
“Sige, magtampo ka pa. Binabawi ko na ang ‘I love you’ ko,” pabirong sabi niya.
Possessively, Lucas took her into his arms again. “Wala nang bawian. Touch move.”
As if naman babawiin ko pa.
She just felt so happy in his arms. Hinalikan niya ang tungki ng ilong nito. “I love you, Lucas.”
“I love you, too.”
NICKA GRACIA
•••WAKAS•••