![]() | ![]() |
Pagod na pagod na ako pero kailangan ko pa ring tumakbo dahil kung hindi maaabutan nila ako. Gustuhin ko mang tawagan si Mama at magpatulong natatakot ako sa maari nilang gawin sa kanya. Ayaw ko siyang madamay.
Naramdaman kong ang lapit-lapit na ng mga humahabol sa akin. Napausal ako ng maikling dasal, pero hindi ko natapos iyon dahil may bigla na lang nagprenong sasakyan sa tabi ko. Isang kulay itim na Otsuji SuperSonic Car. Bumukas ang pinto nito sa unahan at nakita ko si Ryu. Sinenyasan niya akong sumakay na. Hindi na ako nag-isip pa. Bago nito pinasibad ang kotse, dumungaw siya sa bintana, nilingon at kinantiyawan ang mga humahabol sa akin bago sila binigyan ng dirty finger.
“Dōmo arigatō,” pasasalamat ko sa kanya. Medyo awkward ako. Hindi kasi kami magkasundo ng ungas na ito, eh. Nakakapagtaka nga na heto siya’t sinaklolohan na naman ako.
Hindi siya sumagot sa akin. Sa halip binigyan niya ako ng bote ng Suntory. Naubos ko agad ang laman niyon. Pakiramdam ko, iyon na ang pinakamasarap na mineral water na aking natikman.
“Ang yabang mo rin, ano? Akala mo dahil matulin kang tumakbo, kaya mo silang lusutan? Hindi ka talaga nag-iisip kahit kailan. Palibhasa ang bobo mo kasi, eh,” ang sabi nito.
“Nagsalita ang matalino,” asik ko sa kanya. Inirapan ko pa. Hindi niya pinansin ang sarcasm ko.
“Jitensha wa doko? (Nasa’n ang bike mo?)” pag-iba niya ng usapan.
“Wala na,” malungkot kong sagot.
“Anong wala na?” At sumulyap siya sa akin nang nakakunot ang noo bago binalik ang atensyon sa daan.
“Sira na. Sinira nila. Wala na ang mga gulong nito kanina nang puntahan ko sa parking lot. Winasak nila,” pakli ko.
“Hindi ka kasi nag-iingat.”
Nagpanting ang tainga ko. Hindi ako nakapagtimpi.
“Kahit mag-ingat man ako kontrolado ko ba sila? Ikaw ang may kasalanan nito! Kung hindi dahil sa iyo hindi sana ito nangyayari sa akin!”
“Ooopps, baka nakakalimutan mo? Sino ba ang naunang manggulo ng buhay ng may buhay? Tahimik ang buhay ko bago kayo dumating ng mama mo sa amin. Kaya huwag na huwag mong ibalik sa akin iyan. Why don’t you just go back to where you belong nang matapos na ang lahat?”
Inirapan ko na naman siya. Wala akong panalo sa damuhong ito. Nagpasalamat na lang ako dahil dumating siya at niligtas na naman niya ako sa tiyak na kapahamakan. Strange. Lagi na lang siyang nandiyan kapag kailangan ko. Parang ang hirap paniwalaan. Pero saka ko na iisipin kung ano man ang dahilan niya. Ang mahalaga, ligtas ako pansamantala sa pambu-bully nila Keisuke at Hiroto.
**********