![]() | ![]() |
Hinatid ako nina Mama at Otōsan (Tatay) sa bago kong eskwelahan, ang Sakura Senior High School. Ito raw ang pinakaprestihiyosong senior high school sa buong Osaka. Sinasabi nila na paaralan ito ng mga anak ng mayayamang angkan sa buong Kinki region.
Stepfather ko si Otōsan, pangalawang asawa ni Mama. Kaya buong-buo ko siyang natanggap at tinuring na ring parang tunay na ama dahil siya ang kaunaunahang lalaking nagpasaya muli sa mama ko pagkatapos mamatay ng sundalo kong ama sa isang ambush sa Mindanao sampong taon na ang nakararaan. Matagal na pinagluksa ng mama ko iyon. Hindi ko nga naisip na darating pa ang panahon na iibig siyang muli.
Bumalik ang diwa ko sa kasalukuyan nang makita ang guwapong lalaki sa field na kasamang nagpa-praktis ng baseball team ng Sakura Senior High School. Siya ang pinakamatangkad sa lahat ng naglalaro kung kaya kita siya agad. Siya rin yata ang pinakaguwapo. Tinuro siya sa amin ni Otōsan. Siya raw si Ryu, ang kaisa-isa niyang pamangkin.
“Pitcher siya ng baseball team. Ang galing niya, di ba? Siya ang dahilan kung bakit nasali sila sa Koshien ng nakaraang taon,” proud pang kuwento ni Otōsan at pinaliwanag niya kung gaano ka importante ang masali sa Koshien. Ito raw ang pinaka-prestihiyosong baseball tournament para sa mga senior high schools sa buong Japan. Mahirap daw makapasok dito kung kaya kung sino mang team ang mapapabilang dito ay nagiging sikat agad. Ito ang dahilan kung bakit halos lahat na bintailyong Hapon ay nangangarap makapaglaro sa naturang tournament.
Pagkakita ng nasabing Ryu sa amin bigla na lang itong tumalilis. Nagulat ang mga kasamahan niya. Pati ako’y napakunot-noo. Bakit?
“Ryu!” habol pa sana ng stepfather ko, pero ni hindi man lang ito lumingon sa direksiyon namin. Akala ko magagalang ang mga Hapon.
“Hayaan na lang muna natin ang bata,” sabi naman ni Mama kay Otōsan nang nakangiti. Alam ko nagkukunwari lamang siyang okay ang lahat. Kilala ko siya at sigurado akong nasaktan siya sa inasal ni Ryu.
Nang papunta na ako sa classroom, nakita ko siya uli. Paakyat din siya sa second floor. Hindi ko siya sinabayan. Pinauna ko siyang umakyat kung kaya kitang-kita ko kung paano niya tinadyakan ang estudyanteng nakaupo sa hagdanan. Tumalsik ang makapal na salamin ng lalaki pati ang binabasa nitong libro. Hindi pa nakontento doon ang kumag. Nanulak pa ng nakasalubong na binatilyo na kagaya no’ng una ay mukhang nerd din. Ang nakapagtataka ni hindi man lang nagtangkang lumaban ang dalawa. Umiwas lang sila na parang takot na takot sa kanya.
Siga pala ang hunghang. Sayang dahil kung hindi sana barumbado may hitsura siya. Kahawig niya ang paborito kong Japanese idol na si Jin Akanishi noong ito’y bata-bata pa. Mas guwapo pa nga siya nang kaunti at mas may dating dahil mas matangkad siya nang di hamak at mas maganda pa ang posture. Kaso sa pinakita niyang kagaspangan ng ugali, never ko siyang magugustuhan. As in never ever!
Nang wala na siya sa paningin ko umakyat na ako sa second floor. Sumilip muna ako sa classroom namin para alamin kung sinu-sino na ang nandoon. Halos puno na ng estudyante ang silid kung kaya medyo atubili akong pumasok. Lalo pa akong na-conscious nang pinagtinginan nila ako. Ako lang pala ang nakasuot ng lampas-tuhod na palda. Ako rin ang namumukod-tanging may maitim na mahabang buhok. Mahahaba rin ang buhok ng ibang babae, pero hindi gaya ng akin kulay brown o mais ang mga ito. Outcast tuloy ang pakiramdam ko.
“Minna-san, shizuka ni kudasai. Kyou wa atarashii gakusei ga imasu. (Class, please be quiet. Mayroon tayong bagong estudyante ngayon),” anunsyo ng homeroom teacher namin na si Tanaka-sensei.
Tinawag niya ako na pumunta sa harap para magpakilala. Medyo nag-alangan ako noong una, pero dahil sa kapipilit niya ay napapunta rin ako sa harapan. Grabe ang kaba ko. All eyes kasi sila sa akin.
“Minna-san, ohayō gozaimasu. Watashi wa Mara Santacruz desu. Firipin kara kimashita. (Magandang umaga sa inyong lahat. Ako si Mara Santacruz na mula sa Pilipinas.)”
Hindi pa ako tapos magsalita nag-ingay na ang klase. Mukhang hindi sila interesadong makinig sa akin. May isa pa ngang kumuha ng make-up kit niya at nag-ayos ng sarili. Maganda siya pero mukhang maldita.
Bumalik na ako sa upuan ko sa pinakalikod ng klase pagkatapos ng self-introduction. Mayamaya pa, pumasok na rin si Ryu. Dere-deretso ito sa direksiyon ko. Nakita ko na lang na nakatayo na ito sa harapan ko.
“Puwesto ko iyan,” walang kaemo-emosyong sabi niya agad sa akin. Saglit akong nalito. Nang maintindihan ko siya ay kaagad akong tumayo at lumipat sa upuan sa unahan niya. Hindi na ako nagsalita pa.
May nagtanong sa kanya tungkol sa akin.
“Ryu, kanojo dare? Itoko? (Ryu, sino siya? Pinsan mo?)”
“Shiranai. (Hindi ko kilala),” pasuplado niyang sagot.
Nagtanong pa uli ang lalaking iyon, pero binara na niya. Natigil sa pagsusulat sa blackboard si Tanaka-sensei at pinagsabihan ang damuho. Hindi naman sumagot sa guro si Ryu.
May nagmagandang-loob na makipagkaibigan sa akin.
“Konnichiwa. Haruka desu. (Hello. Ako si Haruka),” pagpapakilala ng babae nang nakangiti. Ang cute niya kaso sungki-sungki ang ngipin.
Nang mag-break time in-orient niya ako tungkol sa mga kaklase namin. Sino ang sasamahan ko at sino ang hindi. Binalaan din niya ako na huwag daw akong magkamali na magkagusto kay Ryu Otsuji, ang supladong lalaki, dahil tiyak na makakalaban ko raw si Minami Takahashi. Tinuro niya sa akin ang sopistikadang babae na ngayo’y kumakausap sa walang pakialam na si Ryu sa bandang pintuan. Ito iyong nagme-makeup kanina habang nagpapakilala ako sa sarili.
“Matagal na iyang may gusto kay Ryu, elementary pa lang kami. Lahat ng babaeng nagkakagusto at lantarang naghahabol kay Ryu ay hina-harass niyan. Kaya kahit na maraming admirers si Ryu, walang nagkalakas-loob mag-confess ng feelings nila riyan o di kaya makipag-flirt man lang. Mahirap na kaaway si Minami kaya mag-ingat ka.”
“Don’t worry,” sabi ko. “I’ll never fall for Ryu. Safe na safe sa akin ang damuhong iyan,” sagot ko sa magkahalong Ingles at Nihongo.
Ngumiti si Haruka. Parang hindi siya naniniwala sa akin.
Nang mag-P.E. class na, sabay kaming naglakad papunta sa gym. May lumapit sa aming boys habang naglalakad kami. Pinakilala niya ako sa kanila. Mukha namang mababait sila kung kaya kinaibigan ko na rin. Miyembro raw sila ng track and field team. Nang nagpakita ako ng interes sa club nila niyaya na nila akong sumali. Unang araw ko pa lang sa school, may club na ako. Natuwa ako. Ang alam ko kasi big deal iyan dito sa Japan.
“Kaanu-ano mo ba si Ryu? Pinsan mo ba?” tanong ng isa sa mga miyembro ng Track and Field Club sa akin sa salita nila.
“Hindi. Asawa ng mama ko ang uncle niya,” sagot ko naman.
Nagkatinginan ang grupo, pero hindi na nagsalita pa.
Nang uwian na, inabangan ako ni Ryu. Galit na galit ito dahil nakarating sa kanya na tsinika ko sa mga miyembro ng Track and Field Club na asawa ng mama ko ang uncle niya.
“You shouldn’t have told them!” sigaw niya sa akin sa wikang Ingles.
Nagulat ako sa accent ng English niya kung kaya hindi ako nakapag-react sa himutok niya. Paano kaya niya natutunan ang American accent? Ang alam ko kasi’y bihira sa mga Hapon ang nakaka-Ingles nang matino.
Dahil hindi ako nakasagot, nagratatat na siya ng kung anu-ano. Ingles pa rin ang gamit niyang salita. Huminga muna ako nang malalim bago nagsalita. Sinagot ko na siya, pero sa lenggwahe nila.
“Bakit naman hindi? Iyon naman ang totoo.”
Siya naman ngayon ang nagulat at nakakapagsalita ako ng Nihongo. Lalo niyang ikinagalit iyon.
“Nakakapagsalita ka pala ng Japanese pinag-Ingles mo pa ako!”
“Ano ba’ng pinagpuputok talaga ng butse mo? May masama ba roon sa sinabi ko? Eh totoo namang asawa nga ng uncle mo ang mama ko.”
“Sa susunod itikom mo iyang bibig mo!” At tinalikuran niya ako.
Nang wala na siya sa paningin ko saka lang ako nakaramdam ng takot. Paano kung mayroon pala siyang violent tendencies? Magkasama pa naman kami sa bahay.
Pag-uwi ko nang hapong iyon nandoon na siya sa amin. Mag-isang kumakain. No’n naman dumating buhat kung saan sina Mama’t Otōsan. Nagulat sila nang makita roon ang mokong. Bumati sila sa kanya, pero dinedma lang niya ang mga ito at mabilis na dinala sa lababo ang pinagkainan. Nagmukha tuloy tanga ang dalawa. Kung hindi nga umatras ang nanay ko nang dumaan ito palabas ng kumedor, pakiramdam ko’y babanggain lang niya ito basta. Wala talagang modo!
Pagkatapos naming maghapunan, pumunta ako sa Entertainment Room (ER) ng bahay. Nasa second floor ito at katabi lang ng kuwarto ko. Kinuha ko ang isang gitarang nakasabit sa dingding at sinubukang tumugtog. Dahil naka-earphone hindi ko narinig na may pumasok na pala. Nabigla na lang ako nang may umagaw ng gitara sa akin.
“Sino’ng maysabi sa iyo na pwede mong pakialaman ang mga gamit ko rito?” malamig niyang tanong sa akin. Naintindihan ko naman siya agad dahil dahan-dahan ang pagsasalita niya ng Nihongo.
Napahiya ako. Daig ko pa ang nahuling nagnakaw. Yumuko ako sa harap niya at humingi ng dispensa. Pero sa halip na tanggapin iyon nagratatat na siya sa lenggwahe nila. Wala na akong naintindihan. Kaya sa inis ko bumitaw din ako ng mga salita sa Tagalog.
“Ang damot-damot mo! Isaksak mong lahat iyan sa baga mo!” Pagkasabi ko no’n kaagad ko siyang tinalikuran, pero hinabol niya ako at hinarangan sa pintuan. Nakatukod ang isa niyang kamay sa gilid ng pinto para hindi ako makalabas. Ano raw ang sinabi ko?
“Oo at naintindihan ko,” sabi ko sa kanya sa salita nila sa tonong eksaheradong malambing. Ngumiti pa ako nang pilit.
Umasim ang mukha niya at naglagay pa ng hintuturo sa ilong.
“Did you brush your teeth?” tanong sa akin.
Nangunot ang noo ko. Bago pa ako makasagot humirit siya ulit.
“Your breath smells rotten.” At bumalik siya sa loob ng silid. Naiwan naman akong nakanganga. Shocked na shocked ako sa narinig. Wala pang nakapagsabi niyon sa akin.
Binalikan ko siya at minura pa, pero wala nang saysay. Naka-head phone na ang ungas at nagkukuskos na ng electric guitar niya. Alam kong nararamdaman niya ang presence ko, pero nagkukunwaring walang narinig. Demonyo talaga! Grrr! Sarap kutusan!
Umalis na lang ako nang nagdadabog. Bumuga-buga pa ako sa kamay at inamoy-amoy iyon. Hindi naman mabaho, a. Talagang rotten bastard!