![]() | ![]() |
“Ohayō gozaimasu (good morning), Mara,” bati sa akin ni Rihoko, isa sa mga kaibigan ni Minami. Nangunot ang noo ko. Bakit niya ako binabati?
“Ohayō gozaimasu, Mara.” Si Yoko naman. Kaibigan din nila.
“Kumusta, Mara? Sana maging magkaibigan tayo from now on. Oo nga pala, birthday ko sa makalawa. I am throwing a party at home. Punta ka, ha?” Si Rihoko uli. Naaalibadbaran ako sa sweetness niya. Alam ko namang kaya nila ginagawa iyon ay dahil kay Ryu. Pero paano ko naman siya matanggihan nang hindi sasama ang loob niya?
“Tsaka pakisabi na rin kay Ryu na pati siya invited, ha?”
“We would like you to be there, Mara,” sang-ayon naman ni Yoko.
“H-Ha? A, e...” Wala akong maisip na dahilan. Paano ba ‘to?
“Kung si Minami ang iniisip mo, don’t worry. Siya nga ang nagsabi na sana dumating ka. At kalimutan na natin ang past. Pasensya ka na kung naging bitchy kami sa iyo, ha?”
May pagka-psychic atang Rihoko na ito.
“Sige,” nasabi ko na lang bigla. Na pinagsisihan ko rin. Ba’t ba ako umuo agad? Buti kung mahahatak ko si Ryu sa ganoong pagtitipon.
“Basta make sure na dalhin mo si Ryu, ha? Para masaya lahat,” paalala pa ng dalawa. Sabay pa kaming tatlong umakyat sa second floor kung saan ang classroom namin. Sa hallway maraming kumakaway at bumabati sa akin ng ohayoo gozaimasu. Tama nga si Haruka. Instant celebrity ang kung sino mang ma-link kay Ryu. Ang sarap pala ng feeling!
Nasa classroom na si Minami nang dumating kami. At himala. Pagkakita niya sa akin kinawayan niya ako. Pinaupo pa ako sa tabi niya. Nakipagtsikahan siya sa akin. Kinutuban na tuloy ako sa kanilang tatlo. Ano kaya’ng binabalak ng mga ito sa akin? Ito na ba ang sinasabi ni Haruka? Imposible naman kasing maging ganoon ka receptive at forgiving ang isang kagaya ni Minami na almost all her life ay humahabul-habol kay Ryu. Kinabahan ako sa mga naisip na maaari nilang gawin sa akin. Kung bakit kasi umuo pa ako sa invitation. Pwede pa kayang mag-back out?
“Oo nga pala, may gagawin ka ba this Friday night?” tanong ni Minami sa akin.
“We invited her na,” halos sabay na sabi nila Rihoko at Yoko.
“That’s good. For sure, we will have a great time, Mara. Masaya lagi ang parti ni Rihoko, eh. Kung gusto mo sabay na tayong magbihis at huwag ka nang mamroblema sa isusuot mong dress, ha? I’ll lend you one of mine.” Si Minami uli.
“Y-yan nga p-pala. Kasi, ano kasi...”
“Hi, Ryu!”
Saglit na nakitaan ko ng pagtataka si Ryu nang makita niya akong nakipaghuntahan sa grupo nila Minami. Pero nang makabawi, dumeretso na ito sa upuan. Hindi niya pinansin sina Minami. Pagkaupo, pinaligiran siya agad ng mga boys. Wala naman siyang kinakausap sa kanila. Walang pakialam ang mokong sa paligid niya. Minsan naisip ko tuloy, hindi kaya autistic siya? Bakit ganito siya ka indifferent?
“Ryu, we have a party on Friday night. Birthday ko. Punta ka, ha?”
“Ba’t naman ako pupunta?” tanong nito kay Rihoko.
“Sige na, Ryu. Umuo na si Mara. Sabi niya sabay kayong darating,” sabat naman ni Yoko na ikinabigla ko. Wala akong sinabing ganyan!
Tumitig si Ryu sa akin. Naku, lagot.
“Halika nga,” tawag niya sa akin. Iba ang tono ng boses niya kaysa sa inaasahan ko. Hindi ito galit. Nang malapit na ako sa kanya tumayo ito at hinawakan ako sa kamay. Hinila niya ako palabas ng classroom. Naka-holding hands kami. Ang warm ng kamay niya. Kabaliktaran ng akin.
“Tumanggap ka ng imbitasyon nang hindi mo sinasabi sa akin?” anas niya nang nasa labas na kami. Nakaakbay siya sa akin.
“Hindi ganoon iyon. Kasi, kasi...” Ninerbiyos na ako.
“Anong kasi-kasi?” Mainit na nga ang ulo niya.
“Hindi naman ako nagsabi na maisasama kita.”
“So tinanggap mo ang imbitasyon nila?”
“Feeling ko, ikaw lang naman ang gusto nilang imbitahan. Sabit lang ako. Ayaw ko nga rin sana. Napilitan lang ako. They were so persistent!”
“Kasalanan ko pa ngayon? Kasalanan ko ba na pushover ka? Bakit hindi ka manindigan? Kung ayaw mo di huwag. Hindi ka naman mapipilit ng iba kung ayaw mo talaga. Baka feel mo rin mapabilang sa grupo nila?”
Natumbok mo! Sino namang babae ang ayaw?
Nakita ko kung paano tingalain ng mga girls ang grupo nila Minami. Cool kasi sila. At secretly gusto ko rin mapabilang sa grupo nila. Hindi ko lang naisip na mapaaga ang imbitasyon nila sa akin.
“Eh di bahala ka. Gagawa-gawa ka ng desisyon panindigan mo. May gagawin ako sa Friday. May gig ako. Kakanta kami sa isang bar.”
“Singer ka?!” Nagulat ako nang sobra.
“Hindi mo ba naririnig na nagpapraktis ako gabi-gabi sa bahay? Hindi ka lang pala engot, bingi ka rin?” sarkastiko niyang sagot.
“Pambihira ka talaga. Simpleng tanong ang haba lagi ng sagot mo. Pwede namang yes or no lang. Eh akala ko nag-e-entertain ka lang ng sarili mo. Hindi ko naman alam na kinakarir mo pala.”
“Well, now you know.” Iyon lang at iniwan na ako. Bumaba ito.
“O, ano na?” excited na tanong ng tatlo.
Napabuntong-hininga muna ako. “Ayaw talaga niya. May gig daw siya on Friday night. May kakantahan daw silang bar.”
Napasimangot ang grupo lalung-lalo na si Minami.
“Sabi mo kaya mo siyang hilahin? Nangako ka sa amin,” pampa-guilty sa akin nila Rihoko at Yoko.
“Pero sinabi niya——,” at mabilis akong nag-isip. “...sisikapin niyang matapos agad ang gig niya at dadaan siya sa party.”
Lagot! Ano ba naman ang mga pinagsasabi ko?
Tuwang-tuwa ang tatlo. “Maaasahan ka talaga,” sabi ni Minami at niyakap pa niya ako.
Nang ikuwento ko kay Mama ang birthday invitation nila Rihoko sa akin natuwa siya. Pinag-pray daw talaga niya na magkaroon ako ng mga bagong kaibigan. Hindi pa siya pumayag na manghiram lang ako ng damit. Bumili pa siya ng cocktail dress for me. Sa araw ng birthday ni Rihoko tinulungan niya akong magbihis. Siya ang nag-ayos ng buhok ko at naglagay ng kaunti kong makeup. Hinatid pa nila ako ni Otōsan sa bahay nila Rihoko. I feel loved!
“Text ka na lang sa amin later kung magpapasundo ka na, anak.”
Hinalikan ko sa pisngi si Mama at yumuko naman sa harapan ni Otōsan bago bumaba ng kotse. Pagpasok ko sa bahay nila Rihoko namangha ako. Nandoon halos lahat ang mga cool people sa campus! Na-excite ako nang sobra nang makita si Keisuke! Kumabog pa ang dibdib ko.
Pinakilala ako ni Minami kay Keisuke. Kinilig ako nang kinamayan niya ako. Hindi ko naiwasang pagpawisan.
My gosh! Kaototang-dila ko na ang isa sa mga crush ng bayan! Mas guwapo pala siya sa malapitan! Grabe!
Umikot pa kami at pinakilala ako nila Minami sa iba pang bisita ni Rihoko. Feeling ko tuloy napakaimportante kong tao. Ganito pala kapag cool ka na. Puro cool people lang din ang kahalubilo mo.
Ang saya-saya ng party. Isinayaw pa ako ni Keisuke! Grabe! As in! Ang sarap-sarap talaga ng feeling. Ang bangu-bango niya.
Habang abala ako sa pakikipagsayaw kay Keisuke, nagkakagulo naman sa isang sulok. Napalingon kami sa pinanggalingan ng komosyon at nilapitan pa namin ang natatarantang si Minami. Parang may hinahanap ito. Nagsilapitan na rin ang iba pang bisita.
“What’s the problem, Minami?” tanong ng isang panauhin.
“My rolex watch is missing!” naiiyak na sagot ni Minami.
“Baka naiwan mo lang iyon sa bahay n’yo,” sabi ng isa sa nakapaligid sa kanya. Minungkahi pa nitong tawagan daw ni Minami ang tao sa kanila dahil baka hindi nga niya ito nasuot kanina.
“Are you telling me na ganoon ako ka ulyanin?” galit na sagot nito.
Tumahimik ang bisita. Ako naman ay nag-isip ng mga possibilities kung paano nawala iyon ni Minami. Baka noong nag-CR kanina nahubad niya iyon at ipinatong sa lababo tapos nakalimutan nang kunin. Halos ganoon din nga ang sinabi ni Rihoko kaya hindi na ako nagsalita pa.
“Hindi ko iyon nahubad ever since I came here. Kaya nga nagtataka ako. May snatcher ba dito sa atin?”
Snatcher! Imposible. All of them can afford to buy one anytime. Tsaka, snatcher? Hello! This is Japan!
“Imposible naman ang sinasabi mo, Minami,” wika ng isa sa mga babaeng umaali-aligid kanina kay Keisuke. “Bakit pa pag-interesan iyang relos mo? Magkano lang ba iyan? Lahat tayo rito ay kayang bumili ng Rolex watch.” dugtong pa nito.
“Yeah, all of us here EXCEPT for one...”
Pinangunutan ako ng noo. Pinaparinggan ba ako ng babaeng ito? Imposible! We are friends na. Kung hindi ako, sino? Lumingon ako sa katabi ko. Nakatingin na pala siya sa akin. Tumingin ako sa kaharap ko. Sa akin din siya nakatitig. Lahat sila nakatutok na sa akin na parang may ibig sabihin. Naalarma tuloy ako. Ako ba ang pinaghihinalaan ng lahat?
“Ang mabuti pa, i-search na lang natin ang lahat ng may dalang bag. Pasensya na talaga, ha? Sorry na may ganitong pangyayari,” sabi naman ni Rihoko sa lahat na sinang-ayunan naman naming mga bisita. Si Rihoko na ang nagboluntaryong bumulatlat ng mga purses naming mga babae. Si Keisuke naman sa mga boys. Unang na-clear ang mga kalalakihan kung kaya nagsigawan sila sa tuwa.
“I’m sorry, guys, but I need to do this,” wika naman ni Rihoko bago nagsimula sa pagbukas ng bags namin.Very dramatic ang pagbubukas niya ng mga ito. Makapigil-hininga ‘ika nga. Although none of us believe na may nakawan na nangyari, nakaka-conscious din ang uuliratin ang gamit mo sa harap ng karamihan.
Sa sampung purses na tiningnan wala roon ang rolex kaya nagngitian ang mga may-ari no’n. Akin na ang susunod. Kahit alam ko na wala naman akong dapat ikatakot, kinabahan pa rin ako. Tsaka na-conscious na rin ako dahil sa akin lang ang hindi branded. Nakaramdam tuloy ako ng hiya lalo pa nang isa-isang pinakita ni Rihoko ang mga abubot kong nabili lang sa hyakuen (one hundren yen) shop. Iniwas ko ang tingin sa mga gamit. Bumalik na lang uli ang atensiyon ko roon nang biglang nag-ingay ang paligid. Napamulagat ako nang itaas na ni Rihoko ang nawawalang Rolex watch ni Minami. Galing daw sa bag ko! Pakiramdam ko’y namutla ako’t pinanlamigan pa.
Paano napunta iyon doon? Wala akong ipinasok doon na hindi ko gamit. I swear! Mamatay man!
Umiyak si Minami. “My God! Paano mo nagawa sa akin ito, Mara? Tinanggap kita bilang kaibigan. If you asked me for one of these, ibibigay ko naman sa iyo, eh. Why do you have to resort to this?”
Ang lahat ng mga mata ay nabaling sa akin.
“Minami, nagkamali ka. Hindi ako ang kumuha ng relo mo. Hindi ko alam kung paano iyan napunta sa bag ko,” tanggi ko. Alam kong nagsasabi ako ng totoo at hindi dapat matakot pero natakot na ako. Tama nga si Ryu. Hindi ako dapat nagpunta roon. Obviously, they planned for this to happen. Nalungkot ako na wala akong guts na tumanggi sa kanila at sising-sisi din ako na pinangarap kong mapabilang sa grupo nila. Totoo nga pala ang sinabi ni Haruka. Hinding-hindi nila ako matatanggap ever.
May tinawagan sa phone niya si Yoko at bago ko pa maintindihan ang lahat, dumating ang mga pulis. Kinuwestyon nila ako. Hiyang-hiya ako sa mga naroon. Napaiyak ako. Lalo akong napahagulgol nang hiningi pa nila ang phone number ng parents ko. Hindi ko alam kung ibibigay ko ba iyon o ano. Nag-aalala kasi ako kay Mama. Imbes na ang nanay ko ang tawagan, naisipan ko si Ryu. Hindi niya iyon sinagot. Nag-send na ako ng sunud-sunod na text messages sa kanya dahil gusto na akong dalhin ng mga pulis sa presinto.
“Sino ba ang nag-imbita sa thief na yan?” narinig kong tanong ng isa sa mga panauhin kay Yoko.
“We wanted to be friends with her so we invited her to come. Hindi namin alam na klepto pala siya. Well, lesson learned. Huwag magtiwala sa mga taga-Third World kasi everyday occurence na ang pagnanakaw sa kanila,” sagot ni Yoko na sadyang pinarinig niya sa lahat.
Napahikbi ako lalo. Kailangan ko nang tawagan sina Mama dahil inaakay na ako ng mga pulis palabas ng bahay. Hiyang-hiya na ako talaga lalung-lalo na kay Keisuke. Baka naniwala iyon na magnanakaw akong talaga.
Isasakay na sana ako sa mobile patrol nang may humaharurot na kotse na biglang tumigil sa harap ng bahay nila Rihoko. Si Ryu! Madilim na madilim ang mukha nito. Inagaw niya ako agad sa mga pulis.
“Sorry. Mayroon lang confusion dito. Ako na po ang bahala rito.”
Hindi pumayag ang mga pulis. May reklamo raw si Ms. Rihoko Yamada kaya hindi pupuwedeng pakawalan na lang ako bigla.
“Eh kung sabihin ko sa inyong gawa-gawa lang nila ito?” galit na sagot ni Ryu. No’n naman nagsilabasan ang tatlong magkakaibigan maging ang iba pang mga bisita nila. Na-curious sila kung sino ang tila bagyo na bagong dating.
“Ryu! You came,” nakangiting bati ni Minami.
“Itong babaeng ito?” sabi ni Ryu habang tinuturo si Minami, “sinungaling iyan. Pati iyan. Tsaka iyan.” Isa-isa nitong pinagtuturo sina Rihoko at Yoko. “Kaya believe me, wala pong katotohanan ang mga bintang ng mga iyan. Naghahabi lang iyan ng kasinungalingan.”
“Sino ka para magsabi niyan? Ang lakas ng apog mong magpakita rito. Bagay nga kayong dalawa! Isang magnanakaw at isang gangster. Dapat nga kayong magsama. Partners in crime, hindi ba?” sabat ni Keisuke. Lumabas din pala ito para makiusyuso sa bagong dating.
“Kinakausap ba kita? Hindi ka ba nasabihan ng nanay mo na kapag hindi ka kinakausap huwag kang sabat nang sabat?”
Susugod sana si Keisuke para suntukin si Ryu pero pumagitna na ang mga pulis sa kanilang dalawa. Dahil sa takot na madatnan sila ng parents na nagkakagulo sa party, minabuti ni Rihoko na iurong na lang nila ang reklamo laban sa akin. Mukha kasing hindi paaawat si Ryu. Desidido itong gumawa roon ng eksena kung hindi sila titigil.
Nang okay na ang lahat, hinatak na ako ni Ryu papunta sa kotse niya. Pero bago kami lumayo, nag-dirty finger muna siya kina Keisuke at sa mga kaibigan ni Minami. Napakuyom ng palad ang huli. Inirapan pa ako. Kitang-kita ko ang panggigigil niya.
“Thank you,” mahina kong sabi. Nakayuko ako.
“Hindi ka kasi nag-iisip. Hindi ba sinabi ko sa iyong huwag ka nang pumunta?” Banayad na ang boses nito. Hindi siya tumitingin sa akin. Nasa dinadaanan namin ang atensyon niya.
“Hindi ko kasi sila natanggihan...”
“Kasi pushover ka nga,” walang kagatul-gatol nitong sagot.
“Okay! Pushover na kung pushover. Hindi lahat ng tao tulad mo na okay lang makasakit ng damdamin ng iba.”
“Bakit ka mamomroblema kung masasaktan mo sila gayong hindi mo naman sila kaibigan? Bakit importante ang opinyon nila sa iyo?”
Nasundot nito ang katotohanan. Pero deny to death ako.
“Hindi naman sa gano’n. Naisip ko lang, wala namang masama maging friendly. Akala ko kasi, genuine ang pakikipagkaibigan nila, eh.”
He rolled his eyes. Tingin ko, hindi siya kumbinsido sa paliwanag ko. Ganunpaman, hindi na siya nagsalita pa.
“Pero thank you talaga, ha? I owe you one. Teka, ang bilis mo, ah. In less than fifteen minutes dumating ka na agad. Pero bakit hindi mo sinasagot kanina ang tawag ko?”
“I was driving. Naisip na kitang daanan pagkagaling ko sa bar. May kutob ako na may pinaplano sila sa iyo kaya I decided to pick you up. Noong nag-text ka after ng two calls na pinalampas ko, binasa ko iyon nang huminto ako for the red light. That’s how I knew.”
Napangiti ako sa narinig. Concern din pala ang mokong sa akin.
“What’s that smile for?” naiinis na tanong nito.
“Concern ka rin pala sa akin.”
“Dream on! Ayaw ko lang may mangyari sa iyo dahil alam kong kahit papaano’y magi-guilty din ako since I dragged you into this.”
“Ows? Ikaw, magi-guilty? Hindi ba ito nga ang gusto mong mangyari sa akin? Ang magulo din ang buhay ko? Why the sudden change of mind?”
“Kung na-detain ka sa pulisya, do you think na hindi magwo-worry si Ojisan sa yo? I am not doing this for you. I am doing this for him.”
“Okay, sinabi mo eh.”
Sumulyap siya sa akin. Parang may sasabihin pa sana siya, pero hindi rin itinuloy. Hindi na ito umimik pa hanggang sa makarating kami sa bahay.