image
image
image

CHAPTER FIVE – EMBRACE

image

Dahil sa nangyari, parang tinamad na akong pumasok kinalunesan. Kaso may test kami sa Kanji class namin. Hindi ako puwedeng umabsent. Kaya kahit nag-aalangang pumasok, pinilit ko ang sarili.

May kasabay akong nag-park ng bike. Napasulyap ito sa akin. Tumango ako bilang pag-acknowledge ng presence niya, gaya ng ginagawa ng mga Hapon dito, pero umiwas siya ng tingin. Snob? Akala mo naman guwapo. Hindi ko na lang pinansin.

Nang makapasok na ako sa building nakita kong maraming estudyante ang nagkukumpul-kumpol. Ano meron? Nakahawak ang karamihan sa kani-kanilang cellphone. Nagbabasa ng text nang sabay-sabay? Weird. Ang iba nama’y may kausap sa phone.

Nang malapit na ako, nagsitinginan silang lahat sa akin. Tapos nagbulung-bulungan pa. Tumingin ako sa paligid. Ako lang ang paparating. Sa akin ba sila lahat nakatingin? Kinutuban na ako. Pero pilit kong iwinawaksi iyon sa aking isipan. Hindi naman siguro.

Pumanhik ako ng hagdanan. Ang mga nakakasalubong ko ay parang umiiwas sa akin. Ang iba nama’y tinititigan ako. Wala man lang ni isang nag-ohayoo gozaimasu sa akin, hindi gaya noong isang linggo noong kaa-announce ni Ryu na kami na. Worried na ako.

Habang naglalakad ako sa hallway, marami pa ring nakatitig sa akin. Iyong klase ng tingin na parang hinuhusgahan ka. Parang malulusaw na ako sa hiya. Iisa lang ang ibig sabihin nito. Pinagkalat nila Minami ang nangyari sa party! Nainis ako. Bitch talaga sila!

Pagdating ko ng classroom, na-shock ako sa nakita sa blackboard. THIEVES GO TO HELL! Napakapit ako sa pintuan dahil bigla akong naliyo. Malungkot namang nakatingin lang sa akin si Haruka. Tahimik lang siya sa isang tabi habang ang iba’y naghaharutan.

“Nandito na ang klepto,” bulong kunwari ng isa kong kaklaseng lalaki sa katabi nang makita niya ako. Sinadya niyang iparinig sa akin iyon. Natigil sa paghaharutan ang mga kaklase namin. Tinitigan nila ako mula ulo hanggang paa sa pangunguna ng grupo ni Minami. Nakahalukipkip silang lahat. Hindi sila nagsasalita pero nagbubunyi ang kanilang mga tingin. Ang iba nama’y parang naghihintay ng magaganap na eksena.

Hindi ko kayang pumunta sa upuan ko. Umatras ako at tumakbo na sa tearai. Nag-uunahan sa pag-agos ang luha ko sa magkabilang pisngi. Nakasalubong kong nakakunot-noo si Ryu pero hindi ko na siya pinansin.

May nagsusuklay at nagpa-powder nang pumasok ako sa CR. Napa-hinto sila sa ginagawa. Tumingin silang lahat sa akin at napaismid pa. Nilampasan ko sila. Pumasok ako sa isang bakanteng cubicle. At kumawala na ang pinipigilan kong damdamin.

Hindi ko alam kung gaano ako katagal doon. Mayamaya pa may malalakas na katok na akong naririnig. Natigil ako sa pag-e-emote.

“Lumabas ka nga riyan,” anang pamilyar na boses. Minamanduan ako ni Ryu! Hindi ko iyon pinansin noong una pero dahil tinadyakan niya ang pintuan ng cubicle kung nasaan ako, napakislot ako sa gulat. Sinipa niya uli ang pintuan. Sa inis, bigla ko itong binuksan. Buti na lang nakaatras ako agad. Sisipain na naman kasi sana niya ito.

“Anong iniiyak-iyak mo riyan?” naaasar niyang tanong.

“Kailangan ba lahat ipapaalam ko sa iyo?” ganting tanong ko. Iritang-irita rin. Hindi pa ko tapos mag-emote dinidisturbo na ako ng bwisit na ito.

“Iyan lang ba ang kaya mong gawin?” hamon nito. “Ang umiyak?”

“At ano naman dapat ang gagawin ko?”

“Ba’t nagpapaapekto ka na naman sa opinyon nila?”

“Sorry, normal kasi ako. Hindi ako tulad mo na walang pakialam sa ibang tao. Hindi kasi ako autistic, eh,” sarkastiko kong sagot.

“Talaga? Normal ka? Normal na engot?” pang-iinis niya sa akin.

“Kung pumunta ka rito para asarin ako at lalo lamang pasamain ang kalooban ko, pwede ba umalis ka na? Tsaka bakit ka nandito? The last time I checked CR ito ng mga girls,” sabi ko sa pagitan ng pagsinghot.

“Ang tagal-tagal mo sa loob. Akala ko naglaslas ka na.”

“Ano naman sa iyo kung maglaslas nga ako? Pakialam mo? Hindi ba ito naman ang gusto mo? Ang magulo ang tahimik kong buhay? Now, you have it. Dapat nagre-rejoice ka.”

“Hindi pa ako satisfied sa mga nangyayari. Halos isang linggo pa lang naman kasi. Masyado pang maaga para mag-celebrate. Hindi pa ako nag-e-enjoy nang husto.”

Inirapan ko siya at pumunta sa lababo para maghilamos. Namumula ang pisngi ko pati mata. Naghilamos ako uli. Paano ako makalalabas nito? Halatang umiyak ako nang todo. Nakakahiya!

“Ayusin mo ang sarili mo. Mag-uumpisa na ang Kanji test natin in a few minutes,” sabi nito at lumabas na.

Nagpulbo ako lalung-lalo na sa ilalim ng mga mata ko. Nilagyan ko pa iyon ng concealer pero halata pa ring umiyak ako nang todo. Ayaw ko sanang makita nilang lahat na labis akong naapektuhan. Ayaw kong bigyan sila ng satisfaction, lalung-lalo na ang malditang Minami at ang grupo niya. Pero paano? What should I do?

Nag-inhale-exhale ako nang ilang beses bago lumabas. Kailangan kong magpakatatag. Hindi ako dapat padadaig.

Hindi ko alam kung paano ako nakarating sa classroom. Pagtingin ko sa blackboard, wala na ang masamang mensahe para sa akin. Nakaupo na si Ryu sa likuran. Tahimik na ang lahat na para bang walang nangyari. Hinawakan ni Haruka at pinisil ang isa kong kamay pagkaupo ko sa tabi niya. Nag-bow pa ito nang bahagya. Sorry daw dahil wala raw siyang nagawa sa akin nang apihin ako kanina ng grupo nila Minami.

“Okay lang. Alam ko namang mas powerful sila, eh,” sabi ko.

Nasa harapan na rin pala si Tanaka-sensei. Mag-uumpisa na yata ang klase namin. Siguro nagtaka siya sa hitsura ko kasi bago ito nag-roll call, lumapit muna siya sa akin at nagtanong.

Mara, daijoubu desu ka? (Okay ka lang ba, Mara?)”

Hai, daijoubu desu yo, sensei. (Opo. Okay lang po ako, Ma’am.”

Hindi na nang-usisa pa ang guro. Bumalik siya sa harapan at pagkatapos mag-check ng attendance ay nagbigay na ito ng instruction para sa test namin. Nang ipinapasa ko na kay Ryu ang questionnaire niya, nagtama ang aming paningin. Matiim niya akong tinitigan. Ako ang unang umiwas. Confused ako sa lalaking ito. Minsan mabait sa akin, minsan nama’y tinatrato akong parang basahan. Pero kahit papaano na-appreciate ko ang pagpunta niya sa akin sa tearai.

Nairaos ko ang buong maghapon. Natiis ko ang mga makahulugang titig, mga bulung-bulungan at mga parinig. Napa-thank God ako nang papunta na ako sa parking lot para kunin ang bike ko. Natigilan ako nang makita ang hitsura nito. May nag-spray ng pintura sa upuan, sa top at down tube, sa seat post, at sa lahat ng puwedeng masulatan. Iisa ang mensahe. Thief! Hindi pa nakontento. Pati tires ko winasak. Kawawa talaga ang bike.

Napa-squat ako habang nakatingin na tila wala sa sarili sa pobreng bisikleta ko. Pakiramdam ko, pagkatao ko ang winasak nila. Naawa ako sa sarili ko. Kung nakinig lamang sana ako kay Ryu hindi ito mangyayari. Ang tigas kasi ng ulo ko, eh!

Hindi ko na tuloy alam kung paano umuwi. Nag-aalala akong tumawag kay Mama dahil baka mag-worry lang ito. Hindi ko rin alam kung saan ang bus stop papunta sa amin dahil never akong nag-bus pauwi. Hay naku. Mapipilitan akong maglakad. Ang layo pa naman ng bahay. Mga dalawang oras mahigit kung lalakarin. Eh ano pa nga ba ang magagawa ko? Wala naman akong pantaksi. Sigurado mahal masyado iyon. Nakita ko 640 yen ang flagdown eh. Aabutin siguro ng gosen-en (five thousand yen) o baka ichi man-en  (ten thousand yen) pa ang papunta sa amin. Wala akong ganoong pera. Sakto lang ang baon ko sa food. Ni wala nga akong naitatabi kahit kaunting halaga.

Tumayo ako at naglakad na nga. Pero sa tindi ng pinagdaanan ko, ang bigat ng mga paa ko. Parang may hinahatak akong ball chain. Ang sama-sama pa ng pakiramdam ko. Ilang beses akong napabuga ng hangin. I felt so helpless.

Halos papalabas na ako ng gate ng school nang biglang may nagpreno sa gilid ko. Awtomatiko akong napaatras. Si Ryu na naman. Umasim ang mukha ko. Ano na naman ang kailangan nito? Mambubwisit na naman ba?

“Angkas na,” mando na naman nito sa akin. Tiningnan ko lang siya na parang nagtatanong ng “Okay ka lang?” at nagpatuloy sa paglalakad. Naramdaman kong bumaba ito ng bike at naglakad sa tabi ko.

“Kung maglalakad ka lang pauwi, sigurado gagabihin ka. Hindi mo ba naisip na siguradong mag-aalala ang mama mo sa iyo pati na si Ojisan (Uncle)?” Banayad na ang boses niya. Hindi na highblood gaya kanina.

Hindi ko nga naisip iyon.

“Huling tanong ko sa iyo, aangkas ka ba sa bisikleta ko o hindi?” puno ng awtoridad ang boses niya. Mahina lang din ang tinig niya, pero daig pa ang tatay kong makamando. Parang bata lang ang kausap niya.

Naisip ko ang posibleng eksena sa bahay kung alas nuwebe na ako darating. Siguro matataranta si Mama dahil never naman akong nauwi nang ganoon ka late. Tsaka siguro mang-uusisa pa ito. Malalaman niya na nagsinungaling kami ni Ryu nang dumating kami together from the party noong isang gabi.

Sige na nga!

Ang bilis ni Ryu mag-bisikleta. Napapakapit tuloy ako sa baywang niya nang wala sa oras. Pinagsabihan kong magdahan-dahan pero sa halip na mag-slow down lalo lamang binilisan kaya halos nakayakap na ako sa kanya. In fairness, ang bango ng mokong. Pinapawisan na pero mabango pa rin. Parang na-enjoy ko tuloy ang pagyakap sa kanya. Hindi ko tuloy namalayan na nag-slow down na pala ito dahil malapit na kami sa bahay. Nakahinto na’y nakayakap pa rin ako sa kanya.

“Nandito na tayo,” sabi niya at lumingon pa sa akin. Saka lang ako bumitaw sa kanya. Pinamulahan ako ng pisngi. Gosh! Nakita niya sigurong nakapikit pa ako na parang ini-enjoy ang moment. Kaasar! Baka mag-isip ito ng kung anu-ano. Magtigil siya ano? Si Keisuke ang crush ko.

“Ipapakuha ko ang bike mo sa kaibigan ko mamaya. Magaling iyon mag-ayos ng bisikleta. Baka sa makalawa ay may bike ka na uli. Pwede kang sumabay uli sa akin bukas,” sabi pa nito.

May kaibigan din pala ang mokong.

Tumango lang ako. Nabigla ako sa narinig pero hindi nagpahalata. Sa halip ay nagpasalamat na lang at nauna na sa loob. Hindi pa rin ako makatingin nang deretso sa kanya. Kainis! Awkward tuloy.

Nakahain na si Mama nang dumating kami. For the first time, sumabay si Ryu sa amin mag-dinner. Tahimik lang siya at halos hindi sumasagot sa mga small talk ni Mama pero alam ko kahit papaano ikinatuwa pa rin iyon ng nanay ko. At least, kasalo na namin siya sa dinner at tumikim pa ng rellenong bangus! Ang arte kasi niya sa pagkain kung kaya masaya ako na kumain siya ng pagkaing Pinoy. Nagtinginan tuloy sina Mama at Otōsan. At kapwa napangiti.