![]() | ![]() |
Nagtaka si Mama nang makitang sumasabay ako kay Ryu paalis. Tinanong pa niya ako kung nasaan na ang bike ko. Sinabi ko na lang na na-flat tire ito kahapon kaya hindi ko ito naiuwi. Hindi na niya ako inusisa pa. Parang natuwa pa nga dahil inakala na nagkasundo na kaming dalawa ni Ryu.
Maraming nakakita na inangkas ako ni Ryu at mabilis iyong kumalat. Hindi pa kami nakaaalis sa parking lot may nagsidatingan para mang-usyuso lang sa amin. Mapanuri ang mga tingin sa akin ng iba sa kanila pero dahil kasabay ko si Ryu walang nangahas mambastos, hindi gaya kahapon. Ang laki ng pasalamat ko sa kumag ngunit hindi ko na sinabi pa. Baka lalo lang siyang magyabang.
Wala kaming first period nang umagang iyon. Papraktisin lang daw namin ang kakantahin para sa Parents-Teachers’ Day. Tinipon ko ang mga kaklase ko. Nag-iinarte pa ang iba. Parang ayaw sumunod sa akin lalung-lalo na ang mga kaaway ko. Ang mga boys naman ay nag-iingay. Kabisado na raw nila ang kanta bakit panay pa ang praktis. Tumayo si Ryu sa harap. Naupo ito sa teacher’s table. Hindi naman ito nagsalita pero tumahimik kaagad ang lahat at sumama na rin ang buong klase sa akin sa teatro kung saan gaganapin ang programa.
Dahil nag-inarte si Yoko, si Ryu na rin ang nagpiano. In fairness, magaling ang mokong. Hindi lang pala gitara ang alam niyang tugtugin. Na-impress tuloy ako. Natuwa naman si Tanaka-sensei sa performance namin. Naibsan kahit papaano ang sadness ko sa mga nangyari kahapon.
Nung lunch time, nawala na si Ryu. Kung saan ito pumunta’y, hindi ko alam. Hindi naman nagsabi at wala naman akong interes alamin.
Sabay uli kami ni Haruka nag-lunch sa cafeteria. Kampante na uli ako. Hindi na kasi ako masyadong bina-bother ng mga kaeskwela. Naisip ko, malaking bagay ang presensiya ni Ryu sa tabi ko ng mga nagdaang oras. Iba talaga siya.
“Hey, can I join you, guys?”
Kapwa kami napatingala ni Haruka sa intruder at ganoon na lamang ang pagtalon ng puso ko nang mapagsino ang lalaki. Si Keisuke! Kapwa kami nataranta ni Haruka. Hindi namin alam ang gagawin noong una. Shit! Nakita kaya nito ang walang ka-poise-poise kong paghigop ng miso shiro (miso soup)? Dinama ko ang baba ko dahil baka may sabaw.
Pagtango namin ni Haruka naupo na ito sa tabi ko. Grabe ang pagkabog ng puso ko. Daig pa’ng tumakbo ako ng one hundred meter dash. Pinakilala ko sa kanya ang best friend ko. Nag-bow siya rito nang bahagya.
“Sige, mauuna na ako, ha?” pamamaalam ni Haruka. Dali-dali itong uminom ng green tea at tumayo na. Sumenyas pa ito sa akin na binibigyan niya raw ako ng pagkakataon na mapag-isa kay Keisuke kaya sulitin ko raw iyon at mag-confess na rito ng nararamdaman. Sinimangutan ko siya.
Habang nagtititili ang puso ko may munting tinig na nagpapaalala sa akin ng mga sinabi ni Keisuke sa birthday party ni Rihoko. Ganunpaman, hindi ko kayang supilin ang damdamin. Mas malakas ang charm niya at feelings ko for him kaysa sa dikta ng utak.
“I came here to apologize. Sorry doon sa mga sinabi ko sa iyo sa party, ha? Galit lang kasi ako noon. Hindi naman ako sa iyo nairita kundi doon sa hambog mong kasama.”
Napatingin ako sa mga mata ni Keisuke. Mukha namang nagsasabi siya nang totoo. Flattered ako na nag-abala pa siyang mag-apologize.
“I hope na hindi ka na galit sa akin.”
Umiling ako. “Okay lang iyon. Naiintindihan naman kita.”
Nagtatalo ang mga boses sa aking isipan. May kampi kay Keisuke, may kontra rin. Nalito ako saglit, pero nang ngumiti siya, nawala lahat ang mga agam-agam ko. Ang tindi talaga ng dating niya!
“Kung hindi ka na galit sa akin, patunayan mo,” hamon nito.
“Paanong patunayan?” medyo naguguluhan kong tanong.
“Next week kasi balak ng class namin na pumuntang Kyoto. Have you heard of Aoi Matsuri (Aoi Festival)?”
Umiling ako. Ano iyon?
“Para siyang parada ng mga aristocrat sa Japan. All the 600 people who participate in the procession are dressed in Heian period fashion kaya kakaiba ang hitsura nila. Gusto kong ma-experience mo iyon. Mahalagang part kasi iyan ng history namin.”
Oh! Touched naman ako. Naisip kong chance ko na rin iyon para mapalapit sa kanya. Isinantabi ko ang mga pagdududa at umuo na agad sa kanyang paanyaya. Labis niyang ikinatuwa iyon.
Halos hindi ako mapakali for several days. Iyon lang ang tanging laman ng aking isipan. Para akong nakalutang sa alapaap. May mabuti rin palang dulot ang party nila Minami. Hindi na ako bitter.
Ang aga kong nagising nang araw na iyon. Sobra kasi akong excited. Nag-dress ako siyempre at tinernuhan ko iyon ng sandals na labas ang mga daliri. Sabi ng mama ko at ni Otōsan kawaii (cute) daw ako. Bagay daw sa akin ang damit. Nagmukhang mahaba ang legs ko. Dahil maikli lang ang manggas lumabas ang shapely arms ko. Deep down I prayed na sana magustuhan din ni Keisuke ang ayos ko.
Totoo ngang buong class nila ang pumunta sa meeting place namin, ang JR Takatsuki Station. Medyo nadismaya ako. Although sinabi na ni Keisuke iyon, I was hoping pa rin na kaechosan niya lang iyon para mapapayag niya ako. Too bad, masyado akong nangarap.
Ang dami nang tao sa Kyoto Station nang dumating kami. Si Keisuke ang naging guide namin. Nakadikit ito sa akin palagi kaya feeling speacial ako. Pinipigilan ko lang ang makilig nang sobra dahil baka makahalata.
Maganda ang nakuha naming puwesto sa dinadaanan ng prosesyon. Nasa harapan kami kaya kitang-kita ko lahat. Very colorful at elegant ang damit ng mga kababaihan. Ibang klase talaga! Impressive nga! Natawa ako nang maalala ang United Nations celebration namin sa dati kong school sa Manila. Ang damit kasi palagi ng nagre-represent ng Japan ay parang bathrobe lang samantalang exquisitely dressed pala ang mga Hapon kahit noong unang panahon pa.
Pero hindi naman ako masyadong attentive doon sa mga nagpo-prosesyon. Nakikiramdam ako kay Keisuke sa tabi ko. Mayamaya kasi ay halos akbayan na ako nito para protektahan sa panunulak ng ibang tao. Patay-malisya lang ako habang kinikilig.
Nang matapos ang matsuri, nagkanya-kanya na kaming lakad. Pero lima sa grupo ay sumama sa amin ni Keisuke. Tatlong babae at dalawang lalaki. Naglakad kami nang naglakad hanggang sa may marating na lumang talyer. Napakunot-noo ako. Ano ang gagawin namin dito?
Mayamaya pa may nagdatingan na tatlong lalaki pa. Noon ko lang sila nakita. Mukhang mga kaibigan sila ni Keisuke. Bawat isa sa kanila’y may dala-dalang supot na naglalaman ng canned beers at vodka. I felt alarmed. Hindi lang ako nagpahalata.
Ang tatlong girls naming kasama ay cool lang. Magkakilala pala sila lahat. Nakipagbiruan pa nga ang mga ito sa mga bagong dating. Senpai (senior) daw nila. Mga college boys na raw ang mga ito.
Hindi ako nakatiis. Kinausap ko si Keisuke.
“Hindi ba’t bawal sa atin ang uminom? Eighteen pa lang tayo.”
“Guys, bawal daw uminom!” Sigaw ni Keisuke sa lahat.
“May kasama ba tayong madre?” tanong ng isa sa mga bagong dating. Tawanan ang buong grupo. Sinabihan pa ako ng isa sa mga girls na mag-chill lang. Huwag daw akong masyadong pa-good girl.
“By the way, this is Ryu’s girlfriend,” pagpapakilala ni Keisuke sa mga bagong dating. Nakangisi ito sa tatlong lalaki. Ewan ko kung dahil sa kaba, pero kakaibang Keisuke na ang nakita ko nang mga sandaling iyon.
“May girlfriend na si Ryu?” hindi makapaniwalang tanong ng isa.
“Yeah. Heto nga siya,” pakli ni Keisuke.
“The girlfriend?” may emphasis sa ‘the’ na tanong naman ng isa pa. Parang dati na nila akong napag-usapan.
“The one and only.” Si Keisuke pa rin.
May plano sila sa akin? Kaya ba hindi sumama sina Minami?
Parang hinahabol na ng sampung demonyo ang puso ko. I swear, naririnig na iyon ng lahat. Lalo pang tumindi ang nararamdaman ko nang pinapaikutan na ako ng mga senpai nila. Narinig ko kawaii raw ako at ang ganda daw ng mga mata ko. Ngumisi pa sila sa akin na parang mga manyak.
May nagbigay sa akin ng maliit na baso. Try ko lang daw kahit one shot lang ng vodka. Para sa pakikisama.
Umiling ako nang sunud-sunod. Sabi ko sa loob-loob ko na kahit ano’ng mangyari ay hindi ako papipilit.
Nag-suggest ang isa na bakit hindi beer muna? Para raw hindi naman ako mabigla. Binigyan nga nila ako ng Sapporo. Umiling uli ako. Sa pagkakataong ito ay hinaplos na ni Keisuke ang buhok ko. Napapiksi naman ako sabay atras.
“Wow. Suplada.” At humalakhak ito.
Inagaw ni Keisuke ang beer sa kaibigan at siya ang nagbigay niyon sa akin. Sweet na naman ang boses niya with matching flirty eyes.
“Bibiguin mo ba ako sa harap ng mga friends ko? Akala ko ba crush mo ko?” At ngumiti ito sa akin nang ubod tamis.
Napamulagat ako. Alam niyang crush ko siya?!
Nagtawanan ang buong grupo sa narinig nila. Nakapalibot na sila sa amin ni Keisuke no’n. Tsini-cheer nila ang kaibigan.
“Ano ba iyan? Parang laos na ang karisma mo, ah!” kantiyaw na ng isa nang mukhang nahirapan na sa pagkukumbinsi sa akin si Keisuke.
“C’mon, ipapahiya mo ba ako sa kanila?” pagsusumamo nito in his boyish grin. Nag-tumbling ang puso ko sa takot. Nagtalo pa ang isipan ko kung ano ang gagawin ngunit nanaig din ang aking pangamba.
Tinanggap ko ang Sapporo kay Keisuke matapos niya itong buksan. Naghiyawan ang lahat. Tinaas nila ang kani-kanilang drinks.
“Kampai!” sigaw nilang lahat.
Napangiwi ako nang malasahan ang pait ng beer. Dinura ko ito agad. Pinagtawanan naman nila ako. Pilit na pinaubos sa akin ni Keisuke ang laman ng lata. Nagbabanta ang kanyang mga mata. Nang ipagduldulan niya ulit ito uminom na ako pero bago ko iyon naidura uli, nahawakan niya ako sa baba at pilit na pinapalunok ang beer sa akin. Napaiyak ako. Kinantiyawan na naman siya ng mga kaibigan.
Tinangka niya akong halikan pero dahil sa pinakita niyang roughness kanina pa awtomatikong iniwas ko ang mukha. Umaatikabong kantiyaw ang inabot niya sa mga kabarkada.
“Ano ba iyan? Hindi ka na nga popular sa mga babae, Keisuke! Laos ka na! Talunan!” At humalakhak pa sila.
“C’mon. Ipapahiya mo na naman ba ako sa mga kaibigan ko?”
“Tama na, Keisuke,” umiiyak kong pagsusumamo.
Hinawakan niya ako sa magkabilang pisngi at sapilitang hahalikan na sana nang may narinig kaming malakas na ingay. Paglingon namin nakita namin si Ryu, may hawak na baseball bat. May mga kasama ito. Buong baseball team ng school! Hinampas nito ng dalang bat ang bote ng vodka. Basag. Hinampas din nito lahat ng madadaanang sagabal papunta sa amin ni Keisuke. Nagsiatrasan lahat. Parang takot. Nang makita si Ryu, hinawakan ako nang mahigpit ni Keisuke at ginawang pananggalan.
“Strange. Ikaw ang boyfriend pero ako ang crush niya. Kita mo, kaunting kalabit ko lang sumama na siya agad sa akin.”
Humalakhak si Keisuke.
“Crush? Huwag kang baliw. Tingin mo magugustuhan ka ng babae kung ako ang boyfriend niya? Nananaginip ka nang gising.”
Umasim ang mukha ni Keisuke.
“Gano’n? Eh bakit siya sumama sa akin?” balik-kantyaw naman ni Keisuke kay Ryu.
“Gusto ka lang gamitin para pagselosin ako, ano pa? Naniniwala ka ba talaga na type ka niya? Kung iyong isa nga na halos ipagtabuyan ko na araw-araw, sa akin pa rin nakadikit how much more iyong syota ko na?” Inismiran pa ito ni Ryu.
Naramdaman ko ang tensyon mula kay Keisuke dahil sa narinig. Alam ko na nakanti ni Ryu ang pride niya. Totoo nga naman na kahit anong gawin ni Ryu, kahit pinapahiya na’y hindi pa rin matigil-tigil si Minami sa kahahabol dito.
Umabante sa amin si Ryu. Nang malapit na siya ay hinigpitan lalo ni Keisuke ang pagkakahawak sa akin. Nasasakal na ako kung kaya kinagat ko ang braso niya. Bigla niya akong nabitawan. Tumakbo agad ako kay Ryu. Sinugod naman kami ni Keisuke. Iniwas ako ni Ryu nang sipain niya ito nang malakas. Nang sasaklolo sana ang mga kaibigan nito, nagsilapit din ang iba pang baseball players kung kaya umatras din ang mga ito.
Binitawan ni Ryu ang hawak na baseball bat at nakipagsuntukan na kay Keisuke. Bumagsak na naman ang huli. Pumutok pa ang labi. Nang makita nito ang dugo sa kamay na pinampahid roon, umatras na agad ito.
“You can have your girl. She’s not worth the trouble, anyway,” galit na sigaw ni Keisuke kay Ryu at lumabas ng talyer. Nagsunuran naman ang kanyang mga kabarkada.
Nagkanya-kanya nang balik sa mga sasakyan ang grupo nila Ryu. Ako nama’y sumakay sa kotse niya. Hindi ito nagsalita pero sa diin sa manibela at ekspresyon ng mukha, batid ko kung gaano ito ka galit. Hindi na ako nagtangkang kausapin pa ito. Kahit nga magpasalamat ay hindi ko masabi-sabi. Noon ko lang ito nakitang galit na galit. Kung puwede nga lang niya akong kutusan, siguro ginawa na niya.
“I cannot believe you’re this stupid,” halos pabulong niyang salita nang tumigil kami dahil sa red light.
Hindi ako sumagot. May point siya. Engot na kung engot. Niligtas naman niya ako. Utang ko na naman sa kanya ang kaligtasan ko.
“Do you think he really likes you? Ganoon ka ba katanga at ka bilib sa sarili mo? Do you think guys like him would fall for girls like you?”
Ouch! Grabe naman ito kung makainsulto.
“Niligtas mo nga ako, papatayin mo naman ako sa insulto!”
“Hindi ko naman sinasabi na panget ka. In fact, you’re cute. You have beautiful eyes...” At tumigil ito para sumulyap sa akin.
Hindi ko alam kung ini-imagine ko lang pero for a brief moment, nakita ko ang pagnanasa sa mga mata niya lalo na nang mapasulyap siya sa legs ko. Nakataas pala hanggang kalagitnaan ng hita ko ang damit. Sumalampak lang kasi ako sa tabi niya. Parang nawala sa isip ko na naka-dress nga pala ako ngayon. Kaagad kong ibinaba ang nalilis na hemline.
Napakagat ito ng labi saka nagpatuloy. “Alam mo naman siguro na hindi ang tipo mo ang gusto niya.”
“Oo na! Wala naman akong panama talaga sa mga Japanese girls, eh. Alam ko iyon. Nag-ilusyon lang ako,” naiinis kong sagot.
Sumulyap siya uli sa akin. Tinitigan na naman niya ako. Iyong ganoong titig! Nakakapanlambot.
Ano ba naman ang lalaking ito? Nakaka-conscious! Kaasar!