image
image
image

CHAPTER SEVEN - SOMETHING

image

Natapos ang first period namin na hindi nagpakita si Ryu. Nagtaka ako kasi mas nauna pa itong umalis ng bahay. Hinanap siya sa akin ni Tanaka-sensei dahil siya lang daw ang hindi nagpasa ng assignment namin tungkol doon sa future plan. Lahat kasi kaming graduating class ay pinapasumite ng one-page report tungkol sa kukuning kurso sa college at kung anu-ano pang plano sa buhay.

Tinext ko siya. Hindi siya nag-reply. Nang mag-recess na, tinawagan ko pa ang damuho. Narinig kong nag-connect ito pero pinatay ng hudas. Bahala ka nga sa buhay mong bwisit ka!

Kinahapunan, tinanong na naman ako ni Tanaka-sensei. Nakontak ko na raw ba si Ryu?

“Hindi pa po, sensei.”

Tila nag-alala na ang guro namin. Bakit naman sobrang importante ang report na iyon? Ano ngayon kung ayaw magpasa ng estudyante?

“Responsibilidad niya kasi tayo. Kapag malapit na ang graduation, pina-plot ang achievements ng class sa faculty room. Kina-count nila kung ilan sa mga estudyante ang nakapasok sa malalaking universidad. Kapag may nakapasok sa top-three universities gaya ng Todai (Tokyo University), Kyodai (Kyoto University) at Handai (Osaka University) sa isang klase, may award ang class adviser,” pagpapaliwanag ni Haruka.

Napatangu-tango lang ako. Sa dati ko kasing school sa Pilipinas parang walang pakialam ang titser namin kung ano ang gagawin namin in the future. Basta magawa lang nito ang tungkulin at mapagtapos kaming lahat. Mas problema ng guidance ang paggabay sa amin tungkol sa career choice kaysa teacher-in-charge. Dito sobrang kinakarir ng class advisers ang pag-ga-guide sa mga estudyante to the point na bumibisita pa sila sa bahay ng mga ito kung kinakailangan.

Sa bahay ko na nakita si Ryu kinagabihan. Sinabi ko ang binilin sa akin ni Tanaka-sensei. Hindi man lang ito kumibo. Parang wala siyang narinig. Sige lang sa kabubutingting ng kotse.

Tinanong ko pa siya kung saan siya nagpunta kanina at kung bakit absent na naman siya. Isinara muna niya ang hood ng sasakyan bago niya ako hinarap. As usual, naiirita na naman sa akin.

“Asawa ba kita na kailangan kong mag-report sa iyo kung ano’ng pinaggagawa ko?” sarkastiko pa niyang sagot.

“Hindi kita tatanungin kung hindi rin ako kinukulit ng mga teachers natin. Akala nila dahil magkasama tayo sa iisang bahay, alam ko rin ang bawat galaw mo.”

“Sinabi mo sanang hindi mo alam. Tapos.” At tinalikuran na niya ako bitbit ang tools na ginamit sa pagkumpuni ng kotse niya.

Wala akong nagawa kundi magdabog. Ano na naman kaya ang nangyari at mukhang wala na naman ito sa mood?

Arubaito no mensetsu ga atta kara. (May interview siya sa part-time job niya kasi kanina),” paliwanag sa akin ni Otōsan.

Bakit pa nito kailangang kumuha ng part-time job? Ang yaman-yaman na nga nila, eh. Mayroon naman silang car manufacturing company. Bakit hindi na lang doon magtrabaho? Iyon ang sinabi ko kay Otōsan.

“Doon nga magtatrabaho si Ryu. Mag-uumpisa siya bilang mekaniko. Hindi porke kanila ang kompanya, exempted na siya sa proseso ng hiring. Kailangan niya pa ring pagdaanan iyon para matutunan niya lahat,” paliwanag naman ni Mama.

Napabilib tuloy ako kay Otōsan. Biruin mo nagawa niyang ipamulat kay Ryu iyon. Ang sama-sama kaya ng ugali ng lalaking iyon. Hindi ko sukat-akalain na marunong din palang gumalang sa elders niya ang loko.

“Mabait na bata si Ryu,” nakangiting sabi ng stepfather ko. “Mukha lang barumbado iyan sa biglang tingin pero ang totoo niyan mabait siya at masunurin. Nabigla lang siya sa mga pangyayari recently kaya ganoon ang pakita niya sa inyong mag-ina. Pero kita n’yo naman, okay na siya ngayon, hindi ba?”

Kung alam n’yo lang. Hindi na ako sumagot.

Pagkatapos mag-dinner dumeretso na ako sa room ko. Hinanda ko na ang susuutin para sa tour namin bukas. Meron kasi kaming campus tour sa Ritsumeikan University (RU), sa Kinugasa Campus nila sa Kyoto. Marami sa amin ang nagpaplanong mag-college doon. Isa na riyan ang best friend kong si Haruka. Kaya excited siya. Marami raw hot guys doon kuwento pa niya sa akin. Hindi ko sukat akalain na sa kabila ng pagiging demure niya ay iyon kaagad ang napansin sa isang unibersidad.

Pangako ni Tanaka-sensei na kung maaga kaming matapos sa RU, dadalhin niya kami sa Kiyomizudera (Kiyomizu Temple). Mas excited ako para sa sidetrip namin kaysa doon sa campus tour. Matagal ko nang gustong pumunta sa Kiyomizudera nasa Pilipinas palang kaming mag-ina. Narinig ko kasi na kapag nagdasal ang isang tao sa Jinshu-jinja (Jinshu Shrine) doon ay matutulungan siya nitong makahanap ng appropriate lovematch. May dalawang prominenteng bato raw doon na labingwalong metro ang pagitan sa isa’t isa. Kung nais mong makahanap ng romantic partner, lakarin mo lang daw ang pagitan ng dalawang bato nang may piring ang mga mata. Kapag nakarating ka sa kabilang bato nang matiwasay, ibig sabihin matutupad ang kahilingan mo. Pangako namin ni Haruka sa isa’t isa na gagawin din namin iyon.

Hindi na naman sumama si Ryu sa field trip. Ano naman daw ang gagawin niya sa RU? Hindi naman daw siya papasok doon. Isa pa, nakapunta na raw siya doon minsan. Enough na raw iyon.

Hindi na ako nakialam. Bahala kang mokong ka.  

Tinupad ni Tanaka-sensei ang pangako sa amin. Dinala kami sa Kiyomizudera. Tumakbo agad kami ni Haruka sa Jinshu-jinja kaso naunahan kami ng grupo nila Minami. Hindi muna kami lumapit sa shrine. Hinintay namin silang matapos. Nang wala na kahit anino nila saka kami nangahas. Nahiyang mag-try si Haruka kung kaya ako na lang ang nagtangka. Sobra akong excited. Grabe!

“I-guide mo ko, ha? Baka madapa ako, nakakahiya,” sabi ko habang inaayos niya ang piring sa mga mata ko.

“Mas maganda kapag walang guide dahil sabi nila kapag nakatawid ka sa kabila nang matiwasay ibig sabihin hindi mo na kailangan ng matchmaker para matagpuan ang soulmate mo.”

“Ganoon? Sige na nga.”

“Papanoorin na lang kita from here, okay?”

Sinubukan ko nang ihakbang ang kanan kong paa. Medyo takot pa ako no’ng una pero nang makailang hakbang na ako parang naging smoother na lahat. At naabot ko ang dulo nang hindi natisod o nadapa kahit minsan! Napasigaw ako sa tuwa. Nang alisin ko na ang blindfold sa mga mata, si Ryu agad ang una kong nakita. Napakurap-kurap pa ako. Pero nandoon pa rin siya, nakatayo sa tabi ng bato. Nakahalukipkip pa.

Ewan ko ba kung dahil sa sobra kong paniniwala sa bato, pero nakitaan ko talaga siya ng kakaibang ekspresyon sa mga mata nang magtama ang aming paningin. Iyong tinitigan niya ako na para bagang ang espesyal ko sa kanya. Ngunit nang kumukurap-kurap uli ako para i-adjust ang paningin, ibang Ryu na ang nakita ko. Iyong hambog at walang modong Ryu na naman. Imagination ko lang yata ang nakita ko kanina, eh. Nakakabanas!

“Pati ikaw nabola ng batong iyan?” pang-aasar pa niya.

“Wala namang mawawala kung maniwala,” sagot ko. Pilit ko lang ikinukubli ang naramdamang hiya. Baka isipin niyang desperada akong makahanap ng soulmate. Kahit totoo iyon, ayaw kong malaman niya.

“Kung natisod ka o nadapa, eh di nawalan ka pa ng poise. Baka pinagtawanan ka pa ng mga tao rito.”

Napalinga-linga ako sa paligid. Hindi naman, ah. Nakita ko may mga sumunod pa nga sa akin. Marami rin ang nag-try.

“Akala ko ayaw mo kaninang sumama. Bakit nandito ka rin?”

“Maaga akong natapos sa arubaito (part-time job) ko. Wala rin akong magawa sa bahay kaya pumunta na lang ako rito para asarin ka. ”

“Ano pa nga ba? Diyan ka naman magaling.” At tinalikuran ko na siya pero hinablot niya ang braso ko. Binulungan niya ako na nasa paligid daw si Keisuke. Sumama ito kay Minami. Huwag daw akong pahalata na hindi naman kami mag-boyfriend-girlfriend.

Pasimple akong nagpalinga-linga. Natanaw ko nga si Keisuke sa hindi kalayuan. Nakatingin siya sa amin. Parang sobrang naaasar. Umiwas lang siya ng tingin nang mapansing nakita namin siya ni Ryu. Kaya hindi na ako nagreklamo nang hawakan ako ng damuho sa kamay.

Hindi ko alam, pero may naramdaman akong something. Palihim ko siyang sinulyapan. Ito ang kumag na kinabubwisitan ko palagi. Pero bakit ganoon? Parang may something between us nang dumaiti ang kamay namin sa isa’t isa. Itong kumag na ito ba ang sagot ng Jishu-jinja sa akin? Naku, huwag naman sana. Lagi lang kaming magbabangayan nito.

Hindi na ako pinasabay ni Ryu sa shuttle bus. May kotse naman daw siyang dala kaya doon na ako sumakay pauwi. Wala kaming imikan sa loob ng sasakyan. Hindi kasi ako komportable. Parang ramdam ko pa rin ang mainit niyang palad. Bakit ganoon? Bakit ako affected?

Sinulyapan ko nang palihim si Ryu. Naalala ko na naman si Jin Akanishi sa Gokusen 2. Kopyang-kopya ni Ryu ang buhok ni Hayato sa Gokusen kaya parang replika siya ni Jin. Pareho din sila manamit. Mahilig sa loose pants at sweater na may hood. Ang kaibahan nga lang, mas matangkad nang hindi hamak si Ryu at aminin ko man o hindi mas pogi.

Nang nag-beep ang cellphone ko, napatingin siya sa akin.

“Si Mama. Nagtatanong kung anong oras ako darating.”

Nag-beep uli ito. This time si Haruka. Sinabi ko na naman sa kanya kung sino. Nag-beep pa uli. Unknown number na.

Hindi siya naniwala kaya pinakita ko pa.

Pambihirai ito. Ano’ng pakialam nito? 

“Baka nakalimutan mo ang rules natin? Kailangan ko bang ipaalala sa iyo?” sabi nito sa akin habang nakatingin sa highway.

“Ano? Iyong no flirting with other guys? Hindi naman ako flirt!”

“Eh sino iyan?” pangungulit niya.

“Aba’y malay ko. Unknown number nga eh. For all we know, baka isang ojiisan (lolo) lang na walang magawa sa buhay.”

Umasim ang mukha niya. Hindi kumbinsido. Huwag ko raw kasing iniiwan kung saan-saan ang phone ko. Pagkatapos daw ng nangyari noong isang linggo with Keisuke, dapat daw akong mag-ingat palagi. Hindi porke peaceful ang linggong ito ay ganoon na lagi. Dapat daw akong kabahan dahil baka may pinaplano na naman sina Keisuke at Minami laban sa akin.

“Hindi ba’t iyan naman ang gusto mo?” sentimyento ko.

Tumingin siya sa akin saglit at may binulong.

“Ano ‘kamo?”

“Wala. Pinag-iingat lang kita.”

Nag-pout ako. “Magsasalita tapos wala naman pala,” parinig ko.

Bigla siyang nagpreno dahil may tumawid daw na matandang babae. Muntik na akong mauntog. Nag-sorry naman siya. Hahawakan sana niya ang kamay ko pero dahil napahawak ako sa dibdib, sa hita ko napunta ang palad niya. Ang ikli pa naman ng skirt ko dahil nakauniporme lang ako. Kinuha naman niya agad ang kamay na parang napaso. Ako nama’y nakaramdam uli ng something.

Tingin ko parang affected siya. Affected nga ba? O nag-i-imagine na naman ako gaya kanina?

Wala na naman siyang imik. Sa highway uli ang atensyon niya. Ngunit nag-iba bigla ang ambience sa loob ng kotse. Parang awkward kaming hindi maintindihan. At tumigil na rin siya sa pang-aalaska sa akin.