image
image
image

CHAPTER NINE - KISS

image

Shocked kaming mag-ina nang mapanood ang news report sa TV nang umagang iyon. May binugbog na naman daw na mga chugakusei (junior high school students) sa may tunnel malapit sa JR Suita Station noong nagdaang gabi. May mga ojiisan (lolo) at obaasan (lola) pa raw na hinoldap doon. Kinilabutan kami ni Mama dahil lagi din kaming napapadaan doon kapag gusto naming magsimba sa Suita Church at hindi puwede si Otōsan na maghatid sa aming mag-ina.

Ang paniniwala ng mga pulis, iisa lang ang may gawa ng sunud-sunod na krimeng iyon. Iisa lang kasi ang hitsura ng nagawang sketch pagkatapos ng paglalarawan ng mga biktima. Pero hindi pa nila maaaring isapubliko kung sino ang suspect dahil kasalukuyan pang iniimbestigahan.

Parang gusto na tuloy akong ihatid ni Mama sa school nang umagang iyon. Mahirap na raw. Baka pagala-gala lang sa paligid ang salarin.

“Huwag nga kayong OA, Ma. Gabi naman iyon nangyari. Tsaka iba naman ang daan ng school namin,” tanggi ko. Ayaw ko na siyang maabala pa. Alam kong marami pa siyang gagawin sa bahay. Kahit kasi mapera si Otōsan, wala kaming katulong. Hindi uso kasi sa Japan ang domestic helper. Unless siguro miyembro ka ng Imperial Family. Nagha-hire lang kami ng obaasan (lola) na tumutulong sa amin maglinis ng bahay kada linggo. Ang laki kasi. Mahirap linisin mag-isa kahit de-pindot lahat.

“Pero huwag kang magpagabi. Kapag uwian na, i-text mo ko agad. Heto ang extra money just in case masiraan ka na naman ng bike para at least hindi ka maglakad pauwi.”

Namilog ang mga mata ko. Ichiman-en! Yes, may extra money ako.

Pagkaayos ko ng bisekleta sa jitensha okiba (bike’s parking lot), napansin ko ang kumpol ng mga estudyante na nakapalibot sa bulletin board sa labas ng building namin. Ano meron? Nakiusyuso rin ako. Naka-paskel ang sketch ng kriminal doon. Naka-black sweater na may hood at may hawak na baseball bat. Kinabahan ako agad. Naisip ko si Ryu.

Narinig ko ang bulung-bulungan ng mga nandoon. Pare-pareho kami ng nasa isip. Naku, huwag naman sana. Nag-usal ako ng maikling dasal habang naglalakad papunta sa classroom namin.

Wala na naman si Ryu sa klase nang umagang iyon. Nagtaka ako dahil nakita ko itong nakabihis na kanina nang bumaba ako para mag-almusal. Saan na naman kaya nagpunta ang mokong?

“Narinig mo na ba ang balita?” pabulong na tanong sa akin ni Haruka.

“Iyong krimen malapit sa JR Suita Station ba?” tanong ko.

Tumango siya. Nagpalinga-linga muna ito sa paligid bago nagsalita.

“Alam na raw nila kung sino ang suspect. May naiwan daw na bakas ng pagkakilanlan.” Hininaan pa niya ang boses.

“Gano’n? Ang bilis naman,” sagot ko. Ninenerbiyos.

Na-late nang bahagya si Tanak-sensei at medyo worried ang hitsura nang humarap siya sa amin. Lalo tuloy nag-anasan ang mga kaklase ko.

“Class, hindi muna makakapasok si Ryu sa klase natin,” seryoso nitong anunsyo sa amin.

Kaagad na nagtinginan ang mga kaklase namin. May nangahas pang magtanong. Dahil daw ba sa nangyaring krimen?

“Hindi ko pa masasagot iyan sa ngayon pero binabalaan ko kayong lahat. Umuwi kayo nang maaga nang walang masamang mangyari sa inyo. Kailangan natin lahat na mag-ingat.”

Sensei, naniniwala ba kayo na si Ryu ang may kagagawan no’n?” tanong ni Minami. Nag-aalala ito.

“Hindi natin masasabi iyan. Nag-iimbestiga pa ang mga pulis kung kaya kailangan ko ang kooperasyon ninyo. Kung may napansin kayong kakaiba sa mga kaklase n’yo nitong mga nagdaang araw, ipagbigay-alam kaagad sa akin o sa kung sino mang guro rito. Maliwanag ba?”

“Opo, sensei,” sagot naming lahat.

Pagkatapos ng klase namin sa kanya nilapitan ko siya.

“Naniniwala po ba kayo, sensei, na kayang gawin iyon ni Ryu?” deretsahan kong tanong. Gusto kong malaman kung ano ang opinyon niya. Malaking bagay kasi kung kakampi siya ni Ryu dahil siya ang adviser namin.

“Sa ngayon, pinapaubaya ko na muna sa mga pulis ang imbestigasyon. Saka na lang ako magbibigay ng sarili kong opinyon kung klaro na ang lahat,” mahinahong sagot ni Tanaka-sensei.

“May pagkabarumbado at arogante lang po si Ryu, sensei, pero sa tingin ko po, hindi niya po iyon kayang gawin. Kilala ko po siya. Hindi po niya kayang saktan ang mga matatanda. Tsaka may sarili pong pera iyon. Hindi na niya kailangang mang-holdap para lang doon.”

Ngumiti sa akin ang guro.

“Alam ko, iha. Anyway, hindi pa naman tayo sigurado. Since ikaw naman ang class representative, bahala ka nang magsabi sa iba n’yong guro na hindi muna makapapasok sa klase niya ngayong umaga si Ryu.”

Tumango ako. “Opo.”

Nang mag-recess, nakita ko si Otōsan na dali-daling pumasok sa upisina ni Kōchoo-sensei. Tinext ko agad si Mama at na-confirm ko na si Ryu nga ang primary suspect sa krimen. Worried din siya para sa stepfather ko. At tulad ko’y naniniwala siyang na-frame-up lang si Ryu.

Nasa upisina kaya ni Kōchō-sensei si Ryu? Gusto ko sana siyang makita. Masabihan ko man lang siya na hindi ako naniniwala na kaya niyang gawin ang mga binibintang sa kanya. At hindi lang ako nag-iisa. Dalawa kami ni Mama.

Nang maglunch time, hindi ako sumama kay Haruka sa cafeteria. Hinanap ko si Ryu. Pumunta ako sa field. Baka kasi nagpraktis sila ng ka-team niya sa baseball. Mayroon ngang nag-e-ensayo sa field pero wala siya. Pumunta rin ako sa music room, nagbakasakaling tumambay siya roon. Wala rin siya roon. Sa rooftop kaya? Tumakbo ako kaagad doon. At nakita ko siyang nakahiga sa gitna. Ginawa niyang unan ang nakasalikop niyang mga kamay. Nakatingin siya sa langit.

Tinawag ko siya. Hindi siya sumagot. Lumapit ako. Inulit ko pa ang pagtawag sa kanya. Ni hindi siya tuminag sa kinahihigaan.

“Bakit ka nandito?” tanong nito sa malamig na boses.

“Gusto lang kitang suportahan,” sagot ko. Kabado.

“Hiningi ko ba ang suporta mo?”

“Hindi nga pero—-” Nag-isip ako ng pupuwede kong gawing rason.

“Iyon naman pala. Makakaalis ka na,” pagtataboy niya sa akin.

“Tinulungan mo ako nang malagay ako sa alanganin. Hindi ko rin hiningi ang suporta mo noon. Kaya gusto ko lang—-gusto ko—-to return the favor,” paliwanag ko. Nauutal.

Bumangon siya. Tumayo. Pinagpag muna niya ang dumi sa pantalon at school jacket saka ako hinarap. Feeling ko ang liit-liit ko nang titigan niya ako. Para kasing lumabas na napaka-pakialamera ko.

“Ano naman ang magagawa ng suporta mo? Kaya ba no’n burahin ang hinala ng mga pulis sa akin? Kaya ba akong ipagtanggol no’n kay Kōchō-sensei para hindi ako ma-expel?”

“Mae-expel ka?!” Shocked ako. Ang harsh naman no’n.

“Hindi pa naman dahil hindi pa tapos ang imbestigasyon nila pero malamang,” walang pakialam na sagot nito. At naglakad na ito palayo.

Nahirapan akong huminga. Mae-expel si Ryu! Paano na ang baseball team? Ang banda? Ito ang buhay niya. Alam ko na sa kabila ng I-don’t-care-attitude nito, worried din ito. Ayaw lang niyang ipakita. Nakaramdam tuloy ako ng matinding pagkahabag sa kanya.

Hindi na ako nag-isip pa. Hinabol ko siya saka niyakap ko habang nakatalikod siya. Tumigil ito sa paglalakad. Parang nabigla sa ginawa ko.

“Alisin mo ang mga kamay mo,” malamig niyang utos.

Hindi ko siya pinansin. Naiyak ako sa awa sa kanya, sa awa rin sa sarili ko at sa sitwasyon namin. Parang unti-unti ko nang naiintindihan ngayon kung bakit ko siya laging hinahanap.

Tinangka niyang alisin ang mga kamay ko. Hinigpitan ko lalo ang pagkakayakap sa kanya at napahikbi pa ako. Tumayo lang siya muna. Parang pinapakiramdaman ako. Mayamaya’y napabuntong-hininga.

“Alam mo ba kung ano ang ginagawa mo? Nakayakap ka sa lalaki sa tanghaling tapat. Kung may makakita sa atin dito?” hamon niya.

Pakiramdam ko tinitesting lang niya ako.. Gusto niya lang malaman kung tulad niya’y wala rin akong pakialam sa sasabihin ng iba.

Singhot lang ang naging sagot ko.

Nang ipatong niya uli ang mga kamay niya sa mga kamay ko, akala ko ay babaklasin na naman niya ito para makaalis na pero hinawakan niya lang. Mahigpit ang kapit niya. At napabuntong-hininga uli siya. Maya-maya pa ay inalis na niya ito. Akala ko itutulak na niya ako palayo kaya nagulat ako nang humarap siya at hawakan niya ang baywang ko. Bago ko pa maintindihan kung ano’ng gagawin sa akin, magkalapat na ang mga labi namin. Shocked na naman ako kaya hindi ako nakagalaw. Tila may dumaloy na isang libo’t isang boltahe sa aking katawan.

Nang mapansin sigurong nabigla ako tumigil siya. Hinawakan niya ako sa magkabilang pisngi at matiim na pinagmasdan bago hinalikan uli sa mga labi. This time, napapikit na ako. Hindi ko maipapaliwanag ang aking pakiramdam. Nanlambot pati mga tuhod ko kaya napakapit ako sa batok niya. Napasinghap pa ako nang bigla siyang tumigil. Parang nawalan ako ng lakas. Buti na lang mabilis din niya akong nasalo.

Nang okay na ako, walang lingun-likod siyang umalis. Iniwan lang akong nakatanga. Gusto ko na namang umiyak. Bakit ganoon siya? Akala ko pa naman, magko-confess na siya ng feelings para sa akin.

Takang-taka si Haruka nang makasalubong ako.

“Para kang zombie. Ano’ng nangyari?”

Hindi ako sumagot. Tumigil lang ako sa paglalakad sabay tingin sa langit. Gusto kong umiyak kaso nahihiya naman ako sa kanya.

“Kumain ka na ba?” tanong uli ni Haruka.

Umiling-iling ako. Sinamahan niya ako sa cafeteria.

“Atin-atin lang ‘to, ha? Kanina sa likod ng library, narinig ko na may kausap sa phone si Keisuke. Hindi ko alam kung sino pero tawa siya nang tawa at napagbintangan si Ryu. May sinasabi pa siyang ‘yes, success’. Feeling ko may kinalaman siya sa nangyari,” bulong sa akin ni Haruka. Palinga-linga pa ito para siguraduhin na walang nakikinig.

Nawala ang pananamlay ko. Naging interesado agad ako sa sinabi niya. Pinlano naming dalawa kung ano ang gagawin namin. Kailangan makahanap kami ng ebidensya. Kung totoo ngang may kinalaman si Keisuke, dapat may concrete proof na magdidiin dito dahil kung haka-haka lang hindi ito paniniwalaan ng lahat lalo na ni Kōchō-sensei. Good student kasi ang image nito. On top of the graduating class pa. Inaasahan pa ng eskwelahan na siya’ng makakapasok sa top three universities ng bansa.

Excited na akong ibalita ang nalaman ko kay Ryu. Tiyak matutuwa siya. Hinintay ko siyang makapasok sa first period namin sa hapon ngunit hindi na naman nagpakita ang damuho. Napaka-frustrating minsan ng hanap ka nang hanap sa isang tao na ayaw namang magpakita sa iyo.

Sa bahay ko na siya natagpuan. Paakyat siya ng hagdan no’n nang dumating ako. Pagkamano ko kay Mama, tinawag ko siya. Lumingon lang siya sa akin saglit at tuluy-tuloy na pumanhik. Antipatiko talaga!

Hindi ako sumuko. Hinabol ko pa siya. Sa harap na ng kuwarto niya kami nagpang-abot. Walang kaemo-emosyon ang mukha niya.

“Bakit?” malamig pa niyang tanong. Nasaktan ako. Wala man lang bang effect ang halikan namin sa rooftop? Sinikap kong huwag ipahalata ang pagdaramdam ko. Baka kasi lalo akong hiyain.

Sinabi ko sa kanya ang pinagtapat sa akin ni Haruka. No effect pa rin. He just rolled his eyes. Parang naaburido pa sa sinabi ko.

“Wala bang halaga sa iyo ang nadiskubre namin?”

“Unless may proof kayo, wala pa ring kuwenta iyan.”

"Eh di sabihin mo ang totoo. Na wala ka talagang kasalanan at baka na-frame up ka lang nila Keisuke. Mahirap bang gawin iyon?”

“Between my word and Keisuke’s, sa kanya pa rin maniniwala ang mga guro. He’s a good student. Always has been. Thank you sa pag-aalala mo pero tigilan mo na ito, okay? Nakakairita na, eh.”

“Ikaw na nga ang tinutulungan, ikaw pa ang may ganang magalit,” may himig-pagtatampo kong sagot. Tinalikuran ko na siya.

“And one more thing, baka na-misinterpret mo ako kanina. That kiss didn’t mean anything. Pakisaksak iyan sa kukote mo dahil baka iyan ang dahilan at kinukulit-kulit mo ako ngayon. Baka nakalimutan mo ang rule number one natin?” pahabol niya. At ni-recite pa kung ano iyon. Bawat kataga’y binigyan pa ng emphasis.

Natigil tuloy ako sa paglalakad. Imbes na sumagot at patulan ang pagsusuplado niya, hindi na ako umimik pa. Dumeretso na lang ako sa kuwarto at doon pinakawala ang iritasyon ko. Sira na naman ang ilusyon ko. Bwisit siya!

Sinuntuk-suntok ko pa ang unan sa inis. Hindi ako nakontento roon. Pinaghahagis ko ang mga ito sa dingding bago pabagsak na nahiga sa kama. I was so frustrated.