image
image
image

CHAPTER TEN - MOTOR

image

Nagmanman ako kay Keisuke dahil sa mga sinabi ni Haruka. Sinundan ko siya isang araw at umabot ang pang-iispiya ko sa kanya sa JR Suita Station. Napansin kong may pagmamadali ang bawat hakbang niya nang lumabas siya ng exit. Hindi ko siya sinabayan. Hinintay ko munang makalayo siya nang kaunti bago lumabas din ng istasyon. Pagkalampas niya ng parking lot para sa mga bisikleta’t motor saka lang ako bumaba ng escalator at naglakad papunta sa tinatahak niyang direksiyon. Gaya ng inaasahan ko, lumiko siya’t bumaba sa tunnel papunta sa Asahi Guesthouse. Kinuha ko agad ang cell phone sa bag at tinext kay Haruka ang ginagawa ko sa Suita.

“Mara, delikado iyan!” sagot niya sa akin.

“Ihanda mo ang phone baka kailangan ko ng tulong mo later.”

“Bakit kasi pumunta ka pa riyan mag-isa!”

Hindi ko na sinagot ang message niya. Tumakbo na kasi ako sa unahan. Nilampasan ko ang bukana ng tunnel na dinaanan ni Keisuke kanina. Pagdating sa stop light, lumiko ako’t naglakad sa ilalim ng riles. Nagkubli ako sa pader at tinanaw ang entrance ng tunnel na malapit sa Asahi Guesthouse. Nandoon na si Keisuke, nakatayo sa tapat nito, pero hindi na siya nag-iisa. Kasama na niya ang kaibigang si Hiroto. Nakagayak na sila ngayon ng itim na sweater na may hood at isinusuot na rin ang maskara. Mayamaya pa’y may bitbit na silang baseball bat.

Gamit ang keitai, piniktyuran ko sila. Kaso nga lang, dahil malayo at medyo madilim hindi maganda ang kuha ko. Inayos ko ang setting ng camera at inulit pero malabo pa rin kahit naka-zoom na. Nakakaasar!

Nang bumaba sila sa tunnel, bumalik ako sa pinanggalingan ko. Ilang metro na lang ang layo ko sa entrance ng lagusan sa kabila nang may marinig akong malakas na sigaw. Tinig iyon ng isang lalaking parang nasaktan nang husto. Narinig ko pang tila may kumaripas ng takbo. Tumakbo na rin ako. Kailangan ko sila mapiktyuran in action. Dahan-dahan akong bumaba sa lagusan. Madilim na roon kaya maingat din ako sa bawat hakbang ko. Maaaninag pa rin naman kahit papaano ang paligid kaya nakita kong walang katao-tao roon. Saan kaya galing ang sigaw?

Bumalik ako sa itaas at tumakbo na naman papunta sa ilalim ng riles. Tinanaw ko na naman ang bukana ng lagusan malapit sa Asahi Guesthouse. Wala na roon sila Keisuke. Tinext ko na naman ito sa BFF ko.

“Umuwi ka na, Mara. Baka naramdaman nila ang presence mo. Delikado. Baka mapahamak ka!”

“Ano ka ba? Pauuwiin mo ako kung kailan malapit ko na silang mahuli sa akto? Hindi pwede!”

Nakasimangot na emoticon ang reply ni Haruka. Hindi na ako nag-text pa dahil may narinig na naman akong pagsigaw. Tumakbo ako agad sa kabilang bukana ng tunnel. Patay pa rin ang ilaw doon kung kaya nangapa na ako sa pagbaba sa hagdan. Dumilim na kasi at hindi na ito abot ng street light. Gamit ang ilaw galing sa keitai ko inilawan ko ang hagdan. Isang hakbang na lang at nasa ibaba na sana ako nang biglang may humablot sa akin. Tumalsik ang hawak-hawak kong cell phone pati na ang suot-suot na hyakuen (100 yen) glasses na ginamit ko para magmukhang matanda. Bago ako makasigaw may kamay na tumakip sa bibig ko.

“Sinasabi ko na nga ba na may sumusunod sa akin eh. Ikaw lang pala,” anas ng isang pamilyar na tinig. Si Keisuke! “Akala mo siguro mahuhuli mo ako nang gano’n-gano’n lang, ano?”

Hindi ako makakilos. Hawak-hawak niya kasi ang buhok ko at hinihila ito pababa habang nakatakip sa bunganga ko ang isa niyang kamay.

“Keisuke, may paparating!” babala ni Hiroto. Feeling ko nasa tabi lang din namin ang hudas.

Na-tense si Keisuke. Hindi ito gumalaw. Parang nakiramdam.

“Ay, bakit patay ang ilaw?” narinig kong tanong ng mama sa kasama.

“Dito ako dumaan kanina may ilaw naman ah. Bakit hindi nila inayos kung may deperensya? Nakakaasar naman. Akin na nga ang flashlight,” sagot naman ng kasama. Nagreklamo din ang isa pa.

Napagtanto siguro nila Keisuke na hindi lang dalawang lalaki ang paparating mula sa bandang Asahi Guesthouse kung kaya patulak akong binitawan ng demonyo at tumakbo sila ni Hiroto palabas ng tunnel. Ganoon din ang ginawa ko. Pagdating ko sa itaas, nakita ko silang pasimpleng bumalik ng JR Suita Station. Nakababa na ang hood ng sweater nila at palagay ko wala nang suot na mask. Wala na rin silang hawak na baseball bat. Hindi ko na sila sinundan pa. Sapat na ang nalaman ko nang mga sandaling iyon.

Paglingon ko sa lagusan nakabukas na ang ilaw. Nakalabas na ang tatlong mama na nagligtas sa akin nang hindi nila alam. Nang makalayo sila saka lang ako bumaba para kunin ang tumalsik kong keitai. May kaunting gasgas ang screen nito pero gumagana naman nang maayos. Maglalakad na rin sana ako pabalik sa istasyon nang may tumawag sa akin.

“Hoy, baliw! Ano’ng ginagawa mo rito?”

Nabigla ako nang makita ko si Ryu sa gilid ng daan. Nakasakay ito sa Harley Davidson motorbike niya. Kumalabog agad ang puso ko nang magtama ang mga mata namin. Pero siyempre, hindi ako nagpahalata.

“Namamasyal,” pagsisinungaling ko. “Ikaw, bakit ka nandito?”

“Namamasyal? Magsisinungaling ka pa.”

“Pinasundo ba ako ni Mama?” pag-iba ko ng usapan.

“Hindi. Wala pa sila nang umalis ako ng bahay.”

“Bakit ka pala nandito?” pang-uusisa ko.

“Nang nalaman kong hindi ka pa umuuwi, naisipan ko lang pumunta rito. Kabisado ko na kasi ang takbo ng baliw mong utak.”

Hindi ko na natiis. Excited kong ikinuwento sa kanya ang nadiskubre ko nang gabing iyon sa pag-aakala na matutuwa siya.

“Ano?! Tanga ka ba? O sadyang ubod lang ng tanga?” Galit agad ito.

“Akala ko naman matutuwa ka at napag-alaman kong totoo ang hinala natin kay Keisuke,” disappointed kong sagot.

“Kung may nangyari sa iyo kargo de konsensya ko pa. Hindi ka talaga nag-iisip, ano? Kailan ka ba makikinig sa akin?”

Lalo akong nalungkot nang tumaas ang boses niya. Nawalan ng saysay ang pagpapagod ko sa kahahabol kay Keisuke. And to think na muntik na akong mapahamak kanina. Gusto kong umiyak. Bago pa man mangyari iyon, tumalikod na ako. Dali-dali akong naglakad palayo. Tinawag niya ako. Hindi ako lumingon. Mas binilisan ko lalo ang paglakad.

“Mara! Ano ba? Bumalik ka nga rito.”

Hindi ko pa rin siya pinansin. Nang malapit na ang escalator paakyat sa istasyon, tumakbo na ako. Bumaba pala ang mokong sa motor niya at hinarangan niya ang daraanan ko.

“Para kang bata. Hindi ko na alam minsan kung paano ko ipapaintindi sa iyo na mahirap na kaaway si Keisuke kaya ipaubaya mo na lang siya sa akin. Bahala na ako sa diskarte ko.” Mahinahon na ang boses niya.

Hindi ako sumagot. Inabot niya sa akin ang hawak na helmet. Napatingin ako rito. Aanhin ko naman ito? Huwag niyang sabihin na....?

Nauna nang sumakay sa motor si Ryu at sinenyasan akong umangkas na. Aangkas ako sa hitsura kong ito? Naka-skirt lang ako.

“Tutunganga ka lang ba riyan?” asik niya sa akin. Naka-helmet na ito.

Napilitan akong lumapit nang mapansin kong nakatingin na sa amin ang pulis. Alam kong sisitahin na nito si Ryu kung hindi pa aalis doon dahil bawal mag-parking sa lugar na iyon.

“Anong ginagawa mo?” asik niya sa akin. Patagilid kasi akong naupo.

“Bakit ba? Eh sa ganito ako komportable.”

“Umayos ka ng upo mo. Kung ganyan kayo sa Pilipinas, huwag mong dalhin dito iyan dahil hindi puwede iyan sa amin. Delikado,” sabi niya.

Wala akong nagawa kundi umupo nang ayon sa gusto niya. Medyo dumistansya lang ako nang kaunti para hindi ko masagi ang ano mang bahagi ng katawan niya. Nang maayos na ang pag-upo ko pinaarangkada niya agad ang motor. Napaliyad ako sa kabiglaanan. Nahampas ko siya sa balikat sa gulat. Gusto ko pa siyang batukan, nagpigil lang ako.

“Ano ba? Dahan-dahan ka nga!”

“Kumapit ka kasi. Ang arte-arte mo.”

Tumanggi pa rin akong humawak sa baywang niya. Nang papaliko na kami, lalo nitong binilisan ang takbo kaya halos sumubsob na ang pagmumukha ko sa balikat niya. Hinampas ko uli siya. Hindi siya umimik pero pinapagewang-gewang niya ang motor.

“Ibaba mo ako! Bwisit ka!” Galit na galit na ako.

“Tumahimik ka nga. Ang ingay-ingay mo.”

Niliko na naman niya bigla ang motor. Wala akong nagawa kundi mapahawak na sa baywang niya. Napakapit akong parang tuko sa sobrang takot. Nailagay ko pa ang baba sa balikat niya at hindi ko na rin alintana na magkadikit na ang aming mga hita. Pumikit ako para hindi ko makita ang pinagsusuutan namin. Lalo lang kasi akong nininerbyos kapag nakikita kong nakikipag-unahan siya sa mga bus at truck. Mayamaya pa’y naramdaman ko na lang na nag-slow down na kami. Nang iangat ko na ang paningin nasa harapan na kami ng Royal Host Ibaraki.

“Ano’ng gagawin natin dito?” tanong ko.

“Siyempre, kakain. Gutom na gutom na ako.”

Ang alam ko, ang mahal-mahal ng pagkain sa nasabing restaurant. Sen-en (one thousand yen) lang ang pera ko sa wallet.

“Don’t worry. Ililibre kita.” Mind-reader pala ang kumag!

Nauna itong pumasok sa Royal Host. Wala akong nagawa kundi bumuntot sa kanya. Gutom na rin kasi ako. Hindi pa ako nagdi-dinner sa kaka-playing detective ko kanina.

Nanmei sama desu ka? (Ilan po kayo?)” magalang na tanong ng waitress sa amin ni Ryu.

Nimei desu. (Dalawa lang po.)”

Pagkaupo namin, tinanong ako ni Ryu kung ano ang gusto kong kainin. Hindi ako makapag-decide. Ang mamahal kasi! Hinayaan ko na lang na siya ang umorder para sa aming dalawa. Tig-isang two hundred thirty gram na steak ang inorder niya saka Set C. Tig-isa rin kami. Tinapay instead of rice ang pinili ko at vegetable soup instead of corn soup naman ang sabaw ko. Siya nama’y kung ano ang hindi ko pinili. Dahil included na ang all-you-can-drink sa Set C, sabay kaming tumayo para kumuha ng drinks sa mini-bar nila. Calpis ang kinuha ko samantalang hot cocoa ang kanya. Nang pabalik na ako sa table namin, nahagip ng tingin ko si Keisuke. Nakatitig siya sa akin pati ang kaibigan niyang si Hiroto. Tila natatawa sila. Dali-dali akong bumalik sa mesa namin. Sinabihan ko si Ryu na nasa paligid lang ang dalawa.

“Nakita ko rin. Huwag mo na silang pansinin.”

Halos pumalakpak ang mga alaga ko sa tiyan nang dumating na ang order naming steak. Ang bango talaga. Tahimik kaming kumain ni Ryu. Galit-galit muna. Nang maubos ko ang kalahati ng steak nabusog na ako.  

“Ayaw mo na?” tanong nito sa akin.

“Busog na ako. Okay kayang i-take home ito?”

“Inom ka kasi nang inom ng tubig. Akin na nga iyan.” At kinain niya ang tira kong steak. Hindi ko inaasahan iyon. Sa kabila ng mga pambabara niya sa akin, hindi niya pala ako pinandidirihan!

“Basta steak, bawal mag-take home ng tira. Nasisira kasi ang lasa kapag hindi na mainit,” paliwanag pa niya habang kinakain ang tira ko.

Napatangu-tango lang ako. Deep down I felt good. Pasimple ko siyang pinag-aralan habang kumakain. Unlike guys I know back home, may finesse siya kahit sa paghiwa ng karne. Gusto ko rin kung paano siya gumamit ng chopsticks. Sosyal ang dating without even trying. Pati nga pagnguya niya’y elegante tingnan.

Nang nagbayad na si Ryu, napahesusmaryosep ako nang malaman na almost eight thousand yen ang nagastos niya sa dinner namin. Tahimik kong kinonvert iyon sa peso. At lalo akong napahumindig.

“Huwag mo nang i-convert baka ma-indigestion ka,” sabi nito sa akin.

“Wala naman akong ginagawang gano’n,” pagsisinungaling ko.

“Eh anong binubulung-bulong mo riyan kanina?”

Aba, may lahi palang psychic ang mokong.

Halos magkasunod kami nila Keisuke. Lumabas din ang mga ito nang lumabas kami. Tumingin uli ito sa akin. Mayamaya’y nagtawanan silang magkaibigan. Nakita ko ang pagngangalit ng bagang ni Ryu. Halatang nagpipigil. Nang papalabas na kami ng parking lot, binusinahan nila kami. Pinapatabi. Hindi tumabi si Ryu. Hindi man lang sila pinansin nito.

“Hoy, tumabi ka. Baka sagasaan tayo,” utos ko kay Ryu.

“Duwag iyan. Hindi niya kaya iyan. Hayaan mo siya.”

Nagbusina uli si Keisuke. Timing namang nakakita ng opening si Ryu para makalabas. Bago niya pinaarangkada ang motor, nilingon niya muna sina Keisuke at nilabas ang middle finger. Nakita kong nanggalaiti ang huli, pero wala ring nagawa. Hindi sila nakahabol dahil naabutan ng red light. Nang out of sight na ang dalawa, pinagsabihan ko si Ryu.

“Duwag nga iyon. Ilang beses ko bang sasabihin sa iyo iyan? Hindi niya kaya mangsagasa ng tao lalo pa’t maraming tao at maliwanag.”

Hindi na lang ako sumagot para hindi na humaba pa ang usapan. Nakarating kami sa bahay nang matiwasay. Nauna akong pumasok sa bahay at umakyat sa second floor kung saan ang kuwarto ko. Naghubad agad ako ng damit at naligo. Katatapos ko lang magpatuyo ng buhok nang may kumatok sa pintuan ko. Nagulat ako nang mapagbuksan si Ryu.  

“Huwag mo nang ulitin ang ginawa mo kanina. Maliwanag ba?”

Bahagya lang rumehistro sa utak ko ang sinabi niya. Ang napansin ko’y ang suot niya. No’n ko lang siya nakitang naka-black shorts at puting t-shirt. Dahil naka-tsinelas lang, nakita ko ang mga paa niya. Ang ganda! Tama nga ang mga kakilala naming Pinay na matagal nang naninirahan sa Japan. Mapuputi at makikinis ang mga paa ng mga Hapon.

“Mahilig ka sa J-Pop?” tanong niya bigla sa tonong parang hindi makapaniwala. Nakita siguro niya ang malaking poster nila Jin Akanishi at Kazuya Kamenashi sa wall sa itaas na bahagi ng headboard ng kama ko.

“Oo,” tipid kong sagot.

“And -—Japanese men?”

Napaawang ang mga labi ko dahil hindi ko inaasahan ang tanong.

“Okay, sleep well. Oyasuminasai (good night). And lock the door.”

Lock the door? Nangunot ang noo ko.

Ngumiti siya pero kaagad din iyong sinupil. Nalito ako at bumilis pa ang tibok ng puso ko. Bago pa ako makapagsalita, bumalik na siya ng silid niya. Nainis na naman ako sa kanya.

Nambitin pa ang hudas. Kainis!