image
image
image

CHAPTER ELEVEN - TEARS

image

Paglabas ko ng locker room, nakita ko si Keisuke. Nakasandal ito sa dingding na tila may hinihintay. Ako ba? Ako lang naman ang tao roon nang oras na iyon. Awtomatikong bumilis ang tibok ng puso ko. Hindi sa excitement kundi sa matinding takot. Lumapit siya sa akin. Hinawakan ako sa braso at may ibinulong pa.

“Gusto ko lang klaruhin sa iyo ang napag-usapan natin sa tunnel kaya ako nandito. Pag may ibang nakaalam no’n, alam mo na ang mangyayari sa iyo. Nagkakaintindihan ba tayo?”

Nararamdaman ko ang init ng kanyang hininga. Gano’n kalapit ang mga mukha namin. Nang hindi ako sumagot, hinigpitan niya ang hawak sa braso ko kung kaya napaaray ako.

“Pakisabi rin sa hambog mong boyfriend na mag-ingat din siya dahil kapag hindi ako makapagpigil, mapapaaga ang expulsion niya sa school!”

Nairita ako ro’n. Bakit gagawin pa akong messenger? Kahit takot, hindi ko napigilan ang sarili na sabihin ang nasa isipan.

“Sa kanya mo dapat sabihin iyan hindi sa akin.”

“At sumasagot ka pa, ha? Bakit, matapang ka?” At hinawakan na niya ako sa magkabilang braso. Niyugyog pa niya ako. Dahil matangkad siya, kailangan ko pang tumingkayad para kahit papano’y maging magka-level ang paningin namin. Siya nama’y yumuyuko pa sa akin.

“Keisuke? Nandito ka pala, pare,” narinig naming bati ng bagong dating. Napasulyap ako sa direksyon ng nagsalita. Si Masahiro. Ang team captain namin sa Track and Field.

Binitawan ako bigla ni Keisuke. Nag-iba na ang ekspresyon sa mukha niya. Nginitian pa niya si Masahiro at tinapik ito sa balikat bago tuluyang lumabas ng building. Nangungunot ang noong nilapitan ako ng team captain namin. Nag-aalala siya. Inusisa niya ako tungkol kay Keisuke.

“May tinanong lang siya,” pagsisinungaling ko.

“Sigurado ka?” Tila hindi siya naniniwala.

Tumango ako at umiwas ng tingin.

“Pinuntahan na kita rito kasi ang tagal mo. Naiinip na si Coach sa paghihintay sa iyo. Halika na.”

Sumunod ako kay Masahiro. Tama siya. Ako na lang ang wala sa grupo. Nandoon na sila lahat sa field. Maayos na nakatayo in one horizontal line habang nakikinig kay Coach.

Yumuko kami pareho ni Masahiro sa harap ni Coach bilang paghingi ng paumanhin sa pagdating nang huli. Sinenyasan niya kaming mag-join na sa grupo. Dali-dali naman kaming sumingit sa hanay.

Binuhos ko na lang ang isipan sa pagpapraktis nang hapong iyon. Saka ko na lang isipin ang mga banta ni Keisuke. Kailangan kong mag-ensayong mabuti dahil sabi ni Coach may mga college scouts daw na manonood sa Osaka Interschool Track and Field Championship sa susunod na buwan. Ang top-three daw sa kani-kanilang event ay mabibigyan ng college scholarship ng eskwelahang kanilang mapipili. Kailangan ko iyon dahil ayoko namang umasa pa sa stepfather ko para sa pang-tuition ko sa kolehiyo. Ang alam ko mahal ang tuition dito. At least kalahating milyong Japanese yen daw kada semestre ang tuition sa mga national universities. Umaabot naman ng halos isang milyon sa private universities.

Almost seven o’clock na natapos ang ensayo namin kung kaya dali-dali akong nagbihis sa locker room para makauwi na agad. Kabado ako dahil baka inaabangan na ako nila Keisuke sa labas. Pagkabihis, tinakbo ko na ang jitensha okiba. Kakaunti na lang ang natirang bike doon. Isa na ang akin. Sinipat kong mabuti ang bisikleta ko. Mabuti at wala naman itong deperensya. Nag-alala kasi ako kanina dahil baka winasak na nila ang gulong nito tulad ng nangyari noon.

Papalabas na ako ng gate ng eskwelahan namin nang mula sa kung saan ay may humarang na bisikleta. Napasigaw ako sa matinding gulat. Awtomatikong dumagundong sa nerbiyos ang puso ko. Nakahinga lang ako nang maluwag nang makita si Ryu imbes na si Keisuke.

“Ang tagal mo, ah,” sabi ng damuho.

“Papatayin mo ba ako sa nerbiyos?” naiirita kong tanong.

“Ang OA mo naman,” sagot nito at tumabi na para bigyan ako ng daan. Sumabay na rin siya sa akin.

“Kanina pa tapos ang praktis n’yo, ah,” pag-iba ko ng usapan. “Bakit ngayon ka lang uuwi?” At mukhang hinintay mo pa ako.

“Hinintay kita,” deretsahan niyang sagot. Napatalon ang puso ko. Hindi ko inasahang aaminin niya agad. “Baka kasi resbakan ka nila Keisuke sa ginawa mong katangahan noong isang gabi. Mahirap na.”

Nakaramdam ako ng tuwa. Mukhang concern ang mokong.

“Pakialam mo?” kunwari’y pagtataray ko. “Ano naman sa iyo kung resbakan nila ako? Iyon nga ang pakay mo kung bakit mo ko pinakilalang girlfriend, di ba? Para magulo ng mga kaaway mo ang buhay ko.

“Ang drama mo.” At binilisan na nito nang kaunti ang pagbibisikleta. Naungusan niya ako. Hindi ko siya hinabol. Binagalan ko pa nga ang pagpe-pedal para hindi kami magsabay.

“Hoy, bilisan mo! Mas mabilis pa sa iyo ang kinder magbisikleta!”

Hindi ko siya pinansin. Lalo ko pa ngang binagalan ang pagba-bike. Huminto ito at hinintay ako. Matalim na ang titig niya sa akin.

“Mauna ka na,” sabi ko.

“Bakit ba ang hirap mong espelengin?” At napailing-iling ito. Pero mukhang hindi naman galit. Binagalan na niya ang pagba-bike para makasabay sa akin. Hindi na ako nag-inarte pa.

“Nakita ko kayo ni Masahiro kanina. Nanliligaw ba sa iyo iyon?”

Nawindang ako sa tanong niya. Hindi ko kasi iyon inaasahan.

“Hindi no!” tanggi ko agad.

“Ba’t defensive ka?” tanong nito uli. Tinitigan pa ako.

“Nabigla lang ako sa tanong mo. Paano mo naman naisip iyon?”

Wala lang. Nakita ko kasi kayong magkasamang lumabas ng locker room. Napapansin ko pang tumitingin siya sa iyo kapag pakiramdam niya hindi ka tumitingin.”

Napakunot-noo ako. So ang ibig bang sabihin nito, pinagmamasdan din niya ako? Masasabi lang niya iyon kung ganoon din nga ang ginagawa. Nakaramdam ako ng hindi maipapaliwanag na excitement.

“Dahil magkasamang lumabas ng locker, nanliligaw na?”

Hindi siya sumagot.

“Sinundo niya lang ako dahil napatagal ako sa loob.”

“Ba’t tumagal ka sa loob?”

Nagkibit-balikat ako. Hindi ko na sasabihin ang nangyari kanina. Baka lumala pa ang sitwasyon at baka dalawa pa kami ang mapahamak. Mainitin kasi ang ulo ng kumag na ito, eh.

“Ibig bang sabihin, nakatingin ka rin sa akin kung kaya napapansin mo ang mga panakaw na tingin sa akin ni Masahiro?” tanong ko na lang para hindi na ako uusisain kung bakit tumagal ako sa locker room.

“Dream on. Hindi no!” kaagad nitong tanggi. Defensive. Napangiti ako. Alam ko na nagsisinungaling ito.

“Anong nginingiti mo riyan?” nakakunot-noong tanong nito sa akin.

“Sa akin na lang iyon.” At binilisan ko na ang pagpadyak.

Nagulat sina Mama at Otōsan nang makita kaming sabay na dumating ng bahay. Napa-double take pa sila pareho.

Kinaumagahan, nakita ko na naman si Otōsan sa school. Mukhang namatayan. Hindi nga ako napansin na sumalubong sa kanya para sana bumati. Dumeretso ito sa upisina ni Kōchō-sensei. Tinext ko si Mama at tinanong. Pinatawag pala siya uli ng discipline board tungkol sa kaso ni Ryu. May hearing nang umagang iyon. Kasama sa kakausapin ang legal guardian ng accused. Mukhang malala nga ang kaso ni Ryu.

Nang makabalik ako sa classroom after recess nakita kong bakante na naman ang upuan sa likuran ko. At narinig ko sa mga kaklase na pinatawag na naman daw si Ryu sa Office of the Principal.

Kinahapunan, nayanig ang lahat nang mapag-alaman na temporarily suspended si Ryu sa paglalaro ng baseball. Hindi siya makakalaro sa exhibition game nila against Meiji Senior High School na gaganapin sa Osaka Stadium nang Linggong iyon. Wala namang bearing ang game na iyon sa standing nila sa baseball tournament dahil tapos na ang National High School Baseball Invitational Tournament na ginanap sa Hanshin Koshien Stadium sa Nishinomiya noong Marso pero malaki raw ang impact ng naturang laro sa morale ng bawat koponan. Mahigpit kasing kalaban ng school namin sa Koshien kada taon ang Meiji Senior High School. Nitong huling laban nga ng dalawang koponan, nagkaroon pa ng extra innings bago maipanalo ng Sakura High School ang championship game. Kaya ngayong nalaman ng lahat na suspended ang star player namin, marami ang dismayado. Nag-threaten pa si Minami na magba-back out sa Miss Osaka Beauty Pageant na gaganapin sa susunod na buwan kung hindi babawiin ang pinataw na parusa kay Ryu ngunit wala rin siyang nagawa. Desidido si Kōchō-sensei na pangatawanan ang desisyon ng board.

Hinanap ko agad si Ryu nang malaman ang nangyari. Alam ko kasi kung gaano kasakit sa kanya ang naturang suspension dahil mahalaga ang paglalaro ng baseball sa buhay niya. Sa rooftop agad ako pumunta. Hindi nga ako nagkamali. Nandoon siya. Nakatayo sa gilid habang nakatingin sa ibaba. Naalarma ako. Tatalon ba siya?

“Ryu!” tawag ko sa kanya.

As usual, hindi siya tuminag. Tinawag ko siya ulit. Nilakasan ko pa ang boses, pero walang response mula sa kanya. Palagay ko’y narinig niya ako subalit ayaw lang niya akong pansinin.

Hindi ko na inintindi pa na indifferent na naman siya sa akin. Nanaig ang awa ko sa kanya kung kaya pagkalapit ko’y niyakap ko siya habang nakatalikod sa akin. Hindi pa rin siya gumalaw pero naramdaman ko ang pagbilis ng tibok ng kanyang puso. Hinigpitan ko ang yakap. Hinawakan  niya ang kamay ko pero mayamaya’y kumalas din sa pagkakayakap ko’t naupo malapit sa paanan ko. Yakap-yakap niya ang mga tuhod. Lumuhod ako sa harapan niya. Pinatong ko ang mga kamay sa mga kamay niya at pinisil ang mga iyon.

“Bakit ka nandito?” tanong niya sa mahinang boses. Hindi iyong usual niyang tono. He sounded vulnerable.

“Narinig ko ang balita. At gusto kitang damayan.”

Umangat siya ng tingin. Tumitig pa siya sa akin. And for the first time nakita kong tumulo ang kanyang mga luha. Walang tunog ang kanyang pag-iyak pero alam ko kung gaano siya ka-affected. Hindi na ako nag-isip pa, hinagkan ko siya sa pisngi. Nalasahan ko pa ang maasim-asim niyang luha. Parang nabigla siya sa ginawa ko pero hindi naman ako tinulak palayo. Naramdaman ko lang itong pumikit. Nang umatras na ako, bigla niyang hinawakan ang balikat ko sabay hila sa akin palapit. He then kissed me passionately on the lips. I was shocked!