image
image
image

CHAPTER THIRTEEN – BANDAGE

image

Ang aga kong nagising nang Linggong iyon. Maaga daw kasi ang umpisa ng baseball game sa Koshien Stadium. Bawal ang late. Sabay-sabay daw kasi kaming papasok patungo sa aming designated cheering area. Doon na raw ipamimigay ang pahabang pinkish baloon na iwawagayway namin para suporta sa Sakura Senior High School Team. Mapusyaw na pink ang kulay no’n kasi iyon ang kulay ng sakura o cherry blossom kung saan hinango ang pangalan ng aming eskwelahan.

Excited ako at ramdam ko rin ang pananabik ng mga Osakajin (Osaka people) sa larong ito. Big deal kasi talaga ang yakyū (baseball) sa kanila kung kaya kahit na friendly game lang ay dinudumog ng tao. Tila lahat ng taga-Osaka ay nagtipon sa stadium para saksihan ang laro sa pagitan ng Meiji at Sakura Senior High School. 

Nang lumabas na sa field ang miyembro ng team namin nag-ingay kami at winagayway namin ang pinkish balloon subalit nang ianunsiyo na hindi makakapaglaro ang star pitcher namin nadismaya ang lahat. Hinanap ko si Ryu sa crowd. Kanina kasi nang umalis ako ng bahay wala na siya. Inisip ko na sa stadium din siya pumunta. Pero ni anino niya’y hindi ko nakita roon. Natutukso na nga akong mag-text para alamin kung nasaan siya. Kaso, ano naman ang sasabihin ko?

“Shit! Ano ba iyan?” hindi napigilang bulalas ng mga kaeskwela namin ilang minuto ang nakalipas mula nang umpisahan ang laro. Parang hindi raw ito ang team na tumalo sa Meiji Senior High noong Marso.

“Ba’t naman kasi sinuspinde pa nila si Ryu!” galit na wika naman ni Minami. Sinang-ayunan ito ng mga kaibigan niya. Lalo akong nalungkot.

Sinilip ko ulit ang keitai dahil baka nag-text na si Ryu. Walang akong mensahe kahit na kanino. Wala na akong ganang patapusin pa ang laro.

“Nagsasayang lang tayo ng oras dito,” dismayadong sabi ni Rihoko.

Iminumungkahi na nito kina Minami at Yoko na lumabas na sila ng stadium total naman daw ay sigurado nang matatalo ang team namin.

“Minamalas ang players natin kasi puro kayo negatibo,” sabat ng isa sa mga kaklase naming lalaki na sinuportahan naman ng iba pang guys. Pinatatahimik nila ang mga kaibigan ni Minami. Akala ko kakampihan ng bruha ang mga ito kung kaya nagulat ako nang pati siya’y nagalit sa dalawa. Hindi raw tama na ayaw nang sumuporta ng dalawa porke natatalo na ang Sakura Senior High. Natuwa tuloy sa kanya ang mga boys.

“Epal,” naiinis namang bulong sa akin ni Haruka. Sinulyapan nito si Minami at itinirik ang mga mata nang bumaling uli sa akin. Napangiti ako.

Nang last inning na nahagip ng tingin ko si Ryu sa may bandang entrance ng stadium. Pero bigla din itong naglaho sa paningin ko. Nawala ang atensiyon ko sa laro kung kaya nabigla na lang ako nang makarinig ng matinding pagkadismaya sa mga katabing manonood. Pagtingin ko sa field, naka-home run na naman ang mga kalaban.

“Sana sinuspinde si Ryu pagkatapos lang ng game,” himutok ko.

Inakbayan ako ni Haruka at pinisil-pisil sa balikat. Pagtingin ko sa kanya, nakita kong pinangiliran na siya ng luha.

“Hoy! Ano ka ba?” Natawa ako sa kanya. “Laro lang ‘to, ano?”

“Hindi mo kami kilala. Sa aming mga Hapon, malaking bagay ang yakyū. Dito halos umiikot ang buhay-eskwela namin. Katulad n’yo sa Pilipinas. Hindi ba’t sabi mo halos magpatayan din minsan ang mga basketball players n’yo sa tuwing may liga?”

Awtomatikong nag-flash sa isipan ko ang mga nagdaang Intramural Meet sa school. Naalala ko ang mga star basketball players namin at kung paano sila sinasamba ng buong eskwelahan.

Nang ideklarang panalo ang Meiji Senior High, umiyak ang mga kaklase’t kaeskwela namin. Nalungkot din ang iba pang Osakajin sa crowd.

Nauna na ako kay Haruka. Hindi ko na kayang tumagal pa sa stadium. Hindi naman niya ako pinigilan. Hindi kasi siya makakaalis agad dahil part siya ng committee na magko-collect ng basura sa area namin.

Palabas na ako ng stadium nang bigla akong hinarangan ni Keisuke. Hindi man lang nito itinago ang kasiyahan sa resulta ng laro.

“How does it feel dahil natalo ang team ng boyfriend mo?”

I ignored him. Baka kasi kapag pinatulan ko’y magkalat pa ako roon. 

“Wala naman pala silang binatbat, eh. Puro dada lang pala.” Tumawa pa ito ng nakaloloko. Tinapunan ko naman siya ng masamang tingin.

“Parang hindi ka taga-Sakura Senior High kung magsalita. Paano ka nakakapagdiwang knowing na parte ka ng natalong team?” buong tapang kong sumbat sa kanya.

“Parte ng natalong team? Sino, ako? Of course not! I refuse to be a part of that rotten team! Idadamay mo pa ako sa mga talunan na iyan!”

“Baliw ka!” galit kong sigaw sa kanya.

“Alam mo, for a gaijin (foreigner), ang tapang-tapang mo. Hindi ka pa kasi naturuan ng leksyon.” Mahina lamang ang boses niya ngunit puno iyon ng pagbabanta. Tinatakot na naman ako ng demonyo.

“Baliw ka!” sigaw ko uli sa kanya. Hindi alintana ang bagsik sa kanyang mga mata. Pinagtinginan na kami ng mga napapadaang tao. Pasimple niyang pinisil ang kamay ko. Napaaray ako sa tindi ng pagpisil niya. Humingi ako ng saklolo sa mga bystanders pero inakala lang nilang naghaharutan kami ni Keisuke dahil nakangiti ang hinayupak sa mga ito.

Nakita kami ni Minami. Inakala siguro nito na nagho-holding hands kami ni Keisuke dahil galit na galit itong sumugod sa akin. Tinulak niya ako agad. Buti na lang nakahawak si Keisuke nang mahigpit sa kamay ko kung kaya hindi ako natumba. Sasabunutan pa sana ako ng bruha kung hindi siya naawat ni Keisuke. Nagpaliwanang pa ang demonyo rito.

“Ang swapang mong babae ka! Bwisit ka!” asik ni Minami sa akin. Hindi nito pinansin ang mga paliwanag ni Keisuke.

“Teka, sandali,” saway uli ni Keisuke.

“Bago ka magparatang riyan, bakit hindi mo tanungin ang boyfriend mo? Susugud-sugod ka nang hindi mo muna inaalam ang pangyayari.”

“At sasagot-sagot ka pa, ha? Bakit? Sino ang pinagmamalaki mo? Si Ryu ba? Walang pakialam sa iyo iyon!”

“Wala akong pinagmamalaki!”

Dinuru-duro ako ng bruha. Hindi pa nakontento. Hinampas pa ako ng bag niya. Inagaw ko iyon. Tumulong na si Keisuke at hinila nila Minami ang bag mula sa mga kamay ko. Sa tindi ng pwersa nila, nasugatan ang mga palad ko. Nabitawan ko agad ang strap ng bag.

“Malandi! Hindi ka lang magnanakaw, ubod ka rin ng landi! Tulad ka ng nanay mong haliparot! Nag-asawa ng kalahi ko para lang makatakas kayo sa kahirapan sa bansa n’yo!” Nanlilisik pa ang mga mata ni Minami.

Nang marinig ko ang akusasyon niya sa mama ko, hindi ko na napigilan ang bugso ng damdamin. Kinalmot ko siya nang kinalmot at hinatak ang mahaba niyang buhok. Hindi na alam ni Keisuke kung paano kami aawatin. Tingin ko nataranta na ang demonyo lalo pa’t pinaikutan na kami ng mga usyusero’t usyosera.

Mayamaya, naramdaman ko na lamang na may malakas na kamay na humila sa akin. Si Ryu! Nahagip ng tingin ko ang biglang katuwaang rumehistro sa mukha ni Minami nang makita niya ito, pero napalitan din iyon ng pagkaasar nang hind siya binigyang-pansin nito.

“Tame your girl!” galit na sabi ni Ryu kay Keisuke.

Dinala ako ni Ryu sa kotse niya. Nang nasa loob na ako ng sasakyan,

saka lang ako napaiyak. Pero sinikap kong huwag maging maingay. Iyong luha lang ang umaagos. Sinuklay ko ng kamay ang nagusot kong buhok. Noon ko lang din napansin na ang dami kong kalmot sa braso. Ang hahaba kasi ng kuko ni Minami. Dumudugo na ang iba kong sugat.

Binigyan ako ni Ryu ng tisyu. Hindi ito nagsalita pero mukhang galit. Nakahawak lang siya sa manibela at deretso ang tingin, pero nakikita ko ang pagngangalit ng kanyang bagang. Alam ko na nagpipigil lang ito. Hindi ko alam kung saan ito talaga galit. Kay Keisuke o sa aming dalawa ni Minami. O baka pareho. Idagdag pa roon ang pagkatalo ng team namin.

Nahiya rin ako dahil nakita niya akong nakipagkalmutan. Baka isipin niyang masyado akong war freak. Hindi ko naman sana ginawa iyon kung hindi dinamay ni Minami ang mama ko. Ang sakit ng mga sinabi niya sa amin. Tingin niya talaga sa aming mag-ina patay-gutom. Hindi naman kami ganoon ka hirap sa Pilipinas. Kahit na hindi dumating sa buhay namin si Otōsan, maayos naman akong naitataguyod mag-isa ng mama ko. Nakakapag-aral pa nga ako sa private school. Hindi lang kamahalang private school, pero maayos namang eskwelahan iyon. Tsaka may trabaho naman sa munisipyo ng Makati ang mama ko. Hindi nga kami mayaman, pero hindi rin naman mahirap.

Arigatou,” sabi ko sa mahinang tinig at sinoli ko kay Ryu ang tisyu box niya. Natigil na rin ang pagsinok ko.

Sumulyap sa akin si Ryu. Medyo kumalma na rin ito.

“Sa susunod kung makikipag-away ka dahil lang sa isang lalaki, piliin mo ang lugar,” sabi nito sa banayad na boses. “Huwag kang magkalat.”

Napatingin ako sa kanya. Anong nakikipag-away ng dahil sa lalaki? Defensive mode kaagad ako. Nagpanting kasi ang tainga ko sa narinig.

“Hindi ako nakikipag-away dahil lang kay Keisuke.”

“Ano’ng tawag mo ro’n sa ginawa ninyo ni Minami? Lambingan?” sarkastiko nitong sagot. Nakatingin uli siya sa akin. Tila hinahamon ako.

“Si Minami ang nanugod at hindi ako,” pangangatwiran ko.

“Siyempre, paanong hindi ka susugurin no’n? Eh, nagho-holding hands kayo ng sinosyota niya!” 

“Hindi kami nagho-holding hands ni Keisuke!”

“Okay, hindi kayo naka-hold hands. Magkahawak-kamay lang.”

“Mukha lang kaming magkahawak-kamay pero ang totoo niyan, gusto niya lang akong saktan. Pinipisil niya nang husto ang mga palad ko. Pinagbantaan niya pa ako.” Pumuputok na ang butse ko sa pagpapaliwanag.

“Kung hindi ko kayo nakita, baka maniwala pa ako sa mga sinasabi mo. But I saw you both. Magkahawak-kamay kayo. May binubulong pa siya sa iyo at ang tamis-tamis ng ngiti niya.”

Paano ko ba ipapaintindi sa mokong na ito na wala nga iyong ibang kahulugan bukod sa gusto lang akong saktan ni Keisuke?

“Hindi ba may usapan tayo? Ilang ulit ko ba dapat sasabihin sa iyo na bawal kang makipaglandian sa ibang lalaki?”

“Sinabing hindi nga ako nakipaglandian!”

“Tingin mo magugustuhan ka no’n? Asa ka pa!”

“Oo na! Alam ko namang hindi. At hindi naman ako nangangarap na magustuhan niya! Crush ko siya, oo. Pero dati iyon! DATI!”

“Ows? Hindi nga?” Iniinis niya ako lalo. Inirapan ko siya.

“May iba na akong gusto,” nasabi ko na lang bigla. Huli na nang ma-realize ko na parang ipinagkanulo ko na rin ang aking sarili. Nakagat ko ang lower lip ko. At biglang nag-init ang aking pisngi.

Tumingin siya sa akin.

“Sino?” tanong niya. Humina na ang boses niya.

“H-ha?” pagmamaang-maangan ko.

Hindi na siya nagsalita pa. Pinaandar na lang niya ang kotse. Buti na lang wala sina Mama at Otōsan pagdating namin. Hindi ko na kailangang mag-explain kung bakit may mga sugat ako sa braso.

Naligo ako agad at hinugasang mabuti ang mga sugat ko. Mahirap na. Baka may rabbies si Minami. Maulol pa ako. Nagpapatuyo na ako ng buhok nang kinatok ako ni Ryu. May dala-dala siyang first-aid kit.

“Maupo ka,” utos niya sa akin. Nakaupo na siya sa kama ko no’n. Hindi na ako nagreklamo pa. Sinunod ko na lang siya pero mga isang metro ang layo ko sa kanya.

“Paano kita magagamot kung malayo ka sa akin?”

Hindi ako gumalaw. Bumuga siya ng hangin at siya na ang lumapit.  Bago pa ako makaatras, hinawakan na niya ako sa braso. Hinila niya iyon palapit sa kanya. Napaaray ako sa sakit.

“Kung hindi ka maarte, hindi ko na sana kailangang gawin ito. Akin na nga iyang kanang braso mo. Mas marami kang sugat diyan.”

Inunat ko ang kanang braso. Nilinis niya ang mga galos ko gamit ang alcohol. Napapiksi ako sa hapdi.

“Ganito ka ba talaga ka war freak?” tanong na lang niya bigla.

“Of course not! Kaya ko lang naman siya kinalmot at sinabunutan dahil ininsulto niya pati mama ko. Kung hindi naman sana, palalampasin ko lang ang lahat niyang sinabi. Hindi haliparot si Mama. At hindi namin pinangarap na tumira rito sa bayan n’yo. Kung pwede nga lang, gusto ko na sanang bumalik sa amin sa Pilipinas.”

Tumigil sa paglilinis ng sugat ko si Ryu. Tinitigan niya ako saglit bago ipinagpatuloy ang ginagawa. Nang malinis na ang bakas ng kalmot ni Minami maingat niyang nilagyan ang mga iyon ng bandage.

“I’ve never been to your country. Not even once. Sabi ni Ojisan, magaganda raw ang beaches sa inyo. At ang babait pa ng mga tao.”        

“Oo naman! Kahit mahirap lang kami masayahin kaming tao.”

“I love surfing and scuba diving. May mapupuntahan ba ako roon kung gusto kong mag-surf o scuba dive?”

“Marami,” buong pagmamalaki kong sagot. “Kung may pera ka, maraming travel agency na nag-a-arrange ng mga ganyang tour packages.”

“Kung ayaw kong dumaan sa travel agency?”

“H-ha? Bakit naman ayaw mo? Hindi naman sila kamahalan at afford na afford mo ang rate nila.” Nang ma-realize ko kung ano’ng tinutumbok niya, medyo pinamulahan ako ng mukha.

“Wala ka bang alam kung ikaw lang?”

“Mayroon naman pero—-siyempre, hindi ako expert. Baka maokray mo ang pagdadalhan ko sa iyo. Knowing you na pihikan at perfectionist baka sapakin mo pa ako at nagtravel ka ng pagkalayu-layo tapos hindi naman pala worth it ang beach na pinagdalhan ko sa iyo.”

Napangiti ito sa hindi ko alam na kadahilanan.

“Tingin mo kaya kitang sapakin?” seryoso nitong tanong.

Pinagpawisan ako. Parang may something na naman sa mga sinabi niya. Kanina pa ako kilig to the bones sa bawat dampi ng kamay niya sa braso ko, pero ang mga titig niya talaga ang nagpataranta sa akin.

Nang hindi ako sumagot, tinapik niya ako sa balikat. At tumayo na.

“Pahinga ka na.” Na-disappoint na naman ako. Kulang na lang ay habulin ko siya at magmakaawang huwag muna siyang umalis. Gusto ko pa sanang magkuwentuhan muna kami.

Nang nasa pintuan na siya, nilingon niya ako.

“Do not forget to lock the door before you sleep.”

Lock the door? Bakit?

Pero hindi na niya ipinaliwanag ang sarili. Maingat niyang nilapat ang pinto at bumalik na sa sarili niyang silid.