![]() | ![]() |
Pagdating ko ng bahay, nahagip agad ng tingin ko ang hindi pamilyar na kotseng nakaparada sa garahe namin. Isang kalalabas lang na modelo ng puting Otsuji Supersonic Car. Katabi iyon ng kulay itim na kotse ni Ryu of the same brand and model. Nakita ko rin na nandoon din ang Harley Davidson nitong big bike pati ang bisikleta na ginagamit sa araw-araw sa pagpasok sa eskwela. Ibig sabihin nasa bahay na siya?
Pagpasok ko, nasagot ang aking katanungan. Nandoon na nga ang damuho. Magiliw na kausap nito ang bisita naming babae. At hindi lang basta-basta babae. Isang napakaganda at sopistikadang babae. Pero tantya ko hindi naman nalalayo sa amin ang edad niya. Sino kaya siya?
Nang makita nila ako, tumigil ang kanilang kuwentuhan. Si Mama ang unang bumati sa akin. Pinapalapit niya ako sa kanila.
“Nandiyan ka na pala, anak.”
Nagmano ako kay Mama at yumuko sa harap ni Otōsan. Yumuko rin ako nang bahagya sa babae bilang pagbati. Ganoon din ang ginawa niya sa akin. Hindi ko naman pinansin si Ryu na nasa tabi nito.
Si Otōsan ang nagpakilala sa akin sa kanya. Yukiko raw ang pangalan niya. Anak siya ng kaibigan ng pamilya nila. Dati siyang kaklase ni Ryu simula kinder hanggang junior high school. Nagkahiwalay lang daw ang dalawa nang mag-migrate sa America ang pamilya ng dalaga.
For sure hindi lang basta-basta kaibigan ng damuhong ito. Tingnan mo nga at nag-asal-tao siya dahil nandito ang babae.
Sumama nang kaunti ang loob ko habang pinagmamasdan ko sila nang lihim. Ngayon lang kasi pumalya si Ryu sa pagligtas sa akin sa kamay nila Keisuke. Kanina nang tambangan na naman ako sa jitensha okiba inasahan kong bigla na naman siyang susulpot. Pero ni anino niya’y hindi nagpakita. Buti na lang nandoon ang tatlong teammates niya.
“Since nandito na tayong lahat, halina kayo’t mag-dinner na tayo nang sabay-sabay,” imbita ni Mama sa amin. Tumayo na ito at nauna na sa kumedor. Ako nama’y nagpaalam na papanhik muna sa kuwarto para maihatid doon ang mga school things ko.
Nang mailapat ko na ang pintuan, napasandal ako roon. Bumuga ako ng hangin at inalala ang mga nagawang kabutihan ni Ryu sa akin nitong mga nakalipas na araw. Nahiya ako sa sarili nang maisip na binigyan ko iyon ng kahulugan. Masyado pala akong nag-assume. Binigyan ko ng kakaibang meaning ang mga halik sa rooftop na maaaring wala lang sa kanya. Marahil pati ang pagbigay niya ng gitara sa akin ay isang peace offering lamang at wala nang iba pa. Malamang! Kita mo nga na nakalimutan ka na agad niya nang dumating ang babaeng tunay na mahal.
Napapitlag ako nang tumunog ang intercom. Si Mama.
“Bumaba ka na, anak. Nakakahiya sa bisita. Pinaghihintay mo siya.”
Dali-dali akong nagsuklay at nag-ayos ng sarili sa salamin. Pinalitan ko ng blusang may mahabang manggas ang suut-suot ko para matakpan ang nangingitim nang bruises sa braso gawa ng pagpisil kanina roon ng hayop na Keisuke. Baka kasi usisain pa ako nila tungkol doon mamaya.
Nakaupo na sila paikot sa mesa nang dumating ako. Yumuko ako sa harap ng mga naghintay sa akin, tanda ng paghingi ko ng paumanhin. Naramdaman kong tinitigan ako ni Ryu, pero iniwasan kong matingin sa kanya kahit saglit lang.
Nagtanung-tanong sa akin si Yukiko kung kumusta naman ang pag-aaral ko sa Japan. Hindi raw ba ako nahihirapan?
“Hindi naman,” tipid kong sagot. Mukha siyang mabait pero hindi ako komportable sa kanya. Parang too good to be true ang kabaitan niya.
“Okay bang kaklase itong mokong na ito? O baka isa rin siya sa mga nagpapahirap sa iyo?” biro pa nito sabay sulyap kay Ryu sa tabi niya.
Mukhang close nga sila talaga para ganoon ang trato niya sa kumag. Parang tinutusok ang puso ko. Hindi ko maintindihan.
Pinilit ko ang sarili na maging magiliw din. Baka mapansin nila ang aking pananamlay. “Hindi naman,” sagot ko ulit.
Nagkuwento si Yukiko na salbahe raw talaga sa mga transferees ang mga kaklase niya, lalung-lalo na raw si Ryu.
“Teka. Masyado mo naman akong sinisiraan kay Mara,” natatawang awat ni Ryu. Inirapan siya kunwari ni Yukiko.
“Alam ko namang sa gaspang ng ugali mo, hindi na kita kailangang siraan pa. Sirang-sira ka na kay Mara, di ba?” biro pa nito kay Ryu. At tumingin siya sa akin for confirmation. Tipid na ngiti uli ang sagot ko habang pinagmamasdan ko ang harutan nilang dalawa.
“Ano ba iyan? Kararating mo lang nang-iinsulto ka na agad.” Si Ryu uli. Kakamot-kamot na ito sa ulo na tila bagang helpless, pero nakangiti ang mokong. Halatang nag-e-enjoy siya sa panunudyo ng dalaga.
Never siyang naging ganito sa akin. Palagi na lang ay binabara niya ako o di kaya’y iniinsulto. Pero dito sa babaeng ito masyado siyang sweet. Matanong ko nga mamaya kay Haruka kung sino itong Yukiko na ito.
Pagkatapos mag-dinner, saglit akong nakipagkuwentuhan sa kanila bago nagpaalam na aakyat ng kuwarto para mapalitan ang suot.
“Sige magbihis ka at sumama ka na rin sa amin ni Ryu. We plan to go bowling tapos magka-karaoke rin kami. Na-miss ko talaga ang bowling at karaoke dito sa Japan. Iba kasi kaysa doon sa States.”
Nabigla ako sa imbitasyon niya. Na-tempt akong umuo, pero naisip kong baka kalabisan ang presensiya ko kaya tumanggi na lamang ako. Dinahilan ko ang aaraling Kanji. Ano ako, chaperone? Huwag na.
Pagdating ko ng kuwarto, tinext ko agad si Haruka. Tinanong ko siya tungkol kay Yukiko. Imbes na mag-text back tumawag ito.
“Tamad kasi akong magtext,” nakatawang bungad nito sa akin.
“Kilala mo ba iyong Yukiko?” pangungulit ko.
“Oo naman. Kaklase namin iyan noong kinder hanggang junior high school. Mabait iyan. Bakit? Na-meet mo na ba siya? Special friend ni Ryu yan, eh. Close sila ever since.”
Special friend. Kaya pala...
“Special friend as in girlfriend?” panigurado ko.
“Parang ganoon na nga. Mag-best friend kasi ang mga iyan simula ng kinder kami. Tapos noong nag-chugakusei na kami, nagkadevelopan yata sila. Kaso umalis agad ang family nila Yuki-chan pagka-graduate namin sa junior high. Doon na sa States iyan nag-senior high.”
Hindi lang pala girlfriend. Best friend at girlfriend pa. Hay buhay. So ang ibig sabihin, hindi si Ryu ang sagot ng Jishu-Jinja sa akin. Akala ko pa naman siya na dahil ilang beses akong niligtas at ramdam kong may connection kami. Iyon pala, ilusyon ko lang iyon.
Nagkuwento pa si Haruka tungkol kay Yukiko. May-ari raw ng isang cosmetic company ang family nito at siya ang dahilan kung bakit naging endorser ng isang sikat na Japanese brand ng damit si Minami. Kaya ito rin marahil ang rason kung bakit siya lang ang bukod-tanging hindi inapi ni Minami kahit na naging GF siya ni Ryu noon.
Kung gano’n, wala na akong laban. Kung sa bagay, kahit hindi naman ito mayaman, sa ganda pa lang parang tagilid na ako roon. Sa height lang kami patas. Kung may lamang ako sa kanya, siguro boobs lang at mata. Medyo flat-chested kasi ito at typical Japanese girl ang mga mata—-singkit.
Hindi ako nakatulog nang gabing iyon. Ayaw ko mang isipin si Ryu, hindi siya maalis sa isipan ko. Ikinabalisa ko pa ang paglabas nila ni Yukiko. Pinapakiramdaman ko pa kung nakauwi na siya o ano. Bandang alas dos y medya na nang marinig ko ang pamilyar na tunog ng kotseng pinarada sa garahe. Siya na siguro iyon. Grabe. Halos inumaga na sila sa kaba-bonding. Napabuntong-hininga uli ako. I felt so helpless.
Kinaumagahan, ang aga kong nagising. Patang-pata man ang katawan sa puyat dahil sa kahihintay kay Ryu, pinilit kong magising nang maaga para hindi ko na siya makasabay sa pagpasok. Bahala na mamaya kay Keisuke. Iiwas na lang ako.
Hilong-hilo ako pagdating sa school. Isa kasi ako sa mga maagang dumating. Dahil wala pa masyadong tao, naidlip ako sandali sa desk ko. Nagising na lang ako nang maramdaman kong may yumuyugyog sa balikat ko. Si Haruka. Mag-uumpisa na raw kasi ang klase.
“Puyat ka ‘ata?” puna nito.
Na-disorient ako nang kaunti pero nang makita na si Tanaka-sensei sa harap ay biglang napaupo ako nang matuwid. As usual, hindi dumating si Ryu. Nadismaya ako, pero pilit kong pinasaya ang sarili. Hapon ko na nakita ang hunghang. Pumasok siya sa unang klase. Nangangalumata rin siya tulad ko. Halatang hindi nga rin nakatulog nang mabuti.
Pagdating ng uwian, kumaripas ako ng takbo sa jitenshi okiba. Nakahinga ako nang maluwag nang makitang intact ang bike ko. Dali-dali akong sumampa rito at nag-pedal palabas ng school. Hindi ko na hinintay si Ryu gaya ng napagkasunduan namin noong isang araw. Alam ko namang busy na siya kay Yukiko.
Dahil hindi ako ginambala ni Keisuke nang hapong iyon, kinuha ko ang earphones ng Ipod touch ko at nilagay sa tainga. Nakinig ako ng kanta ng Kattun. Binagalan ko nang kaunti ang pagba-bike para ma-feel ko ang pinapakinggang musika. Ini-imagine ko ang paborito kong aktor-singer na si Jin Akanishi habang pinapakinggan ang Your Side. Sobra akong nawili sa musika at sa aking pantasya kaya ganoon na lamang ang pagkabigla ko nang may humawak sa braso ko. Na-off balance ako’t natumba.
No’ng una natakot ako na baka si Keisuke iyon kaya lumukso sa tuwa ang puso ko nang makita ang mukha ni Ryu. Pero siyempre, kailangan kong magkunwari na galit sa kanya. Ayaw kong mahalata niya na labis kong ikinatuwa ang pagsabay niya sa akin ngayon.
“Bwisit ka! Papatayin mo ba ako sa nerbiyos?”
Parang nataranta ang mokong nang makitang nagasgasan ang braso’t hita ko. Ako ma’y medyo kinabahan nang makakita ng umaagos na dugo mula sa siko ko at tuhod. Pero hindi iyon ang iniyakan ko kundi ang nag-crack kong Ipod touch. May sentimental value sa akin iyon. Birthday gift iyon ni Mama, eh. At sa Pilipinas pa namin nabili.
“Mara, sorry,” paghingi nito ng paumanhin. It was so unlike him.
Bahala ka sa buhay mo! Tumayo ako at dahan-dahang sumampa uli sa bike. Dahil medyo masakit ang tuhod, bumagal na ang pagpe-pedal ko.
Sinabayan pa rin ako ng mokong kahit usad pagong na ako. Pero hindi ko siya pinapansin. Hindi naman siya namilit. Hindi na nga rin umimik.
Pagdating ng bahay, dumeretso agad ako sa kuwarto ko. Nakabuntot siya sa akin. Kumatok siya sa kuwarto ko. Hindi ko siya pinagbuksan. Nag-text siya sa akin. Mag-usap daw kami. Papalitan daw niya ang nasira kong Ipod touch ng mas bonggang iPAD at gagamutin daw niya ang sugat ko. Dinedma ko pa rin siya. Pero ang huli niyang text ay hindi ko natiis. Ang sabi kasi, “Bakit galit ka? Nagseselos ka ba?”
“Ang kapal ng mukha mo! Ba’t naman ako magseselos? At kanino?!”
Isang nakatawang emoticon ang sagot niya at sinabi pang, “Totoo pala’ng kutob ko. Kahapon ka pa ganyan, eh.”
Aba’t ina-assume nga na nagseselos ako. Bwisit!
“Hindi ako nagseselos. Kahit makipaglandian ka pa sa lahat ng babae sa buong mundo, wala akong pakialam!”
Nakatawang emoticon uli ang sagot niya tsaka peace sign.
Nang bumaba ako para mag-dinner, dalawa lang kami ni Mama ang nandoon. Nasa work pa raw si Otōsan at si Ryu naman daw ay lumabas kasama uli ni Yukiko. Nagkunwari akong unaffected. Pero hindi iyon nakalagpas sa obserbasyon ng aking ina. Nagtanong siya kung ano ang pinagsisintir ko. Dahil walang mahagilap na dahilan, tinuro ko ang sugat sa tuhod at gasgas sa legs na ikinagulat niya. Ano raw nangyari sa akin? Kinuwento ko ang ginawang panggugulat sa akin ni Ryu. At sinabing iyon ang dahilan kung bakit bwisit na bwisit ako sa kumag.
“Ikaw naman. Baka nilalambing ka lang no’n.”
Hindi na ako nakipagtalo pa kay Mama. Hahaba lang kasi ang usapan.
Naggigitara na ako nang may matanggap na text galing sa hindi ko kilalang number. Nang basahin ko ang text ganoon na lamang ang pagkayamot ko. Nakasulat sa ibaba no’n ang pangalang Yukiko. Hiningi raw niya kay Ryu ang number ko. Sana okay lang daw. Kinukumusta niya ang sugat ko sa tuhod. Pinagkukuwentuhan nila akong dalawa?! Baka pinagtatawanan nila ang pagka-assuming ko. Grrr.
Dinedma ko ang text, pero humirit pa rin si Yukiko.
“Kung wala kang ginagawa riyan, susunduin ka namin. Mag-karaoke naman tayong tatlo. I heard you sing very well.”
Nagtalo na ang puso’t isipan ko. Kung hindi ko siya sasagutin, baka iisipin nga nila na nagseselos ako. Nag-isip ako ng maaring isagot.
“Sorry. Nag-aaral pa kasi ako. Ang dami ko pang Kanji na dapat kabisaduhin. Next time na lang.”
“Sige, pangako iyan, ha? Next time na lang.”
Hindi na naman ako makatulog. Kahit anong bali-baliktad ko sa kama, no effect pa rin. Nagpasya akong magpahangin sa labas. Total naman alas onse pa lang, safe pa akong magpunta ng veranda. Sigurado kasi akong uumagahin na naman si Ryu lalo pa’t Biyernes na.
Tumingala ako sa langit. Ini-imagine ang buhay ko sa Pilipinas. Doon simple ang buhay pero wala akong pinoproblema. Sa maliit na bahay nga lang kami nakatira, pero may peace of mind naman. Dito kahit ang laki ng tirahan namin, hindi problema ang pagkain, at nakasasakay sa mamahaling sasakyan, lagi naman akong problemado.
“Mukhang ang lalim ng iniisip mo, ah,” anang pamilyar na boses sa likuran ko. Awtomatiko akong napalingon. Si Ryu! Ba’t ang aga nito?
“Ang aga mo yata,” sarkastiko kong salubong sa kanya.
“Akala ko ba marami kang pag-aaralang Kanji?”
Magkasama nga silang dalawa!
“Tapos na akong mag-aral. Lumabas lang ako para makalanghap ng sariwang hangin, pero ngayong bumantot na ito, papasok na ako.”
Hinablot niya ang braso ko.
“Bakit hindi mo ko tanungin kung ano’ng gusto mong itanong sa akin? Alam kong kahapon ka pa naiirita sa amin ni Yuki-chan.”
Yuki-chan! Samantalang ako never niyang natawag na Mara-chan.
“Wala akong pakialam sa inyong dalawa. Let me go.”
“Childhood friend ko siya, just in case you’re wondering, at dating girlfriend.” Pagkasabi niya ng panghuli tinitigan niya ako. Palagay ko, pinakiramdaman niya ang reaksyon ko kaya nagkunwari akong unaffected.
“Eh, ano naman sa akin?”
Ngumiti ito. “Alam kong nagseselos ka.”
“Hindi ako nagseselos! Hinding-hindi ako magseselos.”
“Bakit sobra kang defensive?”
Tiningnan ko siya nang masama. Saka hinila ko ang braso ko. At walang lingun-likod na bumalik na sa kuwarto.