image
image
image

CHAPTER SIXTEEN – WHITE GOWN

image

May inabot sa aking mabangong card ang mama ko pagdating ko ng bahay nang gabing iyon. Napakunot-noo ako. Liban kay Haruka wala naman akong ibang kaibigan dito sa Osaka para may magpadala pa ng isang party invitation. Binuksan ko ang card. Galing iyon kay Yukiko. Iniimbitahan akong dumalo sa welcome party niya sa Sabado.

“Wow, anak! I’m so excited for you. Talagang mabait na bata iyang Yukiko na iyan para maalala ka pa at imbitahin din sa party niya.”

Nasa likuran ko lang pala si Mama at nakiusyuso.

Dapat ba akong matuwa sa imbitasyon? Naiinis ako sa babaeng ito. Ang daming ginagawa ni Ryu para sa kanya na never na ginawa nito sa akin o kahit sa kanino mang babae.

“Ang mabuti pa maghanap na tayo ng dress mo bukas. Sabi nila marami raw magagandang damit sa Hankyu Department Store sa Umeda.”

“Ma, sobrang mahal doon. Branded clothes lang ang nandoon, eh.”

“Ano naman? Alangan namang bibili lang tayo sa Aeon Mall. Baka magmukha kang cheap. Siyempre kailangan mo ring makisabay sa kanila.”

Mangangatwiran pa sana ako kung bakit ayaw kong dumalo, pero hindi na niya ako pinakinggan. Mas excited pa siya kaysa sa akin. Kung sa bagay hindi ko naman siya masisisi. Nanay siya, eh. Siguro ganoon nga ang mga nanay. Gusto palagi na ‘in’ ang anak.

Kinabukasan, binanggit ko kay Haruka ang nasabing party. Namilog ang kanyang mga mata. Tuwang-tuwa siya. Invited din daw kasi siya. Actually, lahat silang magkaklase. Parang reunion party daw nila ito.

“Ibig sabihin nandoon din sila Minami at Keisuke?”

Natigilan saglit si Haruka bago tumango.

“Pero huwag kang mag-alala. Hindi naman sila ang host. For sure, hindi papayagan ni Yuki-chan na may mabastos sa bisita niya.”

Pati ba naman si Haruka puring-puri si Yukiko? Lahat na lang sila iisa ang sinasabi sa babaeng iyon. Kung sabagay mukha ngang mabait at sincere. Kaso nga lang hindi maalis sa isipan ko na siya ang dahilan ng first heartache ko. Kahit sabihin pa ni Ryu na ex na niya ito, hindi ko pa rin maiwasang hindi maniwala. Kung ex niya lang ito bakit sobra silang sweet? Pati kotse halos identical? Tsaka kahit may klase kinaumagahan, takbo agad si Ryu sa kung saan nito gustong mamasyal. At inuumaga na sila palagi ng uwi. Alam na alam ko iyan dahil pinapakiramdaman ko ang uwi ni Ryu simula nang dumating ang babaeng iyon.

Nang araw ng party, sabay kaming pumunta ni Haruka sa venue. Tama lang ang dating namin sa Hilton Plaza Hotel sa Umeda. No’n pa lang kasi nagsidatingan ang mga bisita ni Yukiko. Puro mga kaedad namin ang dumalo. Mga dating kaklase at kaibigan daw ni Yukiko sa Osaka. Nakita ko agad ang grupo nila Minami. Ang ganda ng bruha. Lutang na lutang ang beauty niya dahil sobrang tangkad niya. Pero natuwa ako nang mahagip ng tingin ang bandang dibdib niya. Doon lang yata siya nakulangan. At doon naman ako lumamang sa kanya. Napangiti tuloy ako.

Lumapit si Minami sa amin. Napahawak ako sa kamay ni Haruka.

“Oh my God. Bakit ka nandito?” salubong niya sa akin.

“Imbitado rin ako rito,” pormal kong sagot. Nagpigil magalit.

Nagkunwaring nabigla ang bruha. “Akala ko ba strictly classmates and friends lang ito ni Yuki-chan? Bakit may asungot like you here?”

“Huwag mo siyang pansinin,” bulong sa akin ni Haruka. Hindi ko nga siya pinansin. Pero sadyang naghahanap talaga ng gulo ang bruha dahil hinablot niya ang braso ko at pinamukha sa akin na hindi ako nababagay sa party. Nagtawag pa ito ng guwardiya para paalisin ako sa venue.

“Minami,” mahinang saway ni Haruka.

“Isa ka pa! Wala ka nang ginawa kundi kampihan ang babaeng ito!”

Natahimik si Haruka. Binalingan ako ni Minami at ininsulto pa.

“Napaka-social climber mo talaga! Who invited you here, anyway?”

“I did,” nakangiting sagot ni Yukiko sa likuran. Niyakap niya ako at hinalikan sa pisngi. Napatanga si Minami.

“I’m very happy na pinaunlakan mo ako, Mara. And you look so lovely in that gown,” nakangiti pa nitong sabi sabay turo sa blue gown ko.

“Salamat, Yukiko,” nahihiya kong sagot. Gusto kong belatan ang bruha nang mga oras na iyon, pero nagpigil ako.

“Oh, is that you, Haru-chan? Ang ganda mo na ngayon, ah. Most improved ka.” Niyakap din nito si Haruka. Ngingiti-ngiti rin ang BFF ko.

Niyaya kami ni Yukiko sa loob. Sinenyasan din niya si Minami na sumunod sa amin. Nakabusangot na ang pagmumukha nito.

Pinakilala ako ni Yukiko sa isang grupo ng mga bisita niya tsaka sa iba pang nandoon na nadaanan namin. Magkakilala na pala sila lahat. Ako lang ang natatanging bago sa grupo. Lahat kasi sila ay may koneksyon na noon pa kay Yukiko dahil mga kaklase sila’t schoolmate nito noon.

Nang pumagitna si Yukiko para umpisahan na ang party niya, nagpalinga-linga ako. Hinanap ko si Ryu sa crowd, pero mas nauna ko pang nakita si Keisuke. Nasaan kaya ang damuhong iyon?

Natigil ang lahat sa pagkukuwentuhan nang magsalita na si Yukiko. Mayamaya pa, tumingin-tingin ito sa paligid. Parang may hinahanap. Tapos nakita ko ang pagsilay ng ngiti sa kanyang mga labi. Napalingon tuloy ako sa direksyon kung saan siya nakatingin. Nakita ko si Ryu. Ang guwapo ng kumag sa suot na suit. Kakaiba ang aura niya. Nagmukha siyang prinsipe at hindi gangster tulad ng nakasanayan niyang look.

“Nais kong ipakilala sa inyo ang mga taong may espesyal na puwang sa aking puso,” nakangiting sabi ni Yukiko. Inunat nito ang isang kamay sa direksyon ng paparating na si Ryu. Humalik sa pisngi niya ang damuho. Parang tinusok naman ang puso ko nang makita iyon. Kung ganoon hindi lang siya ex. Mas higit pa roon! Sana hindi na lang ako dumalo.

“Hoy, tinatawag ka!” At siniko ako ni Haruka.

“H-Ha?” Napatingin ako sa direksyon ni Yukiko na parang nalilito. Sinenyasan akong pumunta rin sa gitna. Bakit? 

Kahit na hindi labis na nauunawaan ang mga nangyayari sa paligid, napilitan akong lumapit sa kanya. Pinagitnaan namin siya ni Ryu. Niyakap niya kami pareho sa harap ng lahat at pinabigyan ng drinks. Narinig kong nagpalakpakan ang mga bisita niya, pero hindi ko pa rin nauunawaan kung bakit nandoon din ako. Sinabihan niya ang lahat na itaas ang kani-kanilang inumin. Ganoon din ang ginawa namin ni Ryu.

“To the future, kampai!” sigaw niya.

Nagbigay agad siya ng hudyat na magsisimula na ang sayawan. Isang kambat lang niya, nag-umpisa nang tumugtog ang banda. Isinayaw siya ni Ryu. Napaatras na lang ako para bigyan sila ng puwang. Lumapit ako kay Haruka at iniwasan ko silang tingnan. Parang dinudurog kasi ang puso ko.

Mayamaya pa ay hinatid niya si Ryu sa akin. Nataranta naman ako. Pinapasayaw niya kami ni Ryu? Bakit?

Seryoso ang mukha ng damuho. Hindi ko alam kung ano ang nasa isipan niya at hindi ko kayang titigan din siya sa mukha gaya ng ginagawa niya sa akin. Ramdam ko ang daloy ng malakas na kuryente sa buo kong katawan nang hapitin niya ako palapit sa kanya. Naitulak ko siya nang bahagya dahil doon. Napangiti naman ang mokong sa ginawa ko.

“Kahit kailan, ang arte mo. Kunwari ka pa, gusto mo rin ito, eh.”

Inirapan ko siya. “Kahit kailan, hambog ka,” sabi ko naman.

“Hindi ko sukat akalain na kayang mag-transform ng isang baliw na tulad mo sa isang napakahinhin na dalaga sa isang gabi lang,” bulong uli niya sa akin. Nakiliti ako sa init ng kanyang hininga sa tainga ko. Pinigilan ko ang sariling makilig. Iniisip ko na lang na taken na siya kaya hindi ako dapat mag-iinarte pa sa kanya. Nang mag-sink in ang mga sinabi niya sa akin, napakunot-noo ako. Umasim pa ang mukha ko. Ano ba iyon, insulto o papuri? Gumanti ako.

“Ikaw nga rin, eh. Hindi ko rin sukat akalain na ang isang gangster na tulad mo ay pwede rin palang magmukhang kagalang-galang.”

Napangisi ito lalo pa sa salitang ‘gangster’.

“Oo naman, bakit hindi?”

Sa kaiikot namin, nahagip ng tingin ko sina Minami at Keisuke na sumasayaw din. Nagtama ang paningin namin ni Keisuke. Parang nakitaan ko ang mga mata nito ng paghanga sa akin nang kung ilang segundo bago niya ako tiningnan nang masama. Parang nagbabanta na naman. Hindi ako nagpaapekto. Una, alam kong hindi ako pababayaan ni Ryu. Pangalawa, sa pinakita kanina ni Yukiko kay Minami mukhang ipagtatanggol din niya ako sa sino mang mambastos sa akin sa party niya. Pangatlo, maraming tao sa paligid. At sabi nga ni Ryu, duwag si Keisuke kung maraming tao.

Nang magpalit ng musika, nagpaalam ako kay Ryu na pupunta muna ng tearai para mag-freshen up. Feeling ko kasi humuhulas na ang mukha ko sa tensyon sa pakikipagsayaw sa kanya. Kanina pa ako pinapawisan.

Bago ako nakarating sa CR, may nagmamadaling nakipagsiksikan sa akin sa hallway at naitulak ako sa sementadong dingding. Tumama ang likod ko doon tsaka naramdaman ko na lang ang likidong dumaloy mula sa mukha ko papunta sa suot kong gown. Nagkaroon ng pulang marka ang bandang dibdib ng trahe. Na-shocked ako. Hindi agad ako nakapag-react.

“Minami!” narinig kong naibulalas ni Yukiko. Kakagaling nito sa washroom at mukhang nakita niya ang lahat ng pangyayari. Tinapunan niya ng masamang tingin si Minami.

Teka, ang bruha ba ang may kagagawan nito?

No’n ko lang siya napansin. Wala nang laman ang hawak-hawak niyang kopita at nakatingin na sa akin na tila nagbubunyi. Gusto ko siyang sabunutan, pero nagpigil ako dahil pumagitna na sa amin si Yukiko.

“You haven’t changed a bit, Minami. I’m so disappointed in you.”

“H-Hindi ko sinasadya, Yuki-chan,” sagot naman ng bruha. 

“I’ve seen them all,” mahinang sagot ni Yukiko, mukhang nairita.

“Let’s go to my room, Mara. I think my dala akong spare gown doon. Magkasing-sukat lang naman siguro tayo.” At inakay na niya ako sa hotel room nito. Naiwang galit na galit ang maldita. Nakita ko kung papaano parang nilamukos ang mukha nito. Ngumiti ako sa kanya. Inirita siya lalo.

Napaawang ang labi ko nang matapos akong bihisan ni Yukiko. Grabe! Ako ba ito talaga? Ang ganda ko!

Kulay puti ang binigay niya sa aking gown. May accent na pink laso sa baywang ang naturang trahe. Maluwang ito mula waistline hanggang sakong pero ang bodice nito’y medyo masikip at may kababaan ang ukab. Litaw ang cleavage ko. Mukha akong pinaghalong anghel at seductress sa suot. Tuwang-tuwa sa transformation ko si Yukiko.

Pinalitan din niya ang sapatos ko ng isang five-inch stilleto at inayos pa ang buhok ko. Tinaas niya ito in a neat chignon na may ilang strands na nakalawit. Pinahiram din niya ako ng matching pearl earrings.

Sabay na kaming bumalik sa bulwagan. Nagtinginan sa direksyon namin ang mga nandoon nang pumasok na kami. Ang lagkit ng tingin sa akin ng mga kalalakihan. Nakita ko pang napalunok si Ryu nang makita akong muli. Pati nga si Keisuke. Pinandilatan tuloy ito ni Minami.

“Anong gimik ‘to? Ba’t ka nagpalit ng gown?” tanong agad ni Ryu.

“Natapunan iyon ng drinks kanina nang papunta akong CR. Wala akong choice kundi magpalit ng suot.”

“Do you like her new look, Ryu? Ako ang nag-ayos niyan.”

He just rolled his eyes. Natawa tuloy ang dalaga. Hinampas nito si Ryu at sinabihang huwag na raw itong magkunwari.

Niyaya ni Ryu na sumayaw si Yukiko kung kaya naiwan ako sa tabi. Nilapitan tuloy ako ni Keisuke at niyaya ring sumayaw. Hindi ko sana siya pauunlakan, pero nagpumilit. Pinagbigyan ko na lang dahil baka gumawa pa ito ng eksena na ikapahiya namin pareho.

“I have to admit, you have transformed into a beautiful swan tonight. Teka, okay lang ba sa iyo na may iba pang espesyal na babae ang magaling mong nobyo?” bulong nito sa akin.

Hindi ako umimik. Hinigpitan niya ang paghawak sa baywang ko.

“Suplada ka kaya minsan naisip ko, paano ka kaya in bed? I would love to find that out.” At tumingin pa siya sa may bandang dibdib ko.

“Stick with your girl, Keisuke,” bigla na lang ay sabi ni Ryu sa likuran namin. “Hayun siya, o. Kawawa naman siya at walang nakikipagsayaw.”

Hindi na nakipagtalo pa si Keisuke kay Ryu. Kaagad itong lumapit kay Minami na sa mga sandaling iyon ay hindi na maipinta ang mukha.

“Kasi dapat hindi ka na nagpalit ng damit. Nakakapag-isip tuloy ng hindi maganda ang mga lalaking nandito.”

“Sabi naman ni Yukiko okay lang ang suot ko. Hindi naman mahalay.”

“Hindi nga, pero takaw-pansin. Tingnan mo nga pati si Keisuke na sukang-suka sa iyo may kung ano pang naisip.”

“Sabi mo halos lahat ng guys na nandito nakakapag-isip ng hindi maganda—-so ang ibig bang sabihin niyan, pati ikaw?” hamon ko.

Nakakalokong ngiti ang sagot niya sa akin. Tinitigan niya ako at nagtagal ang titig niyang iyon sa bandang dibdib ko.

“Ano ba?!” At hinampas ko siya nang bahagya sa balikat.

“Ikaw ang nagpasimula niyan.”

Inirapan ko siya.