image
image
image

CHAPTER SEVENTEEN - MANSION

image

Tuwang-tuwa ako nang ibalita sa akin ni Kōchō-sensei na cleared na raw sa kaso niya si Ryu. At pinagpasalamat niya iyon sa akin. Kung hindi raw sa paglakas-loob ko noon ay hindi mahuhuli ang talagang may kasalanan. Suspended si Keisuke for a month at hindi siya makakasali sa interschool swimming competition na gaganapin nang linggong iyon.

Halos hindi makapaniwala ang lahat nang malaman na si Keisuke at ang kaibigan nitong si Hiroto ang nag-frame up kay Ryu. Nasangkot pa ang isa nilang kohai (junior or younger than them) na si Naoki. Ito ang pinagnakaw nila ng school ID ni Ryu na ginawang katibayan para masangkot ito sa kaso. Sinadyang iniwan nila ang naturang ID sa Suita tunnel kung saan nila binugbog ang mga junior high school students at hinoldap ang mga ojisan at obaasan.

Ang laki ng pasasalamat sa akin ni Otōsan. Nabunutan siya ng tinik. At least, wala na siyang problema sa pag-aaral ni Ryu. Makaka-graduate na rin ito ng walang sagabal. Importante kasi na magtapos ito sa takdang oras dahil magsisimula na ito sa on-the-job-training niya sa kompanya nila na pamumunuan nito balang araw. Ang usapan daw kasi ng magtiyo, right after graduation, mag-o-OJT na si Ryu roon. Pagsasabayin nito ang pagka-college at pagtatrabaho sa kompanya.

Si Ryu lang ang parang hindi naka-appreciate sa ginawa ko. Sobra akong naasar. And to think na halos tinaya ko pa ang buhay ko para lang siya matulungan. Inggrato talaga. Kung sa bagay ano ba naman ang mae-expect ko sa mokong na iyon? Kailan niya ba na-appreciate ang efforts ko?

“Sinabi ko naman sa iyo noon pa na hayaan mo ako sa diskarte ko. Lagi mo kong pinangungunahan.”

“May nangyari ba sa diskarte mo?” naiinis kong tanong sa kanya.

Naningkit ang mga mata nito nang tumingin na sa akin.

“Wala ka nang pakialam doon. Buhay ko naman ito, eh.”

“Oo buhay mo, pero hindi lang naman ikaw ang apektado kung natuloy ang expulsion mo. Hindi mo ba alam na worried si Otōsan sa iyo?”

Ngumiti siya nang mapakla.

“For sure hindi naman sa akin talaga worried iyon. Nag-aalala lang siya na ma-delay ang OJT ko sa kompanya.”

“Feeling ko parang gusto mo ngang ma-expel para ma-delay nga ang OJT mo. Ganoo ba iyon?” hamon ko.

Hindi siya agad nakasagot. Ganoon nga!

“Buong buhay ko wala akong freedom,” malungkot nitong sabi bigla. “Nakaplano na ang gagawin ko in the future. Wala na akong choice.”

Ano ba ang drama nito at biglang nag-confess?

“Hindi ba dapat magpasalamat ka dahil siguradong hindi ka jobless after graduation? Aba, maraming magpapakamatay para lang sila ang mapunta sa sitwasyon mo ngayon. Ano ba ang ayaw mo?”

“Kung ikaw ang nasa katayuan ko, gugustuhin mo bang gawin ang isang bagay kahit hindi mo naman gusto?”

“So ayaw mong mamuno sa kompanya n’yo?”

Hindi na naman siya nakasagot agad. Nakatingin lang siya sa malayo.

“I hate my dad. Sila ng mama ko. Ba’t nila ako iniwan? Disin sana’y may choice naman ako kung ano’ng gagawin ko in the future.”

Si Ryu nga ba itong naririnig ko? Parang nanibago ako nang kaunti. For the first time, nagkaroon ako ng kaunting ideya sa nakaraan niya. Walang naikuwento sa amin si Otōsan tungkol sa parents niya maliban sa nag-suicide daw ang mama niya, ang nakababatang kapatid ng stepfather ko. Tapos ang dad daw niya ay bigla na lang naglahong parang bula.

Hindi ako umimik. Hinintay kong siya ang kusang mag-share pa ng impormasyon tungkol sa parents niya, pero hindi na ito nagsalita pa.

“Alam ba ni Otōsan na ayaw mong mamuno ng kompanya n’yo?”

“Wala rin namang saysay. Unfair din naman sa kanya na forever na siya ang pumasan ng responsibilidad sa pamumuno ng kompanya na iniwan ng mga magulang ko. Dapat lang talaga na saluhin ko na ito in the near future. Kaso nga lang that means I have to give up my dream.”

At nakita ko siyang sobrang nalungkot dito.

“Bakit ano ba ang gusto mo?”

“Hindi pa ba obvious sa iyo?” asik niya sa akin.

“Kung obvious ba’t pa ako magtatanong?” pamimilosopo ko.

Tinitigan niya ako na parang naiinis. Tapos sumagot ng, “...to be a professional baseball player o di kaya singer.”

Noon ko na naunawaan ang pinagsisintir niya. Kung sa bagay, may katwiran siya. Magaling kasi siyang pitcher tsaka maganda pa ang boses.

“But I can’t give up the company. I have to keep it. We have to keep it going dahil maraming pamilya ang nakadepende roon.”

Sa mga oras na iyon, nagbago ang tingin ko kay Ryu. Inakala ko all along na isa itong happy-go-lucky guy na walang pakialam sa mundo kundi ang mag-good time. Noon ko lang nakita ang ganoong side ng personality niya. Hindi ako nakapagsalita. Lalo ko siyang hinangaan.

“Hintayin mo ko mamaya sa uwian. For sure, babalikan ka nila Keisuke sa ginawa mong ito.” Pagkasabi no’n bumaba na siya ng rooftop.

Isang nangigigil na Minami ang nakasalubong ko sa hallway nang bumalik na ako ng classroom para sa last period. Mukhang hindi pa ito naka-move on sa nangyari sa party. Galit daw ito dahil pinakilala ako ni Yukiko na espesyal na kaibigan sa lahat ng mga bisita at sa pagsayaw sa akin ni Keisuke sa party. Naisip kong papatayin na ako nito kapag nalaman nitong may malaking parte ako sa pagkakasuspinde sa bino-boyfriend niya. Mabuti na lang at mukhang wala pa siyang kaalam-alam doon.

Pinaringgan nila akong magkaibigan. Kesyo maharot daw ako at malandi kung kaya naa-attract na parang bubuyog sa bulaklak ang mga kalalakihan. Manang-mana daw ako sa nanay kong haliparot.

Napatiim-bagang ako nang marinig ang pang-iinsulto sa mama ko pero nagpigil pa rin ako lalo pa’t sinenyasan ako ni Haruka sa hindi kalayuan na huwag na silang patulan dahil parating na ang guro namin.

Pagkatapos ng last period namin ng hapong iyon, dumeretso na ako sa baseball field. Pinuntahan ko roon si Ryu. Patapos na rin ang praktis ng team at nakita ko ang mga kasamahan niyang papunta na sa locker nila. Kaso hindi ko namataan si Ryu. Nagpalinga-linga ako. Wala ang kumag.

Pambihira. Ang sabi niya hintayin ko raw siya. Mukhang nauna na naman siya sa akin. Tiningnan ko ang bisikleta niya sa jitensha okiba. Wala na rin doon. Kinabahan na ako. Kung nauna na siya paano na ako later kapag binalikan ako nila Keisuke?

Dali-dali kong hinanap ang bike ko. Buti at hindi naman ito nagalaw. Kinuha ko na ito at nilagay na ang mga gamit sa basket sa harap.

“Well, well, well. Kung sinusuwerte ka nga naman, oo.”

Napapitlag ako nang marinig ang pamilyar na boses sa likuran. Si Keisuke! At kasama niya si Hiroto! Nakatingin sila nang masama sa akin. Si Hiroto ang unang lumapit. Dali-dali akong sumakay sa bike ko at iniwasan ko sila. Sumakay din sila sa kani-kanilang bike at hinabol ako. Binilisan ko ang pagpepedal.

Sa kalilingon ko sa kanila, hindi ko napansin ang nakaharang na sign na nagsasabing bawal tumawid. Sumemplang ako at nahulog sa bisikleta. Ang lakas ng tawa ng dalawa. Napapikit ako. Tiyak wala na akong kawala sa mga ito. Napausal ako ng maikling dasal. Dumilat ako dahil hindi sila lumapit. Sa halip may kotseng tumigil sa gilid ko. Nang tingnan ko ito ay nakita ko si Yukikong bumababa mula roon.

“Nasaktan ka ba, Mara-chan?” tanong nito. Tinulungan pa niya akong makabangon. Siya pa ang nagpagpag ng dumi sa palda ko.

“Salamat,” sagot ko sa mahinang tinig. Dinukot niya ang cell phone sa Gucci purse niya at may tinawagan. Pinapakuha niya ang bisikleta ko sa driver niya. Nangunot ang noo ko.

“Iwan na lang natin iyan diyan. Kukunin iyan ni Mr. Sato mamaya. ‘Lika na at sumabay ka na sa amin.”

Sa amin? Lalo akong nalito.

Binuksan niya ang backseat ng Otsuji Supersonic car niya. Doon daw ako para may space kung gusto kong iunat ang mga tuhod ko. Binigyan din niya ako ng tissue na pamunas dito saka panyo na pantali sa sugat.

Nang mapagsino ko kung sino sa manibela, awtomatiko akong nagalit. Ang hayop na Ryu! Kaya pala hindi na naman ako sinipot! Magkasama na naman pala sila. Hindi na ako nang-usisa pa. Klaro na sa akin ang lahat. Pinilit ko ang sarili na magmukhang kalmado.

“Hinanap ka namin kanina sa jitensha-okiba, wala ka na pati ang bike mo. Nauna ka na pala. Hindi ko alam na malaki pala ang galit ng Keisuke na iyon sa iyo. Na-invite ko pa sa party ko. You should have told me.”

Tingin ko hindi nararamdaman ni Yukiko ang tensyon sa amin ni Ryu.

“Naikuwento na pala sa akin ni Ryu ang lahat. Hayaan mo, hindi ka na gagambalain no’n. I’ll make sure of that.”

Napatingin ako kay Yukiko na tila nagtatanong kung paano niya iyon malulunasan gayong wala ngang nagawa si Ryu tungkol doon.

“I hate to admit it but he’s my cousin. Younger brother ng dad ko ang daddy niya. Hamo’t isusumbong ko siya kay Uncle.”

Magpinsan sila? Kaya ba kahit magkagalit hindi pa rin makuha ni Ryu na seryosohin ang paghihigante rito? Si Yukiko ang dahilan? Gano’n ba iyon? Lalo akong nakaramdam ng di maipapaliwanag na paninibugho.

Tahimik lang si Ryu habang nagmamaneho. Minsan ay napapasulyap siya sa akin. Hindi ko alam kung ano ang iniisip niya at wala na akong pakialam doon! Bwisit siya!

Dinala nila ako sa mansion (condo unit) ni Yukiko. Doon daw muna ako dahil mas malapit. Mas maiging magamot daw agad ang mga sugat ko.

Nang nasa loob na hindi ko naiwasang mag-isip ng kung anu-ano. Ang sabi ni Yukiko siya lang ang nagbakasyon from the States. Wala siyang kasama sa unit nito. Ibig bang sabihin kapag nagba-bonding sila ni Ryu dito sila sa mansion na ito nagbababad?

Kung dati may kaunti pa akong natitirang pag-asa sa aming dalawa ni Ryu, ngayon ay natunaw na. Sapat na ang mga nakita ko. Imposible namang walang namagitan sa kanilang dalawa gayong at home na at home si Ryu sa mansion. Ibig sabihin, sanay na sanay na ito roon.

Si Yukiko ang gumamot sa mga sugat ko. Pagkatapos ay ipinagluto pa ako ng corn soup para kahit papaano raw ay mainitan naman ang aking sikmura. Tumutulung-tulong sa kanya sa kitchen si Ryu. Dahil wala namang partition ang kusina niya at ang living room, kitang-kita ko ang magandang rapport nilang dalawa. Naiiyak na naman ako.

Pagkatapos kumain, nagyaya na akong umuwi. Tumutol pa sana si Yukiko. Okay lang daw ba na doon na muna ako? Magkuwentuhan pa raw kami. Umiling na ako. Sinabi ko na baka nag-aalala na si Mama. Nagsabi naman siya na kung okay lang daw sa akin, tatawagan niya ito. Hindi ako pumayag. Parang nasaktan siya. Pero masyado na akong affected sa sarili kong damdamin para intindihin ko pa iyon.

“I hope you are not jealous of me,” nakangiti niyang sabi sa akin. Medyo nahihiya. Tumingin pa ito kay Ryu pagkasabi no’n. Hindi ko alam kung ano ang naging reaksyon doon ni Ryu dahil nakatalikod ako sa kanya.

Umiling ako agad. Siyempre, deny to death ako.

“Ba’t naman ako magseselos? Wala naman akong gusto sa kumag na iyan. Actually, sana—-si—-K-Keisuke ang gusto ko.”

Sinadya ko talagang iparinig iyon kay Ryu. Wala na akong magagawa. Kailangan ko ring i-save ang pride ko.

Napatingin na naman si Yukiko sa direksiyon ng mokong.

“Gano’n ba? Akala ko pa naman may gusto ka rin kay Ryu.”

Sinulyapan na naman nito si Ryu sa likuran ko.

Rin? Confirmed! Ibig sabihin, tinatantiya niya lang ako. Dahil may gusto ‘rin’ siya kay Ryu. Bwisit siya! Gusto ko siyang sabunutan.

“Kung anu-ano’ng pinagsasabi mo riyan. Halika na at ihatid na natin iyan. Nagmamadali nang umuwi, eh,” parang naaasar na sabad ni Ryu.

Dinampot nito ang leather jacket sa coach at nauna na sa amin sa pintuan. Nalambungan ng kalungkutan ang masayahing mukha ni Yukiko. Napahinga muna ito nang malalim bago tumayo na rin.

“Maraming salamat sa lahat ng kabutihan mo,” sabi ko na lang kahit na ang totoo niyan hindi pa ako naka-recover sa realisasyon na magkaribal kami kay Ryu. Inisip ko na lang na may pag-asa nang maging tahimik ang buhay ko dahil gagawan niya ng paraan ang alitan namin ni Keisuke.

“Wala iyon.” Ngumiti na siya. Bumalik na naman ang sigla niya.

Pagdating namin sa ibaba, nasa loob na ng sasakyan ni Yukiko si Ryu at sambakol na ang pagmumukha nito. Ni hindi na nga ito makausap nang maayos ni Yukiko. Hindi na rin ako nagtangka pang makisali sa usapan. Kung galit siya sa hindi maipaliwanag na dahilan, pwes ako sobrang imbyerna rin sa kanya. Paasa!