image
image
image

CHAPTER EIGHTEEN – PICTURE FRAME

image

True to what she said, parang nagawa ngang pigilan ni Yukiko si Keisuke sa pangha-harass sa akin. Mga isang linggo ring tahimik ang buhay ko. Utak ko lang ang magulo. Hindi mawala sa isipan ko ang imaheng nasaksihan ko sa mansion. Tingin ko mahal na mahal nga siya ni Ryu.

Habang tumatagal, napapansin ko ring unti-unting nahuhulog ang loob ko sa kabaitan ni Yukiko sa akin. Ibang klase siyang babae. Sa kabila ng antas niya sa pamumuhay ay may puso siya para sa lahat ng uri ng tao. Hindi siya tumitingin sa estado ninuman. Kaya siya siguro nagustuhan ni Ryu. Iba siya sa lahat ng mga mayayamang girls na nakilala ko sa Sakura Senior High School. Ganunpaman, it doesn’t change the fact na siya ang dahilan kung bakit nagdurusa ako ngayon. Buong akala ko pa naman may something na kami ni Ryu. Iyon pala akala ko lang.

Kampante na akong maglakad mag-isa sa school kahit hapon na. Suspended pa rin kasi sina Keisuke at Hiroto. Hindi ko alam kung matutuloy ito sa expulsion. Depende rin siguro sa mga reklamong ihahain ng mga biktima. Tsaka mayaman ang pamilya nila. At dinig ko, unlike Otōsan, sanay sa panunuhol ang ama nilang dalawa kaya baka aregluhin lang din ng mga ito ang mga nabiktima nila.

Kinuha ko na ang bike sa pinag-iwanan ko. Hindi ko na hihintayin pa si Ryu. Malamang na kay Yukiko na naman ito. Bago ako sumampa, tinaas ko muna ang buhok ko, inikot-ikot ng ilang beses at tinalian. Hayan, wala nang sagabal sa mga mata ko kahit na mahangin.

Nakalabas na ako ng gate nang bigla kong maramdamang may humablot sa buhok ko. Tanggal ang tali nito at sumabog pa ito sa mukha ko. Napagewang-gewang ang bike ko. Muntik na naman akong matumba dahil sa kabiglaanan.

“Mas okay ka tingnan kapag hindi nakatali ang buhok mo.”

Nakangisi ang sira-ulong Ryu habang winawagayway sa harapan ko ang kinuhang tali. Bumilis ang tibok ng puso ko.

“Muntik mo na naman akong madisgrasya, bwisit ka!”

Napangisi lalo ang kumag at binilisan pa ang pagpedal. Hinabol ko siya. Tila nag-e-enjoy ang damuhong magpahabol sa akin.

“Akin na ang pantali ko!” At sinubukan kong agawin ito sa kamay niya. Iniwas ng mokong. Napasimangot ako. Ano na naman ba ang drama nya? Wala ba silang lakad ni Yukiko ngayon? Bakit nandito siya ngayon?

Nang tingin ko’y hindi nga niya ibabalik ang pantali ko sa buhok, hindi na ako nagpumilit pa. Hinayaan ko na lang siya. Alam ko namang gusto lang niya akong inisin. Pwes, hindi niya makukuha iyon ngayon.

Sinadya kong bagalan ang pagbibisikleta. Nilingon niya ako.

“Ano ba? Mas mabilis pa sa iyo ang kinder.”

Hindi ako sumagot. Lalandi-landiin mo ako, may iba ka naman palang gusto? Hindi na ako padadala sa mga kalandian mo!

Binagalan din niya ang pagbibisikleta. Parang hinintay talaga ako. Nang halos pantay na kami, tumingin ito sa akin. Inirapan ko siya.

“Ano ba’ng problema mo?” tanong niya sa akin.

Magtatanong ka pa?

“Wala,” pakli ko habang hinahawi ang iilang hibla ng buhok na tumabing sa mga mata ko.

Initsa nito sa basket ng bike ko ang pantali ko sa buhok.

“Ayan na. Pero huwag mo nang gamitin. Mas maganda ka tingnan kapag ganyang sumasabog ang buhok mo.” At ngumiti pa ito.

Aba, ano ang nakain ng damuhong ito at panay ang ngiti sa akin? At sinabihan pa akong, maganda? Himala ‘ata.

Hindi ako sumagot kaya napatingin na naman siya sa akin.

“Mukhang bugnutin ka these days. Mayro’n ka ba?”

Medyo pinamulahan ako sa implikasyon ng sinabi niya. Parang nahihiya ako na isipin niyang I’m on my period. Ewan ko ba.

“Paano ako maging good mood nandito ka?”

“Ah, oo nga pala. Sabi mo nga si Keisuke ang gusto mo, eh. Kahit sinasaktan ka na ng lalaking iyon, siya pa rin ang gusto mo. Kung sa bagay, ganyan naman kayong mga babae, di ba?”

Napakunot-noo ako. Naniniwala siya na gusto ko pa rin si Keisuke? Sasalungatin ko sana iyon kaso naisip ko rin na mainam nang iniisip niya na gusto ko pa rin si Keisuke nang sa gayon ay hindi na niya isipin na nahuhulog na ang loob ko sa kanya at sobra akong nagseselos sa kanila ni Yukiko. Nakakahiya kasi.

“Ano’ng pakialam mo?” At binilisan ko na ang pagbibisikleta para maiwan siya. Pero nang sulyapan ko siya nang sinabi ko iyon, nakita ko na medyo nalambungan ng lungkot ang mukha niya.

Humabol siya sa akin. Sinabayan niya ako. Hindi na siya nagsalita pa. Maayos kaming nakarating ng bahay. Dumeretso agad ako sa kuwarto ko samantalang siya nama’y pumunta sa kung saan naka-park ang big bike niya. Mayamaya nga’y narinig ko ang tunog ng papaalis na motor. For sure, kay Yukiko na naman pupunta iyon! Nakakaasar!

Hindi na naman ako dinalaw ng antok nang gabing iyon. What’s worse, wala rin ang mama ko sa bahay dahil sinamahan daw si Otōsan na dumalo sa wedding anniversary ng isang major stockholder nila. Wala akong makausap. I’ve never felt so alone. Nakakalungkot.

Bumaba ako ng bahay at kumuha ng fresh milk sa kitchen sakaling makatulong iyon. Nang buksan ko ang refrigerator namin, nahagip ng tingin ko ang ilang hiwa ng blueberry cheesecake na natira namin noong isang araw. Kumuha ako ng isa. Nasarapan ako kung kaya nilantakan ko na ang isa pa. Dinidilaan ko na ang ilang daliri ko nang maramdaman kong hindi ako nag-iisa. Awtomatiko akong kinabahan. Napahawak pa ako sa dibdib, pero si Ryu lang pala ang istorbo.

“Sa susunod, magparamdam ka naman kung nariyan ka na! Ba’t ka nanggugulat? Nakakaasar ka,” naiinis kong salubong sa kanya.

Hindi niya ako sinagot. Lumapit siya sa akin. Seryoso ang mukha. Nagtaka naman ako. Ano ba’ng nangyayari sa damuhong ito? Mukhang nasapian, ‘ata. Bigla na lang siya tumigil nang gahibla na lang ang layo namin sa isa’t-isa. Ramdam ko na ang mainit niyang hininga sa mukha ko. Parang may kung anong hipnotismo na humihigop sa akin. Hindi ko maalis-alis ang mga mata sa guwapo niyang mukha na ngayo’y binabalot ng matinding kalungkutan. Kitang-kita sa kanyang mga mata na may pinagdadaanan siya.

“Bakit mo ko pinapahirapan nang ganito?” anas niya sa akin.

Pinapahirapan? Ano na naman ba ang ginawa ko sa kanya?

Bago ko pa mahulaan ang gagawin niya’y naramdaman ko na ang malambot niyang labi sa mga labi ko. Awtomatiko akong napapikit. Ang isang bahagi ng utak ko ay nagpoprotesta at sumisigaw na tumakbo na ako dahil sa panganib, pero ang malaking bahagi naman nito ay gustong magpaubaya. May nalasahan akong mapakla na mapait sa labi niya. At may naamoy pa akong alak sa hininga niya. Nakainom ang damuho! Kaya pala. Bago ko siya naitulak palayo ay umangat na ang mukha niya. Sinapo ng kanyang mga kamay ang pisngi ko. Titig na titig siya sa akin. Gustuhin ko mang itulak siya, hindi ko magawa. Parang may kung anong puwersa na lumalapit sa akin sa katawan niya.

“Ang tamis, ah.” At napadila-dila siya sa mga labi niya. Nasarapan siya sa mga labi ko! Kinilig naman ako nang sobra. “Gabi na. Ano ba iyang pinaglalantakan mo?” Back to his old self na naman ang damuho. Sira ang spell. Blueberry cheesecake lang pala ang nalasahan niya.

Sa yamot, tinalikuran ko siya at iniwan. Lalo akong hindi nakatulog. Aminado akong labis na naapektuhan sa halik na iyon. Kakaiba iyon sa dati. Parang naramdaman ko ang init at bugso ng damdamin niya. Nag-iilusyon na naman ba ako? Baka dahil lasing lang siya kung kaya iba ang halik niya ngayon. Ba’t naman kaya siya naglasing? At ba’t ko raw siya pinapahirapan? Binaliktad niya pa kami. Siya nga itong nagpapahirap sa buhay ko, eh. Nakakainis siya. Baka kaya nag-away sila ni Yukiko?

Nag-ring ang phone ko. Excited akong tiningnan kung sino ang natawag. Kadalasan kasi pagkatapos ng mga ganoong eksena sa amin ni Ryu ay pinuputakte niya ako ng messages. Baka this time, hindi na nakatiis at tumawag na. Pero nadismaya ako nang makita kung sino ang caller. Si Yukiko. Ba’t naman kaya ito natawag at disoras na ng gabi? Hinayaan ko lang na mag-ring ang phone ko. Natigil din ito kalaunan. Akala ko nag-give up na siya pero tumawag uli. Hay naku. Wala akong nagawa kundi sagutin na lang. Pinilit kong maging kalmado at mabait sa phone kahit na yamot na yamot na ako. Istorbo siya sa pag-e-emote ko.

“Nandyan na ba si Ryu?” deretsahang tanong nito agad. Wala nang ‘hello’ man lang o kung ano mang bati.

So magkasama nga sila! Hindi ako nagpahalata ng pagkaasar.

“O-oo. Kararating lang.”

Napabuntong-hininga ito. “Salamat naman kung gano’n. Pinipigilan ko sana iyan, eh. Sabi ko dito na sa mansion ko mag-sleep over. Nakainom kasi. Medyo lasing pa. Kaya natakot ako na mag-motor pa siya pauwi. Pero hindi nagpapigil, eh. Pasensya na sa pang-iistorbo ko, ha?”

“O-okay lang. Don’t worry. N-nandito na siya. N-nakarating naman in one piece,” sagot ko naman kahit na nag-a-alburuto na ang kalooban.

So magkasama nga sila at sa mansion pa ni Yukiko uminom! Nai-imagine ko ang mga pinaggagawa nila habang nag-iinuman at nagalit ako.

Siguro may hindi sila pagkakaunawaan kung kaya umuwi ang damuhong parang problemado. Nag-away marahil. Napasabunot ako sa buhok sa matinding inis. Naiirita na naman ako kay Yukiko.

Natigil ako sa pagmumuni-muni nang marinig kong may nagbukas ng pintuan ng kuwarto ko. Dumungaw ang ulo ni Ryu. Nakangiti ito. Ngiting lasing. Sinimangutan ko siya.

“Hindi ba sinabi ko sa iyo noon pa, always lock the door?”

“Nakalimutan ko lang. Kararating ko lang naman. Isasara ko na iyan.” At lumapit ako saka hinawakan na ang door knob. Akmang itutulak ko na pasara ang pinto nang pigilan niya ito ng katawan niya. Sumandal siya sa gilid. Medyo namumungay na ang mga mata nang tumitig sa akin.

“Lagi mo akong hindi pinapatulog, Mara. Nakakainis ka, alam mo ba?” mahina nitong sabi sa akin. Tiningnan niya ako mula ulo hanggang paa. Napatingin tuloy ako sa bihis ko. Naka-t-shirt pa ako at nakashorts ng pinutol na maong pants. Hindi naman mahalay kaya feeling safe ako. Buti na lang hindi pa ako nagpalit ng camisole at short shorts na pantulog.

No’n lang nag-register ang sinabi nito sa akin. Hindi ko raw siya pinapatulog? Pinamulahan ako sa maaring implikasyon no’n.

“Ang gulo ko bang kausap? Kung sa bagay, ang layo ko nga kay Keisuke, di ba? Si Keisuke kasi, bukod sa pagiging athletic at guwapo, matalino pa.” At napangiti ito nang mapakla.

Ano ba’ng pinagsasabi nito?

“Kaya hindi ako naniniwala kay Yukiko. Sigurado na ako...”

Hindi naniniwala kay Yukiko? Sigurado? Saan?

“Hindi kita maintindihan. Lasing ka nga.”

Tumingin na naman siya sa akin. Namumungay na masyado ang mga mata niya. Nginitian uli niya ako nang mapakla saka napadausdos sa pinto. Nakapikit ang kanyang mga mata na tila tulog na tulog.

“Hoy, teka! Huwag kang matulog diyan!”

Nilapitan ko siya. Tinapik-tapik ang kanyang pisngi. Nakapikit lang siya. Naku, patay! Paano na ito? Ano nang gagawin ko? Ginising ko siya. Parang lalong tumapang ang amoy ng alak sa hininga niya. Uminom pa kaya ito kanina sa ibaba? Hay, nakakainis naman. Tinapik-tapik ko uli ang mukha niya. Nang dumilat ito, sinamantala ko na. Tinulungan ko siyang makatayo. Saan ko siya dadalhin?

Sinubukan kong ilagay ang isang kamay niya sa balikat ko at hinawakan ang baywang niya. Sobrang bigat niya! As in, grabe! Kailangan ko talagang gamitin ang lahat kong energy.

Paika-ika kaming pumunta sa kuwarto niya na katabi lang naman ng akin. Feeling ko it took us forever para marating namin iyon. Binitawan ko na siya nang malapit na kami sa kama niya. Half lang ng katawan niya ang bumagsak sa kama. Ako na ang naglagay ng mga binti niya sa higaan. Tinanggal ko ang kanyang sapatos at inayos pa ang posisyon niya. Nang naiayos ko na siya, saka lang ako nagpalinga-linga sa paligid. First time kong makapasok sa kuwarto niya. Maayos naman pala ang silid ng mokong. Naamoy ko pa ang parang amoy ng aftershave lotion at men’s cologne sa paligid. Ang bango. Nakita ko sa may bedside table niya ang larawan ng isang masayang pamilya. Dinampot ko iyon. Tinitigan ko ang maliit na batang lalaki na nakangiti sa camera. Kamukha niya iyon. Siya siguro ito no’ng mga pitong taong gulang siya. Ang ganda ng mama niya. Kaya pala ang guwapo rin ni Ryu. Mana pala sa ina. Okay lang naman ang hitsura ng papa niya. Hindi guwapo pero hindi rin naman panget. Mukhang lalaking-lalaki ang hitsura. Ma-appeal ito siguro sa mga kababaihan noon.

Binalik ko na sa pagkakaayos ang larawan nang may napansin akong isa pang picture frame. Mas maliit iyon kaysa sa family picture. At nabigla ako nang mapagsino ang babae na nakakuwadro! ID picture ko ito, ah!

“Mara....Mara...,” narinig kong ungol ni Ryu.

Muntik ko nang mabitawan ang hawak-hawak kong picture frame. Nilingon ko siya. Nakapikit pa rin.

Teka, ako ba talaga ang tinawag niya o baka imagination ko lang?

“Mara—-huwag mo kong iwan,” narinig ko na namang ungol niya.

Maingat kong binalik sa puwesto ang picture frame at nilapitan ko siya. Strange. May kung anong warmth akong naramdaman habang tinititigan siya. Masuyo kong hinaplos ang kanyang pisngi. Bigla nitong hinawakan ang aking kamay. Akala ko nagising ko na siya. Himbing na himbing pa rin pala. Ikinulong niya sa kanyang mga palad ang kamay ko at tumagilid ng higa, hawak-hawak pa rin ito.

Parang naawa ako sa hitsura niya. Kaya naisipan kong kumuha ng basang bimpo para punasan siya. Dinahan-dahan ko lang ang pagpunas sa kanya dahil baka magising. Hindi ko naiwasang pamulahan nang punasan ko na ang kanyang dibdib. Lalaking-lalaki talaga. Ang tigas ng dibdib! Iba pala talaga ang katawan ng isang atleta. Tinanggal ko ang t-shirt niya dahil medyo basa na ito sa pawis. Nagtalo pa ang isipan ko kung tatanggalin din ang pantalon niya. Naisipan kong hayaan na lang ito. Delikado. Baka hindi ako makapagpigil. Napangiti ako sa naisip na kapilyahan.

Habang tinititigan si Ryu na parang anghel na natutulog, naisipan kong luwagan ang belt niya. Siguro dapat tanggalin ko na rin para mas maginhawa. Iniwas ko na lang ang tingin sa parteng iyon dahil nagba-blush pa rin ako. Ang dumi-dumi ng isip ko. Malapit ko nang matanggal ang belt niya nang gumalaw siya kaya nasagi ko ang hindi dapat masagi. Lalong nag-init ang mukha ko. Akala ko na naman nagising ko na siya.

Nadiskubre ko, mas maganda pala ang katawan niya kaysa kay Keisuke. Tama nga ang kutob ko. Para matigil na ang malalaswang imahe sa isipan ko kinumutan ko na siya at bumalik na sa kuwarto ko.