image
image
image

CHAPTER TWENTY– PARKING LOT

image

Anim na linggo akong hindi nakapasok sa eskwelahan dahil sa aksidente. Pinayagan naman ako ni Kochō-sensei dahil may sapat namang dahilan kung bakit. At dahil paika-ika pa rin ang lakad ko kahit wala nang crutches, hindi pa rin ako nakakapagbisikleta. No’ng una, minungkahi ko kay Mama na mag-bus na lang ako papuntang school pero hindi pumayag si Ryu. Mahirap daw dahil malayo ang bus stop sa eskwelahan. Tiyak daw na mahihirapan ako masyado kung kaya humingi siya ng permiso sa prinsipal na pumasok kaming nakakotse. Pumayag naman ito.

Kahit ilang linggo nang kami na ni Ryu, naaasiwa pa rin ako minsan kapag kaming dalawa lang sa sasakyan niya. Hindi pa rin naaalis ang kaba ko at pagiging conscious sa presence niya. Ewan ko ba. Sadyang malakas lang siguro ang dating niya sa akin.

Tulad ngayon. Habang katabi ko siya nandoon na naman ang hindi ko maipapaliwanag na excitement. Kahit alam kong mutual na ang feelings namin, hindi pa rin humuhupa ang kilig sa tuwing kasama ko siya.

Nang maging pula ang traffic light, naramdaman kong pasimple niyang ginagap ang isa kong kamay. Napatingin tuloy ako sa kanya. Kunwari naman siyang nakatitig sa highway habang nakapatong ang isang braso sa manibela. Napangiti ako. Kunwari pa ang kumag.

“Anong nginingiti-ngiti mo riyan?” narinig kong tanong niya.

“May naalala lang ako,” pagsisinungaling ko.

“Care to share it with me?”

“Wala. Hindi naman importante,” tanggi ko.

“Sinungaling,” pakli niya. Tumingin siya sa akin saglit. “Hindi ka naman ngingiti ng ganyan kung walang magandang dahilan.”

“Mukhang alam mo naman pala, eh. Bakit ka pa nagtatanong?”

“Wala lang. Tinetest lang kita.”

Mayamaya pa, naging berde na ang traffic light at pinaandar na niya ang kotse. Pero nakahawak pa rin ang isa niyang kamay sa kamay ko.

“Ryoute de untenshite. Abunai yo (Gamitin mo’ng dalawang kamay sa pagmamaneho. Delikado),” utos ko sa kanya. Na sinunod naman niya nang walang reklamo. Hindi na ito nangatwiran pa.

Nakaramdam ako ng pride na kayang-kaya ko nang utusan ang mokong. Minsan, ang hirap paniwalaan na gusto rin niya ako.

Napahilig ako sa balikat niya. Sumulyap siya sa akin at hinagkan niya ang buhok ko. Naipatong ko tuloy ang isang kamay sa ibabaw ng kanyang hita. Pero napaupo ako nang matuwid nang bigla na lang akong pagsabihan.

“Alisin mo nga iyan diyan,” utos niya sa mahinang boses.

Nag-init ang mukha ko sa pagkapahiya.

Abunai kara (Delikado kasi),” sabi niya sa mahinang boses.

Nang ma-realize ko ang ibig niyang sabihin, lalo akong pinamulahan ng pisngi at nahampas ko siya sa balikat nang pabiro. Ang bastos nito!

Natawa na ito nang mahina. Kinilig na naman ako.

Iilang kotse pa lang ang nakaparada sa parking lot nang dumating kami. Kilala namin lahat liban sa isa. Nakita kong napakunot-noo si Ryu habang nakatingin sa kotse. Tingin ko, kilala niya ang may-ari n’yon.

Mayamaya nga nakita naming bumukas ang pintuan ng nasabing sasakyan. Umibis ang sakay nito. Isang mamang nag-e-edad singkuwenta pataas. Tumingin ito sa amin ni Ryu.

Ryu-kun, hisashiburi ne. (Ryu, long time no see.) Genki?

Konnichiwa, Ojisama. (Hello po, Tito).”

Wala akong nababasang emosyon sa mukha ng nobyo ko habang kausap ang mama. Sino kaya ito?

Bumati rin ako at yumuko pa nang bahagya sa harap ng estranghero.

“You must be Mara Santacruz,” sabi nito sa akin sa English.

Tumango ako. “Yes. I’m Mara,” sagot ko rin sa English.

Nginitian niya ako at binalingan ang kasamang nasa loob pa ng kotse. Kinatok niya ang bintana sa passenger’s side at may inutusang lumabas. Mayamaya pa, umibis ng sasakyan ang nakabusangot na si Keisuke. Awtomatikong napahawak sa kamay ko si Ryu. Nakaramdam naman ako ng warmth. Na-feel ko na parang gustong ipaalam ni Ryu sa kaharap namin na kapag kinanti na naman niya ako siya na ang kaaway nito.

“Mag-apologize ka,” utos ng mama kay Keisuke.

Hindi tuminag si Keisuke. Tumingin lang nang masama kay Ryu at sa akin. Tumaas ang boses ng mama. Inulit nito ang sinabi. Nakita naming napilitang yumuko si Keisuke at magsabi ng mapaklang, “Gomennasai.”

“Iyan ba ang tamang paghingi ng paumanhin?” dumagundong ang boses ng matandang lalaki. Hindi ito nakuntento sa ginawang pagyuko ni Keisuke kung kaya binatukan niya ito. Lalong bumusangot ang mukha ng hudas pero inulit na nang tama ang paghingi ng paumanhin.

“Pasensya ka na, Santacruz-san. Sadyang magaspang lang talaga ang ugali ng anak ko. Ewan ko ba. Tinuruan naman namin iyan ng magandang asal,” nakangiting sabi ng lalaki. Sa akin na nakatingin.

Yumuko lang ako nang bahagya bilang pagtanggap sa sinabi niya.

“Huwag ka nang mag-alala, Santacruz-san. Mula sa araw na ito, sinisiguro ko sa iyo na hindi ka na gagambalain pa ng anak ko. At ako rin ay humihingi sa iyo ng paumanhin.” Yumuko din ito sa harap ko.

Nabigla ako roon. Hindi ko sukat akalain na gagawin niya iyon para sa akin. Na-touch naman ako.

“Maraming salamat po,” nahihiya kong sabi.

Ngiti lang din ang sagot ng mama. Nang matapos na ang paghingi nila ng paumanhin, nagpaalam na rin kami ni Ryu na papasok na ng eskwelahan. Kumaway pa ang ama ni Keisuke sa amin.

“Ang bait pala ng tatay ni Keisuke,” nasabi ko kay Ryu habang naglalakad kami papunta sa classroom namin.

“Minsan,” sagot nito.

Napatingin ako sa kanya. “Ano’ng ibig mong sabihin?”

“Wala. Halika na.” At inalalayan niya ako sa pagpanhik sa second floor. Hinatid niya muna ako sa classroom namin bago ito lumabas. May praktis daw sila sa baseball field ngayong umaga kaya hindi muna siya papasok sa morning class namin.

“Sabay tayong mag-lunch, ha?” sabi nito bago tuluyang umalis.

Pinagkaguluhan ako ng mga kaklase ko nang wala na si Ryu. Okay na raw ba ako? Hindi na ba masakit ang ulo ko? Nakakalakad na raw ba ako nang maayos?

Tumango lang ako sa kanila sabay ngiti.

Sa lahat, tanging sina Rihoko at Yoko lang ang hindi lumapit sa akin. Alam kong naiinis pa rin sila lalo pa’t hindi pa rin makakapasok si Minami dahil sa suspension.

“Nakita ko kanina ang tatay ni Keisuke sa parking lot,” bulong ni Haruka sa akin. “Naabutan n’yo ba?”

“Oo. Actually, kami yata ang sinadya sa pagpunta rito,” sagot ko sa mahinang boses. “Pinag-apologize ng tatay niya si Keisuke sa amin.”

“Ah, gano’n pala. Mabuti naman. Okay lang ba si Ryu nang makita siya?” naku-curious na tanong ni Haruka.

Napatingin ako rito. Ano’ng ibig nitong sabihin? “Okay naman. Bakit mo naman nasabi iyan? May hindi ba ako alam?”

Napahawak si Haruka sa bibig. Mukhang nadulas.

“Si Ryu na lang ang tanungin mo n’yan. Mas maipapaliwanag niya iyan sa iyo,” sagot nito. Pinilit ko pa sana siya pero ayaw talagang sabihin sa akin. Naintriga tuloy ako. I made a mental note to ask Ryu about it later.

Saktong pag-bell ng last period sa umaga, nakatanggap ako ng text mula kay Ryu. Nasa canteen na raw siya at hinihintay ako. Tinulungan ako ni Haruka na maglakad papunta sa cafeteria. Nang makita kami ni Ryu, tumayo ito at sinalubong kami. Siya na ang umalalay sa akin papunta sa mesa namin. Hindi na kami sinabayan pa ni Haruka. Pinilit ko sanang saluhan kami ni Ryu, pero tinanggihan niya ang imbitasyon namin.

“Haru-chan,” tawag ni Masahiro sa kanya.

“Sige, Mara. Mamaya na lang, ha?” At nagmadali itong sumalubong kay Masahiro. Nagulat ako at napangiti.

Sa ilang linggo kong hindi pagpasok nakakita pala ng ka-ibigan ang BFF ko. Kaya pala parang excited kanina nang pinagkukuwentuhan namin si Masahiro. Iyon pala, mukhang sila na.

“Hindi ka ba hinarass ng mga kaibigan ni Minami kanina?” tanong ni Ryu agad sa akin nang nagsisimula na kaming kumain.

“Hindi naman. Although hindi rin nila ako kinausap.”

“Mabuti naman pala. Mas okay na iyong hindi ka kinakausap. Basta hindi ka lang inaano. I-text mo ko agad kapag may ginawa sila sa iyo. Hindi pa rin ako makakapasok ngayong hapon, eh. Hindi pa kami tapos.”

Tumango ako. No’n ko naalala ang pinag-usapan namin ni Haruka kanina. Iyong tungkol sa tatay ni Keisuke.

“Siyanga pala, ba’t sinabi mo kanina na minsan lang mabait ang tatay ni Keisuke? Ano’ng ibig mong sabihin?”

“Huh?” Parang nabigla ito sa tanong ko. “Wala iyon.”

“Kasi kanina nagtanong sa akin si Haruka kung okay lang daw ba sa iyo iyong pagkikita n’yo ng tatay ni Keisuke kaya naisip ko na baka connected iyon sa komento mo kanina,” hirit ko pa.

Tumigil sa pagnguya si Ryu at naningkit pa ang kanyang mga mata.

“Napakatsismosa talaga ng kaibigan mo,” naiinis nitong sagot.

“Nagtatanong lang naman ang tao. Masama ba iyon?”

“Wala iyon. Kalimutan mo nang sinabi ko iyon. Gaya nga ng sinabi ko kanina pa, it doesn’t mean anything. Kumain ka na lang, o.”

Pambihira! Ayaw talagang sabihin sa akin. Ano ba talaga iyon? Lalo lamang akong naiintriga nito.

“Akala ko sabi mo hindi na tayo maglilihiman pa? Ano’ng silbi na naging girlfriend mo ako kung hindi mo rin pala ako mapagkakatiwalaan sa mga sensitibong bahagi ng nakaraan mo?”

Tumingin siya sa akin at napabuntonghininga.

“Masyado kang madrama. Ganyan ba kayo sa Pilipinas?”

Napasimangot na ako. At binaba ko na sa tray ang chopsticks ko. Nainis na ako sa kanya. Simpleng tanong, hindi kayang sagutin nang tama.

“Tapos ka na?” tanong niya habang nakatingin sa halos hindi nagalaw na pagkain sa harap ko.

“Nawalan na ako ng gana.”

Napabuntong-hininga si Ryu at inakbayan ako. Pinisil-pisil pa niya ang balikat ko. Nang inalis ko ang kamay niyang nakaakbay sa akin, hinawakan niya ako sa baywang at hinapit palapit sa kanya.

“Nagtatampo ka na naman, eh. Pambihira ka talaga. Sige, sasabihin ko sa iyo. Pero huwag muna ngayon. Saka na lang. Ang daming tao sa paligid, eh.” At minuwestra niya ang mga kaklase’t kaeskwela namin na halos nakapaligid sa aming dalawa.

“Promise iyan, ha?” paniniguro ko.

Tumango siya at hinagkan ako sa noo.

Dinampot ko ulit ang chopsticks at nag-umpisa nang kumain.