![]() | ![]() |
Kahit alam kong magkaibigan lang sina Yukiko at Ryu, hindi pa rin maalis sa isipan ko ang mag-alala sa tuwing magkasama sila. Iba kasi ang rapport nilang dalawa. Nakakainggit. Hindi ko pa rin talaga maiwasang magselos. Tulad ngayon. Dahil dumating na naman ang babaeng iyon mula sa Amerika, mag-aalas dose na’y wala pa rin ang mokong. Ni hindi rin siya nakaalalang mag-text. Palagay ko nawili na naman iyon sa babae.
Paika-ika akong lumabas ng kuwarto ko. Binuksan ko ang sliding door na nagkokonekta sa balkonahe. Kailangan ko ng preskong hangin. Nababaliw na ako sa kakaisip kung nasaan na ang damuhong iyon at kung anu-ano na ang pinaggagawa. Pinag-pray ko na lang na sana sa labas sila nag-good time at hindi sa mansion ni Yukiko. Natatakot kasi ako, eh. Baka sa kalasingan, makalimot sila pareho.
May narinig akong tunog ng kotse sa hindi kalayuan. Parang may dumating. Naisip kong baka si Ryu na iyon. Kaso ang alam ko naka-big bike siya kanina at iniwan niya ang sasakyan sa garahe.
Kailangan ko nang bumalik sa kuwarto ko. Ayaw kong maabutan niya ako sa balkonahe. Baka isipin niya na inaabangan ko talaga ang pagdating niya. At mag-conclude na patay na patay ako sa kanya kung kaya ako nag-aalala nang sobra. Ang sabi nila hindi rin maganda na isipin ng lalaki ang ganoon sa girlfriend niya dahil baka mamihasa.
Kahahawak ko pa lang sa sliding door nang marinig kong may tumatakbo paakyat. Nandiyan na nga siya. Kapag pumasok na ako ngayon, maaabutan niya ako sa may puno ng hagdan. Dito na lang muna kaya ako? Isinara ko ang pinto at pumuwesto sa pinakasulok ng balkonahe.
Napapikit ako nang maramdamang may nagbukas ng sliding door.
“Hoy. Ano’ng ginagawa mo rito?” narinig kong tanong ng pamilyar na boses. Bwisit! Nakita pa rin ako ng damuho.
Nagkunwari akong nabigla. “Oy, ikaw pala.”
Lumabas na rin siya at lumapit sa akin.
“Inaabangan mo ba ako?” tanong nito. Parang tinatantiya ako.
“Hindi no!” tanggi ko agad. “Nagpapahangin lang ako. Mainit kasi sa loob,”pagsisinungaling ko.
“Ba’t hindi mo buksan ang aircon?” sagot naman niya.
“Mas gusto ko ang fresh air,” pangangatwiran ko naman.
“Pasado alas dose na, ah. Nasa labas ka pa rin. Hindi maganda sa iyo ang nagpupuyat. Dapat nagpapahinga ka na,” sabi uli nito.
Nagpanting ang tainga ko. Hinarap ko siya. At naamoy ko ang amoy-alak niyang hininga. Lalo akong nainis.
“Alam mo naman palang pasado alas dose na, eh! Bakit ngayon ka lang?” naiinis kong tanong. “Amoy alak ka pa!”
“Inaabangan mo nga ako,” sabi nito sa tonong siguradung-sigurado.
Natigilan ako. Na-realize kong ipinagkanulo ako ng aking reaksyon. Nakakainis! Gusto kong kutusan ang sarili. Pero huli na para bawiin ito.
Tinitigan niya ako. “Kaya ka ba nagpuyat dahil inabangan mo pa talaga ang pagdating ko?” tanong uli nito nang hindi ako nakasagot.
“Amoy alak ka. Uminom ka na naman,” sabi ko na lang. Pero mahina na ang boses ko. Shit! I sounded like a nagging wife! Sana hindi na lang ako sumagot. Sana hinayaan ko na lang siyang magsalita nang magsalita.
“Ngayon naman naninita ka dahil nakainom ako nang kaunti. Hindi pa nga tayo mag-asawa nina-nag mo na ako,” sagot naman niya..
Namula ako lalo pa’t hindi ngumingiti o ano pa man si Ryu. Pero pinangatawanan ko na ang mga sinabi. Pinatatag ko ang kalooban. Bahala na siyang magalit. Kailangang may umawat sa mga pinaggagawa niya. Hindi naman puwede na kada bakasyon dito ng kaibigan niyang si Yukiko ay magpapakalunod siya sa kalasingan.
“Masama na bang mag-alala? Kung hindi ako magwo-worry sa mga pinaggagawa mo, anong klaseng girlfriend naman ako? Hinahayaan ko ang boyfriend ko na inuumaga ng uwi? Paano kung may mangyari sa iyo sa labas?” litanya ko pa sa kanya.
“Eh wala nga namang nangyari. Tsaka nakipag-bonding lang naman ako sa mga kaibigan ko. Masama na ba iyon?” pangangatwiran naman niya.
“Mga kaibigan,” panggagagad ko sa kanya. “Si Yukiko lang naman ang kasama mo, eh,” dugtong ko sa mahinang boses. Halata ang inis.
“Ayun! Lumabas din. Nagseselos ka na naman ano?”
“Ba’t naman ako magseselos? Hindi ako nagseselos! Naiinis lang ako na nagpupuyat ka at umiinom pa kahit alam mong may klase bukas. Kung nadisgrasya ka sa daan? Alam mo bang bawal mag-drive kapag nakainom?”
“Alam ko iyon. Kaya nga iniwan ko na ang big bike ko sa mansion niya. Hindi naman ako tanga para mag-drive o mag-motor kahit alam kong nakainom ako. Hinatid niya ako pauwi. O, satisified ka na, girlfriend?”
Nainis ako nang malaman kong doon nga sila sa mansion nag-inuman. Iyon ang kanina ko pa pinagsisintir. At ang mas lalong nakapagpainis sa akin ay iyong parang wala siyang pakialam sa damdamin ko. Bakit hindi niya ako maintindihan? Sa halip na aluin niya ako dahil masama ang loob ko sa kanya, lalo pa niya akong ginagalit. Magsama na nga sila ng Yukiko na iyon! Bwisit siya!
Walang sabi-sabing tumalikod na ako. Lagi naman akong talo sa lalaking ito. Kahit kailan, hindi marunong magpahalaga ng damdamin ko. Parang tsamba lang pala iyong pinakita niya sa aking kabaitan sa hospital.
“Hoy, saan ka pupunta?” tanong niya at tinangka niya akong hawakan sa braso, pero kaagad akong napapiksi. At tinabig ko pa ang kamay niya.
“Nagseselos ka lang kay Yukiko. Sabi ko naman sa iyo kanina pwede ka namang sumama. Ikaw naman ang nagpaiwan dito.”
“Hindi ako nagseselos!”
Pinulupot niya ang mga braso sa baywang ko at niyakap niya ako mula sa likuran. Hinagkan niya pa ako sa batok habang tumatawa.
“Nagseselos ka! Kilala kita.”
“Bitawan mo ako!”
Inalis ko ang mga braso niyang nakapulupot sa akin, pero hindi niya ako binitawan. Sa halip hinigpitan niya pa ang yakap.
“Ilang ulit ko bang sasabihin sa iyo na kaibigan ko lang si Yukiko? May Hayato na iyon kaya wala ka nang dapat ipag-alala pa,” bulong pa niya habang hinahagkan-hagkan niya ako sa batok at sa buhok.
Hindi ako nagsalita. Tinangka ko pang baklasin ang pagkakayakap niya sa akin, pero binaon niya lang ang mukha sa batok ko.
“Ikaw lang ang mahal ko. Totoo iyan. Kaya nga pinagtyatyagaan ko ang mga kabaliwan mo, di ba? Hindi pa ba sapat na pruweba iyan?”
Lumambot ang puso ko. At aminin ko man o hindi, napangiti niya ako sa huli niyang sinabi. Kaya hinayaan ko na siyang yumakap sa akin. Napaliyad ako nang hinagkan niya ako sa leeg. Nang bitawan niya ako, parang ako pa ang nagprotesta.
“Okay ka na?” nakangiti niyang tanong sa akin nang magkaharap na kami. Hinahaplos-haplos pa niya ang pisngi ko.
“Nakakainis ka kasi minsan. Imbes na aluin mo ako agad, iniinis mo muna ako at pinaggagalaiti sa galit bago mo ko lambingin. Napakasadista mo,” may himig pagmamaktol kong sagot.
“Hindi ko naman kasi alam na ganito ka ka-insecure. O siya, pasok na tayo baka kung ano pa’ng maisip kong gawin dito sa iyo sa balkonahe.”
“Ewan ko sa iyo. Amoy-tsiko ka.” At nauna na akong pumasok.
Kinaumagahan, naulit ang eksena sa parking lot. May magandang ginang na sumalubong sa amin ni Ryu at mukhang kilala rin niya ito.
“Ohayō gozaimasu, Obasama. (Magandang umaga po, Tita.)”
Sino na naman ito?
Binalingan ako ng babae pagkatapos niyang batiin si Ryu. Nagbigay-galang din ako sa kanya. Ngumiti siya sa akin.
“Ikaw ba si Santacruz-san?” tanong nito sa malumanay na boses.
Kahit magsalita, napakaelegante niya.
Tumango ako. “Hai. Sou desu. (Opo. Ako nga po.)”
“Narito kami para humingi ng paumanhin sa iyo.”
Kami? Sinong kami?
Napatingin ako sa unahan namin. Bumukas ang kotseng ngayon ko lang din nakita sa parking lot ng eskwelahan. Bumaba ang nakasimangot na si Minami. Tinawag siya ng babae na lumapit sa amin. Kaagad namang tumalima ito. Si Ryu lang ang binati niya at inisnab niya ako.
Nanay niya pala ang kausap namin at minamanduan siyang humingi ng paumanhin sa mga nagawa niyang kasalanan sa akin. Yumuko siya at humingi ng pasensya. Ganunpaman, hindi pa rin siya tumitingin sa akin.
“Minami-chan! Chanto shinasai yo! (Gawin mo nga nang tama iyan, Minami!)” Galit na ang ginang. Tumaas na ang boses nito.
Inulit nga ng bruha ang pag-apologize sa akin. This time, nakatingin na siya. Inirapan muna niya ako bago yumuko para humingi ng paumanhin. Alam kong napipilitan lang siya dahil sa nanay niya.
Nang matapos si Minami, nanay naman niya ang humingi sa akin ng dispensa. Parang ang weird ng feeling na mayroon gano’n ka eleganteng babae na yumuyuko sa harapan ko.
“Makakaasa ka na hinding-hindi ka na gagambalain pa ng anak ko, Santacruz-san. Pinapangako ko iyan sa iyo,” nakangiting sabi niya sa akin.
Nabunutan ako ng tinik. At least may assurance na akong hindi na maging problema pa sina Keisuke at Minami in the future.
Nang marinig namin ang bell, nagpaalam na kami sa kanila. Bumalik sa kotse si Minami dahil hindi pa ito pupwedeng pumasok. Suspended pa kasi siya. Kami naman ni Ryu ay nagmadali nang pumunta sa klase namin.
“Ano’ng ginagawa mo?” tanong sa akin ni Ryu dahil halos tumakbo na ako papunta sa building namin.
“Male-late na tayo, kampante ka pa rin diyan,” asik ko sa kanya. Prenteng-prente pa rin kasi siya. Normal pa ring naglalakad.
“Okay lang iyan, kaysa naman mabinat ka riyan. Ilang minuto lang naman tayong male-late.”
“Eh kung pagalitan tayo ni Tanaka-sensei? Nakakotse na nga tayo, late pa. Kung hindi ka kasi sana nagpuyat kagabi nakagising ka nang maaga ngayon. Ang hirap mo pang gisingin kanina,” naiinis kong sagot.
“Ako pa ang sinisi mo. Kung hindi naman tayo inistorbo ng mga plastik na iyon disin sana’y kanina pa tayo nakarating ng classroom. Mag-a-apologize pa eh hindi naman buo sa loob,” sabi naman ni Ryu.
Napansin din pala niya ang kaplastikan ni Minami.
“In fairness, sincere naman ang mom ni Minami.”
“Tingin mo lang iyon,” parang wala sa loob na sagot naman ni Ryu.
Ano na naman ang ibig sabihin ng kumag na ito? Which reminds me, hindi pa niya nasasabi sa akin ang dahilan kung bakit mabigat ang loob niya sa ama ni Keisuke.
“Hindi ka pa tumutupad sa pangako,” paalala ko sa kanya.
“Pangako? Anong pangako naman iyan?” tanong niya.
“Iyong sasabihin mo sa akin tungkol sa ama ni Keisuke?"
“Hanggang ngayon ba, pinag-aaksayahan mo pa rin ng panahon iyan? Hindi nga gano’n ka importante iyon,” sagot naman niya.
Tiningnan ko siya nang masama. Nang makita niya ang hitsura ko, inakay niya ako sa isang sulok kung saan walang masyadong dumadaan.
“Siya ang sinisisi ko sa pagkamatay ng mama ko,” walang kagatol-gatol na sabi niya nang masiguro niyang walang makakarinig sa amin.
Nabigla ako sa pinagtapat niya.
“Huh? Bakit naman?”
Tumingin siya sa relos.
“We’re ten minutes late. Let’s go.” At hinila na niya ako papunta sa building namin. Hindi na ako nagkaroon ng pagkakataong usisain pa siya tungkol sa nakakabigla niyang sinabi.